Episode 26 The Explanation

2176 Words
Tumalim ang tingin niya sa lalaking papalabas ng restaurant. Nag-iisa ito na hinihimas pa ang tiyan. Nagkubli siya mula sa kabilang bahagi ng sasakyan. Eksaktong pagbukas nito ng pinto ng kotse ay dinaluhong niya ito mula sa likuran at tinakpan ng panyo na may chloroform ang ilong at bibig nito. "HMMMPPP!" Nagpumiglas ang lalaki subalit mahigpit ang pagkakatakip niya subalit nagpupumiglas pa rin ito kaya pinisil na niya ang ugat sa batok nito na siyang mabilis na nagpawala ng kamalayan. Maagap niya itong sinalo at pinasok sa kotse nito. Tinawagan niya ang tauhan. "Greg, hawak ko na ang target." "Nasaan kayo sir?" "Nasa Nina's Restaurant kaya bilisan mo!" "Opo!" Inutusan niya itong kuhanin sa kinaroroonan nito at dalhin sa Underground. Magkikita pa sila ni Ellah kaya kailangan niyang magmadali. Mabuti na lang malapit siya sa pupuntahan nila kaysa rito na manggaling pa ng opisina. Makalipas ang sampung minuto dumating ang kanyang tauhan. Inilipat nila ang biktima sa kotse nito. "Greg bantayan niyong mabuti 'yan may pupuntahan lang ako." "Opo sir." Pagkaalis ng tauhan ay saka siya pumasok sa kotse ng biktima at tinungo ang pupuntahan nila ng dalaga. --- Halos paliparin ni Ellah ang sasakyan. Nang makarating, agad niyang inihinto ang kotse at mabilis na tumakbo papunta sa dagat. Pero wala siyang inabutang tao. Halos tumalon siya sa sobrang tuwa. Mas masaya pa siya ngayon kaysa noong nauna din siya sa pakikipagkita sa kliyenteng muntik ng hindi sumipot. Napansin niyang pumupunta lang siya rito kapag may mabigat siyang suliranin. Pinagmasdan niya ang paligid, mga along tahimik na pumapagaspas, ang araw na unti-unti ng papalubog. Tiningnan niya ang relo. Tatlong minuto na ang nakalipas pero wala pa rin ang binata. Ngayon wala siyang karapatang pilitin ito dahi wala siyang pinanghahawakan. Una sila ang nagpaalis dito ng walang paalam. Pangalawa sila ang kumuha dito pero biglang ipinagtabuyan. Pangatlo, nandito siya ngayon para magpaliwanag. Magpaliwanag lang! Kaya wala siyang karapatang magreklamo. Maghihintay siya at aasang darating ito. Panay ang buntong-hininga ng dalaga habang nakayuko. Dalawang minuto uli ang nakalipas. Limang minuto na siyang naghihintay. Naiinis na lumingon siya sa pinanggalingan. Para lang mapangiti sa nakita. Naroon ang isang bulto ng lalaking nakatayo habang nakaharap sa kanyang dereksyon. Tumayo siya at nagsimulang maglakad papunta rito. Naglakad din ito palapit. Huminto sila sa gitna nang magtagpo sila at nagkaharap. "You are five minutes late. " "No. You are thirty seconds late. " Napalunok siya. "Kung gano'n nauna ka pa?" "Obviously. " Hindi siya nakaimik. Namulsa ang binata habang nakatingin sa dereksyon ng dagat. Siya naman ay matamang nakatingin dito. Hindi niya kayang ipaliwanag ang sayang nararamdaman sa muling pagkakita rito. Parang gusto na lang niya itong yakapin at hindi na papakawalan pa. "Nandito ka ba para tuluyang magpapaalam? O para balikan ako?" malamig nitong tanong. Tumingin siya sa dagat. Bigla itong nagbago sa loob lang ng ilang araw. Malamig na ang pakikitungo. Umiling siya. "Nandito ako para magpaliwanag. " Napatingin ito sa kanya. "I'm sorry kung biglaan ka na lang naming ipinagtabuyan. I'm sorry kung ginawa ko sa'yo ang ganoong bagay. Nagipit ako dahil sa isang desisyon. I'm sorry kung ngayon lang ako nagkalakas loob na harapin ka. I'm sorry kung ngayon ko lang ito sinabi. Sorry sa lahat..." nabasag ang tinig niya. Namagitan ang sandaling katahimikan. Pinilit niyang muling ibalik sa normal ang kanyang boses. "I'm sorry kasi natakot ako, nahiya. I'm sorry kasi hindi ko alam kung ano ang gagawin. " "Akala ko tinalikuran mo na rin ako gaya ni don Jaime, " tugon ng binata habang nakatingin sa ibang dereksyon. "Hindi ko 'yon gagawin Gian! Hindi kita tatalikuran ng gano'n -gano'n lang. " "Sa totoo lang naguguluhan ako sa mga ikinikilos ni don Jaime. Bigla na lang niya akong pinalitan ng wala man lang pasabi. Nagtataka ako kung bakit niyo ito nagawa sa akin, ano ba ang kasalanan ko?" Hinarap na siya nito kaya napalunok siya. "Wala kang kasalanan, nalaman lang ni lolo ang nararamdaman mo para sa akin kaya inilalayo niya ako sa'yo. Galit na galit siya dahil ipinagtanggol kita." Tiningnan siya ng binata. "Bakit mo 'yon ginawa?" "K-kasi ayokong basta ka na lang iwanan. Sinabi ko noon na ayoko ng biglaan ang pag-alis mo pero ginawa ko ang biglaang pagpapaalis sa'yo." "Ano ang ibig sabihin ng pagpunta mo rito? Magpapaliwanag ka lang ba?" "O-oo, " parang may bikig sa kanyang lalamunan. Namagitan ang katahimikan. Bahagyang tumingala ang binata. "Kung gano'n, makakaalis ka na. " "Ha?" "Tapos ka ng magpaliwanag hindi ba?" "Gian. " Hindi ito kumibo. "Galit ka ba?" "Sino ba ang matutuwa sa ginawa mo?" "I'm sorry. " "Nakakabingi na ang salitang 'yan, " malamig na naman nitong tugon. Napalunok ang dalaga. "You can go. " Hindi siya tuminag. Kaya ito ang tumalikod at umalis. Naipikit niya ang mga mata. Masakit sa kanya ang magpapaalam pero mas masakit kung hindi maganda ang paghihiwalay nila. "Mr. Villareal. " Hindi ito lumingon. "Ano ba?l!" sigaw na niya. Huminto ang binata pero hindi lumingon. "Ganito na lang ba tayo maghihiwalay? Hindi ba pwedeng maayos tayong magpapaalam sa isat-isa?" "Paalam? Fine! Good bye Ms. Ellah!" sarkastikong tugon ng binata at muli itong naglakad. "Nakakapikon ka na!" sa tindi ng inis ay binato niya ito ng suot na sandal at tumama sa likod nito. Hinubad niya ang isa pa, nakahanda siyang ibato ang isa pa kapag hindi pa siya nito papansinin. Tumigil si Gian at kitang-kita niya ang pagliyab ng mga tingin nito. Napaatras siya, umabante si Gian. Napapalunok siya at kinakabahan ng husto. Ano man ang mangyari, nakahanda siyang tumakbo ng nakapaa! "Bakit mo 'yon ginawa?" malamig na namang tanong nito. "H-hindi ka kasi matinong kausap. " "Ano bang gusto mong sabihin ko? Magpapasalamat pa ba ako sa mga paliwanag mo? O 'di kaya gusto mong matuwa ako habang nagpapaalam ka? Gano' n ba ang gusto mo!" tumaas ang boses nito kaya napaatras siya. "H-hindi naman sa gano'n. " "Ano pa bang gusto mong marinig? Sasabihin ko bang mag-iingat ka? Alagaan ang sarili mo? Kumain ka ng tama sa oras? O gusto mong sabihin kong paalam at ito na ang huli nating pagkikita?" Huling pagkikita? Maiisip pa lang niyang ito na ang huli parang gusto na niyang sumuko. Nanakit ang kanyang lalamunan at  hindi na kayang pigilan ang mga luha sa kanyang mga mata. Huminto siya sa pag-atras kaya nag-abot sila ng binata. Yumuko siya. Nakayuko siya samantalang si Gian ay nakatingala. Tuluyan ng nalaglag ang kanyang mga luha. Tinakpan niya ang bibig para hindi nito marinig. Yumuyugyog na ang mga balikat niya sa tindi ng pagpigil ng iyak. Ang tindi ng sakit na nararamdaman ay hindi na niya kayang kimkimin. Nabigla siya nang kabigin siya nito at niyakap. Humagulgol ang dalaga. Isinubsob niya ang mukha sa dibdib nito. Ibinuhos niya ang lahat ng nararamdamang hinanakit dito. Hinagod-hagod ni Gian ang kanyang buhok at likuran. Napakasakit isipin na kailangan niyang iwan ang taong tumutulong sa kanya, pinoprotektahan siya at higit sa lahat ang nagmamahal sa kanya. Pero kailangan niyang gawin alang-alang sa mga tauhang umaasa sa kanya, ang kanyang lolo at higit sa lahat ang kumpanya. Nang dahil sa naisip ay tumigil siya sa pag-iyak. Bahagyang kumalas ang binata at pinagmasdan siya. Wala na ang talim sa tingin nito dahil ang nakikita niya ay malamlam nitong mga mata na puno ng pagmamahal. "Stop crying, " masuyo nitong pinahid ng mga daliri ang mga luhang naglandas sa kanyang mga pisngi at pagkatapos ay muli siyang niyakap. Mahigpit na yakap! Napapikit ang dalaga, hindi niya tinugon ang yakap nito at hinayaan lang niya. Babaunin niya sa kanyang paglisan ang huling yakap nito. Ang sabi ni Jen marami ang umaasa sa kanya kaya kailangan niyang magpakatatag. Hindi niya maaaring ipagpalit ang mga taong 'yon para sa pansariling kapakanan. Kaya ang taong nagbibigay ng lakas sa kanya ay iiwanan na niya. Pero kung hindi pa siya kakalas ngayon baka hindi na nga niya magawa pa. Masakit pero kailangan. Nag-ipon siya ng lakas para itulak ito at nagawa niya, kumalas sa pagkakayakap. Tinatagan niya ang sarili nang hinarap niya ang binata. "Goodbye Gian, " mapait niyang wika at tinalikuran ito. --- Natigagal si Gian. Binigyan na siya nito ng kunting pag-asa pero bigo pa rin pala siya? Hanggang ngayon pala wala pa rin siyang pag-asa? Hindi! Nararamdaman niyang may pag-asa siya. Paaaminin niya ito ngayon! Tumalim ang titig niya sa papaalis na dalaga. 'Kahit anong mangyari kailangang umamin ka ngayon!' Mabilis niya itong hinabol at hinawakan ng mahigpit sa isang braso. "Hindi pa tayo tapos. " Hinila niya ito pabalik. "Aray! Ano ba nasasaktan ako!" nagpupumiglas ang dalaga. "Nandito ka para balikan ako hindi ba? Bakit ka aalis ng gano' n lang? Kaninang ako ang aalis pinigilan mo tapos ngayon ikaw pala ang aalis? Naglolokohan ba tayo dito?" Galit na binitiwan niya ang braso ng dalaga. "Nakapag-paalam na tayo sa isat-isa. Please huwag mo namang palitan ng pangit na ala-ala ang paghihiwalay natin. " "Ala-ala? Sa palagay mo ba papayag akong maging ala-ala na lang ang lahat sa atin? Noon oo! Noong nagpaalam ako, pero kinuha niyo ako uli, pinabalik mo ako! Tapos ano? Para ipagtabuyan ng walang sapat na dahilan? Ginagago mo lang ba ako ha Ellah!" pikon na pikon na niyang tanong. Hindi kumibo ang dalaga. "Sabihin mo ang totoo bakit ka ba nakipagkita sa akin?" "P-para magpaalam. " "No!" sigaw niya. Umiling ang dalaga. "Please Gian, huwag mo naman akong pahirapan. " "Bakit ako ba hindi? Sa tingin mo ba madali sa akin na magpaalam ka? Sa tingin mo ba hindi ako nasasaktan!" Napayuko ang dalaga. "Pinapipili ako ni lolo sa inyong dalawa Gian, at hirap na hirap ako para gawin 'yon!" Bahagyang lumayo ang binata. "Pinapipili ka? Kung gano' n sino ang pipiliin mo? " Hindi kumibo si Ellah. Kumabog ang dibdib ng binata. Aaminin niyang ilang beses na siyang nabigo rito, pero ngayon yata ang pinakamasakit na gagawing pagtanggi nito sa kanya. Alam niyang ngayon ang pinakamasakit dahil pinaasa siya ng kaunti at umasa siya sa kaunting 'yon! Kumapit siya sa kakarampot na pag-asa! "A-ako ang pipiliin mo hindi ba?" Napaiyak ang dalaga habang nakayuko. Tila dinurog ang kanyang puso sa nakikita. Sa mga ikinikilos nito mukhang alam na niya ang sagot pero umaasa pa rin siyang nagkakamali lang siya. "Sumagot ka, ako hindi ba? Nangako tayo eh, hindi natin bibitawan ang isat-isa kaya umaasa akong ako ang pipiliin mo. " Tinakpan nito ang bibig at unti-unting lumuhod. "A-ano ang ibig sabihin niyan?" napapaatras na lumayo si Gian. "Patawarin mo ako Gian. " "Hindi!" naiiling na tinitigan niya si Ellah. "Gian, I'm sorry, I'm really sorry!" "Mahal mo ako hindi ba?" Hindi ito sumagot. "Hindi mo ako ginagamit at pinaaasa hindi ba!" "Hindi kita ginagamit at hindi kita pinaaasa, maniwala ka!" "Kung gano'n, nandito ka para balikan ako! Binalikan mo ako dahil parehas tayo ng nararamdaman!" Muli ay hindi umimik ang dalaga. "Ano ba! Sumagot ka! Mahal mo ako hindi ba Ellah? Kasi ikaw, mahal na mahal kita!" Lalo itong napaiyak kaya mas lalo siyang nasasaktan. Maiisip pa lang niyang ito na ang huli nilang pagkikita ay para na siyang pinapatay. "Huwag kang umiyak diyan, sagutin mo ang tanong ko at huwag mong subukang magsinungaling sa akin!" "I'm, I'm sorry. " "Hindi ko kailangan ang sorry mo!" Umiling si Ellah at tumayo. "Hindi na mahalaga kung ano ang nararamdaman ko! Ang mahalaga ligtas ka kapag iniwan mo ako!" "Putang ina naman Ellah! Inaalala mo ang kaligtasan ko samantalang ikaw naman ang papatay sa akin!" halos magwala na siya sa galit. Marahas nitong pinahid ang mga luha at tinitigan siya. "Wala akong anumang nararamdaman sa'yo!" "Sinungaling!" mahigpit niyang hinawakan ang dalaga sa magkabilang balikat. "Alam ko at nararamdaman ko, mahal mo ako pero hindi mo magawang aminin! Kahit minsan lang sa buhay mo umamin ka naman!" Nanatiling matigas ang dalaga. "Hindi mo ako naiintindihan!" "Talagang hindi kita maiintindihan! Ano ba ang gusto mo luluhod ako sa harapan mo? O sige hindi ako magdadalawang isip na gawin 'yon!" Lumuhod siya sa harapan ng dalaga. Naiiyak na ibinaling nito sa ibang dereksyon ang paningin! "Huwag mong gawin 'yan!" Pero matigas ang binata at yumuko pa. "Nakikiusap ako Ellah, kahit ngayon lang aminin mo ang nararamdaman mo, ang pagmamahal na 'yon ang tangi kong pinanghahawakan, huwag mo naman sanang ipagkait sa akin." Umiiyak na lumuhod ang dalaga at pinakatitigan siya. "Gian, tumayo ka diyan, nahihirapan akong nakikita ka ng ganyan, pakiusap tumayo ka. " Nag-abot ang kanilang mga mata at nabanaag niya ang sakit sa mga iyon. "Hindi, hanggat hindi kita nakikitang umaalis at iniiwan ako hindi ko 'yon gagawin. " Napaiyak ang dalaga at tumayo, kitang-kita niya ang mga luhang naglandas sa mga pisngi nito. Yumuko siya. Dahan-dahang tumalikod si Ellah. Naglakad ito ng paunti-unti, hanggang sa tuluyan na itong nakalayo. Ang bawat hakbang nito ay parang mga punyal na tumatarak sa kanyang dibdib. Ipinikit ng binata ang mga mata. Nanatili siyang nakaluhod at umaasang babalik ang dalaga. 'Please Ellah bumalik ka!' Hanggang sa narinig niya ang tunog ng sasakyan nito, tanda ng pag-alis. Inangat niya ang tingin at kitang-kita niya ang paglisan ng dalaga. Kasabay ng paglisan nito sa buhay niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD