Tahimik na nagtrabaho si Ellah at iginalang 'yon ng kanyang sekretarya.
Pinilit niyang balewalain ang sakit na dulot ng pag-iiwasan nila ng gwardya.
Isinubsob niya ang sarili sa trabaho para kahit papaano ay magiging abala siya at panandaliang makalimutan ang mga iniisip hanggang sa dumating ang oras ng tanghalian.
Tiningnan niya ang cellphone, nagbabakasakali siyang may text si Gian.
Sa mga oras na ito, marami na itong mensahe at paalala sa kanya, pero ngayon wala kahit isa.
Napabuntong-hininga siya at hindi maiwasang makaramdam ng hinanakit.
Ngayon parang gusto niyang magsisi.
Pero hindi.
Ito ang gusto niya kaya paninindigan niya.
Hindi niya alam ang habol nito sa kanya, mahirap lang ito at posibleng kayamanan lang ang habol nito at nahihiya siyang ma sangkot sa isang gwardya lang.
'Ako si Ellah Lopez, apo ni don Jaime Lopez."
Apo siya ng pinakamakapangyarihang tao sa kanilang lugar at ang madungisan ng kahit anong maliit na eskandalo ang kanilang pangalan ay isang malaking kahihiyan.
"Ms. Ellah, lunch time na po," untag ni Jen.
"Sige mauna ka na. "
"Mag pa deliver po ba kayo?"
"Hindi 'wag na."
Nang tuluyang makaalis ang sekretarya ay
nahiga siya sa kanyang swivel chair.
Nararamdaman na niya ang gutom pero tiniis niya.
Bago mag-ala-una nang may kumatok sa kanyang private office.
Agad siyang napabangon, nagbabakasakali siyang si Gian.
"Good afternoon po Ms. Ellah, may papirmahan po sana ako, nagbakasakali lang po akong nandito pa kayo. "
Bagamat nadismaya sa pumasok na empleyadong taga Finance Department ay pinilit niyang ngumiti.
"Sige lang, pasok ka."
Agad niyang pinirmahan ang papeles at muling ibinigay dito.
"Salamat po, lunch po tayo."
"Sige lang"
Umalis na ang lalaki.
Uminom siya ng tubig at muling nahiga.
Masakit na ang ulo niya pero tiniis niya ang gutom, hanggang sa nakatulog siya.
Ala-una ng dumating ang kanyang sekretarya.
Pero nanatili siyang nakapikit.
Parang nawalan siya ng gana sa lahat.
Ang gusto lang niya ay matulog na lang.
Pero pinilit niya ang magtrabaho, muli siyang uminom ng tubig.
"Good afternoon po Ms. nag lunch na po kayo?"
"Oo Jen," sagot niya.
"Ms. may papipirmahan po ako," ibinigay 'yon sa kanya.
"Babasahin ko lang."
"Okay po. " Lumabas na ang sekretarya.
Nakaramdam siya ng inggit sa sekretarya dahil parang wala itong pinoproblema samantalang mahirap lang naman ito, siya itong mayaman pero parang hindi siya nauubusan ng pinapasan.
Ipinilig niya ang ulo at binasa ang dokumento bago pinirmahan.
Sa mga gaya niyang may malaking responsibilidad ay walang lugar ang pagiging emosyonal.
Tuloy siya, sa trabaho kahit masakit na ang ulo at gutom pa.
Ibinagsak niya, ang hawak na ballpen sa mesa.
'Hindi ako 'to eh!'
Kahit kailan hindi siya nagpapalipas ng gutom, makaligtaan man niya pero kumakain talaga siya.
Hindi gaya ngayon malapit ng mag alas-tres wala pa siyang kain!
Para siyang nanlalata na hindi niya maintindihan.
Hindi na siya maka pag concentrate sa trabaho, talagang masakit na masakit na ang ulo niya.
Ganoon pa man itinulog niya ang sakit ng ulo ngunit hindi man lang nabawasan at mas lalong sumakit.
Alas kwatro at hindi na niya kaya nakakaramdam na siya ng pagkakahilo.
Tumayo siya at binitbit ang bag.
"Jen, mauuna na ako. "
"Sige po Ms."
Nasa elevator siya ng sinapo niya ang kanyang noo.
Para kasi siyang nahihilo kaya ipinikit niya ang mga mata.
Nakarating siya ng basement at dumeretso sa kotse.
Agad binuksan ng binata ang pintuan at pumasok siya ng walang imik.
Nagmaneho ito palabas ng tahimik.
Nasa highway na sila nang biglang sumakit ang tiyan niya.
"Ah..." sapo niya ang kanyang tiyan.
"Ano pong nangyari sa inyo Ms. Ellah?"
"M-masakit ang tiyan ko. "
"Bakit? Ano po ang kinain niyo?"
"W-wala akong... kinain... ah, "
namilipit siya sa sakit.
"Damn! Bakit mo 'yon ginawa? Nagtatrabaho ka ng walang kain? "
Inihinto ng binata ang kotse sa gilid ng daan.
"W-wala akong gana. "
Napabuntong-hininga ang binata.
"Parehas pala tayo. "
Napalingon siya rito.
"Hindi ka rin kumain?"
"Wala akong gana, " tugon nito na hindi nakatingin sa kanya.
Naipikit niya ang mga mata habang isinandal ang ulo sa upuan.
Akmang lalapit si Gian sa kanya pero iniharang ng dalaga ang mga kamay.
"No! Diyan ka lang. "
Tinitigan siya ng binata.
"Maghanap ka ng makakainan sa malapit. "
Sinunod nito ang utos niya, kaya ilang sandali lang nakakita na sila ng malaking karenderya.
Binuksan ang pinto, lumabas siya, umiwas ito nang muntik na silang magdikit.
Hindi na niya iindahin ang sakit na dinulot ng simpleng pag-iwas.
Pumasok siya sa loob, umorder siya ng pagkain at umupo sa mesa.
Inaasahan niyang uupo ito sa kanyang harapan ngunit nagkamali siya.
Sa kabilang mesa umupo ang binata pagkatapos nitong mag-order.
Dumating ang waiter na may dalang pagkain.
Nag-umpisa siyang kumain ng walang imik at nag-iisa.
Alam niyang nag-iisa rin si Gian.
Bigla silang naging estranghero sa isa't-isa.
Kahit gusto niya itong lingunin pinigilan niya ang sarili.
Pinilit niyang ubusin ang kinakain pero hindi niya magawa.
Uminom siya ng tubig at dumeretso na sa kotse saka mabilisang uminom ng gamot.
Maya-maya ay nakasunod si Gian.
Tahimik naman nitong pinaandar 'yon, paalis na sila nang biglang may tumawid sa harapan.
Gulat na gulat siya nangyari.
Bigla ang preno ni Gian.
Muntik ng mabangga ang lalaki, galit itong lumapit sa kinaroroonan nila.
"HOY! " Hinampas nito ang hood ng kotse. "Bumaba ka diyan!"
Bumaba ang binata.
"Muntik ka ng makabangga ah? Bulag ka ba!"
Hindi umimik si Gian.
Kinabahan si Ellah.
"Humingi ka ng tawad at bayaran mo ako!"
Nakatingin lang si Gian dito habang tikom ang bibig.
Lumapit pa ang lalaki at dinuro ang binata.
"Aba'y tarantado ka pa...aggghh"
Hindi nito natapos ang sasabihin nang bigla itong sinuntok ng binata sa panga.
Natumba ang lalaki kaya agad niluhuran ng isang tuhod ni Gian ang sikmura ng lalaki at hindi na tinigilan ng kasusuntok ang mukha nito, ni hindi ito nakaganti.
Punong-puno ito ng galit habang ginugulpi ang lalaki!
Mabilis siyang bumaba.
"Gian tama na! Baka mapatay mo siya!" Malakas niyang hinila ang isang braso nito kaya napatayo.
Matalim siyang tinitigan ni Gian at iwinaksi ang braso nito kaya nabitiwan niya.
Lumuhod ang binata at akmang susuntukin na naman ang lalaki.
" T-tama na " wika ng lalaking duguan ang mukha.
Napigilan nito ang sarili at ang sinuntok ay ang semento sa gilid ng mukha nito.
Napakurap siya, dumugo ang kamao nito.
Tumayo si Gian at initsahan ng mga perang papel sa katawan ang lalaki.
"Bayad!"
Pumasok ito sa loob ng kotse at hindi na siya nagawang pagbuksan ng pinto.
Siya na ang nagbukas at pumasok.
Hindi pa siya nakakaupo ng maayos ay bigla na nitong pinasibad ang sasakyan.
Tiim ang bagang ng binata habang matalim na nakatitig sa daan at napakahigpit ng pagkakahawak sa manibela.
Naipikit niya ang mga mata.
Nakaramdam siya ng takot. Baka bigla na naman nitong paliparin ang kotse.
Inihanda niya ang sarili para sa bagay na 'yon.
Pero hindi 'yon nangyari.
"Ihinto mo ang kotse. "
Sinunod siya nito ng walang imik.
Dumeretso siya sa botika, at nang makabili ng gamot ay muli siyang bumalik.
"Dumudugo ang kamay mo, " tinangka niyang hawakan pero mabilis na iniwas ni Gian ang kamay.
Ikinuyom ng binata ang kamay na 'yon.
Hinawakan niya ang kamay nito ng mahigpit kaya kahit hinila pa nito ay hindi na niya binitiwan.
Saglit lang hindi na nito hinihila kaya nagsimula siyang gamutin ang mga sugat sa kamay nito.
Pinilit niyang ibuka ang kuyom nitong kamao at nagtagumpay siya.
Ginagamot niya ang kamay nito habang ang isang kamay ay nagmamaneho at nakatitig ito sa daan.
Ni hindi siya sinulyapan at tikom ang bibig ng binata.
Natapos siya sa paggagamot pero hinipan niya 'yon para hindi ito makaramdam ng hapdi.
"Huwag mong gawin 'yan baka mapagkamalan ko lang, " anang binata habang nakatingin sa daan.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Umiiwas ka hindi ba? Kaya 'wag kang kumilos diyan na parang walang sinasaktan." Malamig nitong wika at hindi pa rin siya tinitingnan.
Lumayo siya at tumingin sa labas ng bintana.
Naninikip ang kanyang dibdib.
Nasasaktan pala ito sa ginagawa niya?
Naaapektuhan sa kanilang pag-iiwasan.
Ipinikit niya ang mga mata.
Muli na naman silang naipit sa traffic.
Matagal silang walang imikan, nasa labas siya ng bintana nakatingin gano'n din ito.
Nakakabingi ang katahimikang namamagitan sa kanila.
Pero hindi siya nagtangkang magsalita.
Gano'n din ang binata.
Palitan lang sila ng buntong-hininga ni hindi sila nagsusulyapan.
Kung nasasaktan ito gano'n din siya!
Pero kung magtitiis ito gano'n din siya.
Nakauwi sila ng walang imikan.
Binuksan nito ang pinto at lumabas siya, mabilis itong umiwas upang hindi sila magdikit.
Hindi siya lumingon at tuloy-tuloy na pumasok sa loob.
Siya ang may gusto nito kaya nararapat lang na panindigan niya!
Hindi ito ang nararapat para sa kanya.
Magdudulot lang ito ng kahihiyan.
Isang ordinaryo lang na lalaki si Gian at hindi ito ang pinangarap ni don Jaime para sa kanya.
'Masaktan na kung masaktan wala akong pakialam!'
---
Pikit-mata ang desisyon ng binata.
Pero naisip niyang ito na ang pinakamagandang gawin habang kaya pa niya.
"Don Jaime... "
"O Gian, andiyan ka pa pala?"
Sinadya niyang dumaan sa hardin para makausap ang don matapos ihatid ang amo.
Huminga siya ng malalim.
"May sasabihin sana ako sa inyo sir. "
"Ano 'yon? Dito tayo sa garden. "
Sumunod siya utos.
"Ano ba 'yon at mukhang importante? "
Umupo sila nang magkaharap.
"Tungkol ho ito sa apo ninyo."
"Bakit anong nangyari? Sinaktan ka ba niya?"
Marami ng idinulot na sakit ang dalaga subalit ito ang pinakatumatak sa kanyang pagkatao.
Ipinamukha nito kung ano ang kanyang estado at kung saan ang lebel nito, kung gaano ito katayog at kung gaano kahirap abutin.
At kasalanan niya ang lahat dahil nangarap siya ng hindi naman nararapat.
Mapait siyang bumuntong-hininga ngunit mas mapait ang sasabihin niya.
"Mag re-resign na ho ako sir."
"Ano? Biglaan naman yata?"
"Pasensiya na ho sir. "
"Pero bakit?" Kumunot ang noo ng matanda.
Bumuntong-hininga siya.
"Kailangan na ho don Jaime. Hindi na ho kami nagkakaintindihan ng inyong apo, naisip ko hong umalis na lang. "
"Baka naman pwede pang pag-usapan, papupuntahin ko dito si Ellah. "
"Huwag na ho don Jaime. Napag-usapan na ho namin ang tungkol dito at pumayag na ho siya."
Tinitigan siya ng don, kaya napayuko siya.
Napilitan siyang magsinungaling dahil kapag nagkaharap sila ng dalaga malalaman ng matanda ang nararamdaman niya at hindi ito ang tamang panahon.
May tamang panahon nga ba?
"Ganon ba? Desidido ka na ba talaga?"
"Pasensiya na ho at hindi ko natapos ang kontrata sir, pero ako na ho ang maghahanap ng ipapalit sa akin. ""
"Okay lang, kahit ako na lang, kaya lang paano ang pabor na hinihiling ko?"
"Tungkol ho doon, ibibigay ko pa rin sa inyo."
"Kung 'yan ang desisyon mo, hindi kita pipigilan, pero ako na lang ang maghahanap ng ipapalit sa'yo para hindi ka na maabala."
"Pasensiya na ho."
"Bweno, dito ka muna at may kukunin lang ako sandali."
"Sige ho"
Inalalayan ito ng kanang kamay papasok sa loob.
Tumayo siya at tinanaw ang kabuuan ng mansyon.
Ilang buwan din siyang pabalik-balik dito.
Napakaganda ng naturang mansyon subalit ngayon, parang nawalan ito ng sigla, malungkot at tahimik.
Kagaya niya.
Ilang sandali pa, bumalik ang matanda.
"Ito na ang kabuuan ng sahod mo, pero kung gusto mo pang bumalik magsabi ka lang ha?"
"Maraming salamat ho," lumapit siya dito at tinanggap ang sobre.
"Pwede ba kitang mahawakan Gian?"
"Opo sir," lumapit siya sa harapan nito at iniluhod ang isang tuhod at yumuko.
Tinapik-tapik ng don ang kanyang balikat.
"Mag-iingat ka."
"Maraming salamat ho sa lahat don Jaime."
"Maraming salamat din sa lahat Gian."
Tumayo siya at yumuko bago nagpaalam.
Naglalakad siya palabas ng mansyon, nasasalubong niya ang mga katulong.
"Sir Gian, mag-iingat ho kayo. "
"Sir Gian, maraming salamat ho sa lahat. "
Tumango-tango lang ang binata habang tipid na ngumingiti.
Ito ang huling hakbang niya sa mansyon.
Nasa labas na siya nang sulyapan ang kwarto ng dalaga.
'Paalam, Ms. Ellah.'
---
Kanina pa pabiling-biling sa higaan si Ellah pero hindi makatulog. Tiningnan niya ang cellphone niya sa ibabaw ng mesa.
"Tawagan ko kaya?" wika ng dalaga sa sarili.
"Pero baka natutulog na" aniya at inilagay uli ang cellphone sa mesa.
Muli niyang kinuha ang cellphone, hinanap ang pangalan nito sa kontak.
"Nasaan na ba 'yong Bodyguard dito" panay ang hanap niya at nang makita ay natigilan ang dalaga.
Tinitigan niya ang larawan nitong nasa contact niya.
Wala sa sariling hinaplos niya ang mukha nito.
Kinuhanan niya 'yon noong nakasandig sa kotse habang naka sunglasses ng itim.
Tiningnan niya ang orasan.
"Alas dos? Still hindi pa rin ako natutulog?"
Muli siyang nahiga. Ipinikit niya ang mga mata.
Naalala niyang lasing siya noon at nasa loob sila ng kwarto niya.
"Alam mo bang nakakabaliw ka?"
Muli siyang bumangon.
Siya yata ang mababaliw nito!
Parang kailangan niya ng sleeping pills para makatulog lang.
Pero kung iinom siya baka tanghali na tulog pa siya!
Muli niyang kinuha ang cellphone at kinausap ang larawan nito.
"Patulugin mo naman ako Gian oh, promise bukas kakausapin na kita, okay?"
Napabuntong-hininga ang dalaga. Nahiga siya at tinitigan ang mukha ng binata.
Hanggang sa ipinikit niya ang mga mata.
'Grabe! Hindi na ako makatulog ngayon dahil lang sa lalaki?'
Hindi siya makapaniwala sa nangyayari sa kanya!
Ikaw pa ba 'yan Ellah?
Sa loob ng dalawamput walo niyang pananatili sa mundo ngayon lang siya nagkaganito!
---
Kinabukasan maaga pa lang nasa labas na siya ng hallway at naghihintay sa kanyang driver-bodyguard.
Napag-isip-isip niyang makikipag-usap pa rin dito kahit na nag-iiwasan sila.
Hindi na nga sila nagdidikit hindi pa ba mag-uusap?
Napaka immature naman ng gano'n.
Lumabas si don Jaime.
"Hija, medyo mali-late ang bodyguard mo ngayon kaya pasensiya ka na. "
"Okay lang ho lolo, bakit daw ho?"
"Ha? Iba na kasi ang bodyguard mo. Teka nga hindi ba nag-usap na kayo ni Gian na mag re-resign na siya? Nag resign siya kagabi. "
Napatanga ang dalaga. Na blangko ang utak niya.
Nag resign kagabi?