Pagkahain ni Delsin ng kanilang pagkain ay kumain na silang dalawa. Ilang minuto lang ang lumipas ay tumawag si Cynthia kay Tonyo, agad naman niya itong sinagot.
“Oh, Cynthia. Napatawag ka yata, bakit?” tanong pa ni Tonyo sa kanyang kaibigan.
“Ah, kasama mo na ba ngayon si Delsin?” tanong ni Cynthia, kinagulat naman iyon ni Tonyo dahil nagtaka siya kung bakit alam ni Cynthia na umalis ito.
“Oo, kasama ko na siya ngayon. Kakauwi niya lang. Bakit?” tanong ulit ni Tonyo.
Doon pa lang ay kabado na si Delsin dahil alam niya na ang mangyayari pagkatapos ng usapan noong dalawa, pero kinalma pa rin naman niya ang sarili dahil ayaw niyang ipakita kay Tonyo na guilty siya sa kanyang ginawa.
“Natanong mo na ba kung saan siya galing?” tanong ulit ni Cynthia, medyo nakukulitan na nga si Tonyo dahil hindi pa siya deretsahin ni Cynthia kung ano ba talaga ang gusto niyang sabihin.
“Hindi pa. Bakit ba? Anong problema mo?” tanong ni Tonyo, halata mong irita na siya.
“Galing kasi ako sa prisinto kung saan nakakulong si Ysmael, nakita ko ‘yong pinsan niya at sinabi niya sa akin na galing si Delsin doon. Gulat na gulat nga ako na nakakulong din ‘yong pinsan niya eh,” sabi ni Cynthia.
“Ah, ganoon ba? Sige, ako na ang bahala sa kanya. Kakausapin ko, maraming salamat,” seryosong sagot ni Tonyo pagkatapos ay binaba na ‘yong tawag.
Seryoso niyang tiningnan si Delsin, doon pa lang ay alam nan g binata na siya ay nagkamali at siguradong malalagot siya kay Tonyo. Nakatungo lang siya dahil hiyang-hiya siya sa kaibigan.
“Delsin, saan k aba talaga galing? Sabihin mo na lang sa akin ang totoo,” sabi ni Tonyo.
“A-Ah, sa labas nga. Naglakad-lakad lang naman ako, iyon ang sinabi ko sa iyo kanina, hindi ba?” pagsisinungaling pa rin ni Delsin sa kanyang kaibigan.
Sumimangot na si Tonyo dahil doon. Hindi niya alam kung bakit nagsisinungaling si Delsin sa kanya eh mag-kaibigan naman ang turingan nila, e.
“Delsin, bakit ka ba nagsisinungaling sa akin? Anong problema mo? Sasabihin mo lang naman na-“ natigil si Tonyo sa pagsasalita dahil sumagot agad si Delsin sa kanya.
“O-Oo na, pinuntahan ko si Ysmael sa kulungan kanina. Gusto ko lang naman siyang makita kung talaga bang pinagsisisihan na niya ang mga ginawa niya sa iyo. Iyon lang naman, inis na inis nga siya na dumalaw ako,” pag-amin ni Delsin kay Tonyo.
“Bakit mo ginawa iyon? Eh di ba, malinaw namang sinabi sa iyo ni Cynthia na hayaan mo na lang na siya ang mag-asikaso sa gagong iyon dahil ayaw ka naming madamay pa sa gulo?” sagot ni Tonyo.
“Hmm, tiningnan ko lang naman siya eh. Hayaan niyo, pagkatapos noon ay hindi na ako pupunta sa kanya. Pangako!” sabi ni Delsin pagkatapos ay tinaas ‘yong isa niyang kamay tanda ng pangako niya sa kaibigan.
“Oh, eh balita ko kay Cynthia eh nandoon daw sa kulungan na iyon ang pinsan mo? Totoo ba iyon?” may pag-aalala sa boses ni Tonyo noong tinanong niya si Delsin tungkol doon.
“Ah, oo. Ang alam ko, kinuhanan ng pera ng pinsan ko ‘yong kasama niya sa bahay. Si Oryang, asawa ng may ari noong bahay na tinirhan ko noon,” kwento ni Delsin.
“Ah, oo. Alala ko na, pero di ba sabi mo noon, pinagnakawan ka noong dalawang iyon noong una? Eh bakit ngayon, sila na ang magka-away sa pera?” sabi naman ni Tonyo.
“Ewan ko rin, siguro dahil parehas sila ng ugali? Oo, kailangan natin lahat ng pera pero iba kasi ang tingin nila sa pera na nakuha nila noon eh. Alam mo iyon? Ginawa nilang diyos na ang pera. Iyon ang naging problema nila kaya nagkagulo sila,” sagot naman ni Delsin.
Medyo nalungkot si Tonyo dahil noon ay naririnig niya lang ang mga kwento na may nagpapaalipin sa pera pero ngayon, napatunayan niya sa kanyang sarili na totoo nga ang lahat ng iyon.
“Haynaku naman, kapag naman talaga tungkol sap era ay tiyak na away kapag hindi nagkasundo. Eh maiba ako, dadalawin mo ba sila roon? Kapamilya mo pa rin naman sila kahit paano, di ba?” tanong ni Tonyo sa kanyang kaibigan.
“Iyon nga ang pinag-iisipan ko ngayon. Wala pa rin kasi sa utak ko na makita sila. Kapag naaalala ko lang iyon eh naaalala ko rin ang kagaguhan na ginawa nila laban sa akin,” sabi ni Delsin.
“Kung ako naman ang tatanungin, pwede mo pa rin naman silang dalawin. Kahit ano naman kasi ang gawin mo ay pinsan mo pa rin iyon. Baliktadin mo man ang mundo, pamilya pa rin iyon,” suhestyon ni Tonyo.
“Ah, hayaan mo muna iyon. Saka ko na lang iisipin. Ang importante sa akin sa ngayon ay ang gumaling ka. Ang nasa isip ko ngayon ay ikaw lang ang pamilya ko kaya dapat talaga ay magpalakas ka, ha?” sabi ni Delsin.
Pero sa isip-isip ni Delsin, alam naman niya na kailangan pa rin niyang tingnan-tingnan si Boyong dahil kung hindi ay lagot siya kay Ate Nessa niya na abala sa pag-aalaga sa Nanay Ising niya. Kung hindi niya ito tutulungan ay delikado ang buhay nito sa probinsya.
Kinaumagahan ay pumunta si Delsin sa bahay ni Cynthia. Ni hindi na nga siya nakapag-paalam pa kay Tonyo dahil nagmamadali siya. Gusto kasi niya itong makausap tungkol sa pagkakakulong ni Boyong. Ang nasa isip niya, baka matulungan siya nito na makalabas ang pinsan niya. Kahit ‘yong pinsan niya lang, huwag na si Oryang dahil iyon naman ang may kasalanan ng lahat, e.
Gulat na gulat si Mikay nang buksan niya ang pinto. Nakita niya si Delsin na nakatayo sa labas, hinihintay na pagbuksan siya ng pinto.
“Maaga pa, baka nananaginip lang ako, di ba? Panaginip lang ito, babalik ulit ako sa-“ natigilan si Mikay sa pagsasalita dahil sumagot agad si Delsin sa kanya.
“Haynaku, Mikay. Hindi ka nananaginip. Totoo ito, nandito ako sa harapan mo ngayon. Gising na bas i Ma’am Cynthia?” sabi ni Delsin.
Gulat na gulat si Mikay at sinubukan niyang hawakan si Delsin para tingnan kung totoo nga ito. Noong nahawakan niya na ay para siyang nabuhusan ng malamig na tubig.
“Ay, totoo ka nga! Bakit ka nandito? Anong kailangan mo? Ang aga pa ah, anong meron?” pag-uusisa ni Mikay.
“Wala, may kailangan lang akong sabihin sa kanya. Gising na ba siya?
“Ah, magta-trabaho ka na ulit dito sa amin? Buti naman para may kasama na ako. Miss na miss ka na rin ni Sir Albert eh,” sabi pa ni Mikay.
“Gustuhin ko man na mag-trabaho ulit dito ay hindi pa sa ngayon iyon. Hayaan mo,, babawi na lang ako sa inyo ni Sir Albert sa susunod, ah?” ngumiti si Delsin kahit konti.
Bigla namang nalungkot si Mikay dahil sa sinabi ni Delsin pero hinayaan niya na lang iyon. Ganoon talaga eh.
“Sige na nga, teka lang at pupunta ako kay Ma’am Cynthia sa taas. Alam ko, gising na iyon eh. Nag-kape na kasi iyon kanina,” sabi ni Mikay at pinapasok niya si Delsin sa loob ng bahay.
Tahimik namang umupo si Delsin sa sofa at hinintay na lang na bumaba mula sa kwarto ang Ma’am Cynthia niya. Tumingin siya sa paligid ng bahay at kahit paano ay na-miss na nga niya ang bahay na ito. Ang panalangin niya ay ang makabalik pa siya rito.