Si Boyong at Alexis, kasama si Oryang. Gulat na gulat si Delsin dahil matagal-tagal na rin niya kaing hindi nakikita ang mga iyon. Ang huli ay ‘yong namili sila ni Ma’am Cynthia sa mall.
“”Hindi nga! Ang pinaka-problema rito ay ikaw Boyong! May usapan na tayo tungkol doon sa pera, hindi ba? Sinabi ko na sa iyo na huwag na huwag mong pakikialamanan pero wala, ginawa mo pa rin ang gusto mo! Talagang magnanakaw ka rin eh!” sigaw ni Oryang, rinig na rinig iyon ni Delsin.
“Oryang, tumigil ka nga. Nasa prisinto na tayo, hindi ka ba nahihiya?” sagot naman ng asawa nitong si Alexis.
“Aba, hindi! Bakit naman ako mahihiya kung alam ko naman sa sarili ko na hindi ako ang may kasalanan kundi siya?” galit na sagot ni Oryang kay Alexis.
“Ma’am, kumalma po kayo. Kaya nga po nandito na tayo sa prisinto para ayusin ito, ilang beses niyo na po itong napag-usapan sa barangay, hindi po ba?” malumanay na sabi ng pulis kay Oryang.
“Oo, hanggang ngayon ay ginagawa pa rin niya kaya kailangan na niyang makulong!” sigaw ulit ni Oryang.
Ilang minuto pa ay nakita ni Alexis si Delsin sa di kalayuan. Gulat na gulat si Alexis kaya napatingin din si Oryang at Boyong kung saan nakatingin si Alexis.
“Tingnan mo nga naman ang tadhana. Dito pa talaga kayo nagkita. Iyang pinsan mo, sakit talaga sa ulo ko ‘yan!” sabi ni Oryang.
Lumapit si Delsin sa kanila bago tuluyang magsalita.
“Bakit kasi naniwala ka sa pinsan ko? Hindi ba at kayo naman ang magkakampi sa una pa lang? bakit ngayon ay galit na galit ka na sa kanya?” sabi ni Delsin.
“Kakampi? Anong sinasabi mo dyan?” pagsisinungaling pa ni Oryang dahil may mga pulis sa kanyang paligid.
“Oryang, huwag mong hayaan na sabihin ko pa rito kung ano ang ibig kong sabihin. Baka kapag ginawa koi yon, parehas na kayo ni Boyong na ikulong,” sagot ni Delsin, tatalikod na sana siya ngunit tinawag naman siya ng pinsan niyang si Boyong.
“Pinsan, baka pwede mo naman sabihin sa amo mo na kuhanan ako ng abogado. Ikaw na lang kasi ang malalapitan ko, wala nang iba pa,” sabi ni Boyong, nagmamakaawa talaga siya kay Delsin sa prisinto.
“Sana, bago mo ginawa iyan ay nag-isip ka muna. Kung sa totoo lang, ako naman talaga ang pinagnakawan niyong dalawa, hindi ba? Ako nga ang dapat mag-demanda sa inyo, e. Pero, hindi ko ginawa dahil may pinagsamahan pa rin naman tayo,” sabi ni Delsin.
“Pinsan, matagal na iyon. Sana naman, patawarin mo na ako sa ginawa kong panloloko sa iyo. Na-demonyo lang naman ako ni Oryang noon,” sabi naman ni Boyong.
“Ha? Anong dinemonyo kita? Pumayag ka sa plano ko noon, kaya nagawa natin iyon. Hindi kita pinilit. Gusto mo rin ng pera kaya naghati tayo sa pera na iyon!” nadulas na sabi ni Oryang.
Rinig na rinig iyon ng mga pulis doon kaya naman hindi na nakatakas pa si Oryang. Pati siya ay nakulong.
“Sabi ko naman sa inyo, kayo rin ang magpapahamak sa mga sarili ninyo. Haynaku, hindi ko alam sa sarili ko kung bakit tinanggap ko kayo sa buhay ko noon. Kung alam ko lang, hindi na lang sana ako tumuloy sa Maynila kahit na may trabaho pang narito,” inis na sabi ni Delsin.
Dahil parang nakaganti na siya sa kanila ay tuwang-tuwa siyang lumabas ng prisinto. Ni wala na siyang paki-alam kay Boyong dahil sinaktan naman siya nito.
Ilang minuto pa ay naka-uwi na si Delsin sa bahay ni Tonyo. Pagdating niya roon ay nagulat siya dahil nasa labas ng kwarto niya si Tonyo, para bang hinihintay siya na umuwi.
Simula kasi noong na-ospital si Tonyo ay doon na muna siya natulog sa bahay nito. Wala naman kasi si Ysmael at wala rin namang kasama si Tonyo kaya hindi muna siya umalis sa tabi nito. Isa pa, nag-usap naman na sila ni Cynthia na roon muna siya habang nagpapagaling ito.
“Saan ka galing?” simpleng tanong ni Tonyo pero gulat na gulat si Delsin dahi nga hindi siya nagpaalam kung saan talaga siya pumunta.
“A-Ah, wala naman. Naglakad-lakad lang ako sa labas, ang sarap kasing tingnan ang mga nandoon. Ang ganda rin naman ng tirk ng araw kaya naisip kong lumabas,” palusot ni Delsin.
“Ah, ganoon ba? Eh, gusto mo ba ng kape? Ipagitimpla kita,” alok ni Tonyo kahit ang totoo naman ay hindi pa niya kayang gumalaw masyado.
“Ano ka ba? Alam mo naman na hindi mo pa kaya eh. Ako na lang ang magtitimpla ng kape ko. Ipaghahanda na rin kita ng pagkain, ah?” sagot naman ni Delsin.
“Salamat, Delsin.”
Pagkahain ni Delsin ng kanilang pagkain ay kumain na silang dalawa. Ilang minuto lang ang lumipas ay tumawag si Cynthia kay Tonyo, agad naman niya itong sinagot.
“Oh, Cynthia. Napatawag ka yata, bakit?” tanong pa ni Tonyo sa kanyang kaibigan.
“Ah, kasama mo na ba ngayon si Delsin?” tanong ni Cynthia, kinagulat naman iyon ni Tonyo dahil nagtaka siya kung bakit alam ni Cynthia na umalis ito.
“Oo, kasama ko na siya ngayon. Kakauwi niya lang. Bakit?” tanong ulit ni Tonyo.
Doon pa lang ay kabado na si Delsin dahil alam niya na ang mangyayari pagkatapos ng usapan noong dalawa, pero kinalma pa rin naman niya ang sarili dahil ayaw niyang ipakita kay Tonyo na guilty siya sa kanyang ginawa.
“Natanong mo na ba kung saan siya galing?” tanong ulit ni Cynthia, medyo nakukulitan na nga si Tonyo dahil hindi pa siya deretsahin ni Cynthia kung ano ba talaga ang gusto niyang sabihin.
“Hindi pa. Bakit ba? Anong problema mo?” tanong ni Tonyo, halata mong irita na siya.
“Galing kasi ako sa prisinto kung saan nakakulong si Ysmael, nakita ko ‘yong pinsan niya at sinabi niya sa akin na galing si Delsin doon. Gulat na gulat nga ako na nakakulong din ‘yong pinsan niya eh,” sabi ni Cynthia.
“Ah, ganoon ba? Sige, ako na ang bahala sa kanya. Kakausapin ko, maraming salamat,” seryosong sagot ni Tonyo pagkatapos ay binaba na ‘yong tawag.
Seryoso niyang tiningnan si Delsin, doon pa lang ay alam nan g binata na siya ay nagkamali at siguradong malalagot siya kay Tonyo. Nakatungo lang siya dahil hiyang-hiya siya sa kaibigan.