Kinaumagahan ay pumunta si Delsin sa bahay ni Cynthia. Ni hindi na nga siya nakapag-paalam pa kay Tonyo dahil nagmamadali siya. Gusto kasi niya itong makausap tungkol sa pagkakakulong ni Boyong. Ang nasa isip niya, baka matulungan siya nito na makalabas ang pinsan niya. Kahit ‘yong pinsan niya lang, huwag na si Oryang dahil iyon naman ang may kasalanan ng lahat, e.
Gulat na gulat si Mikay nang buksan niya ang pinto. Nakita niya si Delsin na nakatayo sa labas, hinihintay na pagbuksan siya ng pinto.
“Maaga pa, baka nananaginip lang ako, di ba? Panaginip lang ito, babalik ulit ako sa-“ natigilan si Mikay sa pagsasalita dahil sumagot agad si Delsin sa kanya.
“Haynaku, Mikay. Hindi ka nananaginip. Totoo ito, nandito ako sa harapan mo ngayon. Gising na bas i Ma’am Cynthia?” sabi ni Delsin.
Gulat na gulat si Mikay at sinubukan niyang hawakan si Delsin para tingnan kung totoo nga ito. Noong nahawakan niya na ay para siyang nabuhusan ng malamig na tubig.
“Ay, totoo ka nga! Bakit ka nandito? Anong kailangan mo? Ang aga pa ah, anong meron?” pag-uusisa ni Mikay.
“Wala, may kailangan lang akong sabihin sa kanya. Gising na ba siya?
“Ah, magta-trabaho ka na ulit dito sa amin? Buti naman para may kasama na ako. Miss na miss ka na rin ni Sir Albert eh,” sabi pa ni Mikay.
“Gustuhin ko man na mag-trabaho ulit dito ay hindi pa sa ngayon iyon. Hayaan mo,, babawi na lang ako sa inyo ni Sir Albert sa susunod, ah?” ngumiti si Delsin kahit konti.
Bigla namang nalungkot si Mikay dahil sa sinabi ni Delsin pero hinayaan niya na lang iyon. Ganoon talaga eh.
“Sige na nga, teka lang at pupunta ako kay Ma’am Cynthia sa taas. Alam ko, gising na iyon eh. Nag-kape na kasi iyon kanina,” sabi ni Mikay at pinapasok niya si Delsin sa loob ng bahay.
Tahimik namang umupo si Delsin sa sofa at hinintay na lang na bumaba mula sa kwarto ang Ma’am Cynthia niya. Tumingin siya sa paligid ng bahay at kahit paano ay na-miss na nga niya ang bahay na ito. Ang panalangin niya ay ang makabalik pa siya rito.
Pagkaraan ng ilang minuto ay bumaba na si Cynthia, nakita niya si Delsin at takang-taka siya kung bakit nandito si Delsin sa bahay niya.
Umupo muna siya sa sofa bago tuluyang magsalita.
“Oh, Delsin. Kumusta ka na? Anong meron? Bakit ka napapunta rito?” tanong ni Cynthia.
“Ah, may gusto lang sana akong hilingin sa inyo, Ma’am. Iyon ay jung pagbibigyan niyo ako,” nahihiyang sabi ni Delsin.
“Oh, ano iyon? Basta kaya ko naman ibigay, ibibigay ko,” nakangiti pang sabi ni Cynthia.
“Tungkol ito sa pinsan kong si Boyong-“ natigil si Delsin dahil biglang sumagot si Cynthia sa kanya.
“Hindi ba’t siya ‘yong sinasabi mo sa aking kaaway mo? Oo nga pala, nakita ko siya sa kulungan kahapon. Anong meron sa kanya?” sabi ni Cynthia.
“Ah, kasi nga ay nakakulong siya. Gusto ko sana na tulungan siya,” sabi ni Delsin pero mahina lang dahil nahihiya nga siya sa amo niya.
Nagulat naman si Cynthia dahil alam niyang may alitan nga ang dalawa, kaya bakit niya ito tutulungan? Isa pa, kung alam ni Delsin na may mali sa pinsan niya, hindi niya dapat ito kinukunsinte o ano pa man.
“Sigurado ka ba sa sinasabi mo? Akala ko ba, magka-away kayo noon? Bakit mo siya tutulungan ngayon?” pagtataka ni Cynthia.
“Alam kong mali na tulungan ko siya. Kung ako nga lang ang tatanungin ay hindi na ako para tumulong pa sa kanya dahil ang bigat ng ginawa niya sa akin. Niloko niya ako. Niloko niya ang isa sa ka-pamilya niya kaya mahirap para sa akin na gawin ito para sa kanya,” paliwanag ni Delsin.
“Oh, eh anong tumutulak sa iyo para tulungan siya kung mabigat naman pala para sa iyo ang ginawa niya noon?” naguguluhan pa rin si Cynthia sa sinasabi ni Delsin sa kanya.
“Nasa bahay kasi ni Boyong ang Nanay Ising ko kaya nag-aalala ako. Baka kapag hindi ko siya tinulungan ay magalit siya sa akin at pagdiskitahan niya ang nanay ko. Ayaw kong mangyari iyon kaya kahit masakit para sa akin ay tutulungan ko siya. Kahit na hindi dapat, gagawin ko.”
Doon na naintindihan ni Cynthia ang sitwasyon ni Delsin. Naiintindihan na niya kung bakit ganoon ang desisyon ni Delsin. Kung siya rin naman ang nasa posisyon ni Delsin ay ganoon rin ang gagawin niya, kahit pa gaano kabigat sa loob ng mga ginawa ng taong iyon sa kanya.
Dahil tuloy doon ay mas lalong bumilib si Cynthia sa kanya. Nalaman ni Cynthia na uunahin ni Delsin ang kanyang magulang kaya sobrang saya niya para sa binata.
“Ang bait mo talagang anak, napaka-swerte ng nanay mo sa iyo dahil ganyan ka. Inuuna mo siya kaysa sa sarili mo,” nakangiting sabi ni Cynthia kay Delsin.
“Eh, Ma’am Cynthia, matutulungan niyo po ba ako sa hiling kong ito? Maiintindihan ko naman po kung hindi, hindi niyo pa po naman ako kilala at ang pamilya ko-“ natigil si Delsin sa pagsasalita dahil sumagot agad si Cynthia sa kanya.
“Ano ka ba naman? Syempre, tutulong ako sa iyo. Naiintindihan ko ang sitwasyon mo at alam kong mahirap. Kahit ako naman, kung nasa pwesto mo ako ay iyon din ang gagawin ko. Ang ginawa mo lang ay prinotektahan mo ang nanay mo, walang mali doon,” sabi ni Cynthia.
Natuwa naman nang lubos si Delsin dahil sa kanyang narinig mula kay Cynthia. Hindi niya akalain na papaya ito sa hiling niya. Wala na rin kasi talaga siyang malapitan na iba. Alam niyang si Cynthia lang ang makakatulong sa kanya sa ganitong mga bagay.
“Maraming saamat po, Ma’am Cynthia. Salamat po dahil ang bait-bait niyo po sa akin. Hindi kop o talaga akalain na ako po ay tutulungan niyo,” sabi ni Delsin, lumapit siya kay Cynthia para yakapin ito. Nagulat naman ang ginang dahil sa ginawa niya pero sa huli ay niyakap na rin niya si Delsin.
“Walang anuman iyon. Para naman sa nanay mo kaya gagawin ko iyon at hindi para sa pinsan mong nanggulo sa iyo,” nakangiti si Cynthia nang sabihin niya iyon.
Ilang minuto pa silang tahimik pero nagsalita si Cynthia.
“Oh, gusto mo bang makita si Sir Albert mo? Ilang araw ka na niyang hinahanap sa akin. Nasa taas siya, sa kwarto niya. Bibisitahin mo ba?” alok ni Cynthia.
“Ayos lang po ba? Ako rin po kasi, gusto ko na siyang makita si Sir Albert, kaso nahihiya naman po ako na bumisita rito,” sabi ni Delsin.
“Oo naman, ayos na ayos lang ano. Halika at puntahan natin siya sa kwarto niya,” nakangiting sabi ni Cynthia, sumunod naman si Delsin sa kanya.
Nang makita ni Albert si Delsin ay parang ayaw na niya itong pakawalan. Tuwang-tuwa nga si Cynthia sapagkat hindi man lang niya nakitang magwala ang anak niya. Napatunayan niya na talagang gustong-gusto ng anak niya si Delsin. Kaya hindi niya rin mapigilan ang sarili na ituring kapamilya si Delsin eh.