Pagkatapos nilang kumain ay tinawagan na nga ni Tonyo ang kaibigan niya para ipasok si Delsin sa trabaho. Agad siyang pumasok sa kwarto para doon tawagan ang kaibigan habang busy na magligpit si Delsin at si Ysmael naman ay nanunuod ng TV sa kanilang sala.
“Cynthia, may nakuha ka na ba na magta-trabaho para doon sa sinasabi mo sa akin?” tanong ni Tonyo.
“Wala pa naman, bakit? May mairere-komenda ka ba sa akin?” sagot naman ni Cynthia.
“Ah, ito kasing kaibigan ko eh nawalan ng trabaho noong nakaraan. Baka pwedeng subukan mo muna dyan sa inyo at naghahanap nga ng trabaho. Buti na lang at naalala kita,” sabi ni Tonyo.
“Oh sige ba, papuntahin mo siya rito at para makilala ko na. Matagal na rin akong naghahanap ng kasambahay, eh,” sabi ni Cynthia sa kabilang linya.
“Ah, sige, i-text mo na sa akin ang address at sasabihin ko sa kanya. Papasamahan ko siya sa kapatid ko, ayos lang ba? May trabaho kasi ako mamaya, kaya hindi ko siya masasamahan,” sabi ni Tonyo.
“Oo naman, sige. Hihintayin ko na lang sila rito ng pinsan mo. Maraming salamat,” sabi ni Cynthia at binaba na ang tawag.
Si Tonyo naman ay masayang lumabas ng kanyang kwarto para sabihin kay Delsin ang masayang balita.
“Delsin, Delsin! Natawagan ko na ‘yong kaibigan ko. Sasamahan ka ng pinsan ko papunta roon, ha? Hindi kasi ako pwedeng sumama ngayon dahil may duty ako sa spa. Ayos lang ba sa iyo?”
“Ah, oo naman. Ayos lang sa akin, ang importante naman ay matanggap ako sa trabaho, e. Anong address noong kaibigan mo? Maliligo na ako at mag-aayos para makapunta na ako roon,” sabi ni Delsin, masaya rin naman siya dahil sa wakas ay magkaka-trabaho na ulit siya.
“Sige, maligo ka muna ngayon, mamaya ko sasabihin sa iyo ang address niya pagkatapos mo. Sana matanggap ka roon, Delsin,” may hope sa mga mata ni Tonyo.
“Oo nga, sana matanggap ako para hindi na ako maging pabigat kahit kanino,” sagot naman ni Delsin.
“Iyan ka na naman ah, kung anu-ano na naman ang sinasabi mo. Hindi ka pabigat dito ha? O kung saan man, masaya akong tinanggap ka rito kaya huwag mong iisipin iyan,” sagot naman ni Tonyo at ngumiti kay Delsin.
Hindi na nakipag-argumento pa si Delsin at naligo na lang para makaalis na. Si Tonyo naman aytinawagan ang pinsan niyang si Vanessa para samahan nga si Delsin doon kay Cynthia.
“Tonyo, ano ba-“ natigil si Vanessa sa pagsasalita dahil sumagot agad si Tonyo sa kabilang linya.
“Tonyo ka dyan, it’s Tonya! Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo ‘yan ha? Ikaw talaga, di ka na nagtanda!” inis na sabi niya, pero niloloko lang naman niya si Vanessa.
“Haynaku, kahit ano naman ang sabihin ko eh ikaw pa rin iyon. Tonyo o Tonya man, ikaw pa rin iyon. ‘Yong pinsan ko. Ano ba ang dahilan kung bakit ka napatawag sa akin ha? Sigurado ako, may iuutos ka na naman sa akin na ayaw kong gawin, ano?” sagot naman ni Vanessa na inaasar lang naman si Tonyo.
“Ay, tama ka. May ipapagawa sana ako sa iyo, mas madali naman ito kaysa doon sa mga dati kong pinapasuyo sa iyo. May ginagawa ka ba ngayon dyan sa inyo? Baka nakaka-isorbo na ako eh,” sabi ni Tonyo.
“Istorbo ka naman talaga kahit noon pa. Kahit na ano pa ang gawin ko, gagawin ko pa rin naman ‘yan eh. Wala naman kasi akong choice,” sagot ni Vanessa sa kabilang linya.
“Ay, alam na niya agad. Magaling ka na ah? So, ito na nga iyon. Kaya naman ako napatawag sa iyo eh dahil papasamahan ko lang sana ‘yong kaibigan k okay Ate Cynthia mo. Naghahanap kasi ng trabaho itong kaibigan ko, eh iyon ni-rekomenda ko kay Cynthia. Samahan mo lang saglit,” sabi ni Tonyo.
“Wala naman akong choice eh, oo lang ang sagot. Sige na, mag-aayos na ako at pupunta na ako dyan,” sabi ni Vanessa at pinatay na ang tawag.
Pagkatapos ng ilang minuto ay tapos na maligo si Delsin, kaya sumunod naman si Tonyo. Bago tuluyang maligo ay pinaalalahanan niya si Delsin tungkol kay Vanessa.
“Papunta na ‘yong pinsan kong si Vanessa ah? Hintayin mo na lang dyan. Kung may kumatok na babae sa pinto. Siya na iyon, pagbuksan mo na lang siya ah?” sabi ni Tonyo.
“Oo sige. Salamat,” matipid na sagot ni Delsin at hinintay na niya si Vanessa.
Habang naliligo nga si Tonyo ay dumating na si Vanessa. Pinapasok naman siya ni Delsin.
“Pasok ka, ikaw siguro ‘yong pinsan ni Tonyo ano? Ako nga pala si Delsin, kaibigan niya,” pagpapakilala ni Delsin sa kanyang sarili.
“Ah, ganoon ba? Ikaw ‘yong sasamahan k okay Ate Cynthia siguro, ano? Sabi niya, may kaibigan siyang may kailangan ng trabaho eh,” sagot naman ni Vanessa.
“Ah, oo. Ako nga iyon. Salamat sa pagpayag na samahan ako roon,” mabait na sagot ni Delsin.
“Ah, ayaw ko naman talaga na samahan ka. Kaya lang, hindi ko naman mahindian ang pinsan ko,” derektang sagot ni Vanessa, kahit na masaktan si Delsin ay wala siyang pakialam dahil hindi naman niya ito kilala o ka-anu-ano.
Ang hindi alam ni Vanessa at Delsin ay tapos na maligo si Tonyo kaya alam na nito ang sinagot ni Vanessa kay Delsin at sa totoo lang ay hiyang-hiya si Tonyo noong narinig niya iyon.
“Vanessa, nandyan ka na pala. Kanina ka pa nandyan?” kunwaring tanong ni Tonyo.
“Ah, hindi. Kararating ko lang din. Aalis na kami ni Delsin,” paalam ni Vanessa agad.
Pero dahil gustong pagalitan ni Tonyo ang pinsan niya ay pinigilan niya muna ito.
“Ah, hindi. Maya-maya kayo umalis, may sasabihin pa ako sa iyo, saglit lang,” sabi ni Tonyo, pero doon pa lang ay alam na ni Vanessa na pagsasabihan siya ng kanyang pinsan dahil sa sinabi niya kay Delsin.
Pagkatapos na magbihis ni Tonyo ay nagsabi siya kay Delsin na pumasok muna sa kwarto dahil mag-uusap nga si Vanessa at Tonyo.
“Ah, sige. Papasok muna ako sa loob. Sabihan niyo na lang ako kapag aalis na ah,” sabi ni Delsin pero kabado na rin siya sa sasabihin ni Tonyo sa kanyang pinsan.
“Sige, tatawagin na lang kita kapag tapos na kami mag-usap.”