Maagang nagising si Delsin, siya ay nag-kape lang at hindi na nag-umagahan. Ngayon ay maghahanap siya ng trabaho, magtitingin siya sa mga kalye na madadaanan niya kung meron bang naghahanap ng trabahador sa mga establishmento roon.
Habang nainom siya ng kape ay bigla namang nagising si Tonyo, nagulat silang parehas dahil doon.
“Oh, gising ka na pala Delsin. An gaga natin ah, anong meron?” tanong ni Tonyo sa kanyang kaibigan.
“Ah kasi, maghahanap na ako ng trabaho ngayon. Baka may madaanan ako sa mga kalsada mamaya, sayang din,” sagot ni Delsin pagkatapos ay ngumiti sa kaibigan.
“Ah, may kaibigan ako at may alam siyang nangangailangan ng trabaho. Hindi ko nga lang alam kung ano ‘yong trabaho na iyon pero baka pwede ka roon. Gusto mo, tawagan ko?” offer ni Tonyo.
Dahil nahihiya na si Delsin sa kanyang kaibigan ay umiling siya bago tuluyang sumagot kay Tonyo.
“Naku, huwag na. Marami ka nang naitulong sa akin, ayos na iyon. Baka mamaya, magalit pa sa akin si Ysmael dahil nahihirapan ka sa akin,” sabi ni Delsin, ang tono niya ay nahihiya na talaga sa kaibigan.
“Nahihirapan? Eh gusto ko naman talaga tumulong, ah? Saka, kung magagalit man siya ay wala na akong pakialam. Nandito lang naman ako para tumulong sa iyo, ano bang masama roon, di ba? Sige na, payagan mo na akong tulungan kita delsin,” pilit ni Tonyo sa kanya.
“Pero, kaya ko naman eh-“ natigil ang pagsasalita ni Delsin dahil sumagot agad si Tonyo sa kanya.
“Alam ko namang kaya mong maghanap dyan ng trabaho. Kaso, iniisip ko lang din na mas maayos yata kung kakilala ko ang magiging ka-trabaho mo para kapag may emergency eh madali na magawan ng paraan, hindi ba?” nakangiting sagot ni Tonyo.
Ngumiti na lang si Delsin at wala nang nagwa sa kung anong gusto ni Tonyo. Naisip din naman kasi niya na tama rin ang kanyang kaibigan. Isa pa, wala nga pala siyang kakilala sa Maynila kaya mabuti na lang din na makinig siya sa kanyang kaibigan dahil mas may alam ito kaysa sa kanya.
“Oh, sige. Pagkatapos kong magluto at kumain mamaya, tatawagan ko na ‘yong kaibigan ko ah? Hintayin mo na lang ako mamaya at sasabihin ko kung saang address ka pupunta,” sabi ni Tonyo.
“Oo, sige. Salamat, Tonyo. Kung hindi kita nakilala, wala ako ngayon dito. Maraming salamat talaga at tinulungan mo ako,” sabi ni Delsin, niyakap na naman niya si Tonyo at iyon ay kinagulat niya.
“A-Ah, oo. Wala iyon, ikaw pa ba? Alam ko naman na may mabuting puso ka kaya tinutulungan kita,” sagot ni Tonyo at pumasok na sa kwarto nila ni Ysmael.
Naiwan na roon si Delsin sa labas, nagmumuni-muni muna siya. Sa totoo lang kasi, marami na siyang iniisip tungkol sa magiging buhay niya sa Maynila. Hanggang ngayon kasi, hindi pa rin niya alam kung anong buhay ang nag-aabang sa kanya dito. Pakiramdam niya, parang wala siyang patutunguhan.
Ilang minuto pa ay naisipan niyang kunin ang kanyang cellphone para kumustahin si Ate Nessa at Nanay Ising. Kaya lang, naisip niya kung ano ang sasabihin niya kay Nanay Ising kapag tinanong siya kung anon a ang nangyari sa trabaho niya dahil hindi pa siya ulit nakakapagpadala doon sa kanila.
Pero kahit kabado siya ay tinuloy pa rin niya ang pagtawag sa kanyang pamilya sa Bicol. Bahala na kung ano ang masabi niya mamaya. Ang gusto lang naman niya ngayon ay marinig ang boses ni Nanay Ising. Sa dami ng nangyari sa kanya nitong mga nakaraang araw, boses lang ng nanay niya ang gamot sa lahat ng iyon dahil sa totoo lang ay pagod na pagod na rin siya sa mga nangyayari sa kanya ngayon.
Pagkatapos ng tatlong ring ay sumagot na si Ate Nessa noong tawag. May hula na si Delsin na alam ni Ate Nessa kung ano ang ginawa ni Boyong sa kanya pero hahayaan niya lang iyon dahil alam nga niya na may pangangailangan si Boyong at iintindihin na lang niya iyon kaysa kung ano pa ang mangyari.
“Delsin, Delsin ikaw ba iyan? P-Pwede ba tayong mag-usap?” nahihiyang sabi ni Nessa sa kanya.
“Tungkol saan naman ang pag-uusapan natin, Ate Nessa?” tanong niya, kunwari ay wala siyang ideya sa sinasabi ni Nessa.
“T-Tungkol sa ginawa ni Boyong sa pe-“ hindi na natapos ni Ate Nessa ang kanyang sinasabi dahil sumagot na agad si Delsin sa kanya.
“Ah, iyon ba? Alam ko naman na kailangan niya ng pera kaya niya nagawa iyon. Ayaw ko munang mapag-usapan iyon, kung pwede. Saka, umalis na nga ako roon. Ayaw ko muna silang makita ngayon,” sabi ni Delsin, parang kalmado lang ang boses niya pero sa loob-loob niya ay galit na siya dahil naalala na naman niya ‘yong ginawa ng pinsan niya sa kanya.
“Eh, nasaan ka nga pala ngayon? Ayos ka lang ba dyan?” tanong ni Ate Nessa kay Delsin, pero alam naman niya na pwedeng pinapatanong lang ni Boyong iyon kaya hindi niya sasagutin.
“Ah, hindi mo na dapat malaman. Basta, ayos naman ako rito. Oo nga pala, si Nanay Ising, gusto ko sana siyang maka-usap,” sabi ni Delsin.
Dahil alam ni Nessa na hindi talaga sasabihin ni Delsin kung nasaan siya ay hindi na niya pinilit pa. Naglakad na lang siya papunta sa kwarto ni Nanay Ising at pinaka-usap niya ito kay Delsin.
“Nanay Ising, may gusto pong kumausap sa inyo. Si Delsin po,” sabi ni Ate Nessa, narinig naman ni Delsin ang hudyat na binigay na ni Ate Nessa niya ang cellphone sa matanda.
“Anak, kumusta ka na? Kailangan ka ba uuwi, anak? Gusto na kitang makita,” dahil sa sinabi ni Nanay Ising na kinalungkot naman ni Delsin.
“Uuwi rin po ako, konting hintay na lang po ah? Mahal na mahal kita Nanay, gusto na rin po kitang makita,” mahinang sagot ni Delsin dahil nalulungkot na siya. Kahit na alam niyang nagsisinungaling siya sa kanyang ina ay wala na siyang pakialam.
“Pangako mo iyan, anak ah? Ingat ka dyan,” sagot ni Nanay Ising.
“Oo naman, Nay. Kayo rin po dyan, mag-iingat po kayo. Magpapadala na lang po ulit ako ng panggastos sa inyo sa susunod na sweldo ko,” sabi ni Delsin at narinig niyang kinuha nan i Nessa ang cellphone mula kay Nanay Ising.
Sinabihan na lang niya si Ate Nessa na hintayin muli ang tawag niya dahil maghahanap pa siya ng kanyang bagong trabaho. Pumayag naman si Ate Nessa dahil nahihiya siya sa ginawa ni Boyong kay Delsin.
Maigi nga at pinabayaan na lang ni Delsin kung ano man ang ginawa ng kanyang pinsan. Dahil kung ipapakulong niya iyon o kung ano man ay mas lalong lalaki ang gulo ng kanilang pamilya.