Kinagabihan, umuwi na sina Ysmael at Tonyo sa bahay. Kitang-kita nila na nilinis na nga talaga ni Delsin ang buong bahay. Tuwang-tuwa si Tonyo, habang si Ysmael ay inis na inis naman.
“Bakit niya inayos ang bahay? Haynaku, hindi ko na tuloy alam kung nasaan ang mga gamit ko! Hindi mo siya pinigilan?!” sabi ni ysmael na galit na galit.
“Aba, inayos na nga ang bahay natin, magagalit ka pa sa kanya? Ano ka ba naman? Bakit hindi ka na lang magpasalamat, ha?”” inis na sagot din ni Tony okay Ysmael.
“Ayo slang naman ang bahay natin noon, ah? Wala ka ngang pakialam kung magulo o ano pa ‘to. Ngayon, ipinalinis mo sa kanya?” sagot ni Ysamel.
“Buti nga at may naglinis na para sa atin dahil hindi naman tayo marunong sa ganoong bagay. Teka, bakit ba galit na galit ka kay Delsin? Wala namang ginagawa ‘yong tao sa atin!”
“Ngayon, wala pa. Pero, hindi mo naman kilala iyan eh. Saan mo lang ba siya nakilala? Sa trabaho? Malay mo ba kung kriminal pala ‘yang lalaki na iyan,” sagot ni Ysmael.
“Grabe ka naman sa kanya, hindi niya naman gagawin iyon ano. Sobrang bait ni Delsin para paratangan mo siya ng ganyan. Kilalanin mo muna siya bago ka magsalita ng ganyan sa kanya,” naaawa si Tonyo para kay Delsin.
“Sabihin mo ‘yan sa sarili mo, mahal ko. Hindi mo pa siya kilala para pagkatiwalaan mo siya ng ganyan.”
Pagkatapos noon ay pumasok na sa kwarto si Ysmael at nagpahinga.
Hinanap naman agad ni Tonyo si Delsin para kumustahin ito at pasalamatan na rin ang kaibigan dahil sa paglilinis ni Delsin noong bahay niya.
Pagpasok ni Tonyo ay mahimbing na natutulog si Delsin sa kwarto nito. Agad naman itong nagising dahil sa ingay ng pinto. Lumapit si Tony okay Delsin at kinausap niya ito.
“Naku, nagising kita. Pasensya ka na sa akin, akala ko kasi ay gising ka eh,” sabi ni Tonyo, umayos naman ng upo si Delsin bago tuluyang sumagot sa kanyang kaibigan.
“Ano ka ba? Ako nga ang dapat na magsabi ng pasensya dahil nakita mo akong natutulog lang. Kakatapos ko lang kasing maglinis, hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako dahil sa pagod ko. Pasensya ka na, tutulungan na lang kita magluto,” tatayo na sana si Delsin pero napigilan siya ni Tonyo.
“Hindi na, ako na lang ang magluluto, okay? Pagod ka na sa paglilinis ng bahay ko. Oras naman para ako ang gumalaw at mag-trabaho,” nakangiting sabi ni Tonyo.
“Pero alam kong pagod ka rin-“ natigil si Delsin dahil sumagot si Tonyo.
“Oo, pagod ako pero kaya ko pa namang magluto. At saka, magagalit sa akin si Ysmael kapag hindi ako ang nagluto para sa kanya. Alam niya kung paano ako magluto kaya malalaman niya agad kung ako ba ang nagluto o ikaw. Isa pa, alam mo naman na mainit ang dugo niya sa iyo, hindi ba?” sabi ni Tonyo.
Tumango lang si Tonyo sa kanyang kaibigan. Hindi na niya pinilit pa dahil alam nga rin niya na ayaw sa kanya ni Ysmael. Para hindi na magaya pa kay Oryang ang kanilang sitwasyon ay siya na lang din ang lalayo kay Ysmael.
Nang maluto na ang hapunan ay pumunta na si Delsin sa hapagkainan dahil tinatawag na siya ni Tonyo. Pag-upo niya, kitang-kita niya ang mukha ni Ysmael na galit na galit sa kanya.
“Bakit mo inayos ang bahay? May mga bagay akong hindi makita dahil sa ginawa mo!” sigaw ni Ysmael na ikinagulat naman ni Delsin at Tonyo.
“Mahal, kumain nga muna tayo bago ka magsisigaw dyan! Umayos ka. Hindi ka ba nahihiya, ha?” sagot ni Tonyo, si Delsin ay tahimik lang na nakikinig at kumakain.
Pinagpatuloy lang ni Ysmael ang pagkain niya kahit galit na galit siya kay Delsin. Ayaw niya rin kasing makaaway si Tonyo dahil kapag ginawa niya ang bagay na iyon, wala na siyang matitirahan.
Agad na pumasok si Ysmael sa kwarto dahil sa inis. Sila Delsin at Tonyo naman ay naghugas ng pinggan, noong una pa nga ay ayaw ni Tonyo na tulungan siya ni Delsin pero nagpumilit si Delsin kaya wala nang nagawa pa si Tonyo kundi ang pasamahin si Delsin na maghugas ng pinggan.
Pagkatapos noon ay lumabas si Tonyo, nag-sigarilyo siya para kumalma ang isip. Lumabas din si Delsin para magpahangin. Gulat na gulat siya nang makita na nagsisigarilyo ang kaibigan niya.
“Oh, nagsisigarilyo ka pala, ano? Ngayon ko lang nalaman,” sabi ni Delsin.
Nagulat naman si Tonyo dahil akala niya ay pumasok na sa kwarto si Delsin. Hindi pa pala. Dati pa niya tinatago iyon kay Delsin dahil ayaw niyang magbago ang tingin ng kaibigan niya sa kanya. Ang tingin kasi niya kay Delsin ay inosente, at kung may makita man itong mali ay agad na pupunahin kaya pilit niyang hindi pinakita kay Delsin ang paninigarilyo niya.
“Akala ko, pumasok ka na sa loob,” sabi ni Tonyo, napatingin siya sa sigarilyo at parang nahihiya kay Delsin dahil sa ginawa niya.
“Ah, gusto ko sanang magpahangin muna eh. Alam mo na, gusto ko munang mag-isip isip tungkol sa mga bagay. Ikaw ba? Bakit ka pala naninigarilyo?” sagot ni Delsin.
“Hindi man obvious pero marami rin naman akong iniisip. Lalo na pagdating kay Ysmael at sa relasyon na meron kaming dalawa,” malungkot na ngumiti si Tonyo kay Delsin pagkatapos na sabihin iyon.
“M-May problema pala kayo? Bakit hindi mo siya kausapin tungkol doon at ayusin niyo iyan? Hindi ba mas okay iyon?” suhestyon ni Delsin sa kaibigan.
“Alam mo, gagawin ko iyan kung ganoon lang kadali ang mga bagay, pero hindi eh. Hindi basta maaayos ito ng usap lang. Haynaku, hayaan mo na nga ako at kung anu-ano na ang nalabas sa bibig ko. Pumasok ka na sa loob at tatapusin ko na ito,” sabi ni Tonyo at ngumiti sa kaibigan, pero ‘yong ngiti niya ay may kasamang takot.
Dahil sa ngiti na iyon, alam ni Delsin na may kailangan si Tonyo sa kanya. Kailangan niyang malaman kung ano man ang problema ng kaibigan niya kay Ysmael. Doon man lang ay matulungan niya ito.
“Kung ano man ‘yang problema mo sa kanya, lagi mong tatandaan na nandito lang ako sa oras na kailangan mo ako. Handa akong tulungan ka kahit na ano pa iyan,” sabi ni Delsin at ngumiti kay Tonyo.
“Salamat, Delsin, pero ako na ang bahala rito. Kung kailangan ko ng tulong mo, magsasabi naman ako. Sa ngayon, kaya ko pa naman dalhin ‘to.”
Tumango na lang si Delsin at ngumiti, pagkatapos ay pumasok na siya sa loob para magpahinga. Habang nakahiga ay hindi niya maiwasan na hindi isipin kung ano man ang naging takbo ng usapan nila. Alam niya na kailangan talaga ni Tonyo ang tulong niya.