Kinaumagahan, nagising si Delsin dahil sa amoy ng masarap na ulam galing sa labas ng kwarto kung saan siya natulog. Dahil nakaramdam na rin naman siya ng gutom ay lumabas na siya sa kwartong iyon.
Gulat na gulat si Delsin dahil paglabas niya ay nakita niyang may lalaking nakain sa lamesa. Si Tonyo naman ay abala sa pag-aasikaso noong iba pang almusal. Ilang minuto lang ang nakalipas eh napansin na agad ni Tonyo si Delsin na nakatayo sa di kalayuan.
“Oh, Delsin! Gising ka na pala. Halika, kumain ka muna para maganda ang umaga mo,” nakangiting sabi ni Tony okay Delsin.
Nagulat din naman ang lalaki na nakain sa may lamesa sa pagtawag ni Tonyo kay Delsin. Napatigil siya sa pagkain at napatingin lang kay Delsin na ngayon ay pa-upo na sa tabi ni Tonyo.
“Oh, ayos ba ang tulog mo? Sana naman maayos. Inayos ko talaga ang kwarto na iyon para sa iyo eh,” nakangiting sabi ni Tonyo sa kaibigan.
“Ah, ayos naman. Hindi lang siguro ako sanay sa lamig ng aircon pero kaya ko naman dahil makapal naman ‘yong kumot na binigay mo sa akin kagabi,” nakangiting sagot din ni Delsin.
“Mahal, s-sino siya?” pagtataka noong lalaki.
“Ah, hindi mo nga pala siya kilala ano? Hindi ko rin pala nasabi na makikitira muna siya dito sa atin ng ilang-“ hindi na natapos ni Tonyo ang kanyang sasabihin dahil sumagot agad ang nobyo niya sa kanya.
“Ano? Anong ibig mong sabihin? Hindi, hindi ako papaya na makitira iyan dito. Kaya pala ayaw mo akong matulog doon sa kabilang kwarto eh dahil sa kanya,” inis na sabi ng nobyo ni Tonyo.
Doon naman nalungkot si Delsin dahil akala niya ay ayos na ang lahat para sa kanya. Iyon pala, may isang katulad na naman ni Oryang na gugulo sa kanya. Isang tao na ayaw na naman sa kanya.
“Ano ka ba naman? Wala naman siyang ibang gagawin dito kundi tumira lang. Saan mo naman siya patitirahin eh lumayas nga sila sa kanila,” inis na sagot ni Tonyo sa kanyang nobyo.
“Aba, ewan ko sa kanya kung saan siya titira. Hindi mo naman problema mahal ko kung lumayas siya sa kanila, hindi ba? Siya ang may kasalanan noon kaya hindi ka dapat niya idamay sa kalokohan niya,” inis na sagot ng nobyo ni Tonyo.
Dahil ayaw naman ni Delsin na may mag-away na naman dahil sa kanya ay pinigilan niya agad si Tonyo na awayin ang nobyo nito.
“Ah, ayos lang naman kung hindi ako tumira rito. Naiintindihan ko naman eh, ganoon din naman si Oryang sa akin. Aalis na lang ako-“ hindi natapos ni Delsin ang sasabihin niya dahil sumagot agad si Tonyo sa kanya.
“Hindi, hindi ka aalis sa bahay ko. Dito ka muna habang wala ka pang nakikita na bahay na pwede mong tirahan ha?” mabait na sabi ni Tonyo kay Delsin.
“Pero ayaw ng nobyo mo sa akin. Ayaw ko namang may magalit na naman o mag-away nang dahil sa akin. Naranasan ko na iyon at masasabi kong ang gulo-gulo,” sagot ni Delsin.
“Ako ang bahala sa iyo, ha? Sige na, kumain ka na dyan. Pasensya ka na sa kanya,” sabi ni Tonyo.
Kitang-kita ni Delsin na inis na inis ang nobyo ni Tonyo sa kanya pero hindi na lang ito nagsalita, patuloy na lang ito sa pagkain ng umagahan niya. Sa isip ni Delsin, alam niyang mahihirapan na naman siya dahil ganito na naman ang sitwasyon niya pero wala naman siyang magagawa dahil hindi niya alam kung saan siya titira pagkatapos nito.
Pagkatapos kumain ay tinulungan naman ni Delsin si Tonyo na magligpit at maghugas ng mga pinagkainan. Kung ano ang ginagawa niya sa bahay nina Alexis at Oryang noon, iyon din naman ang ginagawa niya sa bahay ni Tonyo para kahit paano ay makatulong naman siya sa kanya,
“A-Aalis ka na ba, Tonyo? Maiiwan ba ako na kasama ‘yong nobyo mo?” tanong ni Delsin, ramdam na ramdam ni Tonyo ang takot ni Delsin sa nobyo niya.
“Ah, oo. May pasok ako ngayon, pero si Ysmael eh aalis ‘yan. Uuwi na lang ‘yan kapag kakain na siya,” pilit na ngumiti si Tonyo.
“Ah, ganoon ba? Sige, hihintayin ko na lang kayong umuwi na dalawa rito,” sabi ni Delsin, nahihiya siya kay Tonyo kaya maliit lang ang boses niya.
“Salamat. Oh siya, aalis na ako ah. Ingat ka rito, Delsin. I-lock mo ang pinto at baka may pumasok na magnanakaw sa bahay ko,” nakangiting paki-suyo ni Tonyo sa kaibigan.
“Oo naman, sige. Ay, oo nga pala, pwede ba akong maglinis dito sa bahay mo? Napansin ko kasi, ang daming kalat eh,” sabi ni Delsin, mahinang tumawa si Tonyo dahil sa sinabi ng kanyang kaibigan.
“Halata moa gad, ano? Pasensya ka na, hindi rin talaga kami malinis sa bahay ni Ysmael. Konting linis lang, ayos na sa amin. Sige, linisin mo lang. babayaran na lang kita-“ natigil ang pagsasalita ni Tonyo nang magsalita si Delsin sa kanya.
“Ano ka ba naman? Huwag mo na akong bayaran, baka magalit lang si Ysmael kung babayaran mo pa ako. Hayaan mo na lang na gawin koi to. Isipin mo na lang, ginagawa koi to dahil kaibigan mo ako,” nakangiting sagot ni Delsin kay Tonyo.
“Haynaku, hindi nga yata ako mananalo sa iyo. Sige, hindi na. Ikaw na ang bahala sa bahay. Mamaya naman ay aalis na rin si Ysmael dito, e. Salamat ulit, Delsin ah?” sabi ni Tonyo.
“Oo naman, wala lang iyon. Sige na, baka mahuli ka pa sa trabaho mo. Mapagalitan ka pa ni Ma’am Beverly, e.”
“Ah, naku! Siya pa ang pagalitan ko dahil sa ginawa niya sa iyo eh, makikita niya,” inis na sagot naman ni Tonyo dahil naalala na naman niya ang ginawa ni Ma’am Beverly sa kaibigan niya.
“Haynaku, baka sabunutan mo pa ‘yon,” natatawang sabi ni Delsin.
Pag-alis ni Tonyo ay nagsimula nang maglinis si Delsin sa bahay ni Tonyo. Habang naglilinis siya ay palabas=labas ng kwarto si Ysmael pero hindi na lang nila pinapansin ang isa’t isa.
Pero sa totoo lang, namumuo na naman ang takot na nararamdaman ni Delsin dahil kay Ysmael. Isa na namang problema ito na lagi niyang kahaharapin. Anon a naman kaya ang kahahantungan ng pagtira niya sa bahay ni Tonyo?