Chapter 35

1209 Words
Gusto man pigilan nina Boyong at Alexis si Delsin ay hindi na nila tinangka pa dahil mukha namang desidido na si Delsin sa kanyang desisyon. Tinulungan pa nila ito nang konti sa kanyang gamit pero hindi na rin sila nag-usap kahit na nagtutulungan sila. Gusto man din ni Delsin na magpaalam ng kahit konti doon sa dalawa ay hindi na rin niya magawa dahil naiisip niya ang ginawa ng mga ito sa kanya. Sobrang sakit pa rin sa kanya kahit na hinayaan niya lang ang pera na manatili kay Oryang at Boyong. Agad niyang tinawagan sa kanyang cellphone si Tonyo para sabihin na papunta siya sa bahay nito at doon muna makikitira pansamantala. Noong una ay nahihiya pa siya at baka tulog na ito pero hindi naman pwedeng ganoon na lang dahil wala siyang matutuluyan ngayong gabi kung iyon ang iisipin niya. “Hello. Tonyo? May ginagawa ka ba ngayon? Nakaka-abala ba ako sa iyo?” tanong niya, maliit lang ang kanyang boses dahil nga nahihiya siyang magtanong kay Tonyo. “Ah, gabi na ah. Napatawag ka? May problema ka ba?” sabi ni Tonyo, mukhang hindi pa naman ito antok. “A-Ah, eh kasi umalis na ako roon sa tinutuluyan ko ngayon. W-Wala akong matutulugan ngayong gabi. G-Gusto ko sanang itanong kung pwede na dyan muna ako sa iyo makikitira? Pansamantala lang naman dahil hahanap din ako ng trabaho at tirahan agad,” sabi ni Delsin, nahihiya pa rin kay Tonyo. “Ano ka ba? Oo naman, pwedeng-pwede. Teka, nasaan ka na ba para masundo na kita dyan?” masayang alok ni Tonyo. “Naku, hindi naman na kailangan na sunduin mo pa ako. Papunta na ako dyan, isang sakay na lang siguro at nandyan na ako sa bahay mo,” sabi ni Delsin, masayang-masaya siya dahil pumayag si Tonyo. “Ah, eh di sige. Hihintayin na lang kita rito para masalubong kita. Habang wala ka pa, aayusin ko muna ang kwarto mo rito sa bahay ko. See you!” sabi ni Tonyo at binaba na ang cellphone. Makaraan ang halos labing-limang minuto ay nandoon na si Delsin kina Tonyo. Sinalubong naman siya ng kanyang kaibigan na nakangiti. Agad siyang pinapasok nito sa bahay dahil gabi na rin noong dumating siya. Pina-upo ni Tonyo si Delsin sa sofa at doon kinausap. Labis kasi siyang nagtataka kung bakit umalis si Delsin doon eh ang alam niya ay maayos na sina Oryang at Delsin. Isa pa, gusto niyang makakuha ng impormasyon tungkol sa kanyang crush na si Boyong. “B-Bakit ka pala umalis doon? Akala ko ba, ayos na kayo noong asawa ng kaibigan mo? Anong nangyari?” usisa ni Tonyo pagkatapos ay binigyan niya ng tubig si Delsin tapos umupo siya malapit kay Delsin. “Akala ko rin, Tonyo. Akala ko, ayos na kami ni Oryang pero hindi pala. Niloloko lang pala nila ako. Kaya, pasensya ka na kung dito muna ako sa iyo makikitira. Hayaan mo, pansamantala lang naman ito. Babayaran ko rin lahat ng magagamit ko rito sa bahay mo,” mahinang sabi ni Delsin. “Haynaku, huwag mo nan gang isipin muna iyon. Ang mahalaga, ligtas ka. Hindi naman safe sa labas, lalo na rito sa Maynila. Saka, ilang beses ko na ring sinabi sa iyo na ayos lang na dito ka tumuloy, hindi ba?” sabi ni Tonyo habang nakangiti. “Basta, gagawin ko ang lahat para makabayad sa iyo,” seryosong sagot ni Delsin, hindi na sumagot si Tonyo, tumango na lang siya sa kaibigan dahil mukhang hindi magpapatalo si Delsin sa kanya. Habang nag-uusap sila ay naalala niya si Boyong, nagtaka rin siya kung bakit hindi iyon kasama ni Delsin eh mag-pinsan ‘yong dalawa. Para naman sa kanya ay welcome ‘yong dalawa sa bahay niya. “Pwedeng magtanong sa iyo, Delsin?” nahihiyang sabi ni Tonyo sa kanyang kaibigan. “Ah, ayos lang naman. Ano iyon?” sabi ni Delsin pagkatapos uminom ng tubig. “Bakit hindi mo kasama si Boyong o di kaya ay humingi ng tulong sa kanya? Hindi ba, pinsan mo naman siya?” “Akala ko rin kaya ko siyang pagkatiwalaan. Kaso, sinira niya ‘yong tiwala ko eh,” sagot ni Delsin, nagtaka naman si Tonyo kaya hindi niya napigilan na hindi magtanong. “Ah, bakit? May tampuhan kayo? Anong ginawa niya sa iyo?” tuluy-tuloy na tanong ni Tonyo kay Delsin. “Hindi lang tampo, away talaga. Oo nga pala, hindi ko sinabi sa iyo noon kung anong nangyari sa akin,” sagot ni Delsin. Nagtaka naman si Tonyo dahil akala niya ay kilala na niya si Delsin pero hindi pa pala. “Anong nangyari sa iyo na hindi ko alam?” “Binastos ako ni Ma’am Beverly noon kaya ako umalis sa trabaho ko. Kinabukasan noon, pumunta siya sa bahay namin. Inaalok ako ng pera para hindi ko siya isumbong sa pulis-“ hindi natapos ni Delsin ang kanyang sinasabi dahil sumagot si Tonyo sa kanya. “Hindi pa rin pala tumitigil si Ma’am Beverly sa ganoon. Buti na lang talaga, hindi ako straight na lalaki. Kung straight ako, isa rin siguro ako sa mga biktima niya, e.” Nagulat si Delsin dahil sa sinabi ni Tonyo sa kanya. Hindi lang pala siya ang may karanasaan na ganoon sa kamay ni Ma’am Beverly. “Ah, kaya ba marami rin ang naalis doon? Kasi iyon ang ginagawa niya sa mga nagta-trabaho para sa kanya?” tanong ni Delsin. “Oo, ganoon na nga. Ayaw ko lang na sabihin sa iyo noon dahil baka hindi ka naman maniwala agad sa akin. Eh, tinanggap mo ba ‘yong pera na bigay niya sa iyo?” tanong ni Tonyo sa kaibigan niya. “Iyon nga, hindi ko naman tinanggap. Kaso lang, nalaman ko na tinanggap pala ni Oryang at Boyong ‘yong pera na iyon. Niloko nila ako,” malungkot na sagot ni Delsin na labis namang kinagulat ni Tonyo. “Aba, siraulo pala ‘yong dalawang iyon. Hindi ko na siya crush! Sino siya para ganyanin ka niya ha? Naku, kapag nakita ko siya jojombagin ko talaga siya eh!” inis na sagot ni Tonyo. “Kaya iyon, umalis na lang ako roon dahil sira naman na ang pagsasama namin ni Boyong. Baka kung doon pa rin ako tumira ngayon, magka-initan lang kaming dalawa. Mas maigi nang lumayo muna ako sa kanya,” sabi ni Delsin, pilit siyang ngumiti para kunwari ay okay lang siya kahit hindi naman talaga. “Oo nga, mas mabuti nang dumito ka muna para makapag-palamig ka muna ng ulo mo. Sige na, sasamahan na kitang pumunta roon sa kwarto mo para makapag=pahinga ka na ah. Bukas na tayo magkwentuhan pagkauwi ko galing sa trabaho,” nakangiting sabi ni Tonyo. “Sige, salamat Tonyo ah? Salamat at pinayagan mo muna akong makitira dito sa bahay mo. Malaki ang utang ko sa iyo. Buti na lang at naging kaibigan kita,” nakangiting sagot ni Delsin pagkatapos ay bigla niyang niyakap si Tonyo na agad naman nitong kinagulat. Sa di niya malamang dahilan, ‘yong yakap na iyon ay may kung ano siyang naramdaman. Pero hindi niya iyon pinansin dahil alam naman niya sa sarili niya na magkaibigan lang talaga sila ni Delsin. Wala siyang dapat ikabahala na roon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD