Ilang araw din na nag-iisip si Alexis kung paano niya matutulungan si Delsin sa kanyang pera. Hindi naman kasi niya kaya na wala lang siyang gawin kahit na niya ang totoong nangyari. Itong plano niya ay kailangan eh hindi madadawit si Oryang para hindi siya malayo sa anak nila.
Palihim siyang kumuha ng pera sa cabinet nila ni Oryang. Nasa palengke pa lang naman ang asawa niya kaya pwede pa niyang kuhanan ito ng pera at ibigay kay Delsin.
Paglabas niya ng kwarto ay nakita niya si Delsin, naka-upo sa sala kaya sinamahan niya ito roon at doon na niya ibibigay ang pera.
“Oh, bakit ganyan ka makatingin sa akin? May problema ba tayo?” tanong ni Delsin.
“Ah, naku. Wala naman. Sadyang may gusto lang sana akong sabihin sa iyo ngayon. Ayos lang ba?” sagot naman ni Alexis kay Delsin.
“Sige, ano ba iyon?” tanong ni Delsin, nakita na niya na may perang hawak si Alexis kaya hindi na niya maiwasan na mag-isip kung para saan iyon.
“May konting pera kasi ako rito, di ba gusto mo nang umalis sa amin? Ito, bibigyan kita ng pera para makahanap ka na ng bagong titirahan mo,” sabi ni Alexis kay Delsin na lalong nagtaka dahil sa sinasabi ni Alexis sa kanya ngayon.
“Ha? Bakit ngayon ganyan na ang sinasabi mo sa akin? May hindi ba tayo napag-usapan? Akala ko, gusto mo na nandito lang ako at huwag na akong umalis?” nagtatakang sagot ni Delsin, hindi talaga niya maintindihan kung bakit biglang nagbago si Alexis ng desisyon sa kanya.
“Alam ko naman na iyon talaga ang sinabi ko noong una pero gusto ko rin naman na tulungan ka na sa gusto mo talagang mangyari. Ito naman ang orihinal na plano mo, ang umalis na sa aming bahay, hindi ba?” sagot ni Alexis, masakit din para sa kanya na iyon ang sinasabi niya kay Delsin ngayon.
“Dahil ayaw mo na kaming mag-away ni Oryang? Iyon ba iyon?” tanong ni Delsin.
“Oo, para maiwasan niyo na ang malalaking away,” pagsisinungaling ni Alexis.
“Hindi naman na kami nag-aaway ni Oryang, hindi ko nga rin maintindihan sa kanya kung bakit biglang mabait na siya sa akin eh hindi naman ako sanay na ganoon siya,” nakangiti pa si Delsin noong sabihin niya iyon.
Kung alam mo lang kung bakit ganoon siya sa iyo Delsin, pasensya ka na talaga sa asawa ko at naging ganoon siya sap era. Noong minahal ko naman kasi siya, hindi siya ganoon eh. Simpleng babae lang, hindi importante kung marami ang pera o kaunti. Ang importante sa kanya noon, masaya lang kaming pamilya niya. Hindi ko na rin alam kung anong nangyari kay Oryang eh.
“Ah, eh basta tanggapin mo itong pera na ibibigay ko sa iyo at ikaw na lang ang bahalang magdesisyon kung saan mo ito gagamitin,” sabi na lang ni Alexis para hindi na mag-isip pa si Delsin nang kung ano pa.
“Naku, hindi ko matatanggap iyan dahil hindi ko naman pinaghirapan iyan eh. Alam mo naman ako, gusto ko kung magkaka-pera man ako eh iyong galing sa pagod ko,” sagot ni Delsin.
Alam naman ni Alexis na iyon ang sasabihin ni Delsin kaya lang ay kailangan niya talagang ibigay iyon kay Delsin dahil nakokonsensya talaga siya sa ginawa ng kanyang asawa.
“Hindi, okay lang iyan. Sige na, kunin mo na ito. Hindi ako titigil hangga’t hindi mo kinukuha ito,” sabi ni alexis.
Tumayo pa siya at saka pilit na nilagay sa kamay ni Delsin ang perang iyon. Wala nang nagawa si Delsin kundi tanggapin na lang ang pera. Napatitig lang siyang matagal doon sa pera at saka nagtaka kung saan nga ba galing iyon.
Lagi naman kasing sinasabi ni Oryang noon na wala silang pera kaya nakakagulat din para kay Delsin na meron na sila ngayon. At saka, hindi na siya inaaway ni oryang nitong mga nakaraan.
“Oh, okay na ah? Hayaan mo na bigyan kita. Itago mo,” sabi ni Alexis na nakangiti pa.
“Ah, sige. Salamat. Utang ko na naman sa inyo ito ni Oryang,” sabi ni Delsin.
“Naku, huwag mong isipin na utang na naman iyan. Ako naman ang nagbigay sa iyo kaya hindi utang iyan kundi bigay ko sa iyo,” nakangiting sagot ni Alexis kay Delsin.
Dahil mukhang ayaw namang magpatalo ni Alexis kay Delsin ay tumango na lang si Delsin at ngumiti ng kaunti.
Ilang minuto lang ang nakakaraan ay masayang pumasok si Oryang sa bahay nila. Kabado si Alexis dahil alam niyang mapapansin ni Oryang na may hawak na pera si Delsin at tatanungin niya ito kung saan galing iyon.
“Oh Delsin, Alexis. Anong ginagawa ninyo dyan?” nakangiti pa si Oryang nito dahil hindi pa niya pansin ang hawak na pera ni Delsin.
“Ah, ito kasing asawa mo eh, binigyan ako ng pera. Sobrang laki nga, tatanggihan ko sana kaso siya itong mapilit kaya wala na akong magawa,” sabi ni Delsin, akala niya ay ayos na ayos sila ni Oryang dahil nakakapag-kwento na siya rito nang matiwasay.
“Ah, ganoon ba? Sige, aayusin ko muna ang mga pinamili ko,” ngumiti si Oryang pero pilit na ito dahil alam na niya kung ano ang ginawa ni Alexis.
Tahimik lang siyang pumunta sa kapitbahay na si Delia para ilagay sa refrigerator nito ang mga pagkain at ulam na binili niya. Alam na ni Alexis noon nag alit si Oryang dahil sa ginawa niya kaya naghahanda na ito ng kanyang sasabihin sa mamayang gyera nilang mag-asawa.
Nakita naman niyang pumasok si Delsin sa kwarto nila ni Boyong. Nang papalabas ito mula roon ay hindi na niya dala pa ang pera na bigay ni Alexis kaya natuwa naman si Alexis na tinabi na pala ni Delsin ang pera na binigay niya.
Nagulat siya nang makita na papaalis ulit si Delsin kaya agad niya itong tinanong kung saan ang punta.
“Oh, aalis ka? Saan ang punta mo?” tanong niya, kunwari ay hindi kabado sa pwede nilang pag-awayan ni Oryang.
“Ah, pupuntahan ko si Tonyo dahil sabi niya sa akin ay may tranaho raw kasi siyang ibibigay eh. Titingnan ko lang at baka kaya ko naman, kung kaya ko eh di papasukan ko na agad,” nakangiti pang sabi ni Delsin.
Nakahinga namang maluwag si Alexis dahil wala si Delsin kung sakali man na awayin siya ni Oryang tungkol sa pera na nakuha nila kay Ma’am Beverly.