Dahil narinig na ni Delsin ang nabasag na baso ni Albert ay nagmadali na siyang maligo. Natatakot siya dahil baka magalit si Ma’am Cynthia niya sa kanya. Pagka-bihis niya ay dumeretso na agad siya sa kwarto ng alaga niyang si Albert.
Nakita niya roon na naglilinis si Cynthia ng bubog. Kaya agad siyang pumunta roon at wala na rin siyang pakialam kung makatapak siya ng bubog. Ang mahalaga sa kanya ay matulungan niya ang kanyang amo.
“Oh Delsin, magdahan-dahan ka at baka makatapak ka ng bubog ah!” paalala ni Cynthia sa kanya. Natuwa naman siya dahil imbes na pagalitan siya ay inisip pa nito ang kalagayan niya.
“Opo, ayos lang naman po ako, Ma’am Cynthia. Pasensya na po pala kayo kung iniwan ko po si Sir Albert dito sa kwarto niya. Naligo po kasi ako, sana hindi ko na lang pala ginawa iyon dahil magwawala pala siya,” pagsisisi ni Delsin.
“Ano ka ba naman? Syempre, kailangan mo rin naman iyan para sa sarili mo. Naiintindihan kita roon. Kapag maliligo ka na lang ulit, I suggest na pabantayan mo siya sa iba pang kasambahay natin. Saglit lang naman iyon kaya hindi naman sila mahihirapan,” malumanay na sagot ni Cynthia sa kanya.
Tumango-tango naman siya pagkatapos ay bumalik na sa paglilinis noong binasag ni Albert.
“Sige na po, ako na po ang bahala rito. Lilinisin kop o muna ito,” sabi ni Delsin.
“Ah, papabantayan ko na lang muna siya kay Mikay. Gawin mo muna iyan tapos balikan mo na lang siya sa baba mamaya,” sabi ni Cynthia.
“Sigurado po ba kayo, Ma’am Cynthia? Ayos lang naman po sa akin. Kaya ko naman po na tingnan siya rito sa kwarto niya habang naglilinis po ako eh. Saka, nakakahiya po kay Mikay kung papabantayan niyo po si Albert sa kanya,” nahihiyang sabi ni Delsin.
“Oo naman, ayos lang iyon ano. Dati naman na niya ‘yong ginagawa kaya ayos lang iyon sa kanya. Isa pa, para na rin makapag-focus ka dyan sa ginagawa mo. Okay? Ibababa ko muna siya roon,” sagot naman ni Cynthia kay Delsin.
Wala nang nagawa pa si Delsin kung hindi ang tumango na lang at saka nagpatuloy na maglinis doon.
“Halika muna anak. We will go to Mikay first. Doon ka muna kasi may aayusin pa si Delsin dito. Babalikan ka na lang niya mamaya kay Mikay, ha? Let’s go,” yaya ni Cynthia sa anak. Tahimik naman na sumama si Albert sa kanyang ina. Nakatungo ito at ilang beses din namang tiningnan kung ano man ang nililinis ni Delsin.
Kahit alam ni Delsin na dito na nga magsisimula ang hirap niya kay Albert ay hindi niya iyon pinapansin. Alam niya na mas makikilala pa niya ang pamilyang ito sa mga susunod na araw.
Pagkatapos niyang linisin ang mga bubog ay pumunta na siya sa baba para pakainin si Albert. Alam niyang naghihintay na rin si Mikay sa kanyang pagbabalik. Pagbaba niya, nakita niyang kinakausap ni Mikay si Albert.
“Kumain ka na, Albert. Ako na lang ang magpapakain muna sa iyo, ayos lang ba iyon? Wala naman sigurong problema, hindi ba?” paalam ni Mikay kay Albert.
“Hmm!” sagot ni Albert, na para bang sinasabi na hindi pwede at ayaw niyang si Mika yang maghain ng lunch para sa kanya.
“Ay, choosy ka na agad ngayon ah? Dati naman, lagi tayo ang magkasama. Hindi ka naman ganyan sa akin noon. Naku! Magseselos na ako kay Delsin niyan,” pang-aasar ni Mikay kay Albert, para naman sa kanya ay wala lang iyon.
“Pwede naman na tayo ang magpakain sa kanya kung gusto mo. Wala namang problema sa akin, mas maigi nga iyon dahil may magtuturo na sa akin kung ano ang tamang gawin kay Sir Albert,” biglang sabi ni Delsin na kinagulat naman ni Mikay dahil hindi niya naman alam na nandoon na pala si Delsin sa paligod nila.
“Ay, nandyan ka na pala. Kanina ka pa ba dyan? Pasensya ka na sa narinig mo. Wala naman akong ibigsabihin doon,” nahihiyang sabi ni Mikay kay Delsin.
“Naku, wala rin naman sa akin iyon. Oo nga pala, maraming salamat dahil binantayan mo siya kanina ha” nakangiting sabi ni Delsin.
“Oo naman, kapag may gagawin ka ay pwede mo muna siyang iwan sa akin. Lalo na kapag wala naman akong masyadong ginagawa. Nasabi naman sa akin ni Ma’am Cynthia kung ano ang nangyari kanina, saka narinig ko rin naman ‘yong pagbasag niya. Huwag kang mag-alala, tutulungan naman kita sa kanya lagi,” nakangiti rin na sagot ni Mikay.
“Oo nga eh, maliligo lang sana ako kanina tapos ilang minuto pa lang akong naliligo ay narinig ko na agad ‘yong basag. Nagulat ako eh, ni hindi ko na naayos ang paglio,” kwento pa ni Delsin.
“Hayaan mo, sa una lang naman ganyan. Ngayong alam mo na kung anong pwede niyang gawin kapag hindi mo siya binabantayan eh magiging alerto ka na sa mga bagay-bagay dito,” sabi ni Mikay.
“Salamat at tutulungan mo ako. Sige na, baka mamaya may gagawin ka pa eh. Akon a ang bahala kay Albert,” sabi ni Delsin.
Tumango naman si Mikay bilang tugon at umalis na para gawin pa ang mga bagay na kailangan niyang gawin.
Pinakain naman na ni Delsin si Albert, pagkatapos ay natulog naman ito. Kaya nagkaroon ng oras si Delsin para maghugas ng pinagkainan ni Albert na hindi naman siya mangangamba kung may gawin ang alaga niya o ano pa man.
Pagkadaan ng ilang minuto ay bumaba naman si Zsa Zsa para kumain. Wala siyang pakialam kung nandoon si Delsin at naghuhugas. Aalis n asana si Delsin doon pero nakita niya namang bumaba rin si Mikael.
“Delsin, ipagluto mo nga ako, kung ano ‘yong kinain ni Kuya Albert. Iyon din ang kakainin ko,” malinaw n autos ni Mikael sa kanya.
Dahil wala naman si Cynthia ay walang pipigil kay Mikael. Hindi rin naman kaya ni Zsa Zsa ang kapatid niya dahil takot rin siya doon. Wala nang nagawa pa si Delsin kundi ipagluto na lang si Mikael para wala nang gulo pa ang mangyari sa kanila.
“Good, mas maayos palang kausap si Delsin kapag wala si Mama, eh. Kapag may inutos ako sa iyo, susundin mo lagi para hindi na tayo magkagulo ah?” sabi ni Mikael.
Tumango na lang si Delsin bilang tugon at umalis na roon para pumunta kay Albert dahil baka gising na ito.
Sa loob-loob niya, nag-aalala siya dahil ganoon ang trato ng anak ni Cynthia sa kanya. Sa tingin niya, hindi siya aalis doon dahil kay Albert kundi dahil kay Mikael. Pagkatapos ay mukhang mataray pa ‘yong bunsong anak na si Zsa Zsa, hindi na tuloy niya malaman kung ano ang mararamdaman. Kinakabahan siya sa mga pwedeng mangyari sa kanya sa loob ng bahay na ito.