Kinagabihan ay pagod na pagod si Delsin sa buong araw, unang araw pa lang niya iyon pero sobrang stressed na siya dahil sa mga anak ng amo niya. Habang nakahiga ay bigla namang tumawag si Tonyo sa kanya.
Sinagot naman niya ito dahil gusto niyang may mapag-kwentuhan na ng mga bagay na nangyari sa kanya ngayong araw. Huminga muna siya bago tuluyang sagutin ang tawag na iyon.
“Tonyo, kumusta ka na? Haynaku, ang hirap pala rito,” sabi niya agad.
“Oh, bakit? Gusto mo bang kausapin ko si Cynthia tungkol dyan?” sagot naman ni Tonyo at agad na na-alerto si Delsin. Ayaw naman kasi niya ng gulo agad sa unang araw niya sa trabaho.
“Hindi naman, nakakapagod lang dahil kahit hindi ko naman dapat gawin ay ginagawa ko pa rin. Siguro, ganoon talaga kapag namasukan ka bilang kasambahay,” sabi ni Delsin.
“Bakit? Ano bang nangyari sa iyo? I-kwento mo nga sa akin ‘yan,” sabi naman ni Tonyo.
“Naku, ipangako mo muna sa akin na hindi mo sasabihin kay Ma’am Cynthia ito at pagkwe-kwentuhan lang natin,” sabi ni Delsin.
“Oo naman, pangako ko sa iyo na di ko sasabihin kay Cynthia kung ano man ang pag-uusapan natin ngayon,” sagot ni Tonyo sa kanyang kaibigan.
“Ah, eh paano naman kasi ay akala ko noong una, si Sir Albert at Ma’am Cynthia lang ang pagsisilbihan ko, pati rin pala ‘yong isa niyang anak. Mukhang doon ako magkaka-problema, e.”
“Sinong anak? Si Mikael o si Zsa Zsa?” tanong naman ni Tonyo sa kanya.
“Si Sir Mikael, hindi ko akalain na ganoon ang ugali niya. Saka, bakit ganoon siya sa kapatid niya? May alam ka ba tungko doon?” sabi ni Delsin.
“Ah, kasi may tampo si Mikael sa kapatid niya kaya ganoon siya. Eh hayaan mo na iyon, ganoon talaga siya. Gagawin niya ang lahat para mapilitan kang umalis sa trabaho para wala nang mag-alaga sa kapatid niya,” sabi ni Tonyo.
“Ganoon siya kasama? Ganoon niya tinitingnan ang mga bagay-bagay?” malungkot na tanong ni Delsin.
“Sadly, yes. Ganoon ang iniisip niya dahil nakatutok si Cynthia sa anak niyang si Albert noon pa man, lalo na noong nawala na ang bait nito. Lalo niyang tinutukan kaya lalong nagalit si Mikael sa kanya,” paliwanag sa kanya ni Tonyo.
“Ah, nasabi nga sa akin ni Ma’am Cynthia kung bakit naging ganoon si Sir Albert,” kwento ni Delsin.
“Oo, dahil sa tatay niya. Namatay kasi ito tapos iniwan naman siya ng asawa at anak niya. Kaya lalo siyang nag-isip at naging ganyan,” kwento pa ni Tonyo sa kaibigan.
“Ah, mabuti at nasabi mo sa akin. Para alam ko at mapipigilan ko ang sarili ko kung sakali man na hindi na naman maganda ang trato niya sa akin. Siguro nga, mas maigi na intindihin ko na lang siya kaysa magalit pa ako sa kanya, di ba?” sabi ni Delsin.
“Oo, mas maigi nga na intindihin mo na lang siya kaysa sa magalit ka sa kanya. Ganoon lang talaga iyan. Pero kung sumobra na siya sa iyo, sabihin mo na lang rink ay Cynthia para mapagsabihan niya ang anak niya,” sabi ni Tonyo.
“Hindi kaya magalit sa akin si Ma’am Cynthia kapag nagsabi ako sa kanya?” nangangambang tanong ni Delsin sa kanyang kaibigan.
“Hindi naman siguro, alam naman kasi niya ang ugali ng anak niya, kaya alam niya rin kung totoo ang sinasabi mo o hindi. Magiging maayos ka dyan, basta lagi ka lang magsasabi ng totoo kay Cynthia,” sabi ni Tonyo.
“Oo naman, laging iyon ang gagawin ko. Oh sige na, matulog ka na dyan at gabi na rin. Salamat sa pag-tawag mo sa akin ah. Oh, okay ka naman ba dyan ngayon? Kumusta kayo ni Ysmael dyan?” tanong naman ni Delsin.
“Ah, kami? Ayos naman kami ni Ysmael dito sa bahay. Ito, tulog na siya,” sabi ni Tonyo, para bang sayang-saya.
“Ah, maigi naman. Siguro naman ay mas okay kayo ngayon dahil wala na ako dyan sa bahay ninyo, wala na siyang dahilan pa para magalit o ano man. Sige na, goodnight. Tatawag ako sa iyo sa mga susunod na araw para makapag-kwentuhan tayo, ah?” sabi ni Delsin.
“Oo, sige. Ingat ka dyan. Ibababa ko na ‘yong tawag ah? Antok na rin kasi ako eh. Sa susunod ulit, Delsin. Salamat sa tawag mo,” sabi ni Tonyo at binaba na ang kanyang cellphone.
Pero ang di alam ni Delsin ay problemado si Tonyo dahil nalaman niya na may babaeng kasama si Ysmael ngayon at hindi pa rin ito nagbabago. Nang magka-usap sina Delsin at Tonyo ay nasa labas siya ng kanyang bahay, hinihintay si Ysmael.
Pinangako rin ni Tonyo sa kanyang sarili na hindi siya matutulog hangga’t hindi nauwi si Ysmael sa bahay nila. Inabot na siya ng isang oras sa labas pero saka lang umuwi ang nobyo niya. Lasing pa ito kaya lalo niya ‘yong kinainis.
“Oh, bakit ngayon ka lang? Huwag mong sabihin sa akin na galing ka na naman sa babae mo, Ysmael!” galit na entrada agad ni Tonyo sa kanya.
Sa totoo lang ay takot si Tonyo kay Ysmael pero nilalakasan lang niya ang loob niya dahil sa tingin naman ni Tonyo eh karapatan niya talagang malaman kung saan talaga nanggaling ang taong mahal niya.
“Ano na naman ba ang problema mo, ha? Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na tapos na ako sa pagiging ganoon? Alam mo naman na nagbago na ako, ano pa bang gusto mo?” inis na sagot ni Ysmael kay Tonyo.
“Sa oras lang na malaman kong niloloko mo na naman ako, aalis ka na talaga sa pamamahay ko. Isang beses lang, Ysmael. Hinding-hindi na kita patatawarin kapag ginawa mo ulit sa akin iyon, pangako ko sa iyo,” naluluhang sagot ni Tonyo sa kanyang nobyo.
“Hindi ba’t pinangako ko rin naman sa iyo na wala na? Kahit tanungin mo pa ang mga tropa ko, wala kang mapapala sa kanila dahil wala naman na talagang babae sa buhay ko. Mahal, ikaw na lang ang meron ako. Natutunan ko na ang pagkakamali ko noon kaya pwede ba? Matulog na tayo ngayon dahil antok na ako eh,” sabi ni Ysmael at hinila na papasok sa bahay si Tonyo.
Gusto mang maniwala ni Tonyo ay hindi pa rin siya ganoon kakumbinsido na wala na talagang babae si Ysmael. Para sa kanya ay kailangan niya pang mag-imbestiga tungkol dito. Oras na mapatunayan niyang wala na talaga, doon lang siya magtitiwala ulit sa nobyo niya.