Paggising ni Delsin ay nag-ayos na agad siya at sinundo niya sa kwarto ang kanyang Sir Albert. Pagbaba nila, nakita ni Delsin na gising na pala si Ma’am Cynthia. Kasama nitong nakain ang mga anak na sina Mikael at Zsa Zsa.
Inalalayan ni Delsin si Albert sa kanyang upuan pagkatapos ay inayos na ang pagkain nito. Ilang minuto lang ay tumayo na si Mikael dahil tapos na siyang kumain. Bago pumunta sa taas ay tiningnan naman ni Mikael si Delsin nang masama. Napansin iyon ni Cynthia pero hindi niya pinahalata. Sa loob-loob ni Delsin ay takot na takot siya.
Noong wala na si Mikael ay nilipat ni Cynthia ang focus niya kay Delsin para kausapin ito.
“Hmm, Delsin. Kumusta naman ang araw mo kahapon? Ayos naman ba?” tanong ni Cynthia pero alam naman na niya ang sagot.
Nagulat naman si Delsin dahil hindi niya akalain na kakausapin siya ng Ma’am Cynthia niya. Naka-focus lang siya kasi kay Mikael kanina at hanggang ngayon ay nasa isip pa rin niya kung paano siya tingnan ni Mikael kanina.
“P-Po? Ayos lang naman po, Ma’am Cynthia. Siguro po ay naninibago lang ako pero ayos naman po. Masasanay din po ako siguro sa mga susunod na araw. Maraming salamat po sa pagtatanong,” mahinahon na sagot ni Delsin na ikinatuwa naman ni Cynthia.
“Ah, ganoon ba? Oo nga pala, aalis tayong tatlo ni Albert ha? Maligo kayong maaga,” nakangiting sabi ni Cynthia kay Delsin.
“P-Po? Saan po tayo pupunta, Ma’am?” nagtatakang tanong ni Delsin, pero naalala niya na hindi nga pala dapat na tinatanong iyon.
“Ay, sorry po kung nagtanong ako, Ma’am. Sige po, pagkatapos kumain ni Sir Albert ay papaliguan ko na po siya.”
“Para masagot ang tanong mo, pupunta tayo sa mall dahil ibibili kita ng mga bago mong damit. Ayos lang ba iyon sa iyo?” nakangiting sagot ni Cynthia.
Nagulat na naman si Delsin dahil sa nalaman niya. Nagtataka siya kung bakit siya bibilhan ng mga damit ng amo niya eh bago pa lang naman siya sa trabaho.
“M-Ma’am, huwag niyo na po ako bilhan ng bagong damit. Ayos naman po ako sa mga dala kong damit. Saka, bago pa lang naman po ako sa trabaho. Nakakahiya po,” nakatungo si Delsin habang sinasabi niya iyon.
“Ah, ano ka ba naman? Ayos lang iyon. I insist. Nakita ko kasing konti lang ang damit mo, kaya dapat lang na bilhan kita ng iba pa. Hayaan mo na akong gawin para sa iyo ito. Kung hindi mo ‘to tanggapin, magagalit ako sa iyo, sige ka. Gusto mo ba iyon, Delsin?” pananakot pa ni Cynthia para lang um-oo si Delsin sa kanya.
“Syempre, ayaw ko pong magalit kayo Ma’am. Kaso lang, isang araw pa lang naman ako rito kaya hindi ko po maisip na iyan agad ang sasabihin ninyo sa akin,” sabi ni Delsin, nakatungo pa rin pero nakaharap siya kay Ma’am Cynthia.
Nakain pa rin si Albert at Zsa Zsa habang nag-uusap ang dalawa.
“Ah, basta. Pagkatapos mong paliguan si Albert ay iwan mo muna siya kay Mikay. Alam na ni Mikay ang gagawin kay Albert. Habang na kay Mika yang anak ko ay maligo ka na. Naiintindihan mo ba iyon?” pamimilit ni Cynthia kay Delsin.
“Opo, naiintindihan ko po.”
Sa kabilang banda, hindi sang-ayon si Zsa Zsa sa Mama Cynthia niya na bilhan agad si Delsin ng mga gamit at damit. Gusto sana niyang sabihan ang kanyang Mama ay hindi naman niya kaya iyon. Alam niyang hindi siya papakinggan ni Cynthia dahil wala naman siyang boses sa pamilya.
Gusto man niyang isumbong iyon kay Mikael eh tiyak naman na si Cynthia ang makaka-away nila. Syempre, ayaw nila iyon dahil Mama nila iyon eh. Ayaw ni Zsa Zsa na magkagulo silang pamilya dahil lang sa kasambahay.
Wala nang nagawa si Zsa Zsa tungkol doon. Nakita na lang niya na umalis na ‘yong tatlo. Nagtataka talaga siya kung bakit sobrang bait ng Mama Cynthia kay Delsin eh kakakilala lang nila. Feeling ni Zsa Zsa ay hindi mapapagkatiwalaan si Delsin.
Pagdating nila roon ay tumingin si Cynthia ng mga damit para muna kay Albert. Pinasukat niya ito sa tulong ng saleslady at ni Delsin. Kita naman sa mukha ni Albert na masaya siya sa mga napamili niya. Si Delsin naman ay masaya para kay Albert dahil nakalabas ito nang hindi nagwawala.
Pagkatapos mamili ni Cynthia para sa anak niya ay sinunod naman niya si Delsin na bilhan ng mga damit. Nang pumipili na si Cynthia ay nakita ni Delsin ang presyo ng mga damit na pinipili para sa kanya. Para kay Delsin ay mahal na iyon kaya hindi niya napigilan na di magsalita sa kanyang amo.
“Ma’am Cynthia, hindi po ba parang ang mamahal naman ng mga iyan? Huwag na po, Ma’am. Nakakahiya po talaga. Kung alam ko lang na ganyan kamahal ang mga damit dito ay hindi na po ako pumayag pa na dalhin niyo ako rito,” sabi ni Delsin, kahit nahihiya siya ay sinabi pa rin niya iyon dahil iyon ang alam niyang tama.
“Ah, akala ko maayos na ang usapan natin sa bahay?” sagot ni Cynthia.
“Opo, Ma’am, payag naman po ako pero hindi naman po ganyan kamahal,” sagot ni Delsin.
“Sige, ganito na lang Delsin. Pipili ka ng tatlo hanggang limang damit at shorts. Pagkatapos noon, okay na. Hanggang lima lang ang bibilhin natin,” nakangiting sabi ni Cynthia.
Para kay Delsin ay napakarami na noong limang damit at limang shorts kung tutuusin, pero para matapos na ang kung ano pang diskusyon ay pumayag na lang si Delsin.
Habang namimili siya kung anong damit ang gusto niya ay bigla naman niyang nakita ang isang pamilyar na mukha sa di kalayuan. Si Boyong.
Sa totoo lang, gustong-gusto niyang magtago sa kanyang pinsan sa mga oras na iyon pero hindi niya magawa dahil hindi niya alam kung saan siya tatago. Isa pa, mall iyon. Kahit saang parte noon ay kita naman talaga siya dahil sa sobrang laki nito.
Wala siyang choice kundi ay ang magpakita talaga sa pinsan niya. Ang mahirap pa roon ay hindi niya alam kung si Boyong lang ang nasa mall o kasama niya ‘yong mag-asawa.
Ang pinaka-ayaw kasi niya ay ang malaman noong mga iyon kung saan siya nagta-trabaho, dahil umalis nga siya sa bahay nina Alexis para hindi sila magkita, tapos ang tadhana naman ang maglalagay sa kanila sa ganoong sitwasyon, ang hirap para kay Delsin noon.