Ilang minutong nag-usap ‘yong dalawa. Doon na nagkaroon ng pagkakataon si Delsin para tawagin ‘yong mga pulis.
Nang makita ni Ysmael ang mga pulis ay galit na galit siya kay Tonyo. Hindi niya akalain na kayang gawin sa kanya iyon ni Tonyo. Akala niya ay kaya pa niyang paikutin ang ulo ng dati niyang nobyo.
“Anong ibigsabihin nito Tonyo?! Bakit may mga pulis?!” galit na sabi ni Ysmael, halata rin sa kanya ang takot dahil sa kanyang boses.
“Pasensya ka na sa akin pero nagising na kasi ako sa katotohanan. Ang katotohanan na kailangan mo nang makulong dahil sa lahat ng ginawa mo sa akin noon,” sabi ni Tonyo, naluluha siya dahil sa galit sa puso niya.
“A-Akala ko ba, mahal mo pa rin ako?” nagmamakaawang tanong ni Ysmael, akala mo ay walang ginawang masama kay Tonyo kung makapagsalita.
“Akala ko rin ay pagmamahal ang meron ako sa iyo. ‘Yon pala, katangahan na ang lahat ng iyon at hindi ko na kaya. Tama na nga siguro ang lahat ng nangyari sa atin,” sabi ni Tonyo, naiiyak na pero pinipigilan niya dahil ayaw niyang ipakita kay Ysmael na mahina siya.
“Akala ko, aayusin pa natin ito. Hindi na pala,” nalulungkot na sagot ni Ysmael.
“Aayusin pa natin ito? Sa tingin mo, kaya pa nating ayusin ang sitwasyon natin kung kaya mo na akong patayin? Naririnig mo ba ang sarili mo, Ysmael?” galit na sabi ni Tonyo.
“Kung papatawarin mo ako ngayon, gagawin koi iyon. Maniwala ka, kahit ngayon lang. Sa huling pagkakataon, maniwala ka sa akin,” pagmamakaawa ni Ysmael kay Tonyo.
“Kung noon, baka maniwala pa ako pero sa sitwasyon na meron tayo ngayon ay hindi na ako maniniwala pa. Tama na siguro iyon,” huling sabi ni Tonyo.
Pinalapit na ni Delsin ang mga pulis para kunin si Ysmael, nagmamakaawa pa rin si Ysmael kay Tonyo pero tumalikod na lang ito para hindi niya makita na kinukuha na ng mga pulis ang dati niyang nobyo. Kahit paano naman kasi ay masakit pa rin sa kanya iyon. Kaya lang, alam niya ito nga ang mas tamang gawin.
“Tonyo, magbabayad ka sa ginawa mo sa akin! Wala kang utang na loob! Akala ko, mahal mo ako pero hindi pala! Ikaw pala ang maglalagay sa akin sa impyerno! Tama lang na walang magmahal sa iyo dahil demonyo ka! Mamamatay kang mag-isa, tandaan mo iyan!” sigaw ni Ysmael.
Habang nakatalikod ay iyak nang iyak si Tonyo dahil sa sinabi ni Ysmael sa kanya. Hindi niya akalain na ganoon ang pagtatapos nila. Ibang-iba ang pagkakakilala niya kay Ysmael at sobrang saya niya na nagising na siya dahil sa mga kaibigan niyang sina Cynthia at Delsin.
Noong umalis na ang mga pulis kasama si Ysmael ay humarap na si Tonyo sa mga kaibigan niya. Umupo siya at umiyak lalo. Niyakap naman siya ni Cynthia para pakalmahin siya. Si Delsin naman ay kumuha ng malamig na tubig sa refrigerator para ipainom kay Tonyo.
“Naku, hayaan mo ang gagong iyon. Kung ano man ang sinabi niya, alam naman natin na hindi totoo iyon, di ba? Alam mong hindi ka mag-isa dahil nandito kami ni Delsin para sa iy,o,” sabi ni Cynthia para hindi na umiyak si Tonyo.
“Oo nga, siya ang naglagay sa impyerno ng sarili niya ano, hindi ikaw. Siya ang demonyo at hindi ikaw. Lagi mong tatandaan iyan, ha?” sabi naman ni Delsin pagkatapos ay binigay niya ang tubig kay Tonyo.
“Pero, mamamatay ba akong mag-isa? Wala na bang magmamahal sa akin dahil sa bakla ako? Meron naman siguro, di ba?” halata ang takot sa boses ni Tonyo nang itanong niya ‘yon sa mga kaibigan niya.
Alam kasi niya na may posibilidad nga na walang magmahal sa kanya nang totoo dahil sa kasarian na meron siya, pero sa huli ay naniniwala pa rin naman siya na may taong para sa kanya talaga.
“Oo naman, meron at meron iyan. Naniniwala akong may taong nakalaan para sa iyo. Hindi mo man siya kilala ngayon pero makikilala mo pa rin siya pagdating ng panahon,” sagot naman ni Cynthia para hindi na mag-isip pa ang kanyang kaibigan.
“Nag-aalala na kasi ako, matanda na ako. Kung totoo man ang sinasabi ni Ysmael eh wala ngang mag-aalaga sa akin sa pagtanda ko. Nakakatakot na walang handang makasama ako sa pagtanda,” sabi ni Tonyo.
“Eh di ako. Sasamahan kita rito sa bahay mo, kahit hindi bilang mahal mo. Bilang kaibigan, sasamahan kita kahit na mas matanda ka sa akin,” sabi ni Delsin pagkatapos ay ngumiti.
“Bata ka pa nga, hindi mo pa alam ang ibigsabihin ko. Ang ibig kong sabihin, ‘yong magiging nobyo ko habang buhay. Iyon ang gusto kong makasama. Alam ko naman na nandyan kayo ni Cynthia para sa akin hanggang dulo pero may hangganan naman iyon dahil magkakaroon kayo ng mga sariling buhay sa mga susunod na taon. Lalo ka na, Delsin,” paliwanag ni Tonyo.
“Iyan ang problema sa iyo eh, nobyo lang ba talaga ang kayang magbigay ng pagmamahal sa iyo? Kaya siguro sobrang sakit sa iyo ng lahat eh. Puro kasi sa lalaki naikot ang mundo mo. Pasensya ka na sa pagiging totoo ko, gusto ko lang sabihin sa iyo na hindi naman lagi kailangan na sa nobyo nakukuha ang lahat. Hindi ba, Ma’am Cynthia?” sagot ni Delsin, napatahimik si Cynthia at Tonyo sa narinig nila kay Delsin.
“Ma’am Cynthia, hindi ba tama naman ako sa sinabi ko?” pag-uulit ni Delsin, naghahanap talaga ng kakampi ito.
“Ah, oo tama ka naman pero naiintindihan ko rin naman kung anong ibig sabihin ni Tonyo sa sinabi niya,” sagot ni Ma’am Cynthia, nagising na siya sa katotohanan na siya nga pala ang kinakausap ni Delsin.
“Ah, oo naman po, naiintindihan ko si Tonyo sa gusto niyang sabihin. Ang gusto ko lang pong malaman niya ay ang hindi natin pag-iwan sa kanya kahit na ano pa man ang mangyari,” sabi ni Delsin.
Ngumiti si Tonyo, tumingin siya sa mga kaibigan niya at saka na nagsalita.
“Huwag na kayong magtalo. Oo na, naiintindihan ko naman si Delsin. Bilib nga ako sa iyo dahil nasabi mo iyan sa akin. Tama ka rin naman, siguro nga ay nabulag na ako sa pagmamahal ng mga lalaki sa akin at hindi ko na nakita pa ang pagmamahal ng mga kaibigan ko sa akin. Pasensya na, Delsin,” nahihiyang sagot ni Tonyo.
Tumango si Delsin bago sumagot sa kanyang kaibigan.
“Wala iyon, basta lagi mo lang tatandaan na meron kang malalapitan kahit na anong mangyari. Hinding-hindi mangyayari na mag-isa ka hanggang sa pagtanda. Meron at merong sasama sa iyo dahil sobrang bait mong tao,” sabi ni Delsin pagkatapos ay ngumiti.
“Naku, alam ko na ang ginagawa mo. Binobola mo ako eh. Halika na nga sa loob! Baka kung ano pa ang sabihin mo dyan eh,” sagot naman ni Tonyo.
“Hindi ah! Totoo ang sinasabi ko!” natatawang sabi ni Delsin at tinulungan na si Tonyo na pumasok sa kwarto niya. Si Ma’am Cynthia naman ay nagpunta sa dining area para may asikasuhin doon.