Nakailang araw na rin ang nakalipas nang makita ni Delsin si Maám Selena. Simula noon ay hindi pa rin nagpapakita ito sa kanya. Mga tatlong araw na. Gusto niyang hindi na umasa pa pero gusto na rin niyang makausap ang babae na iyon para matapos na ang ka-iisip niya tungkol dito.
Habang nagtitinda ay may mga batang lumapit sa kanya. Tatlo iyon. Mukhang bibili naman noong ice cream kaya pinagbentahan niya ang mga ito.
‘’Oh, anong sa flavor ang sa inyo?’’ nakangiting tanong ni Delsin doon sa mga bata.
‘’Mango po,’sabi noong isang bata, nasa edad walo ito.
‘’Ube naman sa akin, kuya,’’ sagot naman noong isa na nasa edad sampu.
‘’Cheese po sa akin, kuya,’’ sabi naman nppng isa na nasa edad labing-isa.
Habang abala si Delsin sa kanyang ginagawa ay kinukuha nap ala ng mga bata ang kinita niya sa kalahating araw. Hindi niya napansin na iyon na pala ang ginagawa ng mga bata sa kanya. Nalaman na lang niya iyon nang biglang tumakbo ang mga bata palayo sa kanya.
‘’Hoy, mga bata! Ano ba naman kayo?! Bakit niyo naman kinuha ang kita ko?!’’ sigaw ni Delsin, pero wala na siyang magawa dahil hindi na siya rinig ng mga ito.
Napabitaw na lang siya roon sa ice cream dahil sa lungkot. Iyak siya nang iyak nang umupo siya sa may kalye. Ni wala na nga siyang pakialam kung sino ang nakakakita sa kanya. Basta, gusto na lang niya magwala roon dahil sa galit na nararamdaman niya.
Doon niya lang naisip ang sinabi ni Alexis sa kanya noong isang araw na mga bata nga pala ang gumagawa ng ganoon doon sa lugar na iyon. Ngayon niya lang naalala, sising-sisi siya na hindi niya naprotektahan ang kita niya ngayong araw. Pandagdag sana iyon sa padala niya para kay Nanay Ising. Ano na ang gagawin niya ngayon?
Nang nakaupo siya roon ay bigla namang dumating si Selena Diaz. Nakasakay ito sa kanyang kotse. Binaba niya agad ang kanyang bintana sa kotse para tingnan si Delsin.
‘’Delsin! Delsin, anong nangyari sa iyo dyan? Ayos ka lang ba ha?’’ sigaw ni Selena.
Iyak pa rin nang iyak si Delsin. Hindi niya narinig si Selena sa sobrang pag-iyak niya kaya tinawag ulit siya noong Selena sa pangalawang pagkakataon.
‘’Uy, Delsin! Ang sabi ko, ayos ka lang ba? Anong nangyari sa iyo?’’
Pagkatanong ni Selena noon ay bumaba na siya dahil gusto niyang makausap si Delsin kung ano ba talaga ang nangyari sa kanya. Baka mamaya, hindi na naman siya marinig kaya bumaba na lang siya.
‘’Oh, anong nangyari? Sabihin mo sa akin,’’ may pag-aalalang sabi ni Selena kay Delsin.
Tumingin nang matagal si Delsin kay Selena bago tuluyang sumagot. Halata mong galling pa siya sa iyak dahil pinupunasan ang kanyang luha.
‘’Eh kasi po, ninakaw noong mga bata ang kita ko ngayong araw. Hindi ko po nakita na kinukuha na po pala nila ang kita ko. Sayang po ang pagod ko ngayong araw. Parang hindi rin ako nagtrabaho ngayon,’’ malungkot na sabi ni Delsin kay Selena.
‘’Ay, Diyos ko po. Baguhan ka lang ba rito sa Maynila? Hindi mo ba alam na marami ngang ganoong bata rito?’’ tanong noong Selena.
‘’H-Hindi ko po alam eh. Ang bait naman po kasi nila sa akin kanina. Nawala po sa isip ko na pwedeng mangyari iyon. Nasabihan na po ako ng isa kong kasamahan. Kaso, hindi ko po talaga naisip agad iyon eh,’’ sabi ni Delsin.
‘’Ay, naku. Sa susunod, mag-iingat ka na roon ah? Teka, magkano ba ýong kinuha sa iyo noong mga bata? Ako na lang ang magbabayad, papalitan ko na lang,’’ nag-aalala si Selena nang sabihin niya iyon kay Delsin.
Nagulat naman si Delsin sa kanyang narinig. Hindi niya akalain na iyon ang sasabihin noong babae sa kanya. Dahil doon ay naalala tuloy niya si Ma’am Cynthia. Isang tao na mabait rin sa kanya.
‘’Naku, ayos na po iyon. Huwag na po niyo akong alalahanin, ah? Ako na lang po ang hahanap ng paraan para kitain ko po ulit ang ninakaw na pera sa akin,’’ nahihiyang sabi ni Delsin.
‘’Naku, kung kaya ko naman tumulong sa iyo. Bakit hindi, di ba? Ayos lang iyon. Sabi ko rin naman noong isang beses na nagkita tayong dalawa, tutulungan kita, hindi ba? Ito na iyon,’’ sabi ni Selena sa kanya.
Nahiya na naman si Delsin dahil doon. Bakit nga ba lagi na lang na kailangang siya ang tulungan ng mga tao sa paligid niya? Bakit hindi naman siya ang tumulong sa ibang tao? Nahihiya na siya para sa sarili niya.
Wala nang nagawa si Delsin kundi kunin ang perang binibigay ni Selena sa kanya. Pinipilit na kasi siyang kunin ýong limang-daang piso mula sa wallet niya.
‘’Pasensya na po kayo kung tinutulungan niyo ako sa problema ko. Alam ko naman pong hindi niyo na ako kailangang tulungan pero ginawa niyo pa rin po. Maraming salamat,’’ sabi ni Delsin, naka-yuko siya dahil sa hiya.
‘’Ayos lang iyon. Ano ka ba? Teka nga, gusto mo bang ipa-blotter ýong mga bata? Para magtanda ang mga iyon at hindi na makaulit pa sa ibang tao,’’ sabi ni Selena kay Delsin.
‘’Naku, huwag na po. Kawawa naman ýong mga batang iyon. Baka may kailangan sila kaya nagawa nilang magnakaw sa akin,’’ sabi ni Delsin, doon na naawa si Selena dahil inalala pa rin ni Delsin ang mga bata kaysa sa sarili niya.
‘’Naku, hindi. Bakit ka naman maaawa sa mga iyon eh ikaw na nga ang ginawan nila ng masama? Eh halika na, pumunta na tayo sa barangay,’’ pilit ni Selena kay Delsin.
‘’Problema lang po iyon. Ayaw ko na po noon,’’ may lungkot sa boses ni Delsin nang sabihin niya iyon.
‘’Ah, sige. Ganito na lang, mag-usap na lang tayo nang masinsinan. Para naman matulungan na kita nang lubusan. Ayos ba iyon?’’ sabi ni Selena.
Hindi alam ni Delsin kung bakit bigla siyang tumango at tumayo para sumama kay Selena. Nagising lang siya sa katotohanan na hindi muna siya pwedeng sumama kay Selena dahil dala pa niya ýong ice cream cart.
‘’Ah, saglit lang po. Tatawagan ko lang po ýong kaibigan ko para kunin ýong ice cream cart dito. Maaga pa po eh, hindi pa po namin uwian ngayon. Hindi ko naman po pwedeng iwan na lang ito bigla rito,’’ paliwanag ni Delsin.
‘’Ah, oo. Sige. I-text mo muna ýong kasamahan mo ngayon para maayos na iyan. Saka tayo mag-usap nang masinsinan,’’ sabi naman ni Selena.
Iyon na nga ang ginawa ni Delsin. Nagulat naman si Alexis nang malaman nito na nanakawan pala ang kaibigan niya. Agad siyang pumunta kung nasaang pwesto si Delsin. Alalang-alala siya sa kanyang kaibigan. Nalungkot din siya dahil masalimuot na naman ang nangyari kay Delsin. Naaawa na siya rito.