Paggising ni Delsin ay pinagtimpla niya ng kape si Tonyo. Nagluto rin siya ng umagahan nito, pambawi sa nangyaring pag-aaway nila kagabi. Buti na lang at maaga siyang nagising, nauna siya kay Tonyo, kaya nagawa niya pa ang lahat ng iyon.
Pagkatapos niyang magluto ay pumunta agad siya sa kwarto ni Tonyo. Kumatok siya roon, naghintay siya kung sasagot si Tonyo sa kanya. Nahihiya kasi siyang pumasok agad dahil nga galit sa kanya ang kaibigan niya.
‘’Oh, ano? Bakit?’’ sabi ni Tonyo, halata mong galit nag alit pa rin siya kay Delsin.
‘’May ibibigay lang sana ako sa iyo. Pwede ba akong pumasok?’’ tanong naman ni Delsin, may takot sa boses niya.
‘’Sige, pumasok ka. Siguraduhin mo lang na matutuwa ako sa ibibigay mo,’’ sabi naman ni Tonyo.
Dahil doon, pumasok na si Delsin sa kwarto ni Tonyo. Pagpasok niya ay hindi siya pinansin ni Tonyo, nakatingin lang ito sa librong binabasa niya at hindi kay Delsin. Tinawag pa siya ni Delsin para lang tumingin siya.
‘’Tonyo, dinalhan kita ng umagahan mo. Nagluto ako at nagtimpla ng kape,’’ mahinang sabi ni Delsin dahil alam niyang galit pa rin sa kanya si Tonyo.
‘’Ilagay mo na lang dyan, mamaya ko na kakainin. Kaya ko naman na mag-isa eh,’’ mataray na sabi ni Tonyo, hindi pa rin siya nakatingin kay Delsin, nakatingin pa rin siya sa libro na binabasa niya.
‘’Oo nga pala, nakapag-isip isip na ako tungkol sa sinasabi mo. Di ba, gusto mong makita si Ysmael at makausap?’’ sabi ni Delsin, na-sorpresa si Tonyo sa sinabi ni Delsin pero hindi niya pinahalata, hindi siya agad na sumagot, patuloy lang siyang nakinig sa sinasabi ni Delsin sa kanya.
‘’Pumapayag na ako sa gusto mong mangyari. Tutulungan na kita. Iyon nga lang, hindi talaga natin sasabihin kay Maám Cynthia ito dahil mapapagalitan tayo noon,’’ sabi ni Delsin.
Lalo tuloy natuwa si Tonyo dahil sa kanyang narinig. Dahan-dahan niyang binaba ang librong binabasa niya at tumingin na kay Delsin.
‘’Talaga? Bakit naman nagbago ang isip mo?’’ nakangiiting tanong niya sa kaibigan.
‘’W-Wala, ayaw ko lang na galit ka sa akin. May hihilingin lang sana ako sa iyo tungkol sa pagpunta natin kay Ysmael,’’ sabi naman ni Delsin.
Masayang-masayang tinanong ni Tonyo kung ano ‘yong hiling ni Delsin sa kanya. Mukhang tatanggapin naman niya lahat ng iyon basta lang makapunta siya sa mahal na mahal niyang si Ysmael. Hindi na niya sasayangin pa ang pagkakataon na ito.
‘’Ano ýong hiling mo? Kahit ano pa iyan, gagawin ko. Salamat talaga at pumayag ka na sa gusto ko. Hayaan mo, hindi talaga malalaman ni Cynthia ang plano natin. Gagawin ko ang lahat para hindi niya malaman,’’ halata ang saya sa boses ni Tonyo.
‘’Ang hiling ko sana ay bilisan lang natin ang pagpunta roon. Kaya lang naman ako pumayag ay dahil sa iyo, pero ayaw ko talagang pumunta doon kahit na anong mangyari. Kaya kung pwede, bilisan mo ang pakikipag-usap sa kanya,’’ ang tono ni Delsin ay parang nag-uutos na siya at hindi hiling sa kaibigan.
‘’Oo, sige. Konting minuto lang naman talaga ang gusto ko. Ayaw ko rin magtagal doon,’’ sabi ni Tonyo.
‘’Isa pa, kung pwede lang naman,’’ hirit pa ni Delsin, doon na medyo nainis si Tonyo dahil sobrang dami palang gusto ni Delsin.
‘’Ano pa? Ang dami naman pala, akala ko ay konti lang,’’ inis na ang tono niya.
‘’Huli na ito. Kapag inaway ka niya ay aalis agad tayo. Kahit na hindi pa kayo nag-uumpisa, aalis agad tayo. Ayaw ko kasing nakikita ko na inaaway ka niya. Lalo pa kung sasaktan ka niya sa harapan ko,’’ may galit na sa tono ni Delsin.
Naaalala na naman kasi niya ýong itsura ni Tonyo noong unang beses niyang malaman na sinasaktan pala ito ni Ysmael. Kapag naiisip niya iyon, gusting-gusto niyang gantihan si Ysmael. Pasalamat na lang talaga si Ysmael dahil mas matanda siya kay Delsin kaya hindi niya ito pinapatulan at may respeto pa rin siya rito.
‘’S-Sige, kung iyan ang gusto mo eh. Ang gusto ko lang naman talaga ay makita ang kalagayan niya roon. Paano kung may sakit na pala siya roon, hindi ba? Walang nag-aalaga sa kanya-‘’ natigil ang pagsasalita niya nang sumagot si Delsin sa kanya.
‘’Haynaku, sabi ko na nga ba eh. Kahit pumayag kang ipakulong iyon, mahal mo pa rin talaga siya. Kakaiba ka talaga, akala namin ni Maám Cynthia ay tapos na ang pagiging tanga mo sa lalaking iyan eh,’’ sabi pa ni Delsin.
Natawa naman si Tonyo sa kaibigan dahil medyo napahiya siya rito.
‘’Wala eh, mahal ko talaga, pero alam ko rin naman sa sarili ko na kailangan niyang pagbayaran ang mga nangyari sa akin. Masakit naman talaga ang ginawa niya eh,’’ sabi ni Tonyo.
‘’Ayos na iyon, basta alam naming nasa kulungan na siya. Ibigsabihin, nasa maayos kang kalagayan at hindi ka na niya masasaktan pa. Kapag sinaktan ka pa niya, ako na ang makakalaban niya kahit na mas bata pa ako sa kanya,’’ sagot naman ni Delsin.
‘’Eh, kailan tayo pupunta kay Ysmael? Ngayong araw na ba?’excited na tanong ni Tonyo kay Delsin.
‘’Oo sana, kumain ka na dyan para maka-alis ma tayo. Uubusin ko lang ýong kape ko sa labas pagkatapos ay maliligo na ako. Pagkatapos ko, aayusin ko na ýong mainit na tubig para makaligo ka na. Ayos ba iyon?’’ sagot naman ni Delsin na sobrang kinatuwa ni Tonyo.
‘’Sige, kakain na ako,’’ masayang sagot ni Tonyo.
Inayos naman ni Delsin ang pagkain ni Tonyo, nilagay niya ito sa maliit na table na nakalagay sa kama ni Tonyo at lumabas na siya sa kwarto.
Sa totoo lang, kabadong-kabado si Delsin dahil baka malaman ng kanyang Maám Cynthia ang gagawin nila ni Tonyo. Kaya nga lang ay ayaw naman niyang magalit sa kanya si Tonyo. Iyon na nga lang ang pamilya na meron siya, mawawala pa sa kanya. Isa pa, wala siyang lilipatan oras na palayasin siya nito dahil galit nga.
Sa kabilang banda naman ay walang paglagyan ýong saya ni Tonyo. Akala kasi talaga niya ay hindi papayag si Delsin sa gusto niya. Gumana naman ang pag-arte niya para makuha ang gusto niya. Sa wakas, makikita na niya ang lalaking mahal niya. Iyon nga lang, may konting takot pa rin siyang dala dahil baka saktan siya nito kahit nasa loob pa sila ng kulungan na dalawa.