Chapter 63

1082 Words
Nang makalabas na sila ng prisinto ay kinausap na ni Cynthia si Delsin tungkol sa kaso ni Boyong. ‘’Delsin, tungkol doon sa kaso ni Boyong. Pinaki-usapan ko naman ang mga pulis na may hawak sa kaso niya. Kaya lang, kailangan daw na si Oryang ang mag-urong ng kaso at hindi ikaw. Ngayon, ang sabi ng pulis sa akin ay paki-usapan mo raw si Oryang na i-urong iyon. Ang tanong, kaya mo ba?’’ sabi ni Cynthia. Kinagulat naman iyon ni Delsin, akala kasi niya ay ayos na ang lahat. Hindi tuloy siya nakasagot agad kay Cynthia. ‘’Akala ko po kanina ay ayos na. Sa ugali po na meron si Oryang, hindi po iyon papaya na i-urong ang kaso ni Boyong. Pero, susubukan ko po para sa Nanay Ising ko. Wala naman po akong magagawa, hindi ba? Kailangan ko po itong gawin para sa pamilya ko,’’ may lungkot sa mga mata ni Delsin. Halata rin sa boses niya na hindi niya gusto ang gagawin niya. ‘’Huwag kang mag-alala, sasamahan naman kita kapag kinausap mo na si Oryang at Boyong tungkol dyan. Ako ang magpapaliwanag sa kanila ng lahat kung hindi nila maintindihan,’’ sagot naman ni Cynthia. Tumango na lang si Delsin bilang tugon. Wala naman kasi siyang magagawa sa ngayon kundi ang magtiwala kay Maám Cynthia niya. Ang tanging hiling lang niya sa Diyos ay ang payagan siya ni Oryang sa kahilingan niya para sa Nanay Ising niya. Kinagabihan, bago matulog sina Delsin at Tonyo ay pinapunta muna ni Tonyo si Delsin sa kwarto niya. Dahil sa pagtataka, agad naman iyong ginawa ni Delsin. Pagpasok niya sa loob ng kwarto ni Tonyo ay umupo siya sa kama, malapit sa parte kung saan nakahiga si Tonyo. “Hmm, bakit? May problema ka ba?” tanong agad ni Delsin kay Tonyo. ‘’Eh kasi, gusto ko ngang kausapin si Ysmael, pwede mo ba akong tulungan tungkol doon?” tanong ni Tonyo, kahit alam naman niyang may chance na hindi pumayag si Delsin sa sinasabi niya. “Hala, baka mapagalitan naman ako ni Maám Cynthia dyan sa gusto mong gawin. Di ba, sinabi na niya na ayaw niyang kausapin mo iyon? Huwag na, making ka na lang kay Maám Cynthia, iyon naman ang makakabuti sa iyo eh,’’ sabi ni Delsin, takot kasi siya na mapagalitan ni Maám Cynthia. ‘’Iyon na nga, hindi mo naman sasabihin kay Cynthia ang plano ko dahil alam mong pagagalitan tayo noon, hindi ba? Sikreto lang natin ito,” sabi pa ni Tonyo. Doon na mas kinabahan si Delsin. Ayaw niya kasi ng ganoon, gusto niya na legal ang mga ginagawa niya. Kahit kanino o kahit saan pa iyan. Isa pa, alam niya na kapag sinunod niya ang sinasabi ni Tonyo sa kanya eh baka hindi na siya pagkatiwalaan pa ni Cynthia sa kahit anong aspeto. “Ewan ko, hindi ko alam. Pag-iisipan ko pa,’’ sabi ni Delsin sa kaibigan niya. ‘’Akala ko ba, kaibigan mo ako? Kung totoong kaibigan kita, sasamahan at pagkakatiwalaan mo ako tungkol dyan sa pagpunta ko kay Ysmael. Kakausapin ko lang naman, iyon lang talaga ang gagawin ko,” inis na sabi ni Tonyo. ‘’Oo naman, kaibigan mo ako. Kaya ko nga sinasabi sa iyo na huwag mo na puntahin si Ysmael kasi ayaw kong mapahamak ka na sa lalaking iyon. Naranasan mo nang nasaktan sa kanya, hindi ba? Bakit ayaw mo pa rin tigilan?’’ sabi naman ni Delsin, naasa siya na magising na sa katotohanan ang kaibigan niya. ‘’Hindi naman ako makikipagbalikan na ah, hindi ko na gagawin iyon. Kakausapin ko na lang siya, magkaiba iyon. Bakit hindi niyo ba maintindihan iyon? Ang hirap naman sa inyo, kapag naman kayo ang tutulungan ko, pinagbibigyan ko naman kayo ah?’’ mas mataas na ang boses ni Tonyo ngayon kaysa sa unang sinabi niya kanina. ‘’Alam ko naman na hindi ka makikipagbalikan. Malinaw naman sa akin iyon, kaya lang ay iniiwasan nga natin ang kahit anong sasabihin niya laban sa iyo. Alam mo naman na galit siya sa iyo, hindi ba? Iyon lang naman ang para sa akin, Tonyo,’’ todo paliwanag si Delsin kay Tonyo para hindi na ito magalit pa sa kanya. ‘’Kaya lang naman ako ganoon dahil nakakulong siya hindi ba? Kahit naman siguro ikaw, kapag nakakulong ang kakilala mo ay dadalawin mo pa rin siya, hindi ba? Si Boyong nga, ang pinsan mo na niloko ka na ay pinuntahan mo eh. Bakit ako, hindi pwede? Sinaktan din naman ako ah, parehas lang tayong dalawa sa aspeto na iyon,’’ sagot ni Tonyo na ikinagulat ni Delsin, pero alam din naman ni Delsin na totoo iyon kaya hindi na siya nagsalita pa. Ilang minuto lang na tiningnan ni Delsin si Tonyo dahil kahit paano ay nahiya siya sa kaibigan. ‘’Ano? Hindi ka makapagsalita dahil alam mong totoo ang sinasabi ko, hindi ba? Ngayon mo sa akin sabihin ýang pagbabawal mo sa akin. Ano? Kaya mo ba?’’ galit na sagot ni Tonyo kay Delsin. Hindi na nagsalita pa si Delsin, tumayo na lang siya at naglakad palabas sa kwarto ni Tonyo. Hindi na rin tumutol si Tonyo sa ginawa ni Delsin na iyon dahil ayaw na rin niyang makausap muna si Delsin. Pagpasok ni Delsin sa kwarto ay inisip niya ang nangyari sa pag-usap nila ni Tonyo. Hindi niya akalain na mag-aaway sila ng kaibigang si Tonyo dahil lang sa Ysmael na iyon. Kitang-kita niya na mahal na mahal pa rin talaga ni Tonyo si Ysmael kahit puro sakit na ang dulot nito sa kanya. Gustong-gusto niyang tulungan si Tonyo pero hindi niya alam kung paano dahil hindi bukas ang isip nito sa mga ganitong bagay. Hindi tuloy niya malaman sa kanyang sarili kung tutulungan ba niya ang kanyang kaibigan dahil kahit paano ay naaawa siya rito. Ang kapalit naman ng pagtulong niya ay ang kasiguraduhan na magagalit si Maám Cynthia sa kanya. Ang hirap naman nito, gusto ko lang naman nang tahimik na buhay. Bakit hindi ko makuha-kuha iyon? Gusto ko siyang tulungan, pero may kaakibat na problema iyon. Iyon nga lang, kapag hindi ko siya tinulungan ngayon ay labis naman siyang magagalit sa akin. Sa sobrang pag-iisip ay nakatulog na si Delsin sa kanyang kwarto. Pagod na rin siguro siya sa araw na lumipas dahil panay problema na nga ang dumating sa kanya noong araw na ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD