Nang dumating na sila sa prisinto ay nagulat naman si Boyong nang makita niya ‘yong tatlo. Kahit paano ay natuwa siya dahil tutulungan siya ni Delsin. Akala kasi niya ay hindi na siya tutulungan ng kanyang pinsan dahil sa mga kalokohan na ginawa niya rito.
Nang maka-upo na si Boyong ay hindi niya maitago ang saya na nararamdaman niya. Kulang na nga lang ay yakapin niya na ang tatlo sa sobrang saya.
“Salamat naman at pinuntahan niyo ako dito. Akala ko, hindi niyo na ako dadalawin eh. Akala ko, nakalimutan mo na ako, Delsin,”sabi ni Boyong.
“Hindi naman, pinag-isipan ko pa kasi ang mga bagay-bagay. Alam mo naman kung ano ang kasalanan mo sa akin, hindi ba? Kaya lang, mas nanaig sa akin ang pagiging pamilya natin,” sagot naman ni Delsin.
Tumayo naman si Cynthia para kausapin ang mga pulis tungkol sa kaso ni Boyong. Si Tonyo ay nakikinig lang sa mga pinag-uusapan nila. Ang gusto lang naman kasi niya ay malaman kung maayos bang kausap ýong Boyong o hindi.
“Oh, kayo muna ang mag-usap dyan. Kakausapin ko lang ýong mga pulis,”paalam ni Cynthia, natuwa naman si Boyong nang marinig niya iyon.
Nagkaroon siya ng lakas ng loob na talagang tutulungan siya ni Delsin at Cynthia sa problema niya. Hindi niya lang masabi pero tuwang-tuwa siya sa mga nangyayari.
‘’Alam na ba ni Ate Nessa na nandito ka? Anong sabi niya?”tanong ni Delsin.
“’Oo, alam naman na niya. Ýon, panay ang iyak niya dahil hindi siya makapaniwala sa nangyari. Galit na galit nga si siya kay Oryang dahil sinali pa ako sa kalokohan niya. Panay hingi siya ng tawad sa iyo dahil sa ginawa ko. Pasensya na talaga, Delsin ah?” sabi ni Boyong sa kanyang pinsan.
“Hindi ko pa rin naman nakakalimutan ang ginawa mo. Hindi ko pa rin alam kung patatawarin na kita o ano. Nandito lang ako para sa iyo bilang pinsan mo. Alam ko kasing wala kang ibang pamilya dito sa Maynila kundi ako lang,” sagot ni Delsin.
“Naiintindihan ko naman, maiintindihan ko rin naman kung hindi mo rin ako tutulungan. Pero, masaya ako dahil ganyan ang naisip mo,” sabi ni Boyong.
“Eh si Oryang, kumusta siya rito sa kulungan?”
‘’Eh di ýon, sigaw nang sigaw. Ang ingay niya nga eh, galit na galit sa akin at sa iyo. Minsan, naririnig ko siyang umiyak pero kapag kaharap na niya ako ay nagwawala naman. Nakakahiya nga sa mga nakakakita sa amin, hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko sa kanya,”sagot ni Boyong.
“Hayaan mo, gagawin ko naman ang lahat para mapalabas ka rito sa kulungan eh,” sabi pa ni Delsin, kahit hindi pa naman niya alam kung ano ang pinag-uusapan ni Cynthia at ng mga pulis.
Sa kabilang banda naman ay galit nag alit si Tonyo dahil iyon ang narinig niya sa kaibigan. Kung pwede lang na magsalita ng masama roon sa kulungan ay ginawa na niya pero hindi niya ginawa. Mamaya na lang niya kakausapin si Delsin kapag sila na lang dalawa.
“Talaga ba? Salamat naman talaga,’’ masayang sabi ni Boyong.
‘’Oo, ako na ang bahala. Kinakausap na ngayon ni Maám Cynthia ang mga pulis para maging maayos na ang lahat,” sabi ni Delsin.
Pagkatapos ng ilang minuto ay dumating na si Cynthia galling sa mga pulis. Pilit siyang ngumiti kay Boyong at Delsin. Ang totoo kasi niyan ay hindi talaga niya naayos ang kaso ni Boyong, hindi pumayag ang mga pulis dahil hindi naman daw si Delsin ang nagkaso kay Boyong kundi si Oryang. Kaya si Oryang lang ang may karapatan na mag-urong noon.
“Naayos niyo na po ba, Maám Cynthia? Makakalabas na po ba ko rito? Hindi naman po kasi talaga ako ang may sala rito kundi si Oryang eh,” pagtatanggol pa ni Boyong sa kanyang sarili.
“Ah, kakausapin pa ako ng mga pulis eh. Hayaan mo, aayusin ko ito. Huwag kang mag-alala. Sa ngayon, kailangan mo munang magtiis. Babalik na lang kami ni Delsin kapag ayos na ang lahat, ah?” sagot ni Cynthia.
‘’Sige po, Maám Cynthia. Wala naman pong problema sa akin. Ang importante po sa akin ay ang makalabas ako rito,” sabi naman ni Boyong, sabay ngiti sa kanya.
‘’Oo, sige. Aalis na kami ni Delsin ah?’’ paalam ni Cynthia, para makausap na niya si Delsin tungkol sa kaso ni Boyong.
‘’Nandito ba si Ysmael? Di ba sabi niyo, dito nakakulong si Ysmael?’’ tanong bigla ni Tonyo.
“Ah, oo. Gusto mo bang makita o makausap?’’ tanong naman ni Delsin.
“Naku, huwag na. Hayaan mo na ang lalaki na iyon. Di ba sabi natin ay hindi mo na kakausapin ‘ýan? Baka mamaya, lokohin ka na naman. Kilala na kita, isang pitik lang ng lalaking ýan ay bibigay ka na ulit eh,’’ saway ni Cynthia.
‘’Eh, kakausapin ko lang naman. Saglit lang. Kakamustahin ko lang siya rito,’’ hirit pa ni Tonyo sa mga kaibigan niya.
“Hindi na. Alam kong gusto mo lang siyang makausap, pero gusto lang din kitang protektahan. Alam mo naman na galit sa iyo ýon, hindi ba? Baka mamaya, kung ano pa ang sabihin sa iyo noon na makakasakit lang naman, eh mabuting huwag na, hindi ba?’’ sabi naman ni Cynthia.
‘’Sabagay, tama ka naman. Kilala mo na talaga ako, Cynthia. Hayaan na nga natin siya,’’ sagot naman ni Tonyo, pero sa loob-loob niya ay gusto talaga niyang makita at makausap si Ysmael, kaya gagawa siya ng paraan para magawa iyon.
Nang makalabas na sila ng prisinto ay kinausap na ni Cynthia si Delsin tungkol sa kaso ni Boyong.
‘’Delsin, tungkol doon sa kaso ni Boyong. Pinaki-usapan ko naman ang mga pulis na may hawak sa kaso niya. Kaya lang, kailangan daw na si Oryang ang mag-urong ng kaso at hindi ikaw. Ngayon, ang sabi ng pulis sa akin ay paki-usapan mo raw si Oryang na i-urong iyon. Ang tanong, kaya mo ba?’’ sabi ni Cynthia.
Kinagulat naman iyon ni Delsin, akala kasi niya ay ayos na ang lahat. Hindi tuloy siya nakasagot agad kay Cynthia.
‘’Akala ko po kanina ay ayos na. Sa ugali po na meron si Oryang, hindi po iyon papaya na i-urong ang kaso ni Boyong. Pero, susubukan ko po para sa Nanay Ising ko. Wala naman po akong magagawa, hindi ba? Kailangan ko po itong gawin para sa pamilya ko,’’ may lungkot sa mga mata ni Delsin. Halata rin sa boses niya na hindi niya gusto ang gagawin niya.
‘’Huwag kang mag-alala, sasamahan naman kita kapag kinausap mo na si Oryang at Boyong tungkol dyan. Ako ang magpapaliwanag sa kanila ng lahat kung hindi nila maintindihan,’’ sagot naman ni Cynthia.
Tumango na lang si Delsin bilang tugon. Wala naman kasi siyang magagawa sa ngayon kundi ang magtiwala kay Maám Cynthia niya. Ang tanging hiling lang niya sa Diyos ay ang payagan siya ni Oryang sa kahilingan niya para sa Nanay Ising niya.