Makailan ang ilang araw ay napagpasyahan ni Cynthia na dumalaw siya sa bahay ni Tonyo. Nahihiya kasi siya kay Delsin, hindi dapat siya nagalit nang ganoon sa bata. Alam niya kasi na hindi naman sanay si Delsin na ganoon siya, kaya kailangan niyang magsabi ng sorry. Baka kasi nagtatampo na ito sa kanya ngayon.
Pagdating ni Cynthia sa bahay ni Tonyo ay agad siyang kumatok. Agad naman siyang pinagbuksan ni Aling Miling, isa sa mga kapitbahay ni Tonyo. Ito rin ang pinagbilinan ni Delsin na alagaan si Tonyo.
Gulat na gulat naman si Cynthia nang makita ang matanda sa may pinto. Ang inaasahan kasi niyang makita ay si Delsin, hindi ang matandang ito na nasa harapan niya ngayon. Bigla tuloy nawala ang ngiti sa mukha ni Cynthia.
‘’Ay, magandang umaga po, Maám Cynthia. Buti naman po at napadaan kayo. Pasok po kayo,’’ bati ni Aling Miling kay Cynthia pagkapos ay pinapasok na niya ang ginang sa loob ng bahay ni Tonyo.
‘’Maám, tatawagin ko lang po si Tonyo ha? Sasabihin kop o na nandito kayo,’’ ngumiti si Aling Miling, pagkatapos ay pumunta na sa kwarto ni Tonyo para sabihan na ito na may bisita siya.
Kumatok si Aling Miling sa kwarto ni Tonyo. Si Tonyo naman ay busy na busy dahil iniisip niya pa rin ang pag-alis ni Delsin sa bahay niya noong isang araw. Hindi agad narinig ni Tonyo ang katok ni Aling Miling kaya kumatok ulit ang matanda sa pinto niya.
‘’Po, Aling Miling? Pumasok na po kayo,’’ sabi ni Tonyo kaya pumasok na ang matanda sa kwarto ni Tonyo.
‘’Ay, naku. Kanina pa ako nakatok. Tulog ka pa ba kanina? Pasensya ka na-‘’ hindi na natapos ni Aling Miling ang sinasabi dahil sumagot agad si Tonyo sa kanya.
‘’Hindi po, Aling Miling. May binabasa po kasi ako kanina kaya hindi ko po kayo agad narinig. Pasensya na po kayo. Ano po ba iyon? Bakit kayo naparito sa kwarto ko?’’ pagsisinungaling pa ni Tonyo para hindi mahalata ni Aling Miling na malungkot siya dahil sa pag-alis ni Delsin.
‘’Ah, nandyan kasi si Maám Cynthia, binisita ka niya. Halika na, lumabas ka na roon,’’ nakangiting sabi ni Aling Miling, kinagulat naman ni Tonyo ang sinabi ng matanda.
Hindi niya tuloy alam kung lalabas talaga siya o hindi. Ang huli kasi nilang pag-uusap ay galit ito sa kanya kaya may takot siyang nararamdaman ngayon. Agad niya na lang tinanong si Aling Miling kung galit baa ng aura ni Cynthia o ano.
‘’Galit ba siya noong pumunta rito? O kalmado naman?’’ may takot sa boses ni Tonyo nang tanungin niya si Aling Miling tungkol doon.
‘’Ah, eh, kalmado naman siya. Sa tingin ko. Bakit?’’ nagtataka si Aling Miling sa tanong ni Tonyo pero sinagot pa rin naman niya ang tanong nito.
‘’Ah. Wala naman po. Sige po. Lalabas ako mamaya. May mga aayusin lang po ako rito sa kwarto ko,’’ kabado si Tonyo pero sinubukan niyang kalmahin ang sarili.
‘’S-Sige. Sasabihin ko na lang sa kanya na hintayin ka sa labas,’’ sagot naman ni Aling Miling at lumabas na mula sa kwarto ni Tonyo.
Ilang minuto pa ang lumipas nang lumabas na si Tonyo sa kwarto. Napansin niya na napakaraming tanong sa mukha ni Cynthia. Siguro ay nagtataka na ito kung nasaan si Delsin. Nang makaupo na si Tonyo sa sofa ay nagsalita agad siya.
‘’Oh, Cynthia. Bakit ka naparito? Anong kailangan mo?’’ tanong ni Tonyo, para hindi na maitanong pa ni Cynthia si Delsin sa kanya.
‘’Ah, kakausapin ko sana kayo ni Delsin tungkol sa nangyari roon sa bahay ko noong isang araw. Pero, mukhang wala siya rito ngayon. Nasaan siya?’’ tanong ni Cynthia pagkatapos ay tumingin sa paligid. Hinahanap niya si Delsin.
‘’Ah. Hindi pala siya nagpaalam sa iyo. Akala ko, nagpaalam siya. Sorry, pero hindi ko alam kung nasaan siya eh,’’ may lungkot sa boses ni Tonyo nang sabihin niya iyon.
Takang-taka naman si Cynthia, hindi niya maintindihan kung ano ang sinasabi ng kanyang kaibigan.
‘’Ha? Paanong hindi mo alam? Ano bang nangyari sa inyo noong wala ako? Anong sinabi niya sa iyo?’’ nag-aalalang sabi ni Cynthia kay Tonyo.
‘’Ah, eh ang sabi niya ay aalis na siya sa poder ko dahil ang dami nang nangyari sa ating tatlo. Gusto ko man siyang pigilan pero hindi ko naman magawa. Kung ayaw niya na, hindi ko na siya pipilitin,’’ sabi naman ni Tonyo.
Kunwari lang ay hindi siya nag-aalala kung nasaan si Tonyo, pero sa totoo lang ay halos hindi na siya makatulog dahil sa kakaisip kung nasaan na ito. Pinipilit lang niyang maging malakas para ganoon din ang gawin ni Cynthia ngayon.
‘’Bakit hindi mo pinigilan? Alam mo naman na hindi pa niya alam ang pasikot-sikot dito sa Maynila. Isa pa, bata pa si Delsin. Baka kung mapaano iyon sa daan. Tonyo naman,’’ may inis sa boses ni Cynthia nang sabihin niya iyon kau Tonyo.
‘’Alam ko. Naisip ko na rin naman iyan. Kaso lang, huli na eh. Hindi ko naman na alam kung saan siya pumunta. Isa pa, sabi naman niya eh dadalaw siya sa akin kapag may oras siya. Eh di, hihintayin ko na lang iyon. Kilala ko naman siya, tutuparin niya ang isang pangako,’’ sagot ni Tonyo, pinipilit niyang maging positibo mula sa sitwasyon.
‘’Eh paano kung hindi na niya matupad dahil napaano na siya sa daan? Ikaw talaga, hindi ka rin nag-iisip minsan eh,’’ inis na inis na sabi ni Cynthia kay Tonyo.
Wala naman nang masabi si Tonyo dahil alam naman niya na kamalian niya iyon. Isa pa, alam din ni Tonyo na mas kakampihan talaga ni Cynthia si Delsin dahil anak na ang turin niya rito. Kahit gusto niyang magalit sa kanyang kaibigan ay hindi niya magawa.
‘’Oras na bumisita siya rito. Sasabihan ko siya agad na makipagkita sa iyo. Ayaw kasi niyang makitira sa iyo dahil alam niyang galit ka raw sa kanya eh. Saka, nahihiya na rin talaga ýong bata sa atin dahil marami na raw tayong naitulong sa kanya. Tama na raw iyon,’’ pagke-kwento ni Tony okay Cynthia.
Doon na humagulhol si Cynthia. Nagsisisi siya na nagalit pa siya roon sa dalawa. Kung hindi nangyari iyon, hindi sana aalis si Delsin sa poder ni Tonyo. Ngayon, hindi nila alam kung saan hahagilapin ang binata.
‘’Sige, tawagan mo ako agad kapag bumisita siya sa iyo, ha? Hayaan mo at ipapahanap ko rin naman siya sa mga tauhan ko. Mas madali iyon,’’ sagot ni Cynthia, parang kumalma na siya sa pag-iyak.
Tumahan muna siya bago tuluyang tumayo at umalis sa bahay ni tonyo. Pinangako niya sa sarili niya na hahanapin niya si Delsin kahit na ano pa ang mangyari. Hindi siya titigil hangga’t hindi nakakausap ito nang masinsinan.