Chapter 48
Ilang miinuto pa ay pumunta si Mikay sa loob ng kwarto ni Delsin. Nagulat naman si Delsin dahil parang nagmamadali ito na pumunta sa kanyang kwarto.
“Oh, anong problema, Mikay? May kailangan ka ba sa akin?” tanong ni Delsin, nag-aalala.
“Naku, kanina ka pa hinahanap ni Albert! Bilisan mo, nagwawala na naman doon sa kwarto niya. Pinapakalma ko na pero hindi naman kumakalma,” kwento ni Mikay kay Delsin.
“Hala, oo nga pala. Sige, tara na,” sagot ni Delsin at nagmamadali nang pumunta sa kwarto ni Sir Albert niya.
Pagdating nila roon ay nagbasag na ng vase si Albert. Hindi na nila ito napigilan.
Agad na kinuha ni Delsin ang pangpakalma ng kanyang Sir Albert.
"Ikaw muna ang bahala kay Sir Albert, bababa lang ako para kumuha ng tubig niya," pakisuyo ni Delsin kay Mikay.
"Oo, sige. Bumaba ka muna, kaya ko naman ito," sabi ni Mikay.
Kumuha na siya ng tubig sa baba ng kwarto nito habang si Mikay muna ang nagbabantay kay Albert.
Agad namang bumaba si Ma'am Cynthia, nagmamadali siya.
"Delsin, anong nangyari? Bakit may narinig akong nagbasag? Si Albert ba iyon?" nag-aalalang tanong ni Ma'am Cynthia.
"Opo, nagwala po ulit siya eh. Papainumin ko na po ng pangpakalma," sabi ni Delsin.
"Sige, pupunta ako sa taas mamaya. May aasikasuhin lang ako," sagot naman ni Cynthia.
"Sige po, pupunta na po ako sa taas. Si Mikay po ang nagbabantay sa kanya ngayon eh," sabi naman ni Delsin pagkatapos ay nagmadali nang pumunta sa taas, doon sa kwarto ni Albert.
Pagpasok ni Delsin ay bumaba rin agad si Mikay dahil marami rin daw siyang aasikasuhin.
Pagkatapos niyang painumin si Albert ay nilinis na niya ang basag-basag na vase. Ilang minuto pa ay nakatulog na rin ang kanyang Sir Albert dahil sa ininom na pangpakalma.
Ilang minuto pa ay dumating na si Ma'am Cynthia sa kwarto ng kanyang anak. Agad siyang lumapit rito para tingnan kung ano man ang lagay nito.
"Mabuti naman na tulog na siya. Haynaku, bawal pa rin pala siyang mag-isa. Teka, nasaan ka ba kanina?" tanong ni Cynthia pero kinakabahan na si Delsin dahil baka magalit ang amo niya sa kanya.
"Ah, eh nagpapahinga na po kasi siya kanina rito sa kwarto niya, kaya iniwan ko po muna at pumunta muna ako sa kwarto ko. May kinausap lang po ako," sagot ni Delsin, kabado pa rin sa kanyang amo.
"Ah, eh pwede ba na humiling ako sa iyo? Kung pwede lang naman, Delsin."
Nagtataka si Delsin kung anong hiling ng kanyang amo pero sinagot pa rin naman niya ito.
"Syempre naman, ano naman po iyon Ma'am Cynthia?" tanong ni Delsin.
"Pwede bang dito ka na lang matulog sa kwarto ng anak ko? Para alam mo ang lahat ng kilos niya," pakisuyo ni Cynthia kay Delsin.
Gulat na gulat naman si Delsin dahil hindi niya akalain na iyon ang sasabihin sa kanya ni Cynthia.
"P-Po? Sigurado po ba kayo dyan? Hindi po ba magagalit sa akin si Sir Mikael kapag iyon po ang ginawa ko?" lalong kinabahan ang tono ng pananalita ni Delsin.
Napangiti na lang si Cynthia, may awa sa kanyang mga mata.
"Naku, pasensya ka na sa anak ko ha? Hayaan mo na siya, ako na bahalang magpaliwanag sa kanya. Sigurado naman ako, kapag ako ang nagsabi sa kanya ay maiintindihan naman niya na iyon," paliwanag ni Cynthia kay Delsin.
"Sigurado po ba talaga kayo, Ma'am Cynthia? Ayaw ko lang po kasi na mag-away na naman kayo ni Sir Mikael dahil sa akin, ayaw ko na pong makita na maging ganoon kayo," sabi ni Delsin.
"Pangako ko sa iyo na hindi kami mag-aaway noon. Ako na ang bahala. Basta ilagay mo na ang mga gamit mo rito mamayang gabi ha?" pakisuyo ni Cynthia kay Delsin.
"Eh sige po, kung iyan talaga ang gusto ninyo. Tama rin naman po kayo, mas maigi nang kasama ako lagi ni Sir Albert dito," sabi ni Delsin.
Ngumiti si Cynthia at Delsin sa isa't isa pero si Delsin ay kabado talaga sa kung anong sasabihin nina Mikael at Zsa Zsa sa kanya.
Pagbaba ni Delsin para kunin ang mga gamit niya sa sarili niyang kwarto ay sakto naman na nakasalubong niya si Mikael.
"Oh, bakit parang nagmamadali ka yata?" masungit na tanong ni Mikael kay Delsin.
"Ah, wala naman po, Sir Mikael," maikling sagot ni Delsin at nagmadali na papunta sa kwarto ng kanyang Sir Albert.
Dahil napansin niya na papunta si Delsin sa kwarto ni Albert ay nagmadali agad si Mikael na pumunta sa kanyang Mama Cynthia para magtanong kung anong nangyayari.
"Mama, bakit pumunta si Delsin sa kwarto ni Albert na dala-dala ang mga gamit niya?" naguguluhan na tanong ni Mikael sa kanyang ina.
"Ah, kasi kailangan na niyang doon matulog at lagi nang nagwawala ang Kuya Albert mo. Ayaw ko namang laging mangyari iyon kaya simula ngayon ay doon na siya tutulog. Katabi niya ang Kuya Albert mo."
Gulat na gulat si Mikael at mahahalata mo talaga sa kanya na ayaw niya sa naging desisyon ng kanyang Mama Cynthia.
"Seryoso ka ba, Mama? Hindi ka ba talaga titigil sa mga ginagawa mo? Paano kung nakawan niya ang kwarto ng Kuya Albert ko?" inis na inis si Mikael.
"Ano ka ba naman? Bakit mo iniisip iyan? Hindi naman ganoon si-" natigil si Cynthia sa kanyang sinasabi dahil sumagot na si Mikael sa kanya.
"Hindi mo naman pwedeng sabihin iyan ngayon dahil hindi mo pa naman kilala 'yong tao. Paano kung nananakit pala ang Delsin na iyon nang hindi mo alam?" inis pa rin si Mikael habang sinasabi niya iyon.
"Eh anak, may CCTV naman tayo. Kung may mangyari man ay makikita natin iyon at ipapakulong agad natin siya oras na gawin niya iyon. Pero sa ngayon kasi, kailangan ng kapatid mo ng kasama kaya wala akong magagawa kundi gawin iyon," paliwanag ni Cynthia sa kanyang anak.
"Ah, bahala ka nga Mama. Oras na may mangyari na kung ano man sa kapatid ko, una kitang sisisihin!" sigaw ni Mikael pagkatapos ay umalis na roon sa kwarto ni Cynthia.