Lumabas sina Delsin at Cynthia. Nandoon sila sa lugar kung saan makakapag-usap silang dalawa nang masinsinan. Sabay silang umupo roon, tinitingnan ang paligid nila. Ilang minuto pa ay nagkatinginan silang dalawa.
‘’Ang ganda sa lugar na ito, ano? Kahit nasa Maynila ka, maigi pa rin dahil mapuno at tiyak na makakapag-isip ka talaga,’’ nakangiting sabi ni Cynthia kay Delsin, pagkatapos ay tumingin ulit siya sa paligid.
‘’Oo nga po eh, hindi na nakakapagtaka na rito po kayo napunta kapag may problema po kayo. Ano na po bang balita sa inyo? Ayos lang po ba kayo?’’ pagsisimula ni Delsin.
‘’Maayos na ako. Nakita ko na kung nasaan ka, e. Ang tagal ka na naming hinahanap ni Tonyo. Hindi ka naman kasi nagpaalam sa akin na aalis ka pala, e. Bakit? Bakit hindi ka na nagpaalam sa akin?’’ sagot ni Cynthia.
‘’Ah, eh nahihiya po kasi ako sa inyo. Hindi kop o alam kung ano ang sasabihin ko. Pakiramdam kop o kasi, pabigat na ako sa inyo kaya umalis po akong walang paalam. Puro problema na po kasi ang nangyari simula noong nakilala natin ang isa’t isa eh. Nahihiya nap o ako kaya hindi nap o ako nagpakita sa inyo,’’ sabi ni Delsin.
Doon nalungkot si Cynthia pero hindi niya pinakita kay Delsin. Hindi naman niya alam na may ganoong nararamdaman si Delsin eh. Kung alam lang niya lang iyon, hindi na siya nagalit pa at baka inintindi na lang niya si Delsin noon.
‘’Naku, pasensya ka na kung nagalit ako sa inyo ni Tonyo noon. Hayaan mo, hindi naman na ako galit ngayon eh. Ayos na ako,’’ paghingi ng tawad ni Cynthia kay Delsin.
‘’Naku, ayos lang naman po sa akin iyon. Karapatan niyo naman pong magalit kasi may nagawa po kaming kasalanan ni Tonyo sa inyo. Kaya, sorry po talaga sa nangyari noon. ‘Yon nga po pala, kumusta na po si Tonyo ngayon? Ayos na po ba siya?’’ tanong ni Delsin, inaalala pa rin niya kasi si Tonyo kung minsan.
‘’Ah, oo. Okay naman na siya. Hinahanap ka pa rin niya hanggang ngayon,’’ sagot ni Cynthia.
‘’Eh, pinupuntahan pa rin po ba niya si Ysmael ngayon o hindi na?’’ tanong ni Delsin, mahina lang ang kanyang boses dahil nahihiya siya kay Cynthia dahil naaalala niya ýong ginawa nila ni Tonyo dati.
‘’Ah, naku. Hindi na, ano. Tinigilan na niya ýon, nag-usap naman na kami tungkol doon. Saka, naging busy nga siya sa paghahanap sa iyo kaya hindi na niya ýon naaalala pa. Si Aling Miling ngayon ang nagbabantay sa kanya kapag wala ako pero kung minsan ay ayos naman na siya,’’ sagot ni Cynthia.
Tumango naman si Delsin bilang tugon.
‘’Oo nga po pala, salamat sa pag-intindi niyo po sa akin noon, ah? Hindi ko pa po pala iyon nasasabi sa inyo, Maám Cynthia. Oo nga po pala, kumusta na po si Sir Albert? May bagong nag-aalaga na po bas a kanya ngayon?’’ tanong ni Delsin.
‘’Ah, si Sir Albert mo, sobrang pasaway na sa mga bagong kasama sa bahay. Wala talagang natagal sa kanya eh. Ikaw lang talaga siguro ang gusto niya,’’ tumawa si Cynthia pagkasabi noon.
‘’Ah, darating din po ang oras na may makakasundo siya. Kasundo naman po niya yata si Mikay, hindi ba?’’ nakangiting sagot ni Delsin.
‘’Ah, oo. Si Mikay na nga lang talaga ang nakakatagal sa kanya ngayon. Eh, hindi ka na ba talaga babalik sa amin bilang kasama ni Albert? Miss na miss ka na niya. Alam mo naman iyon, hindi ba?’’
Biglang napatigil si Delsin dahil doon. Hindi niya lubos akalain na tatanungin siya ni Cynthia noon. Lalo na at may ginawa siyang hindi maganda dati.
Ngumiti siya bago sumagot kay Cynthia.
‘’Naku, Maám Cynthia, gusto ko man po na bumalik sa inyo eh nakakahiya naman po kay Maám Selena kasi bago pa lang po ako sa trabaho na ito. Siguro po, magpapakita na lang po ako kay Sir Albert kung minsan para po mabantayan ko siya kahit saglit,’’ sabi ni Delsin, nahihiya pa rin.
‘’Eh naku, sinabi mo na iyan kay Tonyo eh. Hindi mo naman tinupad iyon. Naghihintay kaya siya sa pagbisita mo sa kanya.’’
Napatahimik si Delsin. Ngayon niya lang naalala na nagsabi nga pala siya kay Tonyo noon na bibisita siya rito pero hindi na niya nagawa dahil nagtrabaho na nga siya kay Maám Selena. Ngumiti ulit siya bago sumagot kay Maám Cynthia.
‘’Ay, pasabi po sa kanya na dadalawin ko naman po siya kapag hindi na po ako busy rito. Basta po, Maám. Kapag ayos na po ang lahat ay pupuntahan ko po talaga kayo,’’ sabi ni Delsin.
Natawa naman si Cynthia dahil sa naging reaksyon ni Delsin.
‘’Ano ka ba? Ayos na iyon, hayaan mo na. Basta, maging maayos ka lang dito ay maayos na rin kami. Saka, pupuntahan ka na lang namin ni Albert dito kapag may oras kami. Okay?’’ sagot ni Cynthia.
‘’Talaga po?’’ hindi makapaniwala si Delsin.
‘’Oo naman. Basta, mag-iingat ka rito ha? Mabait naman si Selena katulad ko kaya wala kang masyadong magiging problema sa kanya. Pero kung meron mang problema, pwede mo naman ipaalam sa akin. Gagawan natin ng paraan iyan,’’ sabi ni Cynthia kay Delsin.
‘’Naku, salamat po. Maám Cynthia. Hayaan niyo po, sasabihin ko po talaga sa inyo kapag may problema ako rito. Mag-iingat po kayo,’’ nakangiting sabi ni Delsin.
‘’Ingat ka rin Delsin. Bata ka pa, marami pa ang pwedeng mangyari sa iyo kaya gusto ko talagang maging maayos ang buhay mo,’’ sabi ni Cynthia pagkatapos ay tumayo na siya.
Hinatid naman siya ni Delsin papunta sa kotse niya. Pagkatapos noon ay bumalik na si Delsin sa loob ng motel at nagsimula nang mag-trabaho ulit. Ang hindi alam ni Delsin ay nakabantay sa kanila kanina pa si Selena. Medyo may naramdamang selos si Selena noong bumisita si Cynthia kay Delsin dahil parang may matindi nang koneksyon ang dalawa.
Tinanggal agad ni Selena sa isipan niya iyon. Naisip niya na hindi naman mahalaga kung sino ang nauna. Ang importante ngayon ay kung saan mas tatagal si Delsin. Pangako ni Selena sa sarili na gagawin niya ang lahat para tumagal sa kanya si Delsin. Isa pa, sabi naman ni Cynthia sa kanya na mabait si Delsin sa mga nakaka-trabaho niya kaya alam niyang walang magiging problema sa kanila.