Sa isang pambabaeng silid, nakadapa si Isabella sa kaniyang kama habang hawak ang kaniyang selpon. Tinitingnan niya ang page ng Rivera Innovations, ngunit hindi siya sa kumpanya interesado kundi sa isang lalaking nakalagay sa page.
Bumuntong-hininga si Isabella, "Mr. Rivera, napakagwapo mo, gusto kong mapalapit sa'yo. Pakiramdam ko, tinamaan ako sa'yo noong una tayong magkita," bulong niya sa selpon habang inaalala ang araw kung kailan siya nabunggo kay Simon.
Ang lalaking tinitingnan niya sa larawan ay walang iba kundi si Simon, na kung saan nakalagay siya bilang chairman ng kumpanya. Mula noong araw na nabunggo siya kay Simon, araw-gabi na niya itong iniisip. Hinanap niya kung saan niya makikita ang lalaking iyon at nalaman niyang siya ang chairman ng Rivera Innovations mula sa kaibigan niyang si Lara.
Bagamat pamilyar si Isabella sa mga pangalan ng negosyo at negosyante, hindi siya interesado sa itsura ng mga tao kaya hindi niya nakilala si Simon. Nakatuon lamang siya sa kaniyang sariling mundo at walang pakialam sa kahit sino mang taong walang kinalaman sa kaniya. Si Lara lamang ang naging kaibigan niya dahil lagi siyang kinukulit nito.
Ngunit, para sa kaniya, naiiba ang gwapo ni Simon sa iba pang mga lalaking nakakasalamuha niya. Si Isabella ay hindi pa umiibig sa kahit kaninong lalaki, ni minsan ay wala pa siyang natipuhan sa kanila. Palagi siyang nagbibigay ng malamig na balikat sa mga lalaking lumalapit sa kanya, at lahat ng lalaking magtatapat ng pag-ibig ay kaagad niyang nire-reject kaya binansagan siyang 'Ice Princess' sa kanilang paaralan.
Kahit ang heartthrob sa kanilang campus ay hinahabol siya hanggang ngayon. Kahit ilang beses na niya itong nireject, hindi ito tumitigil sa paghahabol sa kanya. Ngunit nang makilala ni Isabella si Simon, hindi niya alam kung bakit lagi na niya itong naiisip. "In love na ba ako sa matandang lalaking ito?" sabi niya, kausap ang larawan ni Simon.
"Pero napakalaki ng age gap namin. Twenty years?! Paano bang hindi ka maalis sa isip ko?" patuloy niya.
Humawak siya sa kaniyang ulo na parang nababaliw. "Oh my gosh! Kahit anong gawin ko, pag naiisip kita, bumibilis ang t***k ng puso ko."
Nagpagulong-gulong siya sa kaniyang higaan habang yakap-yakap ang kaniyang selpon.
Knock! Knock! Knock!
May kumatok sa pinto. "Isabella, oras na ng hapunan. Bumaba ka na para kumain," sabi ng isang babae mula sa labas ng silid.
Bumalik sa katinuan si Isabella bago ibinulsa ang kaniyang selpon. Tumayo siya at binuksan ang pinto ng kaniyang silid.
"Ilang araw ka nang nagkukulong sa kwarto mo, hindi ka na lumalabas. Sabihin mo, bakit hindi ka na bumababa para manood, tulad ng ginagawa mo dati? May ibang pinagkakaabalahan ka ba? Naku, Isabella, sinasabi ko sa'yo, wag kang gagawa ng kalokohan diyan," sunod-sunod na sabi ng babae.
"Mom, anong pinagsasabi mo? Anong kalokohan naman ang gagawin ko? Tinitingnan ko lang ang isang page kasi—" Hindi natuloy ang sasabihin ni Isabella nang maalala niya ang gwapong mukha ni Simon at kaagad na namula ang maganda niyang mukha.
Napansin ng ina ni Isabella ang pamumula ng mukha at tenga ni Isabella. "Aba, aba! Itong batang ito, anong tinitingnan mo sa page, ha? Hoy, anong page iyan at bakit namumula ka? Ikaw, Isabella, sabihin ko sa'yo, wag kang mag-visit-visit sa mga adult site na iyan, ha!" babala ng nanay niya.
"Mom?! Ew?! Anong pinagsasabi mo?" Inilabas niya ang kaniyang selpon bago ipinakita sa kaniyang ina. "Mom, iniisip ko lang ang gagaling ng mga tao dito. Humahanga lang ako sa gawa at history nila," sabi ni Isabella, ngunit si Simon lang talaga ang nasa isip niya.
Kinuha ng kaniyang ina ang selpon ni Isabella bago tiningnan ang page. "Ah, Rivera Innovations, mukhang interesado ka sa kumpanyang iyan, anak, ah?"
Tumango si Isabella. "Yes, Mom, I want to work in this place someday," nakangiti niyang sabi.
"Asus, pagsikapan mong mag-aral para makapasok ka diyan," sabi niya bago in-scroll ang page at nakita ang itsura ng chairman. 'Itong taong ito, bakit sa tuwing nakikita ko siya, parang pamilyar siya, parang nakita ko na siya dati pero hindi ko alam kung saan,' naisip niya bago ibinalik ang selpon kay Isabella.
"Tara na sa ibaba. Naghihintay ang daddy mo. Kumain na tayo," sabi niya kay Isabella bago humakbang para magtungo sa kusina.
Tumango si Isabella bago sumunod sa kaniyang ina.
....
...
"Oh, maupo na rito at kumain na," sabi ng kaniyang tatay na nakaupo sa harap ng hapag matapos makita ang dalawa.
Naupo ang mag-ina bago nagsandok ng pagkain. Tila may naalala ang ina ni Isabella at tinanong ang kaniyang asawa, "Hon, yung chairman ng Rivera Innovations, parang pamilyar talaga ang itsura pati pangalan," pag-uusisang sabi niya.
Ngumiti ang kaniyang asawa. "Ano ka ba, napakapangkaraniwan ng ganung pangalan, at base sa itsura ng chairman, parang may halong ibang lahi at galing sa mayamang pamilya. Malayo sa iniisip mong tao," sabi ng lalaki.
Nag-isip saglit ang babae bago tumango. Napansin ng lalaki ang kakaibang ekspresyon ng kaniyang asawa. "Wag ka nang masyadong mag-isip, mahal ko. Kumain ka na."
Walang pakialam si Isabella sa kanilang dalawa dahil iniisip pa rin niya si Simon. Sa madaling salita, nakatulala siya habang kumakain.
.....
....
...
..
Kinabukasan, sa labas ng silid-aralan kung nasaan si Isabella, makikita ang isang lalaking matangkad, may gwapong itsura, at may dala-dalang bungkos ng bulaklak. Halatang narito siya dahil meron siyang inaabangan. Tumingin ang lalaki sa kaniyang Alexander Shorokhoff na relo at nakitang malapit na ang oras ng paglabas ng mga estudyante.
Tumunog ang bell, hudyat na tapos na ang klase. Naglakad si Isabella palabas ng silid. Paglabas niya, lumapit ang lalaki sa kanya, "Ah, Isabella, for you. Noong unang beses kitang makita, alam kong tayo talaga ang itinadhana," sabay abot ng bungkos ng bulaklak. "Gusto sana kitang yayain kumain sa labas," nakangiti niyang sambit habang itinulak ang bulaklak sa harap ni Isabella.
Naghiyawan sa kilig ang mga nakapaligid. "Papayag na 'yan, papayag na 'yan," paulit-ulit na hiyaw ng mga estudyanteng nanonood ng eksena na tila ba nasa isang K-drama sila.
Tumaas ang kumpiyansa ng lalaki sa sandaling nag-ingay ang mga taong nakapaligid. Ngumiti siya nang matagumpay, akala niya ay makukuha na niya ang puso ng babaeng nasa harap niya. Kampante siyang walang babaeng tatanggi sa ganitong eksena. Hindi niya naisip na ipapahiya siya ng babaeng ito sa harap ng maraming tao. Ngunit iyon ay isang buong akala lamang.
"Umalis ka sa harapan ko. Hindi ako interesado sa mga pakulo mo," malamig na sabi ni Isabella.
Natigilan ang lalaki. Hindi niya akalaing maglalakas-loob ang babaeng ito na ipahiya siya sa ganito karaming tao. "Isabella, ang nararamdaman ko sa'yo ay totoo, walang halong biro, kaya sana'y paniwalaan mo, pag-ibig kong ito—"
"Itigil mo ang kalokohan, mali pa lyrics mo," malamig na sabi ni Isabella.
Nagtawanan ang mga tao sa paligid. "Boy, sayang ka, mali pa lyrics mo ng 'Paniwalaan.' Sa susunod, kabisaduhin mo muna bago mo kantahin," sabi ng isang lalaki sa karamihan bago tumawa.
Lalong humagalpak ng tawa ang mga nakapaligid. Nakaramdam ng pamumula ang lalaki sa labis na pagkahiya. Hindi niya lubos akalaing ipapahiya siya nang ganito ni Isabella. Nanigas siya sa kaniyang kinatatayuan. Hindi niya maigalaw ang kahit isa sa kaniyang mga kalamnan.
Nang makita ito ni Isabella, sumiksik siya sa karamihan, hindi pinansin ang lalaki, at tuluyang umalis sa eksena.
Lumapit si Lara sa lalaki. "Mukhang mayaman ka naman at gwapo," bago sinukat siya. "Bago lang kita nakita sa campus. Transfer student ka siguro?" Ngumisi si Lara bago nagpatuloy, "Hindi nakapagtataka na hindi mo alam na walang pakialam ang Ice Princess ng UP Diliman sa mga lalaki." Sabay tapik sa balikat ng lalaki, "Kaya, humanap ka na lang ng iba," paalala niya bago sumunod kay Isabella.
Natauhan ang lalaki bago napansing wala na si Isabella. Naglakad siya at hinabol si Isabella. Hindi siya naniniwalang walang paraan upang mapaibig ang Ice Princess ng UP Diliman.