"Isabella! Teka," sabi ng lalaki matapos maabutan si Isabella.
Hindi siya pinansin ni Isabella at tuloy-tuloy sa paglalakad palabas ng campus. Nakita ng lalaki na hindi siya pinansin ni Isabella kaya tumakbo siya at humarang sa harap ni Isabella. Lumuhod siya sa isang tuhod, iniunat ang kaniyang kamay na hawak ang mga bulaklak. "Isabella, mahal kita! Na-love at first sight ako sa'yo! Please, sumama ka sa akin kumain sa labas," malakas na sigaw ng lalaki na umagaw sa atensyon ng mga taong lumalabas ng paaralan.
Ang iba ay huminto, ang mga mag-aaral na nakakakilala kay Isabella ay huminto para makapanood kung paano bumasag ng puso ang kanilang Ice Princess. Ang ibang hindi nakakakilala ay kinikilig, hinihintay kung paano sasagutin ng kagandahan ang isang magiting na lalaki na nagtapat ng kaniyang pag-ibig.
Kinuha ni Isabella ang bulaklak sa kamay ng lalaki. Ngumiti ang lalaki. "Papayag ka—" bago pa niya matapos ang kaniyang pangungusap, ihinampas ni Isabella ang bungkos ng bulaklak sa kaniyang mukha bago nagmamadaling umalis.
Humagalpak sa tawa ang mga taong inaasahan nang mangyari ang eksena. Ang iba namang umaasa na papayag si Isabella ay nakaramdam ng awa sa lalaki, ngunit kaagad ding umalis sa eksena, hindi nila masisisi si Isabella.
Labis na napahiya ang lalaki at nagalit. Tumayo siya bago hinabol si Isabella na kalalabas lang ng campus. Hinawakan niya nang mahigpit ang pulso ni Isabella nang maabutan niya ito, "Ikaw, babae ka! Masyado kang pakipot, sasakay at iibabaw ka rin naman sa lalaki balang araw," panunuya niya.
Nagalit si Isabella at gamit ang isa niyang kamay, binigyan niya ng isang malakas na sampal ang lalaki. Nabigla ang lalaki at napaatras sa lakas ng pagkakasampal ni Isabella. Nabitawan niya ang kamay ni Isabella at napahawak siya sa kaniyang nasampal na pisngi. Nakita niyang pinagtatawanan at tinutuya siya ng mga taong nakapaligid sa kanila. Pakiramdam niya ay umiikot ang ulo niya sa sobrang kahihiyan.
"Bakit ba ang tigas ng ulo mo? Hindi ba't sinabihan na kita?!" Naiinis na sambit ni Lara sa lalaki.
Ikinuyom ng lalaki ang kaniyang kamao, namumula ang kaniyang mata at sumugod kay Isabella. Itinaas niya ang kaniyang kamay at handang suntukin si Isabella. Natakot si Isabella sa biglang ikinilos ng lalaki, ihinarang niya ang kaniyang braso sa kaniyang harapan bago pumikit. Ngunit nagtataka siya dahil ilang segundo na at hindi tumama ang suntok ng lalaki. Marahan siyang dumilat.
Nakita niya ang isang matangkad na lalaki na hinarang ang suntok gamit ang isa niyang kamay. Tumingala si Isabella at tinignan ang itsura ng lalaki bago natigilan. "Ikaw?!" Gulat niyang sabi.
"Kalalake mong tao at ang laki-laki mo, talagang gusto mong manapak ng munting babae sa publikong lugar?" Kalmadong sabi ni Simon sa lalaking nasa harap niya.
"Anong ginagawa mo rito?" tanong ni Isabella, gulat pa rin sa kaniyang nakita.
Tinulak ni Simon ang lalaki bago tumingin kay Isabella. "Galing ako sa loob ng campus n'yo, kalalabas ko lang. Teka, ganyan ka ba magpasalamat sa taong nagligtas sa'yo?" Nakangiti niyang sabi.
Natigilan si Isabella nang ngumiti si Simon, tumibok ng malakas ang kaniyang puso.
"Sa-Salamat," nahihiyang sabi ni Isabella, nakatulala, mabilis ang t***k ng kaniyang puso.
"Isabella, hoy, ayos ka lang ba?" Sigaw ni Lara na nasa tabi niya.
Natauhan si Isabella at namula ang mukha. "O... Oo, ayos lang ako," sagot niya ngunit nakay Simon ang kaniyang tingin.
"Sino ka?!" Sigaw ng lalaki na gustong suntukin si Isabella.
"Hindi mahalaga kung sino ako. Ang mahalaga, isipin mo kung tama ba ang ginagawa mong manuntok ng babae sa harap ng maraming tao? Lalaki ka ba? Para kang bading e?" Tanong ni Simon, pinagalitan ang lalaki.
"Bakit ka ba nangingialam sa negosyo ko?!" Galit na sabi ng lalaki.
Hindi siya pinansin ni Simon ngunit tumingin sa dalawang babaeng nasa tabi niya. "Bakit hindi pa kayo umaalis?" Tanong niya.
"Gusto kong sumama sa'yo," walang malay na sabi ni Isabella, nakatitig lang kay Simon.
"Anong pinagsasabi mo, Isabella?!" Gulat na tanong ni Lara sa sinabi ni Isabella.
Natauhan si Isabella at napatakip ng bibig. Naisip ni Simon na gustong sumama ni Isabella sa kaniya upang maiwasan ang lalaking nanggugulo. "Well, sige, sumama kayo kung gusto ninyo. Nariyan lang ang sasakyan ko," sabi niya sabay turo sa isang Rolls-Royce Phantom.
Kumislap ang mata ni Lara nang makita ang sasakyang itinuro ni Simon na nakaparada sa hindi kalayuan, ngunit si Isabella ay nakatitig lamang kay Simon. Nakikita niya si Simon na nag-ningning; sa mga mata niya, si Simon ay isang maringal na kabalyero na nakasuot ng makinang na baluti na iniligtas siya sa kamay ng kaaway.
Nakita ng lalaki ang kakaibang titig ni Isabella kay Simon at lalo siyang nagalit. Sumugod siya kay Simon, handang magbigay ng malakas na suntok.
"Ah! Mag-ingat ka!" Sigaw ni Isabella nang makita ang lalaki na aatakehin si Simon.
Lumingon si Simon at iniwasan ang suntok. Hindi tumama ang suntok at pinalo ni Simon ang puwet ng lalaki na dumiretso at natumba dahil hindi niya nakontrol ang kaniyang pwersa.
Cute na tumawa si Isabella at may maliit na ekspresyon nang makita ang eksena.
"Tara na," nakangiting sabi ni Simon nang makitang tumawa si Isabella, bago pinangunahan ang dalawa patungo sa kaniyang sasakyan.
Naiinis ang lalaki bago tumayo at inilabas ang kaniyang cellphone at nilitratuhan ang plaka at sasakyan ni Simon bago ipinadala sa kaniyang ama. Gusto niyang maghiganti at ibalik ang kahihiyang natanggap niya. Ngumisi siya matapos maipadala ang larawan sa kaniyang ama. "Maghintay ka, siguradong kikilos ang ama ko para tugisin ka," kumpiyansa niyang sabi sa kaniyang sarili.
Ring!
Tumunog ang cellphone ng lalaki. Nakita niyang tawag ito ng kaniyang ama. Napangisi siya, 'mukhang galit ang ama ko at tumawag pa,' naisip niya bago sinagot ang tawag.
Pagkasagot niya ng tawag, nanigas ang ngiti sa kaniyang mukha. Totoong galit ang kaniyang ama ngunit hindi dahil sa ibang tao kundi dahil sa katangahan niya.
"Walang kwentang anak! Na-offend mo ba ang taong iyon? Kapag oo, huwag ka nang magpakita sa harap ko. Wala akong anak na walang silbi katulad mo!" Galit na sigaw ng kaniyang ama mula sa kabilang linya ng tawag.
Naguguluhan ang lalaki. "Dad, anong nagawa kong mali? Sino ba ang taong iyon at ganyan ka mag-react?"
"Minsan ko lang sasabihin: hindi mo siya kayang ma-offend dahil langgam lang tayo sa harap niya. Ang taong iyon ay ang lowkey na chairman ng Rivera Innovations. Hindi mo siya makikilala kung hindi mo bibisitahin ang webpage ng kanilang kumpanya!" Galit na sigaw ng kaniyang ama bago ibinaba ang tawag.
Natigilan ang lalaki bago kaagad na binisita ang website ng Rivera Innovations. Pinindot niya ang chairman at nakita nga niya na ang lalaking kaharap niya kanina ay ang chairman ng Rivera Innovations. Tanging malalaking boss lamang at mga taong bumibisita sa kaniyang website ang nakakakilala sa kaniya at mga taong natyempuhang lumabas siya sa TV. "Tapos na ako," sabi ng lalaki, umalis ang kaluluwa sa kaniyang katawan.
....
...
Sa loob ng sasakyan ni Simon habang nagmamaneho kung saan.
"Mr. Rivera, pagpasensyahan mo ang kaibigan ko kung hindi niya alam kung sino ka. Hindi kasi 'yan nanonood ng TV," paumanhin ni Lara.
Nahihiya si Isabella. "Nalaman ko na, tinignan ko sa website," mahina niyang sabi.
Ngayon lamang nakita ni Lara na ganito ang ikinikilos ni Isabella. Para siyang mahiyain na bata, ngunit iniisip lamang niya na dahil sa nakakatakot na pagkakakilanlan ni Simon at ilang beses siyang nakagawa ng nakakahiyang bagay sa harap ng lalaking ito kaya ganito ang ikinikilos ni Isabella.
"Jayvee, sinabi ko naman sa'yo na alisin mo ang larawan ko sa website," walang magawang sabi ni Simon sa kaniyang sekretarya.
"Ibibilin ko kaagad," sagot ni Jayvee.
"Ilang beses ko nang narinig 'yan sa'yo, Jayvee. Ilang taon ko nang sinabi sa'yo na alisin, alisin, at alisin," naiinip na sabi ni Simon bago tumingin sa dalawa. "Saan n'yo gustong pumunta?" Tanong niya.
"Kahit saan ba, chairman?" Nasasabik na sabi ni Lara.
Tumango si Simon. "Kahit saan, basta nasa loob lang ng Quezon."
Tumingin si Lara kay Isabella bago may kakaibang naisip. Nakita ni Isabella ang kakaibang ngiti ni Lara at alam niyang may binabalak ang babaeng ito.
"Kung gayon, pumunta tayo sa lugar kung saan makakaranas tayo ng sarap," sambit ni Lara at nagpakita ng kakaibang ngiti.