SUMULYAP sa wristwatch si Dominic nang dumaan ang mahabang sandali ay hindi pa rin bumabalik si Ice.
Bitbit ang ilang gamit ni Alilee ay lumabas na sila ng bata sa silid na kinaroroonan nila. Sinubukan pa niyang tawagan ang kaibigan pero hindi ito sumasagot.
"Nurse," tawag niya sa nurse na kasalubong sa hallway. "Nakita mo ba si Doctor Ice?" tanong niya nang huminto ito at tumingin sa kaniya.
"Nakita ko po siya palabas kanina, nagmamadali," tugon nito.
"Ganoon ba? Sige, salamat."
Ngumiti ito at tumango bago tumalikod, nagpatuloy sa paglakad.
"Uuwi na ba tayo, Tito Dom?"
"Oo, mukhang may inasikaso ang Dad mo kaya tara na, uwi na tayo," sabi niya sa bata habang napapaisip.
Ano naman kayang mahalagang bagay ang inuna nitong asikasuhin kaysa sa anak nito?
•••
MABILIS na natapakan ni Ice ang brake ng kaniyang kotse nang muntik na niyang masalpok ang sasakyan sa unahan na huminto sa stop light.
Napapikit siya at sinubukang pakalmahin ang sarili. Nanginginig siya at naninikip ang dibdib. Hindi niya matanggap ang katotohanang natuklasan. Tanga nga talaga siya, dahil ang totoo, kailanman ay hindi niya naisip o naramdaman na hindi niya anak si Alilee. Mahal na mahal niya ito higit pa sa kaniyang sarili. Ito ang dahilan kung bakit tinatanggap niyang magpakababa kay Alisa para lang mabigyan ito ng buong pamilya.
Napakislot siya nang marinig ang mahabang busina sa likuran ng kaniyang kotse. Kumilos siya at pinausad ang kaniyang sasakyan. Mahigpit ang hawak niya sa manibela habang magkasaltik ang mga bagang. Kailangan niyang mkausap si Alisa, pati na rin si Tony.
Kung susugurin niya ang mga ito para komprontahin sa ginawang panggagago sa kaniya, wala siyang ibang alam na lugar na p'wedeng puntahan kun'di sa agency. Subalit naisip niya ng maaga na maaari lang mas maging komplikado ang lahat kung gagawin niya iyon.
•••
"NANDITO pala siya?" tanong ni Dominic sa sarili nang makita ang kotse ni Ice sa garahe. 'Bakit kaya?'
Bumaba siya at ipinagbukas ng car door si Alilee saka kinuha ang gamit na dala kanina bago sila lumakad papasok sa bahay.
"Ice!" tawag niya sa kaibigan nang makapasok sila. Inilapag niya sa sofa ang bitbit. "Ice!" tawag muli niya.
Nang hindi ito sumagot ay tinungo niya ang silid nito kasunod ang bata. Nang sapitin ang silid nito ay natigilan siya at napamata sandali sa kaibigan. Nakabukas ang pintuan ng silid nito kaya kaagad niya itong nakita. Tulala itong nakaupo sa gilid ng kama nito.
"Ice?" Humakbang siya papasok. "Hinintay ka namin ni Alilee sa ospital, ano bang nangyari at—" naputol siya sa pagsasalita nang makitang mugto ang mga mata nito at tila kakahinto lang sa pag-iyak.
"Daddy, okay ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Alilee na lumapit pa at hinaplos ang ama sa braso.
Malamig ang naging tingin ni Ice kay Alilee at hindi nagsalita, bagay na ikinakunot ng noo niya.
"Daddy," malambing pang sabi ng bata at pinunas ang luhang muling pumatak buhat sa mga mata ni Ice gamit ang maliit nitong palad. "Bakit ka umiiyak, Daddy!?" Napahibi ito habang patuloy sa ginagawang pagpunas sa mga luhang patuloy na dumadaloy sa magkabilang pisngi ni Ice.
"Hey, Alilee," untag niya sa bata. "Doon ka muna sa silid mo." Iginiya niya ito palabas sa silid ni Ice.
Nilingon pa niya ang kaibigan bago tuluyang lumabas sa pintuan ng silid nito.
"Bakit nagka-cry na naman si Daddy?" inosenteng tanong ni Alilee sa kaniya habang lumalakad sila patungo sa silid nito.
"Hindi ko rin alam eh, pero aalamin ni Tito ha?" sabi niya at pinapasok ang bata sa silid nito. "Stay ka lang dito, play ka ng mga toys mo kakausapin ko lang si Daddy, okay?"
"Okay."
Kinabig niya ang dahon ng pintuan ng silid nito saka bumalik sa silid ni Ice.
"Ice, may problema ba tayo?" kaagad niyang tanong dito matapos maupo sa tabi nito.
Umiling lang ito at hindi nagsalita.
Tinapik niya ito sa balikat. "Sige, kung ayaw mong pag-usapan ngayon ayos lang, pero kapag kailangan mo na ng kausap huwag mong kalimutan na nandito lang ako," mahinahong sabi niya.
Hindi pa rin ito nagsalita, nananatiling nakatulala.
Tumayo siya at tinapik ulit ito sa balikat. "Isasama ko na muna si Alilee sa bahay ko, doon na muna siya hanggang maging okay ka."
Tumango ito. "Yes, please," kaagad pa nitong sabi na nagpakunot muli sa noo niya. "Gusto kong mapag-isa kaya isama mo muna siya," dagdag pa nito sa pagitan ng tahimik na pag-iyak.
Naguguluhan man ay hindi na siya nagtanong pa. Kumilos siya at lumakad palabas ng silid nito upang balikan si Alilee.
•••
INABALA ni Tawny ang sarili sa pagpipinta. Pinilit na ituon doon ang isip kahit pa nga palagi siyang nadi-distract sa mukha ni Ice na naroon lang nakalarawan sa kaniyang isipan.
Lalo nang hindi pinatahimik ni Ice ang kaniyang pag-iisip simula nang nagdaang gabi na muntik na silang makalimot.
Nagpatuloy siya sa pagguhit sa canvas hanggang matigilan nang mapansin na mukha na pala ni Ice ang ipininta niya.
Binitiwan niya ang paintbrush at lumabas sa art room tapos ay nagpalakad-lakad doon sa pasilyo.
Gusto niyang mainis sa sarili dahil hindi niya mapigil ang nararamdaman, para na siyang maloloka.
Ganoon ang sitwasyon niya habang si Ice naman ay walang ginawa kun'di ang magmukmok sa madilim nitong silid.
•••
NAPATINGIN si Ice sa cellphone na nakapatong sa bedside table ng kama niya. Cellphone iyon ni Tawny at may tumatawag doon.
Nag-atubili siyang damputin iyon noong una pero sa huli ay dinampot niya iyon at sinagot ang tawag.
"Hello?" bungad ng boses lalaki sa kabilang linya, malat iyon at tila galing sa pag-iyak. "Tawny, pasensya ka na kung kinulit ko si Stephanie para makuha ang number mo," narinig pa niya ang pagsinghot nito. "Please magkita tayo, mag-usap tayo. Kausapin mo ako, hindi ko na 'to kaya," dagdag pa nito at gumaralgal na ang tinig, tila nagbabadya ng muling pag-iyak.
Kaagad na pumasok sa isip niya si Wyatt. Tinapos niya ang tawag saka ini-off ang cellphone ng dalaga bago bumalik sa pagkakahiga at nag-isip.
•••
"TITO, am I not coming home yet? Gusto ko nang makita si Daddy, nag-aalala ako sa kaniya, maybe he's still crying. He was lonely at hindi uuwi si Mommy so I should go with him, he would be really sad dahil wala siyang kasama," malungkot na wika ni Alilee habang kumakain sila ng breakfast nang umagang iyan.
Tatlong araw na sa kaniya si Alilee. Ang mga maids lang ang kasama nito sa villa kapag nasa hotel siya.
Tinatawagan niya si Ice pero hindi ito sumasagot. Nag-aalala na siya kay Ice pero kilala niya ang kaibigan, kapag may problema ito ay ayaw nito ng kausap kahit na sino. Hinihintay lang niya na ito mismo ang pumunta sa kaniya kagaya nang dati na nitong ginagawa kapag nagkaka-problema ito.
"Uuwi s'yempre, pero hindi pa ngayon. Sabi ni Daddy, susunduin ka na lang niya. Huwag kang mag-alala, Daddy is okay. Strong siya and he can face every situation kahit gaano kabigat," nakangiting sabi niya sa bata saka ginulo ang buhok nito. "Just eat well, lalabas tayo pagkatapos nating kumain."
Hindi na ito nagsalita at itinuon ang atensyon sa pagkain.
Napabuntong-hininga siya at bigla ay naisip ang sariling problema niya sa pag-ibig.
Gustong-gusto na niyang makita si Reign pero hindi naman niya magawang pabayaan ang mag-ama.
Napatitig siya kay Alilee habang may naiisip.
•••
LUMABAS si Tawny ng bahay at tumingin sa bahay ni Ice. Nakita niya na nandoon ang sasakyan nito.
Naikuyom pa niya ang mga kamao bago lakas-loob na lumakad patungo sa bahay ni Ice. Bahala na kung tama ba o maling siya mismo ang unang pumunta rito at kausapin pagkaraan ng ilang araw. Kaysa naman tikisin pa niya ang sariling hindi ito makita kahit pa nahihirapan na ang kaniyang kalooban.
Pinindot niya ang doorbell ng ilang beses pero nang walang magbukas ay pinindot niya ang passcode at malaya siyang nakapasok doon.
"Ice?" tawag niya rito.
Umakyat siya sa hagdanan.
Lumunok muna siya bago lumakad palapit sa pintuan ng silid nito.
Kumatok siya, walang sagot.
Muli siyang kumatok pero sinundan na niya iyon ng pagpihit sa seradura ng pinto. Tinulak niya ang dahon ng pintuan pabukas.
Madilim doon dahil nakababa at nakakalat ang makapal na kurtina sa malaking bintana.
"Ice?" tawag ulit dito at nang walang makuhang sagot ay kinapa niya ang switch ng ilaw sa gilid ng pinto at ini-on iyon. Mabilis na kumalat ang liwanag doon.
"Ice?" kunot ang noo na tawag pa niya sa pangalan nito.
Nakita niya ang kaniyang cellphone sa bedside table. Lumakad siya palapit doon upang kunin iyon.
•••
NARATING ni Dominic ang lugar kung saan nakatira ang pinsan ni Reign. Kinuha niya ang complete address sa medical records section noong araw na naka-admit si Alilee.
Isinama niya ang bata para makagala na rin ito at makalimutan muna ang pag-uwi kahit sa araw man lang na iyan.
Paghimpil pa lang niya ng sasakyan sa labas ng public village ay pinagtinginan na kaagad sila ng mga tao roon na animo ay nakakita ng artista. Crowded ang daan papasok kaya hindi na niya ipinasok ang kotse at iniwan iyon sa labasan.
Naglakad sila papasok ni Alilee habang sinisimulang tingnan ang house number ng bawat bahay na madaanan. Nagtanong-tanong din siya.
Malayo-layo rin ang nilakad nila at mahabang sandaling nag-ikot bago nakita ang house number na hinahanap.
"Tito, sino'ng pupuntahan natin dito?"
"Basta, quiet ka lang," nakatawang wika sa bata bago kumatok sa pinto ng bahay na iyon. "Tao po!"
Ngunit ilang katok at tawag na ang ginawa niya ay wala pa ring nagbukas ng pinto.
"Sir, wala pong tao r'yan, umalis sila kanina para mag-apply raw ng trabaho," sabi ng ale na sumilip sa pintuan ng kabilang bahay.
"Ganoon po ba? Sige, salamat po," nakangiting sabi niya.
Lumakad na ulit sila palabas ng village habang hindi pa rin pinapansin ang mga taong patuloy na pinagtitinginan sila at pinagbubulungan.
Ang nasa isip niya ay si Reign. Kailan ba niya ulit ito makikita?