Chapter Nineteen

1884 Words
MULI ay sumakay ng taxi si Ice pabalik sa bahay niya. Hindi talaga niya dinala ang sasakyan dahil nag-aalala siyang baka mawala ang focus niya sa pagmamaneho sapagkat distracted pa rin siya sa kakaisip sa mga ginawa ni Alisa sa kaniya. Naisip niyang puntahan si Alilee matapos makapag-isip. Naisip niyang bata lang naman ito at walang kinalaman sa kasalanang ginawa sa kaniya ng ina nito kaya hindi niya ito dapat sisihin at tikisin. Hindi niya naabutan sila Dominic sa villa at ayon sa maid ay umalis daw ang mga ito. Malungkot siyang napangiti sa isip na marahil ay gustong-gusto nang umuwi ng bata kaya sinusubukan ni Dominic na libangin ito. Mapait ang naging buntong-hininga niya at itinuon ang kaniyang mga mata sa labas ng sasakyan, naghintay na lang na makarating sa patutunguhan niya. ••• PALABAS na si Tawny sa silid ni Ice nang marinig ang doorbell. Napaisip siya kung sino iyon. Kung si Ice o si Dominic ito ay hindi na magdu-doorbell ang mga ito. Nagmamadali siya sa pagbaba sa hagdan at tiningnan sa video door-phone kung sinong nasa labas. Saglit pa siyang napaisip kung pagbubuksan ba ang estranghero sa labas ng pintuan o iignurahin na lang niya. Ngunit sa huli ay naisip na baka importante ang sadya nito kay Ice kaya nagpasya siyang pagbuksan ito. "Hi," nakangiting bungad nito sa kaniya sabay hagod ng tingin sa kabuuan niya. Naasiwa siya lalo pa't 'ni hindi ito nahiyang gawin iyon gayong nakikita niya ang ginagawa nito. "H-hi," napilitang bati niya rito at pasimpleng itinulak ang dahon ng pintuan para bawasan ang luwang ng pagkabukas niyon. Tila napansin naman nito ang ginawa niya kaya dinala nito sa kaniyang mukha ang tingin. "Ako si Alder, kapatid ako ng asawa ni Ice, ng amo mo. P'wede ko ba siyang makausap?" tanong nito bago ibinaba ang tingin sa dibdib niya na kaniyang ikinairita. "T-tulog siya, puyat. Bumalik ka na lang sa ibang araw." Akmang isasarado niya ang dahon ng pintuan nang pigilan nito iyon. "Baka naman p'wede mo akong papasukin, hihintayin ko na lang na magising siya," seryoso nitong sabi habang titig na titig sa mga mata niya. Lihim siyang napalunok. "Pasensya ka na, bumalik ka na lang sa ibang—" Hindi niya natapos ang sasabihin nang itulak nito ang pintuan. Napaatras siya at muntik matumba dahil sa lakas niyon. "Alam kong wala siya rito, dahil kung nandito siya hindi mo kailangang mag-alala, hindi ba?" nakangising tanong nito. Nabasa pala nito ang nasa sa loob niya. Hindi siya nakapagsalita at napatitig dito habang sa dibdib ay naroon ang umusbong na masidhing kaba. "Alam mo bang unang kita ko pa lang sa'yo nagustuhan kita kaagad. Natutulog ka noon diyan sa sofa, gustong-gusto kitang lamutakin kaya lang napaka-kill joy ng bayaw ko, nagalit siya sa akin. Pero this time hindi ako papayag na hindi kita matikman. Huwag kang mag-alala, natitiyak kong magugustuhan mo ako sa gagawin ko sa'yo, baka nga magmakaawa ka pang pakasalan pa kita eh," nakangising sabi nito. Kinilabutan siya sa takot at pagkaaduwa dahil sa mga sinabi nito. Tinangka niyang tumakbo patungo sa pinto palabas pero mabilis itong nakaharang sa daraanan niya at sinalubong siya ng suntok sa sikmura. Napadaing siya at napaubo sa sakit habang sapo ang tiyan kasabay ang pagkabuwal, mabuti na lamang at napahawak siya sa shoe rack na naroon at napabagal niyon ang kaniyang pagbagsak. Sinamantala nito ang pagkakataong iyon. Nilapitan siya nito at sinubukang gawin ang nais pero sinikap niyang manlaban. Pero dahil desidido itong makuha ang nais ay naging pursigido ito sa pagpupumilit ng sarili sa kaniya. Sa malas ay hindi siya marunong sa self-defense kahit pa nga minsan siyang naging intelligence agent, sapagkat hindi naman siya dumaan sa pagsasanay. Koneksyon lang ng kaniyang ama ang naging daan upang makapasok siya sa opisina kung saan puro paperworks lang ang kaniyang gagawin at hindi para sa intelligence o undercover operation. Sinubukan niyang sumigaw pero tinakpan nito ang bibig niya at muli siyang sinuntok sa sikmura. Tuluyan na siyang nakadama ng panlalata habang namimilipit sa sakit. "Ice," paanas na tawag niya habang hindi mapigil ang mapaiyak. ••• KAAGAD na nagbayad sa taxi driver si Ice at nagmadali sa pagbaba nang makitang naka-park ang sasakyan ni Alder sa tapat ng bahay niya. Kakaiba ang sumalakay na kaba sa kaniyang dibdib. Mabilis niyang pinindot ang passcode at nanlaki ang mga mata niya sa galit nang mapasukan ang eksenang nagaganap doon. Kaagad niyang sinugod ang abalang si Alder, sinulungan ng malakas na suntok sa tagiliran at mabilis na hinila palayo kay Tawny bago muli itong sinulungan ng suntok sa mukha. Napatihaya ito sa carpet at napadaing. "Hayop ka! Ang lakas ng loob mong mangahas dito sa loob ng pamamahay ko!" nanggagaliiting sabi niya rito, nagdidilim sa matinding galit ang paningin niya. Tiningnan niya si Tawny na noon ay tigmaok sa luha at hindi makagalaw sa pagkaka-baluktot sa sofa habang yakap ang sarili. Mabilis niyang hinubad ang suot na damit at lumapit kay Tawny para takpan ang nahantad nitong katawan. Sinamantala iyon ni Alder, kaagad itong lumapit sa kaniya at hinataw siya ng suntok sa likod. Padapa siyang bumagsak kay Tawny pero mabilis din siyang nakatayo at sinalubong si Alder sa sunod na atake nito. Nagpambuno sila at nagpalitan ng suntok, hanggang sa kapwa na mabahidan ng dugo ang mga mukha nila. Nagpatuloy sila hanggang sa mapagbagsak niya ito. Bumagsak ito sa basaging center table at nabasag iyon. Muli siyang sumugod pero nagkamali siya, mabilis itong nakabangon at gamit ang piraso ng nabasag na center table ay inundayan siya nito ng saksak. Nahawi pa niya ang kamay nito subalit inabot pa rin siya sa tagiliran. Hindi niya nagawang indahin ang sakit, napaluhod siya habang sapo ang kaniyang tagiliran. Kumilos naman si Alder at kaagad na tumakbo palabas para tumakas. "Ice!" nag-aalala ngunit nanlalatang tawag sa kaniya ni Tawny. Pinilit nitong bumangon para daluhan siya. Hindi nito alintana ang kahubaran nito sa harap niya. Hinawakan siya nito at inalalayan upang isandal sa hubad nitong dibdib. "Ice, may sugat ka!" nanginginig ang boses na turan nito sa kaniya at hindi napigil ang mapaiyak. "Ice, nagdurugo ka!" dagdag pa nito at napapalahaw ng iyak dahil sa matinding takot at pag-aalala. "Sshhh…" saway niya sa dalaga. "Ano ka ba? Kaya ko 'to." Tiniis niya ang sakit at pag-aalala para palakasin ang loob nito. "Relax lang, ayusin mo ang sarili mo at please ipag-drive mo ako papunta sa ospital." Umiiyak na sinunod nito ang sinabi niya. Maingat siya nitong isinadal sa sofa at pinulot ang hinubad niyang damit kanina at iyon mismo ang sinuot. Matapos nitong maayos ang sarili ay nilapitan siya at maingat na inalalayang makatayo. Inalalayan siya nito sa paglakad palabas doon sa bahay hanggang makasakay sa kotse niya. Nang makaupo ito sa driver seat ay kaagad nitong pinausad ang sasakyan. Lihim siyang napangiwi sa sakit habang sapo pa rin ang tagiliran na noon ay patuloy sa pagdurugo. Nakadama siya ng pag-aalala nang maramdaman ang panlalata at panlalamig ng katawan niya, nakadarama na rin siya ng pagkamanhid sa kaniyang paanan. Indikasyon ito na hindi na sumasapat ang dugong nagsi-circulate sa buo niyang katawan. Doctor siya pero hindi niya maisip nang mga sandaling iyan kung paano bibigyan ng first aid ang kaniyang sarili. Nilingon niya si Tawny at tinitigan ito. Umiiyak pa rin ito at nanginginig ang mga kamay sa manibela. "Huwag ka ngang umiyak. Wag kang…mag-alala…h-hindi pa ako mamamatay, okay?" kalmado na sabi niya sa dalaga bago napatiim-bagang para pigilan ang sakit sa tagiliran. Hindi ito nagsalita, patuloy sa pag-iyak. Manipis siyang napangiti habang nakatitig kay Tawny. Hindi na marahil masakit para sa kaniya kung mamamatay siya, ang mahalaga ay nailigtas niya ito bago pa magtagumpay si Alder sa kapangahasan. ••• HINDI pa rin mapigil ni Tawny ang pag-iyak habang naghihintay sa labas ng ER. Hindi niya kayang tingnan ang natatarantang doctors doon kaya lumabas siya sapagkat pakiramdam niya ay nasa hangganan na ng buhay si Ice. Sa kabila ng nanlalabong paningin dahil sa mga luha ay minasdan niya ang kaniyang mga kamay na nagpupulas sa dugo ni Ice. "What happened to my son?!" Napatingin siya sa ginang na nagsalita, humahangos ito kasama ang ama ni Ice. "You're the one who brought him here so alam mo kung anong nangyari," sabi ng ama ni Ice nang makalapit sa kaniya. Pinahid niya ang mga luhang naglalandas sa kaniyang magkabilang pisngi. Saka lakas-loob na sinimulang ikuwento sa mga ito ang nangyari. Matalim ang tingin ng ama ni Ice sa kaniya habang isinasalaysay niya ang nangyari. Nang matapos siya ay tumalikod ito sa kaniya at mariing sinapo ang sariling noo. "Palagi niyang inilalagay sa alanganin ang kaniyang sarili nang dahil lang sa babae. Estupido!" galit nitong sabi, patungkol iyon kay Ice pero alam niyang pinatatamaan din siya nito. Yagyag itong lumakad papasok sa ER. Napatungo na lang siya. "Patawarin n'yo po ako, kung inilagay ko sa kapahamakan ang anak ninyo," umiiyak na wika niya sa ina ni Ice na nananatiling nakatayo sa harap niya habang nakalarawan sa mukha ang pigil na galit. "Dapat naiintindihan mo ang concern namin for Ice as his parents," mahina pero mariing sabi nito. "Sino bang magulang ang natutuwa kapag nalalagay sa alanganin ang kaniyang anak? So if you don't mind, can you just let us watch him hanggang makalabas siya rito sa hospital? Umalis ka rito, hindi ka namin kailangan," diretsahang pagtataboy nito sa kaniya. Tumingin siya rito bago mabigat sa loob na tumayo buhat sa silyang kinauupuan niya at umalis doon habang dumadaloy sa kaniyang mga pisngi ang masaganang luha. Ayaw sana niyang umalis. Gusto niyang matiyak na magiging okay si Ice pero nahihiya siya sa mga magulang nito, at nasasaktan sa mga salitang binibitawan ng mga ito. Isa pa ay wala siyang karapatan upang manindigang manatili roon. ••• PINASYA ni Dominic na umuwi na lang at bumalik sa ibang araw. Pagdating nila sa villa ay kaagad na sinabi sa kaniya ng maid na nanggaling doon si Ice kaya bumalik sila sa sasakyan at dumiretso na sa bahay ng kaibigan. Kahihimpil pa lang niya sa kaniyang kotse nang matanaw si Tawny na bumaba sa taxi. Kaagad niyang napansin ang ayos nito at kagyat siyang binalot ng pag-aalala. Nakilala niya ang damit na suot nito na halos mapuno ng mantsa ng dugo, damit iyon ni Ice. "Wait me here," turan niya kay Alilee at mabilis na bumaba sa kotse, nagmamadaling nilapitan ang dalaga. "What happened, Tawny!?" nag-aalalang kaagad niyang tanong dito hindi pa man masyadong nakakalapit. Tumingin ito sa kaniya at nakita niya ang mga mata nitong hilam sa luha. Nilakihan niya ang mga hakbang hanggang sa ganap na makalapit. "Tawny?" "Si Ice kase…nasa ospital siya ngayon," sumisigok na sabi nito at bigla ay humagulgol ng iyak. Napuno ng pag-aalala ang dibdib niya para sa kaibigan. "Tell me he's fine," halos ibulong sa hangin na wika niya. Mariin itong umiling habang patuloy sa paghagulgol. "Nasa ER siya nang umalis ako. He's bleeding." Tiim-bagang siyang napalunok habang nakatitig kay Tawny. Hindi niya magawang itanong kung anong nangyari, kung anong dahilan ng naging kalagayan ni Ice. Dinig na dinig niya ang malakas na t***k ng kaniyang puso dahil sa matinding takot para sa buhay ng kaibigan. "Pupunta ako sa ospital, ikaw na muna ang bahala kay Alilee." Hindi na niya ito hinintay na makapagsalita pa, tumalikod siya at lumakad pabalik sa sasakyan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD