Paulo’s Point of View
“Chris!” ang bulalas ko sabay mula ng aking mga mata. Napaupo naman ako sa aking kama.
“Paulo, okay ka lang?” ang nag-aalalang tanong ni Adrian sa akin. Napatingin naman ako sa kanya at napatango. “Nananaginip ka. Sino si Chris?”
“Hindi ko rin sigurado,” ang tugon ko naman. “Siya ang lalaki sa aking panaginip. Nakapagtataka kasi alam kong panaginip ‘yun pero pakiramdam ko totoo ang lahat. Napaka-klaro sa aking panaginip lahat ng detalye.”
“Ano ba ang napanaginipan mo?” ang tanong niya sa akin.
“Iba nag pangalan ko, Adrian. Joaquin Felix ang buo kong pangalan,” ang kwento ko naman. “Nasa chinatown ako sa taong 1969 na Year of the Rooster. Chinese New Year kaya maingay at maraming lion dancers at dragon dancers. May kasama akong babae na… Aurora ang pangalan. May lahi siyang intsik kaya naman dinala niya ako sa Chinatown. Bibisitahin niya raw ang kanyang lolo at lola. Naalala ko, nagpunta ako sa isa sa mga tindahan doon at bumili ng isang purselas na gawa sa rose quartz. Swerte daw ito sa pag-ibig. Pagkatapos ay may nakita akong maliit na tindahan ng moon cakes. May nakilala akong lalaki na Cris ang pangalan, may laki siyang intsik. Doon nagtapos ang panaginip ko.”
“Masyado ka lang siguro naapektuhan ng moon cake na binigay sa’yo ni Marcus kahapon,” ang komento naman niya na nagpasimangot sa akin. Napatingin naman ako sa karton ng moon cakes na binigay niya sa akin kahapon. Ibinaling ko naman ang tingin ko kay Adrian.
“Sa’yo na lang,” ang saad ko naman.
“Huy, sa’yo binigay,” ang sabi naman niya.
“Oo nga… pero binibigay ko na rin sa’yo,” ang sabi ko naman.
“Ang laki talaga ng problema mo sa kanya, ano?” ang tanong naman niya sa akin. “Sa totoo lang, kahit ako ay naguguluhan sa kinikilos mo. Ang bait naman ng tao pero parang nandidiri ka sa kanya kung ipagtabuyan mo siya.”
Napabuntong-hininga naman ako.
“Ewan ko ba. Hindi ako nandidiri sa kanya,” ang pagtatama ko naman. “Gwapo siya at oo, mabait. Pero… sa tuwing nakikita ko siya ay biglaang umiinit ang ulo ko tapos nainikip ang dibdib ko sa galit. Yung galit na parang may masama siyang ginawa sa’yo. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Sana hindi ko na siya muling makita pa o masalubong man lang.”
“Baka naman… magkakakilala kayo nung mga nakaraang buhay niyo,” ang komento niya. Napakunot naman ako ng noo. “Magjowa kayo! Tapos, iniwan ka niya para sa ibang babae kaya namatay ka sa kalungkutan at galit!”
“Alam mo, pwede ka nang maging isang manunulat,” ang komento ko naman. “Kung anu-ano ang pinagsasabi mo.”
Muli naman akong napatingin sa karton ng moon cake na nakapatong sa side table ko.
“Anong oras ba ba?” ang tanong ko naman sa aking isipan. Ibinaling ko naman ang aking tingin sa orasan. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang oras. Six-thirty na pala ng umaga. May klase pa ako ng seven-thirty. Napabuntong-hininga naman ako at pilit na hinila ang aking sarili pababa ng aking kama. Kung bakit ba naman ang aga ng unang klase ko, eh! Habang hirap na hirap ako sa paggalaw, si Adrian naman ay nakatayo na at nagsimulang mag-unat. “Adrian, anong oras ka nagising?” ang tanong ko naman sa kanya.
“Alasais,” ang tugon naman niya. “Ganung oras din ako nagigising.”
“Ang aga,” ang komento ko naman.
“Mag-ayos ka na muna,” ang bilin naman niya. “Tapos sabay na tayong mag-almusal.”
“Bukas na ba ang canteen sa ganitong oras?”
“Hindi pa.” ang tugon naman niya. “Kaya kailangan nating lumabas nang maaga para makahanap ng bukas na kainan bago pumasok. Hindi tayo pwedeng mag-skip ng almusal. Dalawang oras ang lecture. Magugutom ka.”
“Yun pa namana ng binabalak ko,” ang komento ko naman. Nagtungo naman ako ng banyo upang maligo. Nang matapos ay nagbihis ako at kinuha ang mga gamit ko para sa klase. Sabay naman kaming lumabas ni Adrian ng aming dorm room at bumaba ng hagdanan patungo sa reception area. Naroon na ang naka-destinong estudyante para umasikaso sa harapan. Lumapit naman sa kanya si Adrian.
“Kuya, good morning,” ang bati naman ni Adrian.
“Good morning,” ang bati naman pabalik ni Kuya sa Reception area.
“Ang aga niyo naman po diyan,” ang komento naman ni Adrian.
“Ah, kailangan ko kasing maglinis at mag-aayos ng mga papel-papel dito,” ang paliwanag naman ni Kuya. “Kayo? May seven-thirty class?”
“Meron Kuya—"
“Max,” ang pagpapakilala naman ni Kuya sa kanyang sarili.
“Kuya Max, may alam ka bang bukas na kainan sa ganitong oras?” ang tanong naman ni Adrian sa kanya.
“Meron. Lumabas ka ng Gate Five. Pagkatapos ay tumawid ka ng kalsada. Sa pangalawang gusali may kainan doon. Sa pangalawang palapag,” ang pagbibigay ni Kuya Max ng direksyon. Nang makapagpasalamat ay lumabas kami ng mismong dormitory at sinundan ang kanyang binigay na direksyon. Tinahak nga namin ang daan patungo sa Gate Five ng Saint Anthony University. Ito ang pinakamalapit na pasukan sa Dormitory na siyang malapit din sa Gymansium. May mga estudyanteng nag-jo-jogging sa field.
“Mag-jogging tayo minsan,” ang yaya naman ni Adrian sa akin.
“Auto-pass,” ang kaagad ko namang pagtanggi. “Hindi ko kayang gumising nang maaga araw-araw.”
“Mukha nga,” ang komento naman niya sabay tawa na nagpasimangot sa akin.Hindi naman nagtagal ay nakarating kami sa kainan na tinutukoy ni Kuya Max. Medyo mahaba-haba ang pila pero mukhang kakayanin naman naming matapos bago magsimula ang aming unang klase. Habang nasa pila ay napatingin ako sa paligid. Isang simpleng kainan lang ito. Ibinaling ko ang aking atensyon sa menu na nakapaskil sa harapan. Kaagad naman akong nakapamili ng gusto kong kainin. Mabilis namang gumalaw ang pila.
“Anong sa’yo, hijo?” ang tanong naman ng ale.
“Tapsilog po,” ang tugon ko naman kasabay ng pag-abot ko ng aking bayad.
“Pakihintay na lang,” ang bilin naman niya. Hindi naman nagtagal ay dumating ang order ko at linapag sa aking tapat. Kinuha ko naman ‘yun at naghanap ng mauupuan. May mesang bakante na pwedeng pang-apat na tao. Doon naman kami naupo ni Adrian. Kaagad namang nagliwanag ang aking mukha nang makita ang sunny side up na itlog. Hindi ko alam kung bakit ganoon ko na lang kapaborito ang pula ng itlog. Magsisimula na sana akong kumain nang may nagsalita. Kaagad naman kaming napalingon ni Adrian.
“Marcus?” ang pagsambit naman ng kanyang pangalan ni Adrian.
“Pwede bang maki-upo sa inyo?” ang paalam naman ni Marcus. “The other tables are already occupied.” Napatingin naman siya sa akin. “Kung okay lang?”
Kahit na naiinis ay tumango na lang ako at hindi siya pinansin.
“I believe hindi pa tayo magkakilala,” ang komento niya kay Adrian. “Ako ng pala si Marcus.”
“Adrian,” ang pagpapakilala naman ni Adrian sa kanyang sarili.
“Anyway, this is my roommate, Dustin,” ang pagpapakilala rin ni Marcus sa kasama niya. “Dustin, this is Paulo and Adrian.”
“Nice to meet you,” ang saad ni Dustin sabay alok ng kanyang kamay sa amin. Kinuha ko naman ‘yun at nakipagkamay.
“Enjoy your meal,” ang saad naman ni Marcus sa amin pagkatapos ay nagsimula silang mag-usap ni Dustin. Napatingin ako sa kanyang mukha. Ang guwapo niya talaga.
“Chris,” ang kusang pagsambit ng aking mga labi sa pangalang ‘yun habang nakatitig sa kanya. Natigilan naman siya at napatingin sa akin.
“What did you just say?” ang tanong naman niya; may halong gulat sa kanyang tono.
“W-wala,” ang tugon ko naman. Bakit ko ba nabanggit ‘yun? Ibinaling ko naman ang aking atensyon sa tapsilog na in-order ko.
“Here,” ang saad ni Marcus sabay lagay ng sunny side up niya sa aking plato. “Paborito mo ‘to, hindi ba?”
“P-paano mo nalaman?” ang tanong ko.
“I have a strong feeling,” ang paliwanag naman niya. “Nakita ko rina ng mukha mo kaninan nang makita mo ang itlog sa plato mo.”
“Ah, ganun ba?” nag reaksyon ko naman. “S-salamat.”
“Eat well,” ang huli niyang bilin bago muling pinagpatuloy ang pakikipag-usap kay Dustin. Itinuon ko naman ang aking atensyon sa aking pagkain. Baka mahuli pa kami sa klase kung si Marcus lang ang aatupagin kong intindihin.