Yssabela
“WHAT?! You can’t do that to me, Dad!”
I can’t believe this. How can they decide something like this?!
Bumuntong-hininga si Dad na para banag sumasakit na ang ulo niya sa akin. Lumapit si Mom sa kanya at hinaplos ang balikat ng aking ama.
“Hon, baka naman pwede mong i-consider ang desisyon mo. Yssa did something, yes, pero pwede naman siyang parusahan sa ibang paraan.”
Tumango-tango ako sa sinabi ni Mommy. I know that my mom will always stick to my side. Si Dad itong kaya akong tiisin.
“No!” sabi ni Dad. A firm no that mark the finality of his decision. “Ilang beses na kitang pinagbigyan, Yssabela, pero hindi ka nagtitino.”
I bit my lower lip. I don’t want to anger my father right now dahil baka bigla niya na lang akong ipatapon sa probinsya.
My father wanted to punish me by sending me away to another place. Sa bahay raw ng grandparents ko sa isnag probinsya! Hindi ako papayag. The hell I will live there. Anong mapapala ko roon? May matututunan ba ako?
Hindi ko magawang maisip kung anong gustong ipangaral ni Dad sa akin by sending me there.
“I spoiled you too much, Yssa. You have no sense of accountability. Paano kung namatay ang nasagasaan mo?! Sino ba kasing may sabing magmaneho ka ng lasing?! Alam mo ba kung anong kailangan kong gawin just to shut the mouth of the boy you hit para lang hindi siya magsampa ng kaso sa ‘yo?!” Mabilis ang paghinga ni Dad. “Bukod pa roon, you maxed out your credit card! 5 million in a month, Yssabela? Sa tingin mo ba ay pinupulot ko lamang ang pera natin, ha?!”
Umawang ang aking labi pero itinaas ni Dad ang kanyang kamay sa akin tila ayaw nang makinig sa kung ano mang sasabihin ko.
“My decision is final. Next school year, I’ll be transferring you to a community college in Buenavista. Your grandmother will be happy to see you there. Roon ka hanggang matutunan mong mamuhay nang normal at matutunan na kahit may kaya ka sa buhay, hindi mo dapat tine-take advantage iyon. I will call your grandmother.”
Umalis si Daddy matapos sabihin sa akin ang lahat ng iyon. Mariin kong kinagat ang aking labi at nagdabog. Umakyat ako sa kuwarto ko.
Maluha-luha pa ako dahil sa naging desisyon ni Dad.
Ayoko sa Buenavista! Huling punta ko roon ay bata pa ako at hindi ko gustong bumalik. It’s so boring! Wala man lang mga magagandang tambayan doon, and how can I make friends?!
Aminado naman ako na troublemaker ako. Oo na at hindi ito ang unang pagkakataon na napahamak ako. Noong hindi pa ako 18, me and my friends forged IDs para lamang makapasok sa isang bar. When we got caught, I used my family’s name to get away with it. Syempre, nakarating pa rin ang ginawa ko kay Dad pero wala akong naging consequence dahil sa pamilya ko. Madalas ako sa bar at minsan ay napapaaway pa dahil naiinis ako sa ibang tao. Again, due to my family’s influence, I get away with everything. I sometimes—no, most of the time got home, drunk. I have a boyfriend na ayaw ng parents ko dahil bad influence daw sa akin pero hindi ko hiniwalayan. Now, after my night out with friends, nag-drive ako na lasing at nakasagasa. Wala namang severe injury ang lalaki pero tinakot ako na magsasampa ng kaso dahil sa nangyari. I called my father at mukhang napundi na siya sa lahat ng ginawa ko. Bukod pa roon, I maxed out my credit card sa loob ng isang buwan with a credit limit of 5 million pesos. When my father asked me kung anong ginawa ko sa pera, bukod sa mga bags at ibang gamit na binili ko, nalaman niya na binilhan ko si Joshua, ang boyfriend ko, ng mamahaling relo.
And now they’re sending me to f*****g nowhere!
“Ibig sabihin lilipat ka na ng school? Aww, that’s so sad, Yssa,” sabi ni Janela nang marinig niya ang balita ko sa kanya.
Ka-videocall ko ang mga kaibigan ko dahil hindi ako makatiis na sabihin sa kanila ang problema ko.
“Oh, that’s bad news,” sabi naman ni Marianne. “Ba-bye.”
Inismiran ko siya dahil sa sinabi niya. Kahit kailan talaga ang babaeng ito.
“Wala ka bang magagawa? I mean, alam naman natin na kaunting panunuyo mo lamang sa dad mo ay bibigay na iyon sa ‘yo. Super spoiled ka kaya niya!” sabi ni Janela sa akin.
“Sana nga ganoon lang ngayon, pero mukhang final na ang desisyon ni Dad at wala nang makakapagpabago.”
Tumawa si Marianne kaya nakuha namin ang atensyon niya.
“I can’t imagine you living in a countryside, Yssa! Walang mall sa mga ganoon!” Lalong lumakas ang tawa niya at pumapalakpak pa. “But that’s interesting. Gusto kong makita kung paano ka mag-survive roon.”
“Shut up, b***h!” sigaw ko sa kanya. “Walang nakakatawa sa sitwasyon ko. Kung pwede lang tumakas, tumakas na ako rito.”
“Bakit kaya hindi mo tawagan si Joshua? Magpatulong ka sa kanya? Malay mo ay pwede ka munang makitira sa kanila. Ilang araw lang. Baka makonsensya ang dad mo kapag umalis ka.”
Naisip ko na pwede nga ang sinabing iyon ni Janela.
Bumukas ang pinto ng kuwarto ko kaya agad akong nagpaalam sa mga kaibigan ko.
Umayos ako ng pagkakaupo at tumingin sa pumasok. Nakita ko si Mommy.
Malungkot siyang ngumiti sa akin.
Naupo si Mommy sa tabi ko at hinaplos niya ang aking buhok. My mother is the sweetest woman I’ve known. Kahit na pinangangaralan niya ako for being a troublemaker, she never raised her voice at me. Madalas ay pakiramdam ko, siya lamang ang kakampi ko. Si Daddy kasi parating gustong pinoportektahan ang image niya. I’m sure, kaya niya ako gustong ipadala sa ibang lugar ay hindi para matuto akong mabuhay nang normal kung hindi para wala nang dumungis ng pangalan ng pamilya namin.
“I tried to reasoned out with your father,” panimula ni Mommy. Hinahaplos niya pa rin ang buhok ko and she’s smiling at me. “I’m sorry, sweetie, mukhang wala nang magpapabago sa kanyang desisyon.”
Gusto kong umiyak. I can’t also imagine living in that place! Hindi ako sanay roon dahil lumaki ako sa syudad.
“Mom, ayokong tumira kina Grandma! Wala akong kilala roon.” Hinawakan ko siya sa kamay niya at nagpaawa. “Please, help me. Promise, hindi ko na uulitin ang mga ginawa ko. I’ll be good na!”
Bumuntong-hininga si Mommy. “Kakausapin ko ulit ang dad mo. Pero maganda rin naman sa Buenavista. Maganda ang beach doon at bagong ambience for you, anak. Doon ako lumaki, maganda naman ang experience ko roon.”
Napanguso ako dahil sa sinabi ni Mommy.
“Mommy, ayokong umalis. Naandito ang friends ko pati si Joshua! I can’t leave like that.”
Nakumbinsi ko si Mommy na kausapin ulit si Dad at kasama pa nga ako. Kaya lang, kahit anong sabihin ko kay Daddy, hindi na nagbago ang kanyang desisyon.
I was so upset. Ipinakita ko iyon sa kanya para man lang makonsensya si Dad, pero kahit anong gawin ko, balewala sa kanya.
“Hindi na ata magbabago ang isip ni Dad,” sabi ko. Kausap ko ngayon si Joshua at sinasabi ko sa kanya ang lahat ng frustration na nararamdaman ko.
“Kung ganoon, wala na tayong magagawa.”
Ilang araw na lang, aalis na ako papunta ng Buenavista. Sa ilang araw na iyon, binabalak kong sabihin kay Joshua ang plano ko pero wala akong makitang timing.
“Uhm, may plano ako, pero kailangan ko ng tulong mo,” sabi ko sa kanya.
“Ano iyon? Baka may maitulong ako.”
Huminga ako nang malalim bago ako muling magsalita. “Magtanan tayo? Baka sakaling mabago ang isip ni Dad—”
“What?!”
Nagulat ako nang sumigaw siya matapos ang sinabi ko. Bahagya akong nainis sa tono niya but at the same time ay parang nasaktan din.
“Sinisigawan mo ba ako?!” Hindi ko napigilan ang bibig ko na itanong iyon sa kanya.
“Ha? Hindi. Sorry, nabigla lang ako. Alam mong hindi natin pwedeng gawin ‘yan, Yssa. Kaka-eighteen mo pa lang ay gusto mong itanan kita.”
Bumagsak ang aking balikat. Bakit ba inaasahan ko na papayag siya sa sinabi ko?
“What? So mas gusto mo na mapalayo ako sa inyo?” Mahigpit ang hawak ko sa cellphone ko. Alam ko na mali ang iniisip ko, pero ayoko talagang umalis dito sa Manila at lumipat ng Buenavista!
“Bakit kaya hindi mo na lang sundin ang Dad mo? Tapos kahit ilang buwan ay ipakita mo sa kanya na nagbago ka na. Malay mo ay makabalik ka kaagad ng Manila.”
Hindi ko nagustuhan ang ideya na iyon pero alam ko na wala naman na din akong magagawa.
Wala na akong sinabi dahil sirang-sira na talaga ang mood ko ngayon.
“Sabihan mo ako kung saan ka nakatira. Dadalawin ka namin.”
Ibinaba ko na ang cellphone ko. Ibinagsak ko ang sarili sa kama at nagwala roon. Kung bakit ba kasi sa lahat ng punishment na maiisip ni Daddy ay ipatapon pa ako sa malayong lugar! Nakakainis!
Dumating na nga ang araw ng pag-alis ko. Nakahanda na ang mga gamit ko at ikinarga na sa sasakyan.
“Ihahatid ka namin sa Buenavista at sa Lunes ay uuwi na rin kami rito sa Manila.”
Napairap ako sa sinabi ni Daddy. Pumasok ako sa loob ng van at nanahimik na lamang doon.
Wala akong gustong kausapin dahil naiinis talaga ako.
Matagal ang byahe. Isinakay pa nga sa barko ang aming sasakyan
Ginising lamang ako nang makarating na kami sa port. Sumukay ulit kami sa van at nagtungo sa bahay nina Lola.
Nakatingin ako sa bintana ng van. Nagkukwento pa si Mommy sa akin ng kabataan niya rito sa Buenavista pero hindi ako nakikinig.
Hindi ko maipagkakaila na maganda ang tanawin at maganda nga ang karagatan dito. Ganoon man, hindi ko pa rin gusto na manirahan dito nang matagal!
Halos wala akong makitang mall o bar sa paligid. Paano ako magsu-survive rito?!
“Dad, hindi ba pwedeng sumabay na lang ako sa inyo pag-uwi sa Lunes? Pangako, magiging mabait na ako. I will not cause any trouble from now on.”
Ngumiti si Daddy sa akin at akala ko noong una ay naaawa na siya sa akin pero…
“No,” sabi niya.
Tumigil ang sasakyan sa ancestral house nina Mommy. Sinalubong kami nina Lola roon. May isa siyang kasama at kung hindi ako nagkakamali ay pinsan ko ito. Hindi ko na lamang maalala ang pangalan niya dahil sobrang tagal na noong huling beses kaming nagkita.
“Mama,” pagbati ni Mommy kay Lola nang makababa ng van.
“Anak!” Niyakap nila ang isa’t isa. “Kumusta ang byahe?”
“Okay naman, Ma.” Nagmano si Dad kay Lola. Inilapit ni Mommy ang kapatid kong bunso kay Lola para makapagmano rin sa kanya.
“Ito na ba si Ismael? Aba at malaki na pala ang apo ko,” sabi ni Lola nang makita ang limang taong gulang kong kapatid na lalaki.
Nanatili akong nakatayo sa likod nina Mommy habang nagkukwentuhan sila. Nakahalukipkip ako dahil hindi ko pa rin matanggap ang aking kapalaran.
“Yssabela?”
Napatingin ako sa tumawag sa akin. Nakatingin silang lahat at mukhang si Lola ang tumawag sa akin.
Pilit akong ngumiti at naglakad papalapit sa kanya. “Hi, Lola.”
Niyakap ko siya at ganoon din siya sa akin.
“Aba at dalaga na talaga si Isay!”
Nagtindigan ang aking balahibo sa katawan nang ganoon ako tawagin ni Lola. Napangiwi rin ako dahil hindi ko gusto ang nickname na iyon.
“Yssa po, Lola.”
Ngumiti lang siya sa akin dahil sa sinabi ko.
“Oo nga pala. Si Esme. Siguro naman ay natatandaan ninyo pa siya. Anak siya ng nakababatang kapatid ng inyong ina.”
“Oo naman. Ang laki mo na, Renesmee,” sabi Mommy. “Magkasing-edaran nga pala kayong dalawa ni Yssa. Sana ay magkasundo kayong dalawa.”
Ngumiti si Esme kay Mommy at tumango. Hindi kagaya ko, lumaki rito sa probinsya si Esme.
Pinagmasdan ko siyang mabuti. Iba ang ayos niya kumpara sa akin at iba rin ang kilos niya. Kapag pinagdikit mo kaming dalawa, iisipin mo na siya iyong tinuruan nang maayos na pag-uugali habang ako ay pakawala.
“Pumasok na tayo sa bahay nang makapagpahinga at makakain kayo. Napaayos ko na ang kuwarto na tutuluyan ninyo.”
Pumasok kami sa loob ng bahay at kumain.
Tahimik lang ako sa hapagkainan at walang gana. Hindi ko pa rin matanggap na rito na muna ako titira. Ang saklap naman ng ginawa ni Daddy sa akin.
“Sa Lunes, pupunta si Esme sa school. Bakit hindi ka sumama roon nang makapagpa-enroll ka na, Isay?”
Sa tuwing tinatawag ako nito ni Lola, hindi ko mapigilang na mapairap. Kapag narinig ng mga kaibigan ko ang nickname ko na iyon ay paniguradong pagtatawanan nila ako.
Nagkibit-balikat lang ako. Hangga’t naandito pa sina Dad, may pag-asa pa akong makumbinsi silang iuwi ako ng Manila.
“La, pupunta lang po ako ng pook daungan mamaya. Kikitain ko ang mga kaibigan ko,” pagpapaalam ni Esme.
Hinahayaan ko silang mag-usap dahil wala talaga akong interes sa mga pinag-uusapan nila.
“Kung ganoon, isama mo na ang pinsan mo,” sabi ni Lola. “Isay, bakit hindi ka sumama kay Esme sa pampang? Baka mag-enjoy ka roon.”
Napangiwi na naman ako. Anong gagawin ko roon?
Magsasalita na sana ako para tumanggi nang makita ko si Mommy na nakangiti sa akin at tumatango. Si Dad naman ay tinataasan ako ng isang kilay. Alam ko ang ibig sabihin ng tingin niyang iyon.
My goodness!
Pilit na lamang akong ngumiti para wala na silang masabi kahit ayokong umalis.
Nahihirapan akong maglakad habang papunta kami sa kung saan man kikitain ni Esme ang mga kaibigan. Bumabaon kasi ang sandals ko sa buhangin.
This is Jimmy Choo!
“Sabi ko naman sa ‘yo ay magpalit ka ng tsinelas kanina,” sabi ni Esme nang mapansin ang mabagal kong paglalakad.
“And you want me to wear those worn-out slippers? No, thanks.”
Napailing si Esme at nagpatuloy sa paglalakad.
Halos mapamura ako sa isipan ko dahil nahihirapan talaga akong maglakad.
Nakita ko si Esme na may kinawayan na mga kaibigan niya. Napairap ako at naglakad malapit sa may dagat.
“Naandito na ba sila?” tanong ni Esme.
“Wala pa, pero malapit na atang dumaong. Nakikita ko na ang bangka nila.”
Nanatili akong nakatingin lang sa karagatan habang nakikipag-usap si Esme sa mga kaibigan niya.
“Sino pala ang kasama mo?” Narinig kong tanong ng isang babae.
Hindi ko sila nilingon pero dahil mukhang ako na ang pag-uusapan nila ay hindi ko maiwasang makinig.
“Ah, pinsan ko. Si Yssabela.”
“Ngayon ko lang siya nakita rito,” sabi naman ng isa.
“Oo, taga Manila sila. Rito na ata ito mag-aaral.”
Napairap na naman ako. As if! Hindi ako papayag na rito manatili ‘no!
“Ayan na sila!”
May nakita akong bangka na papalapit sa kinaroroonan namin. Nang makadaong ay nakakita ako ng tatlong lalaki na tila kasing edaran ko lamang kasama ang dalawang matandang mangingisda.
Naka-topless sila at medyo basa pa ng tubig dagat.
Napangiwi ako at napairap. Not my type. Mas guwapo pa rin si Joshua.
Iirap na sana ako nang may mahagip ang aking mga mata. He got off the boat effortless. His hair is slightly disheveled and damp, giving him a rugged look, but…sexy. The man is incredibly handsome na aakalain mong makikita mo sa gitna ng mga nagtataasang building sa BGC!
Lumapit ang tatlong babae sa tatlong lalaki. Nakita ko ang pinsan na nilapitan ang lalaking nakakuhang atensyon ko.
“Okay ka lang?” tanong ni Esme sa lalaki at pinunasan ang mukha nito.
“Oo,” sabi ng lalaki. “Marami kaming nahuling isda ngayon.”
Hindi ko namalayan na masyado na pala akong napapatitig sa lalaki. Tumingin sa akin ang lalaki at napasinghap ako nang magtama ang paningin naming dalawa.
“Oy, may bago tayo, ah?” sabi ng isang lalaki na hindi ko kilala.
Napansin siguro ni Esme na nakatingin sa akin ang lalaking kausap niya kaya ipinakilala niya na ako.
“Ah, si Yssabela nga pala, pinsan ko. Yssa, mga kaibigan ko.”
Nag-unahan ang dalawag lalaki na makipagkilala sa akin, pero nanatili ang tingin ko roon sa katabi ni Esme.
“Wala! Wala! Kay Elia nakatingin! Talo na tayo!” sabi ng isang lalaki.
Elia? Is that his name?
“Why are you staring at me?” Tinaasan ko siya ng isang kilay dahil nakatitig pa rin siya sa akin pero hindi naman nagpapakilala.
Ngumisi siya. He looked amused. “Ako ba ang unang tumitig?”
Nanlaki ang aking mga mata sa sinabi nito. “Ha! At bakit kita tititigan, kung ganoon? I am not into someone like you. You think, type kita? No way.”
Tumaas na rin ang kilay niya dahil sa sinabi ko. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. May sarkastikong ngiti ang lumapat sa labi niya.
“Hindi. Huwag ka ring mag-alala, Miss, hindi ko rin tipo ang mga matapobreng kagaya mo.”
Naglakad na siya at nilagpasan ako. Nanlaki ang aking mga mata dahil sa sinabi niya.
Napatingin si Esme sa akin pero sumunod din sa lalaki. Ang iba nilang kasama ay natatawa.
Nang mag-sink in sa akin ang sinabi ng lalaki ay agad akong inakyatan ng inis.
Ako, matapobre? Siya nga mayabang! Akala mo naman kung sino. Napairap ako bago maisip na umalis doon. Kailangan ko talagang makumbinsi si Dad na isama na ako sa Lunes pag-uwi ng Manila! I hate it here!