Malalaki ang mga hakbang na lumapit ang kanyang Kuya Ted sa kanyang kama na halos ilang hakbang lang ay nasa harap na n'ya ito.
Napaatras kaunti ng upo si Jade sa bandang gitna ng kanyang higaan na nakatukod sa likuran ang mga braso upang umalalay sa kanyang katawan.
Nanlalaki ang mga mata n'ya habang papalapit ito at nanliliit ang mga mata na hindi n'ya malaman kung galit o hindi sa kanya.
"H-hanggang d'yan ka lang!" kunway galit na sabi n'ya ngunit sa kaibuturan ay hindi maipaliwanag na excitement ang kanyang nararamdaman. Saan nga ba s'ya excited? Ano bang gagawin nito sa kanya? Bahagya pang nakabukas ang kanyang bibig nang huminto ito sa gilid ng kama n'ya ng walang imik at nanatiling nakatitig lang sa kanya. Dahil sa tangkad nito, napatingala tuloy s'ya rito.
Nakapamulsa ang dalawa nitong mga kamay sa pants nito. Nakakunot ang noo nito at nahagip ng kanyang paningin ang tila pagkibot ng sulok ng labi nito. Nag-init ang kanyang pisngi nang mapansin niyang pinasadahan s'ya nito ng tingin mulo sa kanyang mga binti na nakalantad sa paningin nito hanggang sa kanyang mukha. Tahimik na nalulon n'ya ang kanyang sariling laway.
'Ano bang iniisip ng mokong na 'to?' piping naitanong n'ya sa sarili. 'Subukan mo lang na halikan ako, hindi ka magkakamali at talagang papapakin kita,' piping bulong ng pilyang isip niya.
Wala sa loob na napangiti s'ya at napansin iyon ni Ted. Kasunod nito, nadako ang kanyang mga mata sa buddy nitong kasalukuyang nakabukol at humapit sa suot nitong pantalon na tila gustong umalsa ngunit nasasakal. Awang ang bibig na muli siyang pinanlakihan ng mga mata.
Dahan-dahang yumukod ito sa kama nang hindi inaalis ang tingin sa kanya. Bahagya pa siyang napasinghap.
'Oh my god! hahalikan na ba n'ya ako?' kilig to the bones na sabi n'ya sa sarili habang nanlalaki ang mga mata na nakatitig s'ya rito.
Inilabas nito ang mga kamay sa bulsa ng pants at itinukod sa malambot na kama. Dahilan para magpantay ang mga mukha nila.
'O my gulay! ito na nga, ito na 'yon, hahalikan na ba n'ya ako?' puno ng kabang bulong n'ya sa sarili nang makitang mas inilapit pa nito ang mukha sa kanya na hindi humi-hiwalay ang mga mata sa pagkakatitig sa mukha n'ya. Nang ilang pulgada na lang ang layo ng mukha nito sa kanya, napapikit s'ya ng kanyang mata. At inasam na dampian sana nito ng halik ang kanyang labi.
'Ito na!' nananabik na sabi n'ya. Kasunod nito na naramdaman n'ya ang mabangong hininga nito na tumatama sa kanyang mukha. Alam n'yang halos magkadikit na ang kanilang mga mukha.
At malayang tumatama sa kanyang balat ang mabilis na paghinga nito. At naaamoy rin n'ya ang swabeng pabango nito na nanunuot sa kanyang ilong. Nag-uunahan sa pagtambol ang kanyang dibdib at halos alam n'yang hindi malayong maramdaman iyon ng lalaking pulgada lang ang layo sa kanya.
Dahil na rin sa halik na inaasahan n'ya, bahagya niyang itinulis ang kanyang labi hanggang sa naramdaman niyang may lumapat rito.
'Oh my, hinalikan nga n'ya ako?' bulong n'ya sa sarili. At nanlaki ang matang iminulat n'ya ito habang may nakalapat pa sa labi n'ya.
TED'S POV
Hindi maiwasan ni Ted na lalo pang inisin si Jade. Nang makita n'yang nai-inis ito mas naisip niyang lalo pa itong asarin. Maganda at maputi ang babae, walang lalaki na hindi maa-akit rito lalo na sa ganitong itsura nito.
Inilang hakbang n'ya ang pagitan nila at lumapit sa kama nito, napansin n'ya ang pagpa-panic at panlalaki ng mga mata nito habang binabaybay niya ang maliit na distansya nilang dalawa. Bahagya pa itong umusod sa gitna ng higaan habang nakatukod sa likuran ang mga braso.
Gumuhit ang isang tipid na ngiti sa kanyang labi at walang puknat itong tinitigan habang lumalapit. Inilabas n'ya ang mga kamay na nakapamulsa at itinukod sa malambot na kama at yumuko upang magpantay ang mga mukha nila. Nag-i-init ang pakiramdam n'ya sa tuwing makikita at malalapit rito, dagdag pa sa itsura nito ngayon na halos hindi kayang itago nang kapirasong tela ang katawan nito. Sanay naman na s'ya sa ganitong aura nito ngunit hindi pa rin n'ya maalis na hindi maapektuhan sa tuwing makikita n'ya ito kaya mas madalas siyang nagkukulong sa kanyang silid kung wala siyang pasok sa opisina o kaya naman ay nasa labas.
Ayaw naman n'yang isipin ng mommy nito na sinasamantala n'ya ang pagkakataon lalo na't s'ya rin ang madalas nitong pagbilinan sa kapatid.
Hindi naman n'ya ugaling pakialaman ito dahil alam niyang ayaw nito kaya nananatiling nakadistansya s'ya. May ilang mga lalaking ka-edad nito na nagtangkang manligaw kay Jade, subalit lagi n'yang pinipigilan ang mga ito. Alam n'yang wala naman siyang karapatan sa personal na buhay nito lalo na pagdating sa lovelife nito, ngunit bakit ang pakiramdam n'ya ayaw n'ya sa mga lalaking lumalapit rito at lalo na sa mga nilalapitan nito. Nagiging over protective na kuya na ang role n'ya sa buhay nito, ngunit masaya s'ya. Kaya lang para rito kontrabida na s'ya kaya tuloy lagi mainit ang ulo sa kanya.
Pinanindigan na rin n'ya ang pagiging strikto at malamig na kuya para rito, upang maitago ang totoong damdamin para sa dalaga. Isa pa, malaki ang tiwala ng kanyang mommy sa kanya. Ayaw n'yang masira ang tiwalang iyon na bumuo sa pagkatao n'ya.
Inilapit pa n'ya nang husto ang kanyang mukha rito. Napansin rin n'ya ang gumuhit na tipid na ngiti sa labi nito.
Natuon ang kanyang pansin sa mapupula at manipis nitong labi, na parang ang sarap siilin ng halik, biglang nag-init ang kanyang pakiramdam lalo na nang pinikit nito ang mga mata at saka itinulis ang mga labi. Naghatid iyon ng kakaibang init sa kanya at naramdaman pa ang pag-a-alburuto ng kanyang alaga.
Mas inilapit pa n'ya ang mukha rito at akmang hahalikan sana ito nang muling natigilan. Mali naman yatang gawin n'ya iyon, baka lalong mahulog s'ya at hindi na magawa pang kontrolin ang sarili sa mga susunod pa. Kahit naman alam niyang crush s'ya nito, hindi pa rin n'ya dapat samantalahin iyon. Ang nais lang naman n'ya, mapatino pa ito at maturuang mas maging responsable, hindi lang sa sarili nito kundi maging sa mga taong nakapaligid dito.
Dahan-dahan niyang inilayo ang mukha rito at naaliw siyang pagmasdan ang hitsura nito kaya muling naisip na asarin.
Gumana na naman ang kanyang pagiging pilyo. Itinaas n'ya ang kanyang kamay habang nakangisi at iiling-iling na inilapat ang isang daliri sa mga labi nitong nanunulis at tila naghihintay ng halik mula sa kanya. Nakita n'ya itong mabilis na nagmulat ng mata.
At para itong binuhusan ng malamig na tubig at agad na nagkulay kamatis ang buong mukha dala ng hiya nang mapansing daliri niya ang nakalapat sa labi nito. Nakaguhit sa mukha niya ang isang nakakalokong ngiti habang nakatitig dito. At tila pa nga pinipigil na mapabunghalit ng tawa.
Muling napalitan ng inis ang nararamdamang excitement kanina ni Jade at naniningkit ang mga matang mabilis niyang hinawi ang daliri nito na nakalapat sa mga labi n'ya.
Hindi naman napigilan ng kanyang Kuya Ted na mapabunghalit ng malakas na tawa. Mabilis naman na hinablot ni Jade ang isang unan at inis na ibinalibag ito sa lalaki.
"Get out!" inis at galit n'yang sigaw rito. Muling inabot ang isa pa at muli ring ibinato rito ngunit kagaya ng una, nasalo rin nito.
Nang hindi pa rin ito lumabas ng silid at patuloy pa rin sa pagtawa. Mabilis s'yang bumaba sa kama. Naging seryoso naman bigla ang kanyang kuya ng makita s'yang palapit at walang ka abog-abog n'ya itong pinaghahampas sa dibdib dala ng sobrang inis at pagkahiya.
Walang tigil niyang nabayo ng suntok ang malapad nitong dibdib habang humahagulgol sa inis.
"Hey!" pilit namang awat ng kanyang kuya sa kanyang ginagawang pamamalo.
Naiinis s'ya sa sarili at nagagalit na rin kasi nagmukha na naman siyang tanga at katawa-tawa rito. Nag-expect pa naman s'ya tapos ito napala n'ya, napahiya pa s'ya tuloy. Tiyak talo na naman s'ya, kung bakit kasi masyado s'yang umaasa rito gayong, hanggang pantasya na lang naman s'ya rito.
"Bwisit ka talaga! kainis!" galit na sabi n'ya. "Bat ba kasi ganyan ka?" palahaw n'ya rito. Hindi n'ya matanggap na naisahan na naman s'ya para maging katatawanan nito.
"Hey! hey! stop it!" sabi nito habang pilit na hinuhuli ang kanyang mga kamao na ipinangsusuntok rito.
Hindi naman alam ng kanyang Kuya Ted na magiging ganito ang damdamin nito. Bigla tuloy nasisi n'ya ang sarili matapos na makita si Jade na umiiyak.
"Stop it, I'm sorry, okay? I didn't intend to do that. Believe me, I didn't mean to," hinging paumanhin nito. Pilit hinuhuli ang kanyang kamay.
Nang tuluyan nitong mahawakan ang kanyang mga kamay mabilis nitong inilagay iyon sa kanyang likuran, wala pa ring tigil ang pumatak na luha sa kanyang mga mata. Sobrang hiya ng nararamdaman n'ya, alam naman niyang dedma lang s'ya rito, ganito pa ang inabot n'ya. Kung bakit ba naman kasi masyado s'yang mag expect sa mokong na 'to, gayong alam n'yang mabibigo lang naman s'ya.
Naramdaman n'ya ng bigla siyang kabigin ng lalaki upang yakapin. Ilang saglit lang at heto, nakakulong na s'ya sa mga bisig nito. Malaya n'yang naaamoy ang siguro'y pabango nito o natural ng amoy ng lalaki na tila gusto na namang magpawala sa kanyang katinuan. Bahagya nitong kinabig ang kanyang ulo upang isandal sa malapad na dibdib nito. At malaya n'yang naririnig ang mabilis na heartbeat nito.
Ilang sandali sila sa ganoong ayos habang nakatayo sa gitna ng silid at magkayakap, Nakapikit s'ya habang humihikbi at tila ba ayaw na n'yang pumuknat dito. Dama n'ya ang init sa singaw ng katawan nito habang sila ay magkayakap.
Mayamaya, lumapat ang mga daliri nito sa kanyang baba at unti-unti nitong ini-angat ang kanyang mukha. Nagsalubong ang kanilang mga mata at titig sa isa't isa habang magkayakap, bumaba pa ang tingin nito sa mga labi n'ya. Marahang pinahid ng mga daliri nito ang kanyang luha sa pisngi at hanggang sa unti-unting bumaba ang mukha nito sa kanya at hindi n'ya inasahang banayad na dumampi ang labi nito sa mga labi n'ya...