“Bakit parang masama na naman ang hitsura mo?” tanong ni Calvin kay Claude.
Nasa balkonahe sila at umiinom ng brandy.
Hindi naman kumibo si Claude at hindi naman ‘yon bago kay Calvin.
Kilala niya si Claude na irita sa pagpapaliwanag.
“Saan ka ba galing kanina?” tanong uli ni Calvin.
Nangisi si Calvin at napailing nang wala pa ring makuhang sagot dito.
“Sa tingin ko hindi na makakapasok next round ang GZ, pero nakakabilib na nakaabot sila sa taas pa rin. Iyong ex mo, malaki ang epekto niya sa tao, para siyang charmer na lahat ay matutuwa at magiging positibo. Sa tingin ko, isa ‘yon sa dahilan bakit tumataas ang boto nila nang bugsuan.”
Tiningnan siya ni Claude kaya naman nangiti si Calvin.
“Halatang-halatang apektado ka pa rin sa kanya, hindi ko akalain na totoo ngang natuto kang magmahal.” Natawa si Calvin. “Noon, hindi mo nga gusto ang may babaeng matagal na nakadikit sa ‘yo. Pero nagawa mong halos i-live-in ang ex mo. Talaga bang kakaiba siya?”
“Bakit nagiging mausisa ka na rin, Calvin?”
Nangisi si Calvin. “I’m just amaze, kilala kita noon, at parang malaki ang ipinagbago mo nang dahil sa kanya.”
“Hindi lahat nang tao mananatili sa kung ano o sino siya habang-buhay. Dapat mas alam mo ‘yan, Calvin.” Mariing sabi ni Claude.
Nangisi si Calvin. “Kunsabagay, Claude.”
Nang matapos silang mag-inom ay pumunta na sa silid si Claude. Naligo siya at nagbihis nang pantulog. Nag gitara pa siya dahil hindi pa rin siya hinihila ng antok.
Naaalala niya rin si Yuki, ang mga ngiti nito noon sa kanya, ang pagsimangot nito, maging ang pagtawa nito na nakahahawa. Isama pa na tila sasabog ang bahay nila dahil sa ingay ng mga ito. Kompara sa RSYND, ang GZ ay parang mga makukulit na bata lamang na naglalaro pa.
Kailangan niyang magdesisyon at magsakripisyo.
Kailangan niya ‘yon, iyon lang habang tumatagal kinakain na siya nang iba’t ibang negatibong damdamin. Lalo na kapag mayroong nakatitig kay Yuki, kapag mayroon nakikipagkilala at pumupuri rito, gusto niya ‘tong itago katulad noon at manatili lamang sila sa daigdig na binuo nila noon, pero mahirap na ngayon ‘yon, nagsisimula na si Yuki na masilaw sa liwanag at maaaring katulad nang iba, matuwa ito sa kasikatan at matuto na ‘yong mahalin.
"Ano ba 'yan nakakahiya naman! Puro na lang sila papuri sa 'kin!" kunwari'y nahihiyang sabi ni Yuki. "Huwag ka mag-alala wala naman katotohanan iyan," basag ni Takumi. Nasa sala sila at nanonood ng isang International Music Chanel. Wala si Ruki dahil may pinuntahan ito na hindi naman nasabi kung saan. "Marami raw akong na-captivate! Ano ba naman 'yan, ang simple ko na nga lang, ang hirap kasi talaga kapag Diyosa ka naipanganak!" ani Yuki pa. Natatawa lang si Blue. Natutuwa talaga siya kapag nagtatalo si Takumi at Yuki, para kasi itong mga aso at pusa. Pero wala naman nagiging personalan, medyo hawig din kasi ng ugali ang dalawa.
"Mabuti pa magluto na nga ako, baka hindi na ako makakilos sa sobrang saya," natatawang sabi ni Yuki. "Tutulungan na kita!" Presinta ni Blue. Pumayag naman si Yuki at sabay silang tumungo sa kusina. "Marunong ka na ba mag hiwa?" natatawang biro ni Yuki. Natawa lang si Blue. "Oo naman, matagal na kaya parang 'di mo naman nakita!"
"Yuki," si Blue habang naghihiwa silang dalawa. "Hmm?" "Paano kung hindi tayo manalo?" Natigilan si Yuki at saglit tiningnan si Blue. "Inaalala mo ba iyon?" Tumango si Blue. "Wala naman tayong magagawa kung hindi para sa 'tin, pero let's do our best, okay?" Nginitian 'to ni Yuki. "Ang mahalaga sumubok tayo, nag enjoy at nagkaroon ng mas matibay na pagkakaibigan." Nangiti naman si Blue sa sinabi ni Yuki.
Nakahanda na sila nang tanghalian nang may marinig silang doorbell. "Ako na," pauna ni Yuki. Sumangayon naman si Blue. Si Takumi naman ay umiinom ng bottled water nang makita si Yuki na palabas. "May order ba kayo?" tanong ni Takumi. "Wala naman, ewan ko nalang din baka kay Ruki," sagot ni Yuki. Nagmamadali si Yuki. Nakita pa niya ang isang lalaking nakamotor at may iniwan ito sa kanilang labas na bulaklak at isang kahon. Itatanong niya sana kung kanino 'yon galing nang maalala niyang wala siya sa Pilipinas at hindi niya alam paano iyon sabihin sa salitang hapon.
Napansin ni Takumi ang pagmamadali nang lalaki.
“Yuki! Saglit!”
Lumingon si Yuki kay Takumi para itanong kung bakit. Pero hindi na niya narinig ang dahilan nito dahil sa malakas na pagsabog sa labas ng gate ang naganap.
Nangilabot si Yuki.
Hindi ‘yon sobrang lakas pero kung nahawakan niya ‘yon siguradong sabog ang aabutin niya.
Nagmamadali namang lumabas si Blue sa narinig na malakas na pagsabog.
Maging si Takumi ay kaagad nahila si Yuki dahil baka may kasunod pa ang bagay na ‘yon.
“Tsk!” ani Takumi. “Ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong ni Takumi kay Yuki.
Hindi makakibo si Yuki, nanginginig siya, nangingilabot at nanlalamig nang husto.
Kaagad nayakap ni Blue si Yuki.
Kaagad inireport ‘yon ni Takumi. Sunod niyang tinawagan si Ruki.
Sa loob muna sila nanatiling tatlo. Hindi pa rin nawawala ang panginginig ni Yuki.
Inabutan na ‘to ni Blue nang tubig.
“Yuki, huminahon ka lang, ha,” ani Blue na hinihimas ang likuran nito.
Naiiyak naman si Yuki, hindi pa rin niya mapaniwalaan na muntikan na siyang mamatay kanina. Kung nadampot niya ‘yon ay tapos na ang kanyang buhay. Sino ang may gustong manakit sa kanila? Sino sa kanila ang puntirya? Siya ba?
“Magpahinga ka muna sa kama mo.” Inalalayan ni Blue si Yuki sa braso.
Sumunod naman ito at nagpatianod sa paghahatid niya sa kuwarto nito.
Inihiga niya ‘to at marahan kinumutan nang nasa kuwarto na sila.
Hinawakan niya ang noo nito. “Kapag kailangan mo lang ako, tumawag ka lang, ha?” masuyong sabi ni Blue.
Hinawakan naman ni Yuki ang braso nito.
Takot pa rin ang mapapansin sa kanya.
“D-dito ka lang, n-natatakot ako mag-isa, please…”
Hindi naman ‘to binigo ni Blue at lumapit pa nga ito. Niyakap niya si Yuki para kumalma ito.
Noon, may nagtangka na rin sa kanila, may panibago na naman, konektado nga kaya ‘yon lahat kay Claude?
Mukhang may kailangan silang matinding pag-usapan lalo at ganitong nasa peligro na naman ang kanilang buhay, lalo na si Yuki.
Kung hindi nila matutukoy kung sino ang may gawa no’n mabuti pa siguro na iatras na lamang nila ang laban. Paano kung sa susunod ay may bumaril naman sa kanila mula sa malayo?
Napipikit na si Yuki, napapayapa na ‘to. Maya-maya ay puwede niya na ‘tong iwanan. Kailangan masabi niya sa dalawa pang kasama ang risk nang pananatili nila roon.
Nang tuluyan ‘tong makatulog ay hinalikan niya na ‘to sa noo.
Marahan siyang tumayo at lumabas nang silid.
Nakita niyang naroon na si Takumi at Ruki sa sala at nagdidiskusyon.
“Sino naman ang gagawa nito? Hindi naman ‘to magagawa ni Claude sa ‘tin!” ani Takumi.
“Wala naman akong sinabing si Claude, pero maaaring konektado sa kanya, sa RSYND,” sagot ni Ruki.
“Anong dahilan pa nila para makipaglaro nang marumi sa ‘tin?!” iritang tanong ni Takumi.
“Kilala mo naman ang mga RSYND, marami na silang illegal na ginagawa pero hindi sila nakukulong dahil lahat sila galing sa pinakamayayamang pamilya. Isang maliit na bagay at trip lang para sa kanila ang ganitong biro,” ani Ruki.
Nakuyom ni Takumi ang kanyang kamao.
“Kung ganitong nasa panganib na si Yuki, mas mabuti pang ‘wag na lang tayong tumuloy,” si Blue.
Napalingon sa kanya ang dalawa.
“Mahirap nang may mangyari pa bago natin pagsisihan.”
Hindi nakakibo ang dalawa.
“Sa tingin ko, si Yuki na ang pinupuntirya nila. Hindi natin alam kung RSYND iyon o baka ibang banda ang may pakana. Sino man sa kanila, hindi ko kayang isakripisyo ang buhay ni Yuki.”
“Alam mong hindi matutuwa si Yuki, hindi siya papayag,” ani Ruki.
“Alam ko, pero kung ipaliliwanag naman natin nang mas maayos—“
“Huwag kang mag-alala, ako na ang bahala sa security, hindi na ‘to mauulit.”
Hindi makapaniwala si Blue na gusto pa ring ituloy ni Ruki ang laban.
“Pero—“
“Blue, hintayin natin kay Yuki ‘yon manggaling,” ani Takumi
Nanonood si Claude nang TV nang magkaroon nang flash report.
Nagulat siya nang makita ang bahay na tinutuluyan nila Yuki.
Mayroon daw nagdala nang regalo na sumabog.
“Yuki—“
Napabangon siya sa kama. Nagbihis siya. Sobrang pagmamadali ang nararamdaman niya. Hindi siya puwedeng hindi pupunta at aalamin ang kalagayan nito.
Kumusta si Yuki? Nasaktan ba ‘to? May nasaktan ba sa mga ito?
Nagmamadali siyang bumaba dala ang kanyang susi ng sasakyan.
Naabutan pa niyang tulog sa labas ang mga kagrupo dahil sa buong gabing nagkasiyahan at nag-inom kasama ang mga babae ng mga ito.
Lumabas siya at pinaharurot ang kanyang sasakyan.
Hindi na siya halos makatingin sa traffic lights sa sobrang kabang nararamdaman.
Nasa hospital kaya ang mga ito?
Sino ang may gawa no’n?