'RUSSEL GUEVARRA'
Maaga akong gumising para makapagluto ng agahan at para makapaghanda na sa pagpasok sa trabaho. Yes, may trabaho na ako!
Ayun nga, after kong makausap si Sir Troy- 'yong may-ari ng stall sa tabi ng pwesto ng gotohan nila Ate Beki ay binigyan na nga n'ya ako ng chance na makapagtrabaho para sa kanya, katunayan nga ay third day ko na ngayon at ang saya lang dahil kahit na 12 hours akong nakabantay doon ay sulit naman dahil madalas kaming nakakapagkwentuhan ni Ate Beki kapag wala kaming mga customer.
Kasalukuyan akong nag-aayos ng almusal sa maliit na lamesa nang dumating sila Nanay Iska at Itoy. Bumili kasi sila ng malagkit para sa paninda ni Nanay na Biko. Tuwing hapon kasi ay naglalako s'ya ng paninda riyan sa labas. Sabi ko nga hindi na n'ya kailangan gawin 'yon pero nagpumilit s'ya kasi hihina lang daw ang katawan niya kung wala s'yang gagawin kaya hinayaan ko na.
"Nanay, handa na itong almusal. Itoy, idala mo na 'yong mga porselana nating pinggan dito. Busy ang araw ko ngayon, maraming client na naghihintay sa akin," sabi ko habang nag-aayos ng almusal sa mesa.
"Huh? Saan ko naman hahanapin 'yong mga porselanang pinggan?" tanong ni Itoy.
"Nandiyan lang, hanapin mo sa cabinet sa may tabi ng pridyeder. Gamitin mo ang mata mo, Itoy," sabi ko ulit.
Kamot-ulo na si Itoy, tumingin pa siya kay Nanay Iska.
"May cabinet at ref ba tayo, Lola?" tanong na niya kay Nanay Iska.
Gusto ko ng matawa pero pinigilan ko. Nasa mood ako ngayon man-trip.
"Itoy, may cabinet at ref tayo hanapin mo baka na-misspaced ko lang," sabi ko ulit bago humarap sa kaniya ng nakapamewang.
"Ano ba, Itoy? Lalamig na ang mga pagkain wala pa rin ang mga porselanang pinggan at gintong kubyertos?!" Pagtataray ko na kunwari.
Napapangiwi na si Itoy.
"Patay na. Nahipan na naman ng hangin si Kuya Russel," aniya habang nakatunganga sa akin.
"Wala naman tayong porselanang pinggan at gintong kubyertos dahil plastic ang plato natin at disposable na kutsara lang meron tayo. At mas lalo namang wala tayong cabinet at ref," sabi niya pa sabay baba ng mga plato at kutsara sa mesa.
Nagpipigil na lang s'ya ng tawa habang si Nanay ay aliw na aliw lang na nanunuod sa amin.
"Kelan ko hiningi ang opinyon mo? Wala kang karapatan na sagot-sagutin ako dahil hindi ka naman tunay na anak ng Daddy ko. Walang dugong-bughaw na nananalaytay sa ugat mo. Tignan mo nga ang balat mo, baka nga tinta ng pusit ang nasa ugat mo at hindi dugo." Turo ko sa balat niyang medyo maitim na.
Kamot-ulo na lang siya saka gumalaw pero inunahan ko siya.
"Hoy! Kapag kinakausap kita wag mo akong tinatalikuran!" sigaw ko.
"Hindi naman ako nakatalikod, nagkamot lang ako ng kili-kili. Ayan, amuyin mo pa," sagot n'ya sabay lapit ng kamay niyang pinangkamot niya sa kili-kili niya.
"Yuck! Cut na direck! Cut na!" sigaw ko saka lumayo sa kaniya. Tawanan naman sila ni Nanay.
Matapos ang kabaliwan ay umupo na kami sa harap ng mesa para kumain.
"Ano ba naman 'yan, Itoy! Dapat tumalikod ka. Ganap na ganap na ako kanina eh, bigay todo na 'yon. Pang Famas!" Pagmamaktol ko pa rin.
"Ganu'n ba? Wala naman akong alam sa ganyan-ganyan, Kuya. Ang pina-practice ko ngayon ay kung paano tumawag ng mga pasahero," sabi nito sabay tayo.
"Ate! Kuya! Isa na lang aalis na! Isa na lang! Sakay na, byaheng-langit 'to!" sigaw ni Itoy na parang nagtatawag ng mga pasahero.
Napatakip naman ako ng bibig at napalingon kay Nanay Iska.
"Hala kang bata ka! Anong byaheng-langit ang pinagsasabi mo riyan?" tanong ko. Kaloka kasi ako sa pinagsasabi niya kaya gulat na gulat kami ni Nanay.
"Ganu'n 'yong turo sa akin ng mga tambay roon sa sakayan. Isa na lang oh! Byaheng langit na! Kung hindi kasya patong-patong na lang." Ulit n'ya pa with additional bonus kaya na pingot na s'ya ni Nanay Iska.
"Ikaw kung ano-anong napupulot mo. Wag kang nakikinig sa mga 'yon, tignan mo nagagaya mo na sila." Sermon sa kanya ni Nanay.
"Sabi kasi nila Kuya Jun-jun ayos na ayos daw 'yon. Maraming sasakay kapag ganu'n." Nakangusong depensa naman ni Itoy.
"Wag kang nakikinig sa kung kaninong mga tambay riyan o sa kung sinong Jun-jun na 'yon, Itoy. Wala akong tiwala sa mga Jun-jun. Minsan soft sila tapos later on magiging hard at kapag naging hard makakapanakit na sila at kung saan-saan pumapasok," sabi ko para payuhan si Itoy pero lalo lang siyang naguluhan.
Grabe nga talaga ang lugar na ito! Sa three days na stay namin dito masasabi ko na masaya nga pero medyo magulo, marami kasing tambay na walang magawa pati mga bata na tulad ni Itoy tinuturuan pa nila ng kung ano-ano at marami ring Marites o kamag-anakan niya; mga sesmossa.
Kaya nga ang hirap makipagkaibigan sa mga tagarito, nakakatakot kasi kaya bukod kay Ate Beki at Nanay Fels ay wala na akong ibang kilala dito, kahit nga 'yong Jun-jun na sinasabi ni Itoy kanina hindi ko kilala.
Matapos kumain ay nagpaalam na muna ako sa kanilang dalawa, eight kasi ako nagbubukas ng Stall tapos eight ng gabi naman ako umuuwi. Walking distance lang naman s'ya mula rito sa tinutuluyan namin kaya hindi na ako namomroblema sa pamasahe.
Pagdating sa pwesto ay nagbukas na kaagad ako. Medyo boring dahil maaga pa at wala pa sila Ate Beki, mamaya pa kasi silang hapon kaya wala akong maka-chismis-an. Luto-luto lang ako, upo-upo tapos tinda-tinda kapag may bibili. Ang boring talaga tapos ang init pa dahil tanghali na kaya sa labas na lang ako ng stall tumatambay.
Maya-maya ay dumating na si Itoy, may bitbit itong plastic na may lamang tupperware.
"Kuya Russel!" Tawag niya sa akin. "Tanghalian mo po. Gulay ulam natin."
Nakangiting tinanggap ko naman ang inaabot niya.
"Salamat, Itoy. Kumain ka na ba?" tanong ko sa kanya.
"Nauna na kami ni Lola," sagot niya. "Sige, Kuya, balik na ako sa bahay para may katulong si Lola sa pagluluto ng Biko."
Matapos magpaalam ni Itoy ay pumasok na ako sa Stall, since nandito na rin 'yong pagkain ko ay nag-lunch break muna ako.
Sarap na sarap na ako sa pagkain ng munggo na may malungkay nang may nang-istorbo sa pagkain ko.
"Magkano siomai, Miss?" tanong ng nang-istorbo sa akin.
Maiinis na nga sana ako pero pinalagpas ko na kasi tinawag naman akong miss.
"Twenty pesos po tatlo," sagot ko habang ngumu-nguya pa.
"Bente tatlo? Ang mahal naman, doon sa isang binibilhan ko kinse lang!"
Aba!? Bakit parang lumalabas na kasalanan ko pa kung bakit mahal eh 'yon ang binigay na presyo ng may-ari?
"Masarap naman po ang Siomai namin dito, Kuya. Tried and tested na po 'yan! Siomai ng bayan!" Pak! Ansabe naman ng pa-siomai ng bayan ko?
"Masarap? Parang ikaw, Miss?" tanong niya kasabay ng pilyong ngisi.
Tumaas ang kilay ko sa sinabi ni Kuya. Gusto ko na sana siyang tarayan kaya lang costumer saka I love my job so timpi muna.
"Hindi lang pang-siomai ang level ko, Kuya, pero sorry to say kasi hindi po ako kasama sa paninda," sagot ko na lang, "and hindi rin ako Miss."
Tumawa naman siya sabay ayos ng suot niyang Cap. Binaliktad niya ito para mas makita ang mukha niya.
'Okay! May itsura naman siya. Medyo maputi, matangos ang ilong, bilugan ang mga mata at may piercing sa labi. Tipikal na fvckboy.'
"Alam ko, nakikita na kita, ikaw 'yong bagong lipat doon sa paupahan ni Aling Felly, 'di ba?" sabi niya. Tinignan ko lang siya ng seryoso.
"Oo." Maikling sagot ko na lang. Hindi ko naman s'ya kilala 'no.
Tumango-tango siya na hindi pa rin mabakbak ang ngiti sa labi.
"Russel pangalan mo, 'di ba?" aniya. Hindi ko na nagugustuhan ang nangyayari kaya nagtanong na ako.
"Ano ba ang bibilhin mo?" tanong ko. Kumakain din kasi ako, naantala na dahil sa kaniya.
"Ang sungit mo naman, gusto ko lang naman makipagkilala. Ang ilap mo kasi roon sa atin e," sabi niya pagkatapos ay inabot ang kamay sa akin.
"Junior nga pala, pero ang tawag ng iba sa akin ay Jun-jun," pakilala niya sa sarili. Bigla naman nagpanting ang tenga ko.
"Jun-jun? 'Yong nagturo kay Itoy ng kagaguhan kung paano tumawag ng pasahero sa sakayan ng jeep?" tanong ko sa kaniya pero pinaramdam ko na nagbabanta na ako.
"Hindi ako iyon! 'Yong barkada ko ang nagturo sa kanya ng pagtaw-"
"Ilan kayong Jun-jun sa barkada niyo?" tanong ko ulit na pumutol sa pagsasalita niya.
"A-ako lang pero– Hoy! Sandali!" sigaw niya nang tapunan ko siya ng mantika. Medyo mainit pa 'yon since katatapos ko lang magluto ng fishball kanina.
"Layas! Lumayas ka rito! Ayoko ng pangalang Jun-jun! Galit ako sa Jun-jun!" sigaw ko habang winiwisikan siya ng mantika. Iwas naman ito nang iwas.
"Kakakilala lang natin galit ka na kaagad? Ilang Jun-jun ba ang nanakit na sa'yo– Aray, mainit!" sigaw niya nang matalsikan siya sa kamay.
"Wala! Wala kang pakialam! Umalis ka na lang kundi isang tupperware na kumukulong mantika ang bubuhos sa'yo." Banta ko sa kaniya.
"Aba, ayaw mo pang umalis?"
Nang hindi pa siya kumilos ay dumampot kaagad ako ng tupperware at akmang isasalok na sana sa lutuan. Hindi pa man nakakasalok nawala na siya sa harapan ng stall.
"Nawala kaagad? Ang bilis sa takbuhan," sabi ko sa hangin habang sinisipat-sipat kung saan siya tumakbo.
"G*gong 'yon. Unang biniktima ng kagaguhan niya si Itoy tapos balak pa akong isunod. Ayy! Ayan tuloy, 'yong munggo may langaw na! Kainis talaga ang mga Junjun!"
••••
Bandang hapon ay medyo dumami na rin ang mga bumibili kaya sunod-sunod na siomai ang naibenta ko at nakailang pack ng fishball din ako. Hindi ko na namalayan ang oras hanggang sa medyo dumilim na at nahinto na rin ang pagdagsa ng mga namimili.
"Hi, Ate Beks!" sigaw ko sa kabilang pwesto kung nasaan sila Ate Beki. Naka-set up na rin ang gotohan nila at may mga kumakain na.
Lumapit ako sa kanila pero sinara ko muna ang pinto ng stall. Kita ko rin naman dito kung may bibili.
"Kamusta ang araw?" tanong niya sa akin habang nagbabalat ng itlog.
"Okay naman, ganu'n pa rin sa kahapon. Boring sa umaga hanggang tanghali tapos ngarag na kapag hapon pero kanina na bwisit ako," sagot ko naman saka nakidampot ng itlog at tumulong sa kaniyang magbalat.
"Bakit ka naman na bwisit?" tanong niya muna bago nag-serve sa bagong customer pero sumagot pa rin ako.
"Kasi naman kaninang tanghali, kumakain ako tapos may customer. Hindi naman pala bibili, nang-g*ago lang," sagot ko, sa inis ko nga na nadurog ko ang itlog.
"Bakla ka! Nadurog mo na iyang itlog!" Tili ni Ate.
"Ganito ang gagawin ko sa kaniya kapag nakita ko siya ulit," sabi habang nakatingin sa durog na itlog.
"Dudurugin mo rin itlog niya?" tanong ni Ate na tatawa-tawa pa.
"Oo at sisiguraduhin kong huling lahi na niya 'yon. Pagbabayaran niya ang ginawa niya sa munggo ko. Ginawang swimming pool ng langaw ang ulam ko dahil sa kaniya!" Gigil kong sabi at mas dinurog pa ang itlog. Sinabunutan naman ako ni Ate Beki.
"At hindi rin naman ako papayag na hindi mo babayaran iyang itlog na kinawawa mo! Sampung piso iyan!"
Nasa kalagitnaan kami ng masayang pagkukwentuhan ni Ate Beki nang biglang may dumating na isang grupo ng mga kalalakihan. Nagtatawanan ang mga ito at maiingay kaya naagaw kaagad ang atensyon namin ni Ate.
"Ate Beks! Anim na goto nga with egg lahat!" Order ng lalaking nakaputing sando at may suot na puting sombrero.
Isang itlog na naman ang nabasag ko nang magkatitigan kami.
"Shutangheeena! Siya 'yon, Ate! 'Yang lalaking 'yan 'yong nang-gago sa akin kanina!" sigaw ko habang nakaturo sa lalaking nagpakilalang Jun-jun kanina.
"Hi, Rus. Kamusta?" Bati pa nito sa akin ng nakangiti sabay kindat.
Dinampot ko kaagad ang isang buong lalagyanan ng itlog na hindi pa nababalatan.
"Kamustahin mong mukha mo, ulok!" sigaw ko at akmang babatuhin na sana siya ng itlog nang humarang si Ate.
"Awat! Awat na 'yan, Russel. Wag mong idamay ang mga itlog. Iyang itlog na lang ni Jun-jun ang pagdiskitahan mo tulad ng sabi mo kanina." Pigil niya sa akin saka inagaw ang lalagyan na hawak ko.
Nagtawanan naman ang mga kabarkada ni Jun-jun sa sinabi ni Ate Beki, doon lang ako natauhan.
"Jun, pagdidiskitahan daw itlog mo!" Kantyawan ng mga kaibigan niya. Ngingisi-ngis naman si Jun-jun.
Sa harapan ng cart nila Ate napiling kumain ng magkakabarkada. Makukulit ang mga ito at paulit-ulit akong tinatanong ng kung ano-ano na sinasagot ko lang ng snob, minsan si Ate ang sumasagot.
"Wow! Gusto mo pala maging artista. Alam mo pwedeng-pwede. Makinis ka naman, maputi saka mukhang babae kahit na lalaki ka naman, ang ibig kong sabihin ay artistahin. Di ba mga p're?" sabi ni Jun-jun matapos ikwento sa kanila ni Ate na dream kong maging artista, na isa yun sa pinunta ko rito.
Sumang-ayon naman ang mga kaibigan niya at nagkantyawan pa.
"May boyfriend na ba iyan, Ate Beks? Kung wala baka kamo pwede akong manligaw?" tanong ng isa na ikinangiwi ko.
Humarap naman sa akin si Ate at inulit ang tanong ng lalaki. "May boyfriend ka na raw ba? Kung wala ay baka raw pwede manligaw?"
Umirap naman ako saka humarap kay Ate Beki at sinagot ang tanong.
"Pakisabi, Ate wala pero wala akong balak makipagligawan dahil marami akong pangarap sa buhay. Saka hinihintay ko si James Reid o kaya ay si Enrique Gil, sila ang mga tipo ko. Pakisabi sa kanila iyan, Ate. Sabihin mo! Dali na, Ate! Sabihi– Aray!" Tili ko nang sabunutan niya ako.
"Gagang ito minamadali pa ako. Ginawa niyo na nga akong messenger, hilong-hilo na ako kakabaling sa inyo," sabi ni Ate Beki na nakahawak sa ulo niya.
Maya-maya ay may inabot ito sa akin, nang tignan ko ang bagay na inabot niya ay napangiti kaagad ako.
"Ayan, kakakuha ko lang sa repair shop kanina. Sige na, message mo na pamilya mo," aniya. Ang tingin ko ay nasa cellphone lang na hawak ko.
Noong nakaraan pa kasi ako nanghihiram sa kaniya ng phone para ma-contact ko na sila Mama through social media kaya lang pinapa-ayos niya raw ang phone niya. Ngayon lang niya nakuha kaya ngayon ay hindi ko na maitago ang excitement at kaba.
Hindi ko alam kung ano ang sasabihin, kung paano ko sisimulan ang pagpapaliwanag kanila Mama. Alam kong nag-aalala na rin sila sa akin dahil five days na akong walang contact sa kanila.
Ang ngiti at excitement ko ay unti-unting nawala, napansin 'yon ni Ate Beki.
"Bakit, Russel? May problema ba?" tanong niya sa akin. "Bigla ka kasing natahimik."
"Wala naman, Ate, iniisip ko lang kung paano ako magbabalita kanila Mama. Ako kasi 'yong nagpumilit na pumunta rito tapos ito– bigo pala ako. Hindi ko lang alam kung ano ang mararamdaman ko," sagot ko sa tunay kong nararamdaman.
Tinapik-tapik naman ni Ate ang balikat ko, parang way na rin ng pag-console niya sa akin.
"Pero karapatan naman ng mga magulang mo na malaman ang nangyari sa'yo rito. Kahit na ikaw ang nagpumilit o sila, dapat ay ipaalam mo pa rin sa kanila dahil sigurado nag-alala rin sila sa ilang araw na walang paramdam mo. Maiintindihan ka rin nila, simple lang dahil magulang mo sila at pamilya ka nila." Advice ni Ate tumama kaagad sa akin.
Tama si Ate. Kailangan kong magpaliwanag kanila Mama sa limang araw na wala akong paramdam. Kung sasabihin ko ang nangyari sa akin dito ay tiyak na papauwiin nila ako pero kasi nandito na ako, malapit na ako sa pangarap ko at medyo umaayos na rin ang sitwasyon ko. Sa mga susunod na bukas pwede na rin naman akong maghanap ng mas maayos na trabaho kapag nakaipon na ng konti pang-ayos ng requirements.
'Ano ba, Russel? Ano bang gusto mo? Uuwi na lang at iiwan ang pangarap o ipagpapatuloy ang pakikipagsapalaran dito sa Manila kung saan mas malapit sa pinapangarap mo? Ano ba?'