'RUSSEL GUEVARRA'
Kinabukasan nga ay maaga akong nagpaalam kanila Nanay Iska at Itoy, ngayon kasi ang usapan namin ni Ate Beki para tignan ang bahay na tinutukoy niya na pwedeng upahan.
Inagahan ko lang talaga ngayon dahil sasaglit pa ako sa sanglaan na nakita ko kagabi. Isasangla ko muna 'yong regalo nila Papa sa akin na wristwatch para may pang down payment ako saka panggastos namin. Sa ngayon kasi 'yon na lang talaga ang naiisip kong paraan, nangako naman ako sa relo na babalikan ko s'ya kapag may pera na ako.
"Mag-iingat ka, Russel." Bilin sa akin ni Nanay Iska matapos akong mag-mano at magpaalam.
"Opo, babalik din po ako kaagad. Babayaran ko lang po 'yong u-upahan tapos susundin ko naman kayo rito ni Itoy."
Mamaya pa kasing hapon ang labas ni Nanay Iska kaya ganap na ganap ang umaga ko ngayon, full ang schedule ko.
Matapos mag-iwan kay Itoy ng isang daan pambili ng pagkain nila para mamaya ay umalis na rin ako. Walking distance lang naman 'yong nakita kong sanglaan kagabi.
Pagdating sa sanglaan ay ako pa lang ang tao, walang ibang customer kaya diretso na ako sa counter. Natigilan pa nga ako kasi ang pogi ni Kuya!
"Hello po. Good morning, Kuya." Bati ko sa kaniya with beautiful eyes pa. Tinignan lang n'ya ako sandali bago s'ya bumalik sa pagsusulat n'ya sa kung ano.
Ayy!? Wa-epek ang pagpapa-cute ko. Shutangners talagang Jammy 'yon. Sabi niya effective ang beautiful eyes!
"Kuya, magsasangla po sana ako. Yes po." Ako na ang nagsabi ng kailangan ko, baka naman kasi nakakaabala pa ako sa kaniya.
"Anong isasangla mo?" tanong n'ya ng hindi man lang ako tinitignan.
"Itong puso at katawan ko, Kuya! Isasangla ko at kung gusto mo ay hindi ko na tutubusin," sabi ko na may paghaharot. Ginawa ko 'yon para makuha ang atensyon niya na effective naman.
Tinignan ako ni Kuyang pogi sa counter, ngumiti siya sa akin at parang nag-slow motion ang lahat. Ganap na ganap na ang pag-awra ko sa kaniya nang bigla siyang tumili.
"Gaga! Hindi tayo talo!" sabi niya sabay sapo sa noo niya in maarte way. Nakita ko tuloy ang kuko niya na nagpainit lalo ng dugo ko.
"Shuta ka, Kuya, akala ko ikaw na ang forever ko! Kahawig mo pa naman si Sam Milby tapos neon pink pala ang dugo at gel polish mo!" Umiiyak kong sabi sabay abot ng wristwatch ko. "Ayan. Ayan ang isasangla ko!"
Pucha pink talaga! Lahat na lang ng natitipuhan ko mas mataas pa ang tili kay Regine. Hindi ko na talaga alam ang nangyayari. Nakakaloka na at parang hindi ko na kakayanin.
"Bakla, 3000 lang maibibigay ko rito. 3 months lang ang palugit bago maremata. 10% interest," sabi ni Kuya mong Sam Milby look-alike pero Sam Pinto wannabe naman pala.
"Hala? Ang baba naman eh mahal 'yang relo ko regalo pa ng Papa at Mama ko sa akin," giit ko.
Ang ini-expect ko na mababang offer mga nasa 5K tapos id-down n'ya into 3K. Grabe s'ya!
"Sige, huling tawad na 'yong 3500." Deal n'ya pero syempre hindi ako papatalo.
Kahit hindi ko alam yung exact price nito hindi naman ako papayag na ganun-ganun lang 'no! Magkamatayan na!
"5000!"
Tumaas ang kilay niya sa presyo na sinabi ko. From 3500 to 5000 ba naman talagang tataas ang kilay niya. Wala ng daan-daan sa 4000 o 4500, diretso 5K agad para walang angal!
"Huwag kang mag-maganda, Bakla! 4000 take it or leave it." Huling deal niya.
Napasibangot ako sa huling offer pero mukhang hindi na talaga s'ya papayag na hihigit pa roon. No choice na rin naman ako dahil ito lang ang pinakamalapit na sanglaan dito, hindi ko pa rin naman alam yung pasikot-sikot dito mamaya maligaw lang ako.
"Sige po, okay na 'yon." Defeated kong pagpayag. "Pero 'yong three months na palugit ko sure iyon ah. Babalikan ko 'yan, promise!"
Hindi na niya inintindi 'yong mga drama ko sa buhay, inabala na lang n'ya ang sarili n'ya sa pagsusulat sa papel n'ya at sa resibo after niyang sumulat ay binigay n'ya na sa akin ang 4K kasama ang mga papel na kung ano-anong pinirmahan namin.
"I-shogo hotel mo iyan saka ang interest nadadagdag sa monthly parang period. Kung hindi mo pa kayang bayaran ng buo kahit na 'yong interest na lang muna ang mabayaran mo para hindi maremata ang relo mo, pero wag kang lalagpas sa tatlong buwan dahil wala na 'yon sa usapan."
Tango-tango lang ang naisagot ko sa mga paalala niya. No'ng dumami na ang mga tao at since tapos naman na ang deal namin ay umalis na rin ako.
Bitbit ang tumataginting na 4000 pesos ay bumalik na ako sa tapat ng Hospital, doon kasi ang tagpuan namin ni Ate Beki.
"Ate!" Tawag ko sa kanya pagkakita ko sa kanya. Kumaway lang sya sa akin, hindi yata makapagsalita at puno ang bibig.
"Okay na ba?" tanong n'ya matapos lunukin ang tinapay na kinakain nya. Inalukan n'ya pa nga ako syempre kumuha ako, nagutom rin kasi ako.
"Oo, kaya lang 4K lang," sagot ko naman. Ngumuya-nguya muna si Ate bago muling nagsalita.
"Okay na 'yan. Pumayag naman na 'yong may-ari na 2000 na lang. One month advance, one month deposit na 'yon. Ayos ba?" sabi naman niya saka kami nag-apir dalawa.
"Nadaan sa ganda mo, Ate!" Nagtawanan naman kami.
Matapos ubusin ang nilalantakan naming tinapay ay inaya na rin n'ya akong puntahan 'yong bahay.
"Nagka-usap na pala kami ng may-ari ng stall na sinasabi ko sa'yo," sabi ni Ate habang kami ay naglalakad. Ang tinutukoy niya ay yung stall ng siomai na nasa malapit lang ng pwesto ng lugawan nila sa tapat ng Hospital.
"Anong sabi, 'te?"
"Mamaya raw hapon sasaglit s'ya sa stall, check n'ya raw. Sabi n'ya rin na maganda kung magkakausap kayo mamaya para magkakilala na kayo. Ikaw na ang bahala doon mamaya. Awrahan mo na lang," sagot naman ni Ate.
Napapalakpak ako sa tuwa kaya pinagtawanan naman ako ni Ate. "Ako ng bahala roon, Ate. Thank you talaga sa tulong mo."
Yes! Sisiguraduhin ko na tatanggapin ako ng may-ari. Kailangan ko ng trabaho kaya di ko na ito papakawalan.
Ilang oras lang ang ginugol namin ni Ate sa paglalakad. Walking distance nga lang daw 'yong bahay at malapit lang sa kanila. Sa kakadaldal nga namin hindi namin namalayan na nakarating na pala kami.
"Nandito na pala tayo, hindi ko namalayan." sabi ni Ate.
Natawa naman ako. "Ang daldal mo kasi, 'te!"
"Ako pa talaga samantalang ikaw itong putak ng putak d'yan. Ang dami mong drama sa buhay!" Bato naman sa akin ni Ate.
Nakakatuwa talaga! Nakahanap ako ng kaibigan at Ate sa kanya. Vibe na vibe rin kami, parang Jammy na medyo mas may edad lang ng konti
Itinuro ni Ate Beki sa akin 'yong bahay, hindi nga ganu'n kalaki at hindi rin s'ya konkreto lahat. May mga tabing ng yelo at plywood pero okay na ito kesa naman sa kalsada ulit kami matulog.
Ilang saglit lang ay may dumating na babae, mas matanda s'ya kay Ate Beki.
"Ate Felly, s'ya 'yong sinasabi kong kaibigan ko na naghahanap ng matutuluyan. Tatlo lang sila." Bungad ni Ate Beki sa ginang. Nang tumingin s'ya sa akin ay kumaway kaagad ako at ngumiti ng wagas.
"S'ya na ba 'yong kinukwento mo sa akin?" tanong n'ya kay Ate Beki. Tumango lang naman si Ate.
Aba! Ano kayang ing-chismis ni Ate tungkol sa akin? Hala s'ya!
"Hello po, Ate Felly. Ako po si Russel." Nakangiting pakilala ko na nga lang para hindi awkward sa'kin. Ngumiti rin naman s'ya sa akin pero parang kakaiba 'yong tingin niya.
"Lalaki ka ba?" tanong n'ya. Nagkatinginan naman kami ni Ate Beki at sabay na natawa.
"Naku po! Pati si Ate Felly nadaya na rin ng itsura mo, Bakla!" Natatawang sabi ni Ate Beki.
"Lalaki yan, 'te. Nakakainis nga at ang kinis, mas mukha pang babae sa akin!" Dagdag pa niya kaya natawa na rin si Ate Felly.
"Sigurado ka ba na rito mo gustong mangupahan? Maliit lang itong bahay saka hindi ganu'n kagandahan. Ang paligid dito medyo magulo at maingay. Kaya mo kayang tumagal sa ganitong lugar? Mukhang hindi ka naman anak mahirap," tanong naman ni Nanay Fels. 'Yon na lang itatawag ko sa kanya.
"Okay lang po 'yon, Nanay Fels. Once na nga akong nakatulog sa kalye saka hindi naman po ako mayaman, simpleng mamamayan lang po ako ng bansang Pilipinas," sagot ko, sabay naman silang natawa ni Ate Beki.
"Nakakatuwa ka naman pala. Sige, kung ganu'n ikaw na pala ang bahala. S'ya, tara nang makita mo ang loob."
Pagpasok sa loob ay nagkwento na si Nanay Fels tungkol sa bahay. Hindi ko naman ini-expect na malaki ito sa loob pero kumpara sa labas ay mas maayos naman sa loob. Walang kwarto pero medyo malawak naman 'yong sala, pwede na roon matulog. May maliit na kusina rin saka Cr kaya natuwa naman ako. Okay na okay na ito sa aming tatlo nila Nanay Iska.
Matapos matignan ang bahay ay nagbayad na ako kay Nanay Fels. After naming ma-close ang usap ay sinamahan naman ako ni Ate Beki na bumili ng ilang gamit. Sabi naman ni Ate kung ano na lang muna 'yong kailangan tulad ng higaan. May extra naman daw silang kumot at unan ibibigay na lang daw niya sa akin.
Halos buong umaga kami ni Ate na lakad ng lakad, tinanghali na nga kami kaya kumain na muna kami pagbalik sa bahay. Hawak ko naman na ang susi.
"Bakla, i-lock mo ng mabuti 'yang bahay bago ka umalis. Kailangan ko na rin kasing mag-ayos at ako ang bantay sa pwesto mamaya. 'Yong usap n'yo ng may-ari ng Stall mamaya 'yon kaya wag mong kakalimutan." Paalala sa akin ni Ate Beki.
"Okay, 'te! Ako ng bahala. Salamat ulit sa pagtulong at pagsama mo sa akin." Pasasalamat ko. Pati kasi rito sa pag-aayos at paglilinis ng bahay sinamahan niya pa ako at tinulungan kaya ako na ang naglibre ng pananghalian.
"Naku, makaalis na nga at baka dramahan mo pa ako." Natatawang sabi n'ya saka s'ya nagpaalam para umuwi na sa kanila.
Pag-alis ni Ate Beki ay sinigurado ko muna na maayos na ang lahat, 'yong mga pinamili namin na ilang gamit pati 'yong mga bigay ni Ate Beki kanina. Nakakatuwa lang dahil may bahay ng mauuwian sila Nanay Iska, dito na sila ngayon matutulog at hindi na sa kalye.
After maglinis at magpahinga ay bumalik na rin ako sa Hospital, idadala ko na muna sila Nanay Iska rito bago ako tatambay sa pwesto nila Ate Beki.
Pagdating ko nga sa Hospital ay naabutan ko na sila Nanay at Itoy na nag-aayos na ng ilang gamit.
"Kamusta ang lakad mo, Russel?" tanong ni Nanay Iska.
"Ayos naman po. Nabayaran ko na nga 'yong tutuluyan natin, hindi na tayo matutulog sa kalye mamayang gabi at sa susunod na mga araw," sabi ko. Nagtata-talon naman sa tuwa si Itoy.
"Maraming salamat talaga, Anak. Hulog ka ng talaga ng langit sa amin." Mangiyak-ngiyak na pasasalamat ni Nanay Iska.
"Kapag ako ay lumakas-lakas tutulong ako sa paghahanap-buhay. Masyado ng maraming abala kaming naidulot sa'yo ni Itoy." Dagdag pa niya habang nakatingin sa akin.
"Hala si Nanay nagdadrama na naman!" Biro ko para walang iyakan na maganap. Nagdrama na kami kagabi, pwedeng sa susunod na lang ulit or kahit wag na?
"Hindi naman po kayo abala sa akin, pamilya ko na nga kayo kaya hindi ko kayo pwedeng pabayaan. Saka ngayon na ayos na ang problema natin dito sa Hospital pati sa matutuluyan ay maaasikaso ko na rin ang sarili kong problema. Yakang-yaka ko na po!" sabi ko para mawala sa isipan nila na abala lang sila sa akin dahil never ko naman talagang inisip 'yon.
Matapos naming mag-ayos ay inayos ko naman ang mga papel para makalabas na si Nanay. Hindi naman tumagal dahil inasikaso ko na ito noon pa kaya papirma at bigay-bigay na lang ng papel ang ginawa ko. After maayos ng lahat ay hinatid ko na sila Nanay Iska sa inupahang bahay.
"Welcome sa bago nating bahay!" Wagas na wagas at ganap na ganap kong pag-welcome sa kanila. Halos maluha-luha naman si Nanay Iska habang iniikot ng tingin ang maliit na bahay.
"Hindi nga lang s'ya purong kongkreto at medyo maliit lang pero ayos na ito kesa naman balik-kalye ang drama natin," sabi ko habang pinapanood si Itoy na tuwang-tuwang pinagmamasdan ang mga gamit.
Maya-maya ay nakaramdam ako ng mahigpit na yakap.
"Salamat. Salamat talaga, Russel. Hinding-hindi ako magsasawang magpapasalamat sa'yo. Nasagot din sa wakas ang mga dasal ko at ikaw ang gumanap ng mga 'yon." Lumuluha na si Nanay Iska kaya pati ako ay medyo nadadala na rin.
Sa pag-uusap namin ni Nanay Iska ay biglang lumapit si Itoy.
"Kuya Russel, dito na po ba tayo titira?" tanong ng bata sa akin.
"Ayy, kami lang ni Nanay Iska ang pinayagan na tumuloy dito. Ikaw, hindi ko alam kung saan ka." Biro ko pero pilit kong pina-seryoso ang mukha ko. Bumaling kaagad s'ya kay Nanay Iska para humingi ng tulong.
"Ayaw yata nila ng bata rito, Itoy," sabi naman ni Nanay, hindi ko ine-expect na sasakyan niya 'yong biro ko kaya hindi ko na napigilang matawa. Pati si Nanay Iska ay natawa na rin.
"Niloloko n'yo naman ako eh! Paiyak pa naman na sana ako!" Makasimangot na sabi ni Itoy.
Natutuwa talaga ako sa kanya, naaalala ko si Butchoy. Hay. Na-mimiss ko na ang tabachoy na 'yon.
Masayang-masaya kaming nagkukwentuhan nila Nanay at Itoy. Maingay na rin sa labas dahil medyo pa hapon na pero laban din naman kami sa ingay 'no! Aba! Kami pa ba papatalo?
No'ng ako ay nakapagpahinga na ay nagbihis na ako para sumaglit sa pwesto nila Ate Beki sa lugawan. Papunta nga kasi roon 'yong may-ari ng stall at gusto raw akong makausap at makilala kaya dapat presentable. Presence ko pa nga lang sapat na, kahit na simple at lumang damit at pantalon lang suot ko pasok na sa banga!
Paglabas ko ng bahay ay maraming tambay akong nakita kaagad. Nagulat pa nga ako dahil ang dami nila eh kanina naman ilan-ilan lang silang nakita at nadaanan namin kanina. Siguro ay ganitong oras talaga ang tambay time nila. Nakakatakot man dahil hindi ko sila kilala at bago lang ako sa lugar na ito pero kung wala naman siguro akong gagawing mali at masama ay hindi naman siguro nila kami aanuhin. Peaceful living at makisama na lang talaga!
Pagdating ko sa pwesto nila Ate Beki sa tapat ng Hospital ay naabutan ko syang busing-busy sa pagtitinda. Mukhang madaming kumakain ngayon kaya naisipan kong tulungan na s'ya.
"Ayy! Bakla ka! Nagulat naman ako sa'yo!" sigaw niya nang bigla akong sumulpot sa tabi niya.
"Mamaya mo na i-appreciate ang cuteness ko na nag-uumapaw, asikasuhin muna natin itong mga customer niyong gutom na," sabi ko sabay turo sa isang customer na kumuha ng itlog.
"Kuya, 'yong itlog mo hindi pa bayad iyan kaya wag mong kakainin. Bayad muna!"
Nang medyo kumonti na ang tao saka lang ako naupo malapit sa pinaghuhugasan ni Ate Beki ng mga gamit na kutsara at mangkok. Abala naman s'ya sa paghuhugas ngayon, nag-alok nga ako ng tulong pero hindi na pumayag.
"Naku, bakla, buti dumating ka! Akala ko malulusaw na ang ganda ko sa rami ng tao kanina. First time lang 'yon ah!" sabi ni Ate Beki na naghuhugas pa rin.
"Ate, wala na 'yong ganda na sinasabi mo, nalusaw na matagal na." Biro ko. Winisikan n'ya naman ako ng tubig na may kanin-kanin pa.
"Ano ba 'yan? Kakaligo ko lang papaliguan mo na naman ako, buti sana kung with milk iyan kaya lang with kanin 'yang tubig mo. May sumama pang balat ng itlog, kaloka!" sabi ko habang nagpapagpag ng katawan at mukha.
"Bakla ayun na 'yong may-ari ng stall. Sandali." Turo ni Ate sa lalaking nasa tapat ng stall sa tabi nila.
Matapos magpunas ng kamay si Ate Beki ay hinila na niya ako palapit doon sa lalaki.
"Sir Troy!" Tawag niya, nang tumingin s'ya sa amin ay iniharap kaagad ako ni Ate Beki. "S'ya po 'yong sinasabi kong kaibigan ko na naghahanap ng trabaho. Gusto n'yang mag-apply riyan sa Stall mo."
"Magandang hapon po." Magalang na bati ko sa kanya with matching sweet smile pa. Ang intense kasi ng tingin ni Sir Troy, nakakakaba.
"Sure ka ba na gusto mong magbantay rito sa pwesto?" Kunot-noo niyang tanong sa akin.
Nagtataka man ay tumango naman ako. "Yes po."
"Anong pangalan mo?" tanong n'ya ulit.
Sa mata ko lang s'ya nakatingin kaya ganu'n din ako sa kanya. Alam ko na inaanalisa na n'ya ako sa paraan ng pagtitig n'ya kaya naman ipinapakita ko rin sa kanya na mapagkakatiwalaan ako.
"Russel Guevarra po. Fresh 20 years old from Zambales." Pakilala ko naman.
"Okay, Russel, hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Marami akong stall na tulad nito sa iba't-ibang lugar dito sa Metro Manila. Ito na ang business ko kaya galit ako sa mga sinungaling at syempre lalo na sa kapatid nito na magnanakaw. Hindi lang ito ang inaatupag ko dahil marami nga akong stall. Ang gusto ko lang ay maaasahan ang taong magbabantay rito. Walang problema ang sahod sa akin dahil minimum naman ako magbigay bilang tulong na rin. Sana lang kung paano 'yong bigay kong tulong at malasakit ay ganu'n din ang ibigay sa akin pabalik." Mahabang sabi n'ya.
Tumatango-tango naman ako at maiging nakikinig sa mga sinasabi nya. Super serious s'ya pero mukha naman s'yang mabait eh.
"Pareho po tayong galit sa sinungaling at magnanakaw, Sir Troy. Galit ako sa kanila dahil sila ang naging dahilan kung bakit nauwi sa ganito ang lagay ko rito sa Manila," wika ko.
May hugot ako sa part na 'to kasi nga di ba naloko ako ng isang sinungaling at magnanakaw na nagngangalang Angel o kung Angel ba talaga ang pangalan niyang hitad siya.
"Hindi po ito ang inaasahan kong madadatnan kong buhay dito sa Maynila
It's not what I expect but it happens. Wala na po akong magagawa kaya instead of magmukmok ay gagawa na lang ako ng paraan para mabuhay at makapagpatuloy kaya alam ko po sa feeling 'yong lokohin at mapagnakawan. Hindi po ako ganu'n pinalaki ng mga magulang ko kaya kung bibigyan n'yo po ako ng pagkakataon ay buong husay at buong katapatan din po ang ibibigay ko sa trabaho, Sir Troy."
Ito na 'yon. Kahit na paulit-ulit bumalik sa akin 'yong araw na niloko ako nung babaeng 'yon at pinagnakawan ako kasama ng buong grupo niya ay wala na rin naman, nangyari na. Kung iisipin ko lang lagi 'yon ay wala rin akong mapapala, ako lang din ang mapapagod kakaiyak at makaisip. Hindi nga ganito 'yong inaasahan ko pero ginagawa ko naman itong best kesa mauwi ako sa wala.
Bagong pakikipagsapalaran ko na ito rito at dito na 'yon magsisimula.