6 | Nahanap na Pamilya

2529 Words
'RUSSEL GUEVARRA' Dalawang araw matapos naming idala si Nanay Iska sa Hospital ay naging maayos na rin ang lagay n'ya. Nakahinga rin kami ng maluwag ni Itoy no'ng sabihin ng Doctor na wala naman bone fracture si Nanay pero nabugbog ang katawan niya at may ilan siyang malalalim na sugat kaya tumagal din s'ya ng two days na naka-confine. "Kuya, tulog na po si Lola." Tawag sa akin ni Itoy. Ibinaba ko sandali ang mga papel na binabasa ko para sulyapan sandali si Nanay. Nang makita ko na tulog na s'ya saka ako tumayo. "Sige, magbantay ka muna rito. Bibili lang ako ng lugaw sa labas." Bilin ko sa kanya bago ako lumabas. Gabi na rin kasi at wala pa kaming kain ni Itoy. Bukas inaasahan namin na makakalabas na si Nanay Iska. Hindi ko na problema ang pambayad sa Hospital bills dahil kahapon ay natanggap ko na 'yong tulong na hiningi ko sa local government dito. Tinulungan ako ng Nurse na nasigawan at natarayan ko, s'ya ang nagsabi sa akin na pwede akong humingi ng tulong sa munisipyo na dali-dali ko namang inasikaso. Nahiya rin ako kay Ateng Nurse, nasigawan ko pa s'ya no'ng dinala ko si Nanay dito. Nakahingi naman na ako ng sorry at ganu'n din s'ya sa akin with help pa for the bills kaya okay na okay na kami. Actually, s'ya rin ang nagbigay ng ilang damit for me at para kanila Itoy. Mabait naman s'ya, sadyang naunahan lang ako ng pag-aalala kay Nanay that time kaya ko s'ya nasigawan. Pero kahit na ganu'n; kahit na okay na problema ko sa Hospital bills ay problema ko naman ngayon ang matutuluyan namin at ang ibibili ko ng pagkain namin sa araw-araw. May hawak naman akong pwedeng pagkunan ng pera. Balak kong isangla ang wristwatch ko na regalo nila Mama at Papa sa akin bukas. Doon na lang ako kukuha ng pambayad ng matutuluyan, pambili ng gamot ni Nanay at pagkain namin. Paglabas ko ng Hospital compound diretso kaagad ako sa kabilang kalsada kung saan may mga nagtitinda ng lugaw, goto, mami, pares, balot, penoy, chicharon at kung ano-ano pa na pwedeng kainin. "Ate, tatlong lugaw nga po with egg. Take out." Bungad ko kay Ate Beki. Hoy, hindi s'ya bakla ah, 'yun talaga ang pangalan n'ya. Sa kanya ako lagi namimili ng pagkain bukod kasi sa masarap at mura, friendly pa s'ya. "Hoy, andyan pa rin pala kayo. Hindi pa nakakalabas pasyente mo?" tanong ni Ate habang nagtatakal ng order ko. Humila naman ako ng upuan para maupo sandali. "Bukas pa po s'ya makakalabas. Okay naman na ang lagay ni Nanay kaya pinayagan na rin kami," sagot ko kay Ate. Kahit na kasi gustuhin ko na mag-fully recovered si Nanay sa Hospital ay ayaw na rin n'ya. Okay naman na raw ang pakiramdam n'ya saka nahihiya na raw siya sa mga abala na naibigay nila sa akin. Pumayag naman na rin ang doctor na tumitingin sa kanya na pwede na s'yang lumabas pero kapag sinabing pag- tapos nag-comply ka na bawal lumabas- Char! Kim Chiu lang ang peg? Pero serious na, rest na lang daw ang need ni Nanay kaya bukas- ay pwede na pala ikaw lumabas na ang ganap! "Ayun naman pala pero bakit sambakol naman ang mukha mo?" tanong n'ya ulit. Inabot na rin niya ang plastic ng mga in-order ko. "Kasi problema ko naman ngayon kung saan ako hahanap ng matutuluyan. Ayoko namang patulugin ulit sa kalye sila Nanay matapos ang nangyari sa kanya," sagot ko sabay abot ng bayad sa kaniya. "Hindi na safe kaya 'yon ang pinuproblema ko ngayon." Hindi naman na lingid sa kaalaman ni Ate Beki na taong lansangan kami- sama ko na sarili since wala rin naman akong tinutuluyan- alam ni Ate ang kwento ng buhay ko dahil sadyang sesmosa s'ya kaya nag-share na rin ako. "Matutuluyan ba kamo?" tanong n'ya na kumuha ng buong atensyon ko. Tango-tango kaagad ako. "Alam ko may maliit na paupahan doon malapit sa amin. Lakaran lang mula rito pero eskwater 'yon saka medyo magulo." sabi n'ya. "Hala! Magulo talaga? As in may riot at p*****n minu-minuto, oras-oras, ganu'n?" tanong ko ulit na tinawanan naman n'ya. "Gaga! Hindi naman ganu'n!" Giit naman n'ya na tatawa tawa pa. "Ang ibig kong sabihin na magulo ay masyadong maraming tao. Siksikan doon kasi nga eskwaters area sabi ng BlackPink!" Bigla-bigla naman akong tumayo pagkarinig ko sa sinabi niya. Kinalampag ko pa ang lamesa kaya 'yong ibang kumakain napatingin sa akin. "Siksikan? Magulo?" tanong ko kay Ate. Naka-full drama mode na ako. Nakangiwing tumango naman si Ate. "Oo, pero-" Kinalampag ko ulit ang mesa. "Ayoko nang tinatapakan ako, ayoko ng masikip, ayoko ng mabaho, ayoko ng walang tubig, ayoko ng walang pagkain, ayoko ng putik!" sabi ko na ala-Maricel Soriano. "Gagang 'to, sinasapian ka na naman? Sige, sino ka naman diyan?" Turo ni Ate sa akin ng sandok ng lugaw. "Maricel Soriano sa Kaya Kong Abutin ang Langit. Oh! Pak na pak, di ba?" Tawa naman ng tawa si Ate Beki, pati 'yong mga kumakain ay tumatawa na rin. Naging instant comedy bar ang pwesto nila. "Ewan ko sa drama mo, bakla! Pag-a-artista nga talaga ang bagay sa'yo. Hindi bagay 'yang ganda mo rito sa lansangan!" sabi naman bago tinapik-tapik ang baba ko. Umupo ulit ako matapos ang drama. Back to normal na ulit ang mode ko. "Magkano naman kaya ang upa, Ate Bakla?" tanong ko tungkol doon sa bahay na sinasabi niya. "1500 yata 'yon, pero kilala ko naman ang nagpapaupa. Kausapin ko na gawing isang libo na lang, basta handa mo dalawang libo dahil one month advance, one month deposit 'yon. Okay na ba sa'yo 'yon?" sabi ni Ate na ikinatuwa ko. Napatayo ulit ako sa kinauupuan ko at dali-daling lumapit kay Ate Beki para yakapin s'ya. Alam kong nagulat s'ya sa ginawa ko pero super thankful lang talaga ako sa tulong niya. "Ang bait mo, Ate. Thank you po. Hulog ka ng langit!" Pasasalamat ko habang sinisipat-sipat ang mukha niya. "Ayan oh, may putik pa. Una mukha ka nahulog 'no?" Tumatawang sinampal naman niya ako sabay dampot ng disposable na kutsara, binato niya yun sa mga kumakain na nagtatawanan. "Nakakainsulto 'yong tawa niyo ah! Wala kayong dagdag na isang sandok ng lugaw, mga depungal na ito!" Matapos niyang tarayan ang mga suki niya na binibiro pa rin siya ay humarap na rin siya sa akin at sinabunutan pa ako. "Ikaw naman kasing gaga ka magpapasalamat ka na lang sinubsob mo pa ako sa kahihiyan," aniya, pigil pa rin ang pagtawa. "Char lang naman 'yin. Super thankful lang talaga ako na nakilala kita at ang bait-bait mo sa akin," sabi ko naman. "Walang halong pagbibiro. Thank you talaga, Ate." "Natutuwa lang kasi ako sa'yo. Kahit na hindi mo kaano-ano yung mag-lola ay hindi mo pa rin sila iniwan. Saka sinu-sino pa bang magtutulungan kundi tayo-tayong mga magaganda lang din," sagot naman ni Ate, nagtawanan na naman ang mga kumakain. "Saan ang ganda mo, 'Te Beks?" Tawanan ng mga kumakain. "Depungal talaga kayo! Sa susunod lalagyan ko na ng lason 'yang lugaw niyo." Pagtataray niya sa mga nagtatawanang costumers. "Hinay-hinay kasi sa maganda, Ate lalo na kapag walang proweba," sabi ko naman kaya nakatanggap na naman ako ng sampal. Nagpatuloy ang kwentuhan namin ni Ate at ganu'n din ang tawanan ng mga kumakain dahil sa pagbibiruan naming dalawa. Nang solve na ang "tutuluyan problem" ko ay kinapalan ko na rin ang mukha ko para magtanong ng trabaho. "Ate Beki, nakakahiya man pero magtatanong na rin sana ako kung may alam kang pwedeng mapasukan?" tanong ko. "Hoy! Alam mo tamang-tama. 'Yong katabing pwesto dito, 'yon oh-" Turo n'ya sa stall ng bentahan ng Siomai yata na katabi lang ng pwesto nila, "nagpapa-hanap sa akin ng bagong tindera 'yong may-ari ng stall. Nagkaproblema kasi s'ya sa dating tindera n'ya kaya sarado muna ang pwesto." Natuwa naman ako sa narinig ko. "Sabihin mo ako na lang. Ako na iyan, Ate." Pakiusap ko. "Sige, bukas kausapin natin siya," sabi naman niya na ikinatuwa ko. Naku talaga! Nakakatuwa naman, ang bilis talaga ng answers ni Lord sa mga problema ko. Instant agad! Matapos naming makapag-usap ni Ate Beki ay nagpaalam na ako sa kanya na babalik na muna ako sa Hospital, napasabak na naman ako sa kwentuhan nakalimutan ko si Itoy, mamaya gutom na 'yon. Sinabihan din ako ni Ate na sasamahan n'ya ako bukas ng hapon sa bahay na tinutukoy n'ya na pwedeng upahan, kakausapin muna raw n'ya yung may-ari ng bahay, after no'n ay yung may-ari naman ng stall ang kakausapin namin. Nakangiti ako no'ng lumapit ako kay Itoy na nakabantay lang kay Nanay. Kumakain na ito ng tinapay na binili namin kanina. Nagutom na nga kakahintay sa akin. "Kuya, bakit napatagal ka?" tanong n'ya sa'kin. Inilapag ko muna 'yong binili kong lugaw bago naupo sa katabing upuan n'ya. "Kinausap ko pa kasi si Ate Beki, nagtanong ako kung may alam s'yang mau-upahan at sabi naman niya meron. Bukas ng hapon sasamahan n'ya ako para makita 'yong uupahan," sagot ko sa tanong. Napangiti naman ito saka humawak sa kamay ni Nanay Iska. "Ang swerte talaga namin ni Lola na nakatagpo kami ng katulad mo, Kuya Russel." Seryosong sabi nito. Nakatingin lang s'ya kay Nanay Iska na natutulog pa rin. "Kung wala ka po ngayon, baka hindi ko na alam kung anong gagawin ko ngayon. Hindi namin kakayanin ni Lola na lagpasan itong nangyayari ngayon kung kami lang." Dagdag niya. May nakita akong luha na tumulo sa mga mata n'ya kaya naman inakbayan ko s'ya at pinunasan ang mga luha niya. Nami-miss ko si Butchoy kaya parang kapatid na rin ang tingin ko sa kanya. "Ako nga ang dapat na magpasalamat sa inyo ni Nanay Iska dahil hindi kayo nagdalawang-isip na tulungan ako," sabi ko. "Sa totoo nga lang kung hindi ko rin kayo nakilala ay baka hanggang ngayon nasa lansangan pa rin ako. Baka nga naglalakad na ako riyan sa tabi-tabi habang tumatawa mag-isa. Nakakabaliw kaya 'yong mga nangyari sa akin!" Natawa siya sa sinabi ko kaya pati ako ay natawa na rin. Pinunasan na n'ya ang luha n'ya at hindi pa rin bumibitaw ng tingin sa akin. "Marami akong na-realize no'ng nakilala ko kayo. Hindi pa man tayo ganu'n katagal na magkakakilala pero ang dami niyo ng naituro sa akin ng hindi niyo nalalaman," sabi ko. Nagtaka naman s'ya at kitang-kita 'yon sa pagkalukot sa kaniyang noo. "Tulad po ng ano?" tanong n'ya tulad ng ini-expect ko. "Tulad na lang na ganito pala ang buhay; na hindi pala puro saya at enjoyment dito sa Manila; na maswerte ako dahil may pamilya pa ako at may bahay na nau-uwian sa Zambales," sagot ko habang inaalala ang buhay ko sa Zambales. "Sa ilang araw na nakasama ko kayo ang dami kong natutunan. Totoo naman na hindi lang naman mahihirap ang nagkakaproblema, lahat naman tayo ay nakakaranas ng ganu'n pero iba pala yung hirap kapag nagkaproblema 'yong taong walang-wala. Doble o triple ang hirap." Biglang tumulo ang mga luha ko habang bumabalik sa alaala ko 'yong unang dating ko rito sa Maynila. 'Yong pagtulong sa akin nila Nanay Iska at 'yong kwento ng buhay nila. Kahit nga 'yong tingin ng ibang tao na kahit tahimik ay alam mo naman na puro panghuhusga ang nasa isip dahil lang sa nakikita nilang estado at lagay ng ibang tao. Hindi ko naman sila nilalahat pero hindi n'yo rin naman siguro kayo tututol sa sinabi ko. Iba-iba ang tao. Hindi naman tayo pare-pareho ng ugali at hindi rin nakikita sa panlabas na kaanyuan ang tunay na pag-uugali. Isa 'yan sa napatunayan ko sa pagdating ko rito. Wala namang problema na hindi mahirap 'di ba? Kaya nga s'ya tinawag na problema dahil stress s'ya at pahirap sa buhay pero doble talaga ang hirap kapag ang dinapuan ng problema ay 'yong mga taong walang-wala tulad nila Nanay Iska. Hindi ko alam kung ito na ba ang pinakamahirap na problema na dumaan sa kanila pero hanga na ako sa kanila simula pa lang no'ng nakilala ko sila dahil kahit ganu'n ang lagay nila, lumalaban pa rin sila sa buhay. "Kaya nga lubos-lubos ang pasasalamat ko sa Poong Maykapal na ikaw ay nakilala namin." Sabay kaming napalingon ni Itoy kay Nanay Iska nang marinig namin s'yang magsalita. Sa kada-drama ko hindi ko napansin na gising na pala si Nanay at kanina pa nakikinig sa usapan namin. Inangat ni Nanay Iska ang isang kamay n'ya at ginamit ito para punasan ang mga luha sa mga mata ko. Napangiti ako sa kanya at ganu'n din s'ya sa akin. "Napakaswerte namin ni Itoy dahil isang Anghel ang ibinigay niya sa amin. Noong araw na nakita kitang walang malay sa isang eskinita ay hindi ako nagdalawang-isip na tulungan ka. Walang-wala nga kami pero hindi naman pwedeng pabayaan ka namin doon na mag-isa dahil alam namin ang pakiramdam ng nangangailangan din ng tulong," sabi ni Nanay. Hinawakan n'ya ang kamay ko at hinaplos-haplos n'ya ito. "Marami mang problema na dumating, lagi mo lang sanang tatandaan na ang lahat ng bagay ay may dahilan. Wag na wag kang panghihinaan ng loob at lagi ka lang magtiwala sa plano ng Panginoon sa iyo. Hindi natin alam ang bukas at kung ano ang pwedeng mangyari pero hinding-hindi ka naman Nya papabayaan. Itong nangyayari sa'yo, isa lamang itong pagsubok. Hindi ko alam kung ano 'yon, walang nakakaalam pero magtiwala ka na may dahilan ito. Kahit ako ay hindi ko rin alam kung bakit sa dinami-dami ng tao rito sa Maynila ay kami pa ang nakatagpo sa'yo. Siguro nga ay nakatadhana na ito at ako ay lubos na nagpapasalamat dahil ako ang nakatagpo sa'yo, Russel." Sa mahabang sinabi ni Nanay ay walang tigil naman ang luha ko. "Thank you po, Nanay. Salamat at nakilala ko kayo. Kayo po ang nahanap kong pamilya rito." Pasasalamat ko saka ako yumakap kay Nanay, pati si Itoy na umiiyak na rin sa tabi ko ay nakisama na rin sa yakapan namin. Nakakabaliw nga naman talaga itong nangyari sa akin, hindi ito ang ini-expect ko pero nangyari na. Tulad ng sabi ni Nanay ay nakaplano naman lahat ng nangyayari at naniniwala ako doon. Alam ko na may reason ang lahat ng bagay at pangyayari na dumadating sa ating buhay. Mukha mang pahirap at halos katapusan na ng mundo kung balikatin natin ang problema pero isipin n'yo, nakakaya naman nating lagpasan kahit na gaano pa yan kabigat. Hindi naman kasi permanent ang problema, actually epal nga lang 'yan na magpapapansin sa'yo pero may life lesson din naman s'yang hatid kapag napagtagumpayan mo na, wag mo na lang s'yang dibdibin. Sabi nga nila ang problema dumadaan lang 'yan at lumilipas kaya wag mong tambayan pero ako- ang problema; hindi lang dapat nilalagpasan dapat nirarampahan din 'yan para isipin n'ya na kering-keri lang natin s'ya at snob-in na lang tayo. Hanggang dito na lang po. Nagmamahal, Russel. Chareng!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD