Napaisip naman si Lolita at totoo naman talaga iyon.
“Alam mo Loli, walang yumaman sa pangangamuhan. Kahit pa ipunin mo iyang sahod mo, mamamatay ka na lang, hindi ka pa rin yumayaman. Lumalaki ang sahod, lumalaki rin ang gastos. Pansin mo ba? Kung wala kang negosyo wala kang pag-asang yumaman. Naniniwala naman ako sa diskarte. Sabihin na lang natin grabe ang diskarte mo sa buhay pero kung kapatid mo rin ang kamalasan, wala pa rin. Useless,” saad nito.
Huminga naman nang malalim si Lolita.
“Ibig sabihin wala na talagang pag-asa?”
“Meron, mag-asawa ka ng mayaman. Pero sa tingin mo kapag nakapag-asawa tayo ng mayaman automatic maginhwa na buhay natin? Nagkakamali ka, dahil gaya nga ng sabi ko mahirap ang reyalidad. Kunwari mabait ang napangasawa mo, mahal na mahal ka. Eentrada naman ang mama niyan o kaya ang ama niya. Ang mga kapatid na mata-pobre, ganoon. Mababa ang tingin nila sa ‘ting mahihirap. Kahit pa maganda ang intensiyon natin sa anak nila, kahit pa mahal mo naman talaga, kung basura ang tingin nila sa ‘yo, wala. Kawawa ka lang talaga,” mapait nitong wika.
“May pinaghuhugutan ka ba?” tanong niya rito.
Natigilan naman si Nicah at napatingin sa kaniya.
“W-Wala no, naalala ko lang ang nakuwento sa ‘kin ng kaibigan ko,” sagot nito at itinuon na ang tingin sa kinakain nito.
Sa katunayan ay wala siyang ideya sa buhay nito. Ngayon lang naman sila nagkausap nang matagal. Simula nu’ng magsama ang mga magulang nila ay hindi sila close. Si Nicah ay busy sa pagtatrabaho niya. Ganoon din naman siya dahil nu’ng ipinanganak ang kapatid nila ay may komplikasiyon na ito sa puso. Puspusan ang pagtatrabaho dahil sa sakit ni Junior.
“Anong oras ka pupunta ng ospital bukas?” usisa nito.
“Maagang-maaga siguro. Baka mga alas-sais ay nandoon na ako,” sagot niya rito.
“Matulog ka muna,” wika nito.
“Okay lang, puwede naman akong matulog sa waiting area. Dala lang ako ng hoodie,” sagot niya rito.
Tumango naman ito. Ilang sandali pa ay tumayo ito at tila may kinuha pa. Bumalik ito dala ang kaniyang bag. May hinugot sa loob at inilagay sa ibabaw ng mesa.
“Nakadelihensiya rin ako kanina. Pandagdag sa panggastos sa hospital,” sambit nito.
Napangiti naman si Loli nang makitang makapal na lilibuhin iyon. Kahit na hindi sila close ni Nicah sobrang na-appreciate niya rin ito dahil sa laki ng pagpapahalaga sa kapatid nila.
“Sana gumaling na nang tuluyan si Junior,” aniya.
Kita naman niya ang pagtango ni Nicah.
“Sana nga, nakakaawa ang bata.”
Kinabukasan nga ay maaga siyang umalis at dumeritso sa hospital. Pagdating nga niya ay kita niyang tila lumbay na lumbay ang tiya.
“Tiya!” tawag niya rito.
“Oh, Loli?” anito.
Kinuha niya ang bag at ibinigay ito rito.
“Ano ‘to?”
“Pambayad sa hospital,” sagot niya.
Mabilis na tinanggap naman iyon ng tiya niya at nanlaki ang mata nang makita ang malaking halaga.
“Saan mo ‘to nakuha?” gulat nitong tanong sa kaniya.
“Kay Nicah po ang isa riyan. Ang isa naman ay kinita ko kagabi,” sagot niya.
Kita naman niya ang pagkunot ng noo ng ina-ina.
“Kung ano man po ang iniisip niyo ay hindi po iyon ganoon. Hindi po ako nagbenta ng katawan,” depensa niya.
“Eh saan ka kumuha ng pera? Kay Nicah hindi na ako magtataka kasi alam ko naman kung anong klase ng trabaho meron siya. Naiintindihan ko ang trabao niya. Pero ikaw? Kilala kita, Loli,” sambit nito.
Hinawakan niya naman ang kamay nito.
“Tiya, magtiwala po kayo sa ‘kin. Kung ano man ang ginawa ko hindi iyon labag sa kalooban ko. Ginawa ko lang ang tama. Wala po akong inapakang tao. Kinita ko po iyan sa malinis na paraan,” paliwanag niya rito.
“Lolita,” anito. May himig ng pagbabanta.
“Sumayaw po ako nang pribado. Hindi po ako nakita ng customer at binayaran. Malaking halaga po ang ibinigay niya sa ‘kin. Hindi po ako nagpabayad kapalit ang katawan ko. Maniwala po kayo, alam niyo po kung anong klaseng babae ako,” dagdag niya pa.
Kita naman niya ang paghinga nang malalim ng kaniyang tiya.
“Pasensiya ka na, Lolita,” mahinang sambit nito.
Umiling naman siya.
“Buhay ng kapatid ko ang nakasalalay rito, Tiya. Gagawin ko ang lahat para sa kaniya. Huwag kayong humingi ng pasensiya sa ‘kin. Maging si Nicah ay ginagawa ang lahat para kay, Junior. Kung para sa kaligtasan niya ay gagawin ko lahat-lahat,” sagot niya rito.
“Sana nga ay gumaling na ang kapatid mo,” wika nito.
“Sana nga po.”
“Oh siya, puntahan ko muna ang doctor niya para ma-schedule na ang kaniyang operasiyon. Gusto mo bang sumama?” tanong nito.
Umiling na lamang siya.
“H-Hindi na po, dito na lang po ako,” sagot niya rito.
Hindi niya kayang tingnan ang kapatid niya na nahihirapan. Paniguradong napakaraming nakatusok sa katawan nito ngayon. Hindi niya kakayanin.
Huminga siya nang malalim at pumunta na lamang sa maliit na chapel ng hospital. Umupo siya roon at napapikit.
“Lord, maawa kayo sa kapatid ko. Pagalingin niyo na po siya,” mahinang sambit niya.
“Loli?”
Napamulat siya at napaangat. Nakangiting mukha ni Geng-Geng ang sumalubong sa kaniya.
“Geng?” aniya rito.
Umupo naman ito sa tabi niya.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” usisa nito sa kaniya habang nakangiti.
“Naka-confine ang kapatid ko rito sa ospital,” sagot niya.
“Ahh, ano ba sakit niya?”
“Sa puso,” sagot niya rito.
“Naku! Saktong-sakto at nandito ang gobernador,” wika nito.
Napakunot-noo naman si Lolita.
“Ano ang ginagawa niya rito?”
“Buwanang binibisita niya ang mga pasyente lalo na sa pedia ward. Tinutulungan din ang mga kapos. Tinitingnan din kung sumusunod ba ang ospital sa tamang pangangalaga ng mga pasyente. Alam mo kasi, libre ang mga medical aparatus dito. Aba’y noong nakaraan kasi ay nalaman niyang pinapabayad ang mga pasyente,” wika nito.
Napatango naman siya.
“Mabuti naman kung ganoon,” aniya rito.
“Gusto mo bang ipakilala kita sa kaniya?” tanong nito.
“Ha?”
Hindi niya alam kung ano ang isasagot. Hindi rin naman niya alam kung ano ang sasabihin sa gobernador kung sakaling magkita sila. Siguro ay magpapasalamat na lamang siya sa kabaitan nito sa kaniya noong nawalan siya ng malay.
Sabay na napatingin sila sa unahan nang marinig ang komosiyon.
“Nasa labas siya,” wika ni Geng-Geng at hinawakan ang kaniyang kamay.
Palabas na sila nang tawagin siya ng kaniyang tiya at mukhang importante iyon.
“Loli!”
Natigilan naman siya at napatingin kay Geng-Geng. Nginitian lamang siya nito at binitiwan ang kaniyang kamay.
“Sa susunod na lang, unahin mo muna ang pamilya mo,” wika nito.
Ngumiti naman siya nang tipid pabalik dito.
“Thank you, Geng,” aniya at mabilis na nilapitan ang tiya.
“Ano po ang nangyari?” usisa niya rito.
“Halika, nandito ang doctor na mag-oopera kay, Junior. Tara, personal nating pasalamatan,” nakangiting wika nito.
“S-Sige po,” aniya at sumunod na rito.
Bandang hapon nga ay umuwi na rin siya para makapagpahinga nang maayos. Nakapag-usap naman sila ng doctor kahit papaano. May schedule na rin ng operation para kay Junior. Ang inaalala na lang niya ay ang gastusin para sa recovery ni Junior. Paniguradong marami itong follow up check-ups at mga reseta.
Pagkababa niya ng traysikel ay natigilan siya nang makita na naman ang sasakyan ng dating kasintahan. Sumasakit pa ang sentido niya dahil sa init at dami niyang iniisip. Idagdag pang kulang na kulang siya sa tulog.
Pumasok na siya sa loob ng bahay nila at nakaupo si Derek doon at malapad ang ngisi sa kaniya. Kung noon ay kaagad na natutunaw ang galit niya tuwing sinusuyo siya, ngayon ay tila wala na siyang pakialam. Sobrang nasaktan talaga siya sa nangyari sa kanila.
“Loli, buti naman nakauwi ka na. Pupuntahan sana kita ngayon sa hospital,” sambit nito.
Tiningnan niya lamang ito.
“Heto, may dala akong prutas at pagkain,” dagdag pa ng binata.
Akmang hahawakan ni Derek ang kaniyang kamay nang iiwas niya iyon. Kita niya ang pagtikwas ng kilay nito.
“Kunin mo ‘yan at umalis ka na. Baka kasi kapag tinanggap ko madagdag lang sa pangsumbat mo sa ‘kin,” deritsong sambit niya.
Natigilan naman si Derek.
“Loli, ano ba ‘yang sinasabi mo? Hindi ko gagawin ‘yan. Alam mo namang totoo ang nararamdaman ko sa ‘yo. Nag-aalala rin ako sa kapatid mo. Sa katunayan nga handa akong tumulong ngayon. Ito, may dala akong pera. Bente mil ‘yan, kahit hindi mo na bayaran. Patawarin mo na ako oh, sige na. Alam kong kailangang-kailangan mo ng pera. Huwag mo naman akong pahirapan nang ganito. Hindi na ako makatulog kaiisip sa ‘yo kung ano na ang nangyayari sa ‘tin,” saad nito at mukhang hindi na alam ang gagawin.
Natawa naman nang pagak si Loli.
“Talagang sobrang baba ng tingin mo sa ‘kin, ano? Wala ka ng ibang inisip kung hindi mukha akong pera. Talaga bang ganiyan ka na, Derek? Umalis ka na, tapos na tayo. Hayaan mo na ako sa buhay ko. Hindi kita kailangan. Hindi ko kailangan ang mga ‘yan. Kaya kong kitain ang pera. Hindi ko kaialngang umasa sa ‘yo. Kung wala kang magandang sasabihin umalis ka na. Mas mabuting huwag ka na ring magpakita kahit kailan,” mabigat niyang ani.
Tiningnan lamang siya ni Derek.
“Maawa ka naman sa ‘kin, Loli. Hindi ganoon ‘yon. Patawarin mo ako sa mga nangyari. Alam kong nagkamali ako, bigyan mo pa ako ng isa pang pagkakataon para maayos natin ang relasyon natin. Sa tagal natin, ngayon ka pa ba susuko?” sambit nito.
Napatingin naman si Loli sa kaniya.
“Isa nga ‘yan sa ipinatataka ko eh. Ilang beses mo akong niloko noon. Ilang beses mo akong ginawang tanga pero pinatawad kita nang paulit-ulit. Ilang second chance na rin ang binigay ko sa ‘yo, nagbago ka ba? Lalo ka lang lumala, Derek. Akala mo kasi okay lang ako. Akala mo kasi kunting suyo mo lang okay na ulit ako. Akala mo hindi ako nauubos. Derek, pagod na pagod na ako kaiintindi sa ‘yo. Pagod na akong lunukin lahat ng kawalang respito mo sa ‘kin. Lahat ng mga sinabi mo naiipon iyon. Ang pangmamaliit mo. Unang-una sa lahat, hindi kita ginulo. Ikaw itong gumulo sa tahimik kong buhay. Kung talagang gusto ko ang pera mo, una pa lang pinerahan na kita. Hindi ako magpapakatanga sa ‘yo. Hindi mo ako kayang itrato nang tama eh. Hindi mo ako mapakilala sa mga magulang mo. Para sa ano pa na ipagpatuloy natin ang relasyon natin eh wala ka ng respito sa ‘kin. Hinding-hindi mo maiintindihan ang mga hinaing ko dahil wala ka namang pakialam sa nararamdaman ko kaya umalis ka na. Huwag mong sayangin ang oras mo sa ‘kin. Marami akong inaasikaso,” aniya at tinalikuran na ito.
“Kahit itong pera na lang. Tulong ko na kay, Junior. Nasabi sa ‘kin ng Tiya mo noon na kailangang-kailangan niyo ng pera. Sige na, tanggapin mo na. Pangako hindi na kita guguluhin pa,” seryosong wika nito.
“Hindi ko kailangan ng pera mo, kaya kong kitain iyan,” sagot niya rito.
“Sa anong paraan? Alam kong kailangan niyo ng malaking halaga. Sige na, tanggapin mo na,” pamimilit nito.
“Kung kailangan kong ibenta ang katawan ko, gagawin ko para sa kapatid ko. Hindi ko kailangan ang pera mo, kaya umalis ka na,” matigas niyang wika at kinuha ang sobre sa ibabaw ng upuan at ibinigay iyon kay Derek.
Hinila niya ito palabas. Kita niyang nasasaktan ito. Pero wala sa kalahati iyon sa nararamdaman niya.
“Gawin mo lahat ng gusto mo wala akong pakialam. Huwag mo na akong guluhin pa ulit,” aniya at isinara na ulit ang pinto.
Napaupo siya sa upuan at napahilot sa kaniyang ulo. Kumikirot iyon. Mukhang inaatake na naman siya ng migraine niya. Napahiga siya sa mahabang upuan nila at huminga nang malalim. Ilang saglit pa ay narinig na niya ang pag-alis ng sasakyan.