Panimula
Ito ay kuwento ng magkakaibigan na namuhay sa unang panahon na kung saan, sulat lamang ang komunikasyon sa pakikipag-ugnayan. Tunghayan ang kanilang pinagdaanan bilang magkababata.
“Gennie, laro tayo ng tagu-taguan,” yaya ni Pat sa kaniyang kaibigan at kaklaseng kapitbahay.
“Oo ba, sige. Kaso dalawa lang tayo at wala namang etril iyon,” dagling sagot naman ni Gennie na nakalagay pa ang pares ng tsinelas sa loob ng kaniyang mga braso.
“Etril? Ano ang ibig sabihin naman niyan?” maang tanong ni Pat na nagkakamot pa ng ulo.
“Etril! Naku ang hina talaga ng kukute mo Patricio, ang ibig sabihin niyan, kilig. Ano ba, hindi ka kasi nakikinig sa English titser natin kaya hindi mo alam ang etril (thrill),” natatawa namang sagot ni Gennie.
“Kilig? Dapat ba talagang lagyan ng kilig ang tagu-taguan? Masyado ka namang OA,” ganti namang sagot ni Pat sa kaniya.
“Ober Akting? Hindi noh? Akala mo sa akin hindi ko alam iyan? Nagsasabi lang naman ako ng totoo,” galit-galitan na sambit naman ni Gennie.
“Hindi Ober Akting ang tawag sa OA kundi Orasyon Aso kasi para kang aso na nag-oorasyon at tahol nang tahol!” hagalpak naman na tawa ni Pat at tumutuwad pa ito sa kakatawa habang tinuturo ang nagngingitngit na si Gennie.
“Ah ganoon ha, itong sa iyo..ummm!” sabi ni Gennie sabay pulot ng bato at ibinato kaagad kay Pat at tumama naman ito sa noo ni Patricio.
“Aray, hoy ano ba ang ginawa mo bakit mo ako binato ha? Naku dumugo yata ang noo ko. Lagot ka sa nanay isusumbong kitang matakaw ka. OA! OA!” sigaw ni Pat na nagtatakbong pauwi ng kanilang bahay.
“Tsseee! I-Ikaw naman kasi yung nauna eh!” sigaw din ni Gennie na bigla namang kinabahan dahil sa nakitang dugo na umagos sa noo ni Patricio habang patakbong pauwi na ito.
Magkapitbahay sina Patricio Binondo at Gennie Degoma. Malapit lang naman ang bahay nila. Nasa ika-apat na baitang na sila at magkaklase pa sa edad na sampung taong gulang. Mula pa Grade 1 ay magkaklase na sila sa Paaralang Elementarya ng Masubsob at nang kalauna’y naging magkaibigan na rin. Minsan, maganda naman ang pakikitungo nila sa isa’t-isa at kadalasan naman ay nagtatalo sa ibang bagay na parang aso at pusa.
Minsan, uwian na. Nag-iisang umuwi si Gennie dahil nagtampo ito kay Patricio dahil hindi siya nito nahatian ng baon nitong nilagang itlog.
Biglang takbo naman ang ilan niyang kaklaseng mga lalaki at tinutukso siya nito sa daan.
“Gennie negra, nag-iisa ka ah, nasaan na ang pakner mong bady gard?” tanong ng isa niyang kaklase na si Rambo at kalbo ang ulo nito.
“Hoy maka negra ka riyan ah. Ano ba ang akala mo sa itsura mong kalbo ka? Sasabunutan ko iyang buhok sa ilong mo, mayayari ka!” matapang na sambit ni Gennie sa kaniya.
Nagtawanan ang ilang kasama ni Rambo kaya nagalit ito kay Gennie.
“Tabaing baboy, akala mo hindi kita papatulan? Tingnan mo ang balat mo, balat-uling tamang-tama pangluto sa katawan mong mataba para gawing litson,” muling tukso sa kaniya ni Rambo na nagpatigil sa paglakad ni Gennie. Binitawan niya ang dalang screen bag na nagsilbi niyang school bag at kuyom palad niyang sinapak sa mukha si Rambo.
Dahil hindi nakahanda si Rambo ay natumba ito. Nagsisigawan naman ang mga kasama ni Rambo at tila boxing na nakipagpustahan pa.
“Go, Negra kapag nanalo ka, sa iyo na ako kakampi!” sigaw naman ni Yuri.
“Huwag papatalo Rambo, ano ka bakla? Whoohh!” sigaw naman ni Manoy at nagpatayo kay Rambo upang sabunutan ang mahabang buhok ni Gennie.
“Arayyyy, bitiwan mo ang buhok kong kalbo ka. Arayyyy masakit na!” sigaw ni Gennie na hinahawakan pa ang kamay ni Rambo upang makuha ito dahil sa matinding sakit na naramdaman sa paghila ng mahaba niyang buhok.
“Hoy! Ano ang ginagawa ninyo kay Gennie ha? Bitawan mo nga siya. Ito ang sa iyo..ummmmm!” sigaw ni Patricio na biglang dating nito at sinapak din si Rambo sa mukha na biglang nabitiwan ang buhok ni Gennie.
“Naku nandito na ang bady gard ni Negra, halina kayo takbo na!” sigaw naman ni Yuri at kumaripas ng takbo na sumunod naman si Manoy at ang paika-ikang takbo na si Rambo.
“Okay ka lang ba Gen? Ano ba ang nangyari sa iyo ha? Hinintay kita sa labas ng gate akala ko nasa loob ka pa para sabay tayong umuwi. Mabuti na lamang at nasabihan ako ni Minnet na nakita ka niyang nauna nang umuwi,” sabi naman ni Pat at agad inalalayan si Gennie na makatayo at kinuha ang screen bag nito na nakabulagta sa damuhan.
Hindi sumasagot si Gennie habang inaayos ang nagulo nitong buhok at hindi man lang tiningnan si Pat.
“May galit ka ba sa akin Gen? Tingnan mo ang buhok mo oh, lalong gumulo sa ginawa ni Rambo. Minsan ka na nga nagsusuklay ginulo pa ng kalbong iyon,” sabi ni Pat na medyo may halong ngiti.
“Ummm! Akala ko ba kaibigan mo ako, bakit mo ako laging tinutukso?” tanong ni Gennie sabay hampas sa balikat ni Pat.
“Ikaw naman…biro lang naman iyon eh. Sige na sagutin mo na ang tanong ko. Bakit hindi mo ako hinintay? Eh ‘di sana hindi ka nasubunutan ni Rambo. Nagtatampo ka ba sa akin?” suyong tanong ni Pat at nagsimula na silang maglakad pauwi ng kanilang bahay.
“Ikaw kasi eh. Sabi mo bibigyan mo ako ng nilagang itlog kanina sa recess. Eh si Alma yata ang kumain ng itlog mo. Sarap na sarap ka naman habang tinitingnan siya na kinakain yung itlog mong malaki,” agad na tugon naman ni Gennie na umiirap pa sa kaibigan nito.
“Ang bastos mo naman Gennie. Aling itlog ba ang tinutukoy mo ha?” natatawang tanong ni Pat.
“Anong bastos? Iyong itlog na nilaga ang tinutukoy ko, gusto ko sanang kumain ‘nun kanina kasi gutom na gutom na ako eh. Hindi mo man lang ako binigyan. Iba pa ang binigyan mo ng iyong itlog,” dagdag pa ni Gennie at inagaw na ang screen bag nito sa kamay ni Pat.
Napakamot ng ulo si Pat sa tinuran ni Gennie. “ Eh hindi ko naman kasi alam eh. Nakita siguro ni Alma iyong nilagang itlog na nasa plastic kaya walang sabi-sabi at kinain na nga niya. Nahihiya naman akong agawin iyong itlog ko sa kaniya eh, nasa bibig na niya. Huwag nang magtampo, bukas na bukas ay dadalhan kita ng dalawang itlog ko, este ng nilagang itlog,” nakangiting turan ni Pat at inakbayan na ang kaniyang kaibigan habang binabagtas ang daan pauwi sa kanilang bahay.
Minsan naman ay pumupunta si Gennie sa bahay nina Pat at doon na kumakain lalo na kapag walang pasok.
“Magandang tanghali po Aling Tisya,” bati nito sa nanay ni Pat.
“Magandang tanghali naman Gennie. Oh, tamang-tama ang dating mo at naghahain na ako ng pananghalian namin. Dito ka na kumain,” agad namang sabi ni Aling Tisya habang hawak pa nito ang platong may lamang ginisa at tortang talong.
“Iyon naman talaga ang pinunta ko rito Aling Tisya. Alam ko kasi sa ganitong oras ay alam kong luto na po ang pananghalian ninyo, eh...abot hanggang sa bahay ang amoy ng masarap mong luto,” turan naman ni Gennie na tinitingnan pa ang ulam na inilapag ni Aling Tisya at takam na takam na ito.
“Aba, nandito ka na pala Gennie. Abot din hanggang bahay ang amoy mo ah. Siguro hindi ka pa naliligo. At saka tingnan mo oh, magulo na naman ang buhok mo, hindi ka na naman nagsusuklay,” tukso naman sa kaniya ni Pat na kalalabas lang galing ng likod-bahay.
“Eh ikaw nga eh, amoy ko rin ang mabaho mong kili-kili. Itsura nito akala mo ang guwapo-guwapo. Alam mo ba Aling Tisya kung hindi ko iyan pinakopya sa English sabjek namin kahapon ay tiyak itlog ang iskor. Hindi lang basta itlog, nilagang itlog pa,” pagdadaldal na ni Gennie at nag-umpisa nang maghugas ng kamay para masimulan na ang pagkain ng tanghalian.
“Hay naku kayong magkaibigan para talaga kayong aso at pusa. O sige na nga, Pat tawagin mo na ang tatay mo Greg at ang kapatid mong si Nerio. Manalangin na rin tayo para maumpisahan na nating pagsaluhan itong niluto ko,” sabad naman ni Aling Tisya na natatawa.
Pinairapan naman ng tingin ni Pat ang nakangiting si Gennie.
Malapit lang din sa bukid ang bahay nina Gennie at Pat. Lagi silang pumupunta sa bukid sa taniman ni Lolo Imbo ang lolo ni Gennie.
“Gennie, ano kaya kung tumulong din tayo sa pagtatanim ng mga gulay sa lupain ng Lolo Imbo?” minsang naaya siya ni Pat habang papalapit na sila sa kubo ng matanda.
“Puwedeng-puwede Pat, mabuti na rin iyan at ma-apply na rin natin ang natutuhan natin sa mga itinuro ng ating titser sa Agrikultura kung paano magpatubo ng mga halamang gulay at tamang pagbubungkal ng lupa para taniman,” agad namang tugon ni Gennie.
Nadatnan nilang abala sa pagdidilig ng halamang gulay si Lolo Imbo.
“Lolo, tulungan ka na namin ni Gennie sa pagdidilig ng halaman,” nasabi ni Pat at agad na kinuha ang isa pang balde na nasa gilid ng matanda.
“Oo nga Lo, bigyan din po ninyo kami ng ilang buto ng talong at saka sitaw para makapagtanim na rin kami ni Pat,” dagdag naman ni Gennie.
“Aba, ano ang nakain ninyong dalawa at bigla kayong nagkainteres sa pagtatanim?” tanong naman ni Lolo Imbo na napatigil sa pagdidilig.
“Mas mabuti na pong may gawin kami ni Gennie kapag walang pasok para kung lumago naman ang aming halaman ay puwede na naming maibenta at makaipon pa po kami Lolo,” masayang turan ni Pat.
Nagsimula nga silang magbungkal ng lupa ni Gennie. Masayang-masaya ang kanilang mga mukha habang nagtutulungan sila sa paggawa. Minsa’y naghahagisan sila ng lupa at nagsasabuyan ng tubig habang nagdidilig sa mga bagong punla nilang mga buto. Pagkatapos nilang magtanim ay umupo sila sa malaking bato sa gitna ng bukid at sabay na tumingala sa langit.