Kabanata 1

1467 Words
Makalipas ang dalawang taon. “Patricio, gising na! Naku, alas siyete na ng umaga humihilik ka pa yata riyan!” Ito na ang palaging alarm clock ni Pat tuwing umaga, ang kaniyang kababatang si Gennie. Maaga pa ay gising na ito upang pumunta sa bukid para tumulong sa pagtatanim ng mga gulay sa kaniyang Lolo Imbo. Lalong naging malapit na silang dalawa bilang magkaibigan. Dahil bakasyon ngayon, magkakasama naman silang pumupunta sa bukid at pagkatapos tumulong sa pagtatanim ay nangunguha rin sila ng mga bungang kahoy, isa na rito ang bayabas na paborito nilang kainin. “Hay naku heto na naman ang bungangera kong kaibigan, oo andiyan na maghihilamos lang ako at magbibihis!” agad namang sigaw-sagot ni Pat ky Gennie. Nakagawian na rin ni Gennie na sa kanila na kumakain ng agahan. Para na silang tunay na magkapatid sa pagdaan ng mga taong pagsasama nila. Nasa ika-anim na baitang na sila ngayon at magkaklase pa rin. Hindi naman kalayuan ang kanilang paaralan kaya umaga hanggang hapon magkasama pa rin silang naglalakad papuntang paaralan. Dahil sa madalas nilang pagsasama, kung minsan ay tinutukso na sila ng kanilang mga kaklase. “Tingnan ninyo sina Pat at Gennie, sila na naman ang magkapakner sa sayaw natin sa P.E. Hindi talaga sila naghihiwalay,” puna ng isa nilang kaklaseng babae. “Paano ba sila maghihiwalay eh, mag-jowa na kaya silang dalawa. Kita mo nga magkasama pa silang lagi sa kanten tuwing recess. Uyyyy mag-jowa na sila,” tukso naman ng isa pa nilang kaklase. “Ang kitid naman ng mga utak ninyo para na kaming magkapatid nitong si Pat at talagang magkaibigan lang kami at laging nagdadamayan noh?” dagling sagot naman ni Gennie. “Oo nga at saka hindi pa nga marunong magsuklay ng buhok itong si Gennie. Palagi pang mapanghi kasi minsan lang naliligo,” nakangiti namang turan ni Pat. “Bastos mo talagang unggoy ka. Yari ka mamaya sa akin ha,” Agad naman siyang hinampas ni Gennie ng notebook at ilag naman si Pat na natatawa. “Uyyyy sweet talaga nilang mag-jowa. Kunwari nag-aaway,” tukso naman ng iilang kaklase nila at nagpalakpakan pa. Wala ng tatay si Gennie. Dalawang taon pa lamang siya nang magkasakit sa atay ang tatay nito at iniwan sila. Tatlo silang magkakapatid at siya ang bunso. Ang panganay nila ay huminto muna sa pag-aaral para matulungan ang kanilang nanay sa pang-araw-araw nilang gastusin. Ang pangalawa naman ay nasa 2nd year highschool na. Minsan ay lumiliban din sa klase dahil tumutulong din sa tiyahin nito para pandagdag sa kaniyang baon. Mabait si Gennie at sa murang edad ay natuto siyang maging kuntento kung ano lang ang meron at ang kaya lang ibigay ng kaniyang nanay. Tumutulong din siya sa pagtitinda ng mga gulay mula sa taniman ng kaniyang Lolo Imbo na tatay ng kanyang ina na si Aling Bibang kaya nga kasama niya palagi ang kaniyang matalik na kaibigang si Pat sa pagtitinda. Lumago rin ang kanilang mga tanim kaya inaani rin nila ang mga ito upang idagdag sa mga naani na ring gulay ni Lolo Imbo. Sa pagdaan ng mga taon ay hindi lang basta kaibigan ang turingan nila kundi naging matalik na magkaibigan at parang tunay na magkakapatid pa. Si Patricio naman ay panganay na anak nina Mang Greg at Aling Tisya. Pat ang kadalasang tawag sa kaniya ng mga kamag-anak, kakilala o mga kaklase. Ang kaniyang tatay na si Mang Greg ay isang magsasaka at may munting palayan sila na iniwan ng mga magulang nito na siyang pinagkukunan din nila ng kanilang hanapbuhay. Si Aling Tisya naman ay may munting sari-sari store sa kanilang baryo at halos lahat ng kanilang kababaryo ay sa kanila na bumibili. May kababata ring kapatid si Pat at ito ay si Nerio. Nasa ika-apat na baitang pa lamang ito sa paaralan ding pinapasukan nila ni Gennie. “Wow, Aling Tisya ang sarap naman ng agahan natin ngayon. Tortang talong at piniritong itlog, at may nilagang itlog pa!” Halos manlaki na naman ang mata ni Gennie sa nakitang nakahanda sa hapag. “O siya kumain ka na Gennie alam kong paborito mo ang tortang talong at nilagang itlog. Salamat nga pala sa talong na ibinigay mo kahapon, kaya hayan niluto ko na dahil alam kong dito ka na naman mag-aalmusal,” tugon naman ni Aling Tisya. “Alam na alam mo talaga Aling Tisya ah. Patricio halika ka na kumain na tayo at mataas na ang sikat ng araw!” malakas na tawag ni Gennie kay Pat. “Nandiyan na Aling Gennie,” biro naman ni Pat sa kaibigan na kalalabas din galing sa kaniyang kuwarto. Pagkatapos nilang kumain ay dagli silang pumunta naman ng bukid. Nadatnan nila ang Lolo Imbo na nagtatanim na ng kamote at sitaw. “Lo, tulungan na po namin kayo ni Gennie ako na ang magbubungkal ng lupa,” sabi kaagad ni Pat at kinuha na ang palakol. “O siya sige mabuti nga para madaling matapos ang pagtatanim natin,” sabad naman ni Lolo Imbo. Masaya silang nagtutulungan sa pagtatanim. Magtatanghali na nang matapos ito. Umupo sina Pat at Gennie sa malaking upuang bato na siyang nagsilbing saksi sa kanilang pagkakaibigan. Hinawakan ni Pat ang kamay ni Gennie habang nakaakyat ito sa bato. “Alam mo Gennie kapag nakatapos na ako ng pag-aaral, magpapatayo ako ng malaking tindahan sa ating lugar at gagawin ko itong parang mall,” seryosong sabi ni Pat na kinukumpas pa ang kamay kung gaano kalaki ang nasa imahinasyon nito. “Ow talaga lang ha! At mag-aaplay naman akong kahera sa malaki mong tindahan este mall pala,” patawa-tawang sagot naman ni Gennie. “Aba, anong kahera ang pinagsasabi mo? Gagawin kitang tagakuha ng pera dahil ikaw ang magiging may-ari ng mall ko,” sabi naman ni Pat at nakatingala pa ito sa langit. “Ano? Paano naman ako magiging may-ari ng mall mo…eh ikaw nga ang may-ari?” tanong naman ni Gennie. Tumaas pa ang kilay nito habang tinitigan si Pat na patuloy na nakatingala sa langit. “Siyempre ikaw ang magiging maybahay ko at gagawin kitang reyna ng aking palasyong ipapatayo,” pangiti-ngiting sagot ni Pat habang nakatitig na ito sa mga mata ni Gennie. “Ano?????” Hinampas nito sa balikat si Pat.Namumula ang kaniyang pisngi at hindi inaasahan ang mga salitang binitawan ng kaibigan. “Hoy Patricio huwag ka ngang ano riyan ha. Ang dumi ng isip mo. Bastos ka!” “Ano ba, ang sakit naman ng pagkakahampas mo sa balikat ko. Huwag ka ngang ano rin diyan. Biro ko lang naman iyon ah. Akala mo naman totoo eh. Hindi nga ikaw ang pangarap kong maybahay balang-araw dahil ang pangit mo oh. Hindi ka nga nagsusuklay at hindi rin naliligo,” natatawang sabi ni Pat ky Gennie at tinakpan pa ang kaniyang ilong. “Ah ganoon, pangit pala ha! Diyan ka na nga. Mukha kang unggoy na dalawa ang sungay! Unggoy!” Halos mangiyak-ngiyak si Gennie at kumaripas ng takbo pauwi sa kanila. Samantala si Pat ay halos mangisaykisay sa katatawa dahil sa biro niya sa kaniyang kaibigan. “Hoy Gennie biro lang naman iyon ah…hintayin mo ako!” sigaw naman ni Pat sa kaniya ngunit hindi na siya nilingon nito. Dalawang araw na hindi kinibo ni Gennie si Pat. Pinuntahan naman siya ni Pat sa kanilang bahay at dinalhan ng suman na niluto ni Aling Tisya. “Magandang umaga po Aling Bibang. Si Gennie po?” tanong ni Pat kay Aling Bibang na nagpipinid ng mga nilabhang damit. “Magandang umaga rin Pat. Nandoon siya sa likod-bahay naglalaba. Puntahan mo na lang siya roon. Mukhang kaysarap ng dala mo ah,” sabi ni Aling Bibang na inamoy-amoy pa ang dala nitong suman. “Oo nga, Aling Bibang. Luto po ito ni nanay na suman at dinalhan ko po si Gennie dahil alam kong paborito niya ito,” nakangiting sagot naman ni Pat. Dumiretso ng likod-bahay si Pat at nandoon nga si Gennie, naglalaba ng mga damit. “Gennie…bati na tayo. Oh, ito oh dinalhan kita ng suman. Masarap iyan at alam kong paborito mo ito,” turan ni Pat at agad na ibinigay ang dalang suman kay Gennie. “Wow suman. O sige na nga...basta tulungan mo akong maglaba,” agad namang sagot ni Gennie at kinuha ang suman at takam na takam na naman ito. “Talagang matakaw talaga sa pagkain,” pabulong na sabi ni Pat sa sarili. “May sinasabi ka ba Patricio?” tanong naman ni Gennie. “Naku wala. Ang sabi ko ayos…tutulungan na kitang maglaba,” pangiti-ngiting sagot ni Pat. Natatawa pa si Pat habang pinagmamasdan ang kaibigan na nilalantakan nito ang dalang suman. Lumunok na nga lang siya dahil hindi nga siya nagawang ayain na kumain dahil halos nilamon na nito ng buo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD