Kabanata 2

1402 Words
Makalipas ang ilang buwan ay magtatapos na sina Pat at Gennie sa elementarya. Tuwang-tuwa ang nanay ni Gennie dahil nairaos niya ang pag-aaral ng anak sa elementarya sa tulong na rin ng panganay niyang anak. "Mareng Bibang sa bahay na tayo maghapunan. May inihanda kaming kaunting salo-salo para sa mga anak natin na nagsitapos na sa elementary," aniya ni Aling Tisya kay Aling Bibang. "Naku Mareng Tisya, nakakahiya naman. Lagi na lang kayo ang gumagastos para sa anak kong itong si Gennie," agad namang sagot ni Aling Bibang. "Aling Bibang huwag na po kayong mahiya alam po ninyo itong anak mong si Gennie basta pagkain matakaw iyan kaya hindi na tinatablan ng hiya iyan," pagbibiro ni Pat na nakatingin pa kay Gennie. "Napakawalang hiya mo namang kaibigan nilalait mo na naman ako ah. Sige na nga inay huwag na nga tayong maghapunan kina Pat at baka mabulunan pa ako sa tortang talong at saka piniritong itlog at may kasama pang dalawang nilagang itlog," nakasimangot na sagot ni Gennie na umirap pa ang tingin kay Pat. Agad na nagtawanan silang lahat. "Ito namang bespren ko hindi na mabiro. Tara na sigurado akong masasarap na pagkain ang inihanda ni nanay para sa ating dalawa. Most Industrious kaya ang award ko at ikaw naman ang Most Prendly," nakatawang turan ni Pat. "Luko!" Sabay hampas ni Gennie sa balikat ni Pat. Masaya ang gabing iyon na nagsasama ang pamilya ng magkakaibigan. Masuwerte si Gennie na naging kaibigan niya si Pat at itinuring na rin siyang parang tunay na anak nina Aling Tisya at Mang Greg. Dahil bakasyon na naman doble ang kayod ng magkakaibigan sa pagtatanim ng mga gulay sa bukid ni Lolo Imbo. Halos araw-araw nila itong binibinyagan dahil malapit lang naman ang balon sa tinatamnan nilang gulay. Mabilis itong lumago dahil na rin sa pag-aalaga nilang dalawa. “Naku Gennie, ang sarap sa pakiramdam na palagi tayong umaani ng mga bunga ng ating itinanim na mga gulay,” masayang turan ni Pat habang namimitas ng bunga ng okra. “Oo nga Pat anoh? Ilang taon ring ginagawa natin ito at saka parang nakikisama rin ang mga itinanim natin dahil kusa na silang lumalago at tumataba dahil na rin sa pag-aalaga natin sa kanila,” tugon naman ni Gennie at bitbit ang malaking basket na nilalagyan niya ng mga pinitas na okra at mga bunga ng sili. Matiyaga nila itong ibinibenta sa kapitbahay at kung marami-rami na rin ay ibinibenta nila sa bayan. Hati sila sa kanilang kita at iniipon nila para naman sa pasukan. Mag ha-highschool na sila at hinahandaan nila ang mga gamit nila sa eskwelahan lalo na at magpapatahi na sila ng bagong uniform. Gaya ng dati, pagkatapos nilang magtanim ay uupo sila sa malaking bato at doon madalas silang magkuwentuhan. Nagkukuwentuhan din sila ng kani-kanilang mga pangarap sa buhay. "Gennie, hindi kaya mahirap ang buhay sa highschool?" tanong ni Pat sa kaniya. "Aba'y tinanong ako. Malay ko ba pareho lang naman tayong hindi pa nakapag-highschool," agad namang sagot ni Gennie. “Ikaw talaga pilosopa ka. Ang ibig kong sabihin makakaya kaya natin ang mga eksam at saka makaka-graduate kaya tayo?" muling tanong ni Pat. "Siguradong makakaya natin ang exam, lalo ka na kasi panay lang naman kopya mo sa akin kaya ka nakapasa. Hindi nga lang alam ni Ma’am kasi pagkatapos ng exam nililibre mo ako sa recess at lagi kang may dalang nilagang itlog para sa akin," patawang sabi ni Gennie. "Ikaw naman huwag masyadong maingay baka may makarinig at sabihing sinungaling ka," pangiting-ganti naman ni Pat sa kaniya. Nagtawanan na rin lang silang dalawa. Pagkalipas ng isang linggo ay nagtaka si Gennie kung bakit hindi na nakapunta si Pat sa kanilang bahay. Agad niya itong pinuntahan upang mausisa. Nakagawian na kasi niya na kapag hindi siya ang makapunta sa bahay nina Pat ay ang kaibigan na mismo ang pumupunta sa kanila upang maglaro o hindi kaya’y mag-aayang pupunta sa bukid. “Patricio!” malakas na tawag ni Gennie. “Oh, ikaw pala Gennie. Hindi pa pananghalian ah, hindi pa ako nakapagluto,” agad na sabi ni Aling Tisya na nakangiti pa kay Gennie dahil gulong-gulo na naman ang mahaba nitong buhok. “Magandang umaga po Aling Tisya. Si Pat po, nandiyan po ba siya?” agad naman niyang tanong na sinisilip-silip pa ang loob ng bahay. “Naku, nasa kuwarto niya nagpapahinga,” tugon naman ni Aling Tisya. “Nagpapahinga? Eh masakit na po ang sikat ng araw. Hindi pa po ba siya nagising?” pangungulit niyang tanong. Bigla namang lumabas si Pat na hindi namalayan na nariyan pala si Gennie sa labas ng kanilang bahay. “Nay? Humahapdi na naman po. Pakilagyan mo naman ng gamot at saka pupuwede po bang mahugasan muli ng nilagang bayabas?” tanong ni Pat na paika-ika pang lumakad at nakasuot ng mahabang palda. Nanlaki naman ang mata ni Gennie at tumawa pa nang malakas nang makita ang lagay ni Pat . “Pat ano ba ang nangyari sa iyo ha? Bakit nakasuot ka ng palda ni Aling Tisya? Bakit paika-ika kang lumakad, eh may sugat ba riyan sa…sa…loob?” “Gennie?!” bulalas ni Pat na namula pa yata ang pisngi dahil hindi niya alam kung tatakbo ba siya o mauupo dahil sa nahihiya siya sa kaniyang kalagayan. “Ah Gennie, bago kasing tuli iyang si Pat. Dinala ng tatay niya noong isang araw pa sa bayan sa sentro kasi may libreng tuli. Kaya ayan, hanggang ngayon humahapdi pa yata. Hinuhugasan din ng tatay niya ng nilagang dahon ng bayabas para madaling maghilom ang sugat,” nakangiting turan ni Aling Tisya. “Ah, kaya pala hindi ka nakapunta sa bahay ng ilang araw. Hmm…puwede bang matingnan ang sugat mo Pat?” pagbibiro ni Gennie na halos nagpamula ulit ng buong mukha ni Pat. “Luka-luka ka talaga! Umuwi ka nga muna. Oh, tingnan mo…hindi ka pa nga nakapagsuklay ng buhok mo. Tiyak na hindi ka pa nakapagligo eh, abot hanggang dito ang mapanghi mong amoy,” tukso na naman sa kaniya ni Pat. “Ah, ganoon ha,” nagpalinga-linga siya sa paligid at kinuha ang walis tingting na nasa hagdanan ng tindahan at agad na nilapitan si Pat. “Walang ligo pala ha, wawalisin ko iyang kuwan mo…para gawing balot at saka gawing chorizo tingnan natin kung hanggang saan ang tapang mo!” “Inay…naku pauwiin na po ninyo itong si Gennie, baka mamatay po ako sa gagawin niya!” sigaw naman ni Pat habang hinahawakan pa ang palda at biglang nagtago sa likod ni Aling Tisya. “Hay naku kayong dalawa, wala na kayong ginawa kundi ang magtuksuhan. O sige na Gennie umuwi ka na muna at baka himatayin na itong kaibigan mo sa sobrang niyerbyos at hapdi ng kuwan niya,” natatawa na ring turan ni Aling Tisya. “Makikita mong Patricio ka ha. Yari ka sa akin kapag makabalik ako rito. Unggoy na bagong tuli!” pahabol pa ni Gennie habang pahakbang na pauwi sa kanila. Ilang linggo pa ay naghilom na rin ang sugat ni Pat. Isang araw, pumunta ng bukid ang magkaibigan upang magdilig ng kanilang halamang gulay. Saktong tumuwad si Gennie upang bunutin ang ligaw na d**o sa puno ng halamang gulay at nasa likuran niya si Pat. “Gennie!” malakas na bulalas ni Pat. Biglang inunat naman ni Gennie ang kaniyang katawan. “O, bakit ano ba ang nangyari?” “May sugat yata ang iyong…iyong…kuwan mo,” sabi ni Pat at inginunguso pa nito ang kaniyang bibig na nakatingin sa ilalim ng harapan ni Gennie. “Anong inginunguso mo riyan ha? At bakit nakatingin ka sa kuwan ko? Ang bastos mo yata Patricio ha!” nahihiyang-galit na sabi ni Gennie. “Anong bastos? Eh may dugo iyang shorts mo sa likuran. Nasugatan yata ng kawayan kanina sa daanan natin papuntang bukid,” agad namang sagot ni Pat. Agad na hinila ni Gennie ang kaniyang shorts na de-garter at nakita niyang puno nga ng dugo ang loob ng kaniyang panloob. Dahil sa hiya ay kumaripas ito ng takbo at iniwanan si Pat. “Hoy, Gennie hintayin mo nga ako! Patingin naman ng sugat mo!” pilyong sigaw pa ni Pat. “Unggoy!” pahabol ring sigaw ni Gennie. Hindi na talaga mapigilan ang panahon dahil nag-uumpisa nang magbibinata at magdadalaga sina Pat at Gennie.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD