Ilang beses kong pinakalma ang sarili sa mga malalakas na hikbi na gustong kumawala sa lalamunan ko.
Pinapakalma ang bigat sa loob na kailangan kong itago at ikimkim hanggang sa makaalis ako dito sa cafe mamaya.
Nakakahiya ka talaga, Marie! Huwag kang iiyak! Wala kang karapatang umiyak! Itago mo iyan! Huwag mong ipakitang mahina ka!
"Nasasayangan ako sa cafe na 'to. Ang ganda pa naman sana. Naiimagine ko palang ang reaksiyon ng may-ari 'pag nalaman niyang pinapasara na pala itong cafe niya, naaawa na ako."
"Eh ano pa bang inaasahan? Mali rin naman nila. Kung inayos lang sana nila yung trabaho nila, 'di sana mas tataas ang sungay niya."
"Kung sabagay may punto ka. Pero bakit kaya ang sama ng ugali niya no?"
"Malay ko ba. Basta ang alam ko, pak na pakbet! Wala akong pake! Pagnanasaan ko pa rin yun! Sarap beh! Kita mo siya kanina! Sheems! Ang gwapo niya pala talaga lalo na sa personal! Malayong malayo siya sa ibang negosyanteng panot at naglalakihan ang mga tiyan! Ibahin mo siya! Mayaman. Ubod ng gwapo. Ang talino pa! Ang sarap pisilin ng biceps niya! Perfect! Halimaw man, bawing-bawi naman sa pera, itsura at utak ano!"
"Unggh! Bahala ka nga diyan! Hahahaahah! Puro ka landi haha!"
Sa nagsisilakasan nilang mga boses, maaabot yata hanggang labas ang mga halakhak nila.
Kailangan ko nang umalis dito. Naghihintay pa si Mr. Sullivan sa table namin.
Kahit masama pa rin ang pakiramdam ko, mas pinili ko pa ring lumabas na ng cubicle at maghilamos upang hindi mahalatang umiyak ako.
"Paano kaya kung kami ang nagkatuluyan. Gosh, maiinggit talaga yung bago ni Alfred."
"Ang sabihin mo. Maiinggit ang lahat ng tao!"
Nag-angat ako ng tingin sa salamin upang tingnan ang itsura ko.
Mapupula ang mga mata ko at ilong.
Panigurado, mahahalata nila Mr. Guzman na umiyak ako. Maliban na lang kung gagawin kong dahilan ang pagkakaroon ko ng allergy sa alikabok kaya nagkaganito ang itsura ko.
"Ang gwapo gwapo niya talaga no?"
"Sobraaa! Sana maging kami no!?"
Napatingin ako sa kabuuang anyo ng dalawang babae sa salamin na kanina pa nag-uusap. Magaganda sila at balingkinitan ang mga pangangatawan. Ito na naman ang insekyuridad na bumabalot sa pagkatao ko. Nagsasabing, "Sana naging ako na lang sila".
"Bes, libre lang mangarap. Libre! Hahaha."
"Tse! Mas okay na iyon no. Atleast hindi ako tulad nung mga babae kanina sa katapat nilang table. Mga walanghiya! How dare them take pictures of my husband! Tama lang sa kanila ang ginawa niya no!"
"Savage nga eh. Mahal pa yata yung mga phones na iyon. Ibababad lang pala sa tubig. Hahah. It's their fault din naman!"
Sinirado ko ang faucet at kumuha ng tissue upang ipunas sa mukha ko.
Hahakbang na sana ako patalikod upang itapon ang nagamit na tissue at makaalis na rin sana, ngunit bigla akong hinawakan sa braso ng isa sa mga babae, "Sandali!"
Nagtataka naman akong humarap sa kaniya. Mabilis niyang tinanggal ang kamay niyang nakahawak sa braso ko at tinago ito sa likuran niya upang ipunas sa damit niya.
Nakadama na naman ako ng kirot.
Ngumiti siya nang malapad, "Hindi ba't ikaw iyong katulong na kasama ni Monster Boss?"
Napakunot ako ng noo. Anong pinagsasabi nila?
"Hala! Oo nga siya iyan!" lumapit naman sa amin ang isa niyang kasama.
"Sis pakikilala mo naman kami sa amo mo oh. Jhen nga pala, ito si Veronica," pakilala ng babae na may maiksing buhok na hanggang leeg lang.
"H-Ho?" naguguluhan kong tanong sa kanila. Ako ba talaga ang kinakausap nila?
"Jhen at Veronica."
Iwinasiwas ko sa ere ang dalawa kong kamay, "A-Ang ibig ko pong sabihin, a-ano po yung sinasabi niyong ipapakilala ko kayo?"
Nagtinginan silang dalawa at sabay na tumawa na akala mo may nakakatawa sa katanungan ko.
"Bingi yata 'to. Sabi ko si boss po. SiMonster Boss. Ipakilala mo ako sa kaniya. Huwag mo nang isali ang isang to ha, ako na lang! Landi eh! Hoy may boyfriend ka na Jhen!"
"Ano ba! Huwag mo nga akong ilaglag. Kaloka! Hahaha. "
Napaatras ako, "Monster Boss?"
Sino iyon? Sinong tinutukoy nilang Monster Boss?
Nagtinginan ulit silang dalawa at tumawa na naman.
"Sis! Ano ba?! Sabaw ka ba? Amo mo? Hindi mo kilala? Yung kasama mo!"
Napahinto ako sa pagbanggit niya ng amo. Amo? Sino bang amo? Ang tinutukoy ba nila ay si Mr. Guzman? Napagkamalan ba nila akong katulong niya? At Monster Boss? Bakit Monster Boss?
"S-Si Mr. Guzman ho ba yung tinutukoy niyo?"
Nakita ko ang irita sa isa sa kanila, "Ang hina ng utak mo. Si Mr. Sullivan ang tinutukoy namin! Nakakainis ka na ha? Kaloka ka, Sis."
Ilang beses na ba akong pinagsasaksak ng mga masasakit na salita sa araw na 'to?
Napayuko ako, "A-Aah. S-Si Mr. Sullivan pala y-yung tinutukoy ninyo."
Nag-apiran naman silang dalawa sa sinabi ko, "Tumpak! Naman! Loading si Manang!"
Manang.
Napailing ako sa pagtawag nila ng ganun sa akin. Pero hindi iyon ang mas bumagabag sa akin. Kung hindi ang pagtawag nila ng Monster Boss kay Mr. Sullivan.
At hindi ko alam kung bakit ngunit parang mas ikinagalit ko iyon.
"B-Bakit Monster Boss ang tawag ninyo kay Sir Sullivan? At bakit niyo siya kilala?"
"Ay, iba siya oh. Taga ibang planeta ka ba ha? Ano bang klaseng tanong iyan? Kaloka! Hindi mo kilala si Monster Boss? Oemji ka ha! Ang weird mo!" sabi ng nagpakilalang Jhen na tinataasan na ako ng boses.
Weird ako.
"Hindi ka ba nanonood ng balita sa tv o nagbabasa ng diyaryo man lang?!"
"Hindi."
Pansin ko ang pagbabago ng tono ng boses ko.
"Do you even have social media accounts?!"
Tahimik lang ako habang nakayuko pa rin. Meron naman pero baka mas laitin pa nila ako pag sinabi kong oo.
Rinig ko ang pag-ismid nila sa sinabi ko, "No offense ha pero isa kang patapon sa lipunan dahil sa kawalang-alam mo. Research din pag may time. Anyway, dahil may alam kami, sasabihin na lang namin sa iyo."
Patapon sa lipunan.
"Alam mo kasi, nasa panganib ang buhay mo kapag makakasama mo siya."
Napakunot ako ng noo. Panganib?
"No wonder at sobrang comfortable mo sa usapang ito," pagpapatuloy noong isa pang babae.
"You see, ang taong pinagsisilbihan mo ay hindi tao, kung hindi isang halimaw."
Halimaw.
Napakuyom ako ng kamao sa narinig ko.
"Sabi niya pa nga sa interview ng NCC sa kaniya, 'I may be flesh and blood but that doesn't mean I'm a human'. Kaya naman, binansag na siya ng mga netizen na Monster Boss."
Monster Boss.
"Monster dahil siya ang higante sa mundo ng business world. Latag na nga sa Pilipinas niya ang pangalan niya, also known as the Monster Boss. Nasa first ranking siya sa most influential businessmen in Asia since two years ago. Rank four worldwide."
Nagsalita ang kasama niya, "Bukod pa sa rason na iyon, may iba pang rason kung bakit isa siyang halimaw. Halimaw siya sa mukha. Halimaw siya sa pera. Halimaw siya sa kapangyarihan. Halimaw siya sa lahat. Ubod nga siya ng gwapo, pero wala siyang galang sa mga feelings ng mga taong nasa paligid niya. Tatapakan niya ang pagkatao ng mga taong di niya gusto. Susunugin niya ng buhay ang mga ambisyon nila. 'Wala ngang nagkakamaling kalabanin siya dahil magsisisi sila. Bastos kasi siya, prangka, walang simpatya sa mga tao. Hindi nakikihalubilo. Makasarili. In short, may halimaw siyang pagkatao. Iyan ang dahilan kung bakit siya pinangalanan ng netizen na Monster Boss. Naging trending siya online dahil may kumuha sa kaniya ng picture one time. Ofcourse, netizens went wild with his looks and to know na napakayaman niya pala at such a young age, pinagusapan talaga siya. At doon na nagsimula ang paglabasan ng mga issues sa kaniya because he is so savage. He is a monster after all."
"Basta, ayaw lang namin sa kaniya kasi ang pangit ng ugali niya."
Napabuntong hininga ako.
"Bakit parang ang dali lang sa inyong manghusga ng tao?" napuno na ako.
Napasinghap sila. "Excuse me?" tanong ng isa sa kanila.
Punong puno na ako.