Chapter 14: Escape and Hide

3511 Words
"Huwag na kayo maglaban pa kung ayaw niyo magkaroon pa ng problema. Basta isuko niyo lang sa amin ang apo niyo." Mahinahon lamang itong kumausap sa kanya. "Hindi naman ako tututol diyan, Mr. Domingo." Nang napansin niya ang apelyido nitong nakaukit sa uniporme. "Kung gusto niyo halughugin ang buong mansion, sige lang." "Heto po ang arrest warrant laban sa apo niyo." May inabot sa kanya na isang papel at tumango lamang siya. "Hahayaan ko ang kamay ng aking apo sa inyo," sigaw niya nang may halong panghuhumaling para di mapansing pinatakas niya iyon. Wala nang sali-salita pa at kaagad na ring binigyang sign ng lalaking pulis kanyang kasamahan na sumugod na sila papasok pa main area ng bahay. "Sundan niyo sila," utos naman niya kaagad sa dalawang tauhan para mabantayan ang kilos ng mga pulis. "Masusunod po, Mr. Rodelio," tugon kaagad sa kanya ng mga ito at kaagad ding sinundan ang mga kapulisan. Mahigit isa't kalahating oras naghanap ang mga ito sa mansion subalit hindi nila makita si Katherine. Nagkalat na nga ang isa kanila. "Mukhang naisahan tayo ng mga 'yon ah!" saad ng namumumo sa kanila. "Nahalata nila na susugod tayo ng ganitong oras," sambit ng isa pang lalaki na tila may edad ng trenta anyos. "Impossible, dahil sekreto ang operasyon natin." Nagtataka si Mr. Ramirez kung bakit nalaman kaagad ng mga Yuzon ang tungkol sa kanilang pagsugod rito. Wala siyang kamalay-malay na isa sa kapulisan niya ang nakapaglahad ng kanilang operasyon kay Mr. Rodelio. Nagawa pa rin ng lalaki na maging kalmado at tila wala siyang alam doon. "Mabuti pa subukan natin hanapin si Miss Yuzon sa labas mismo nitong bahay. Malamang di pa 'yon nakakalayo," positibong pahayag muli ng kanilang pinuno. Sinamaan niya ng tingin si Mr. Rodelio. "Hindi pa kami tapos sa inyong apo. Mahahanap pa rin namin siya." Walang anumang reaksyon nagmula sa matandang lalaki at naghihintay lamang siya ng sasabihin pa ni Mr. Ramirez. "Kung ako sa inyo sabihin niyo na kung nasaan ang 'yong apo kundi madadawit kayo sa kasong ito," giit pa ng lalaki. "Maaari kayong kasuhan ng pagtulong niyo sa isang akusado na takasan ang batas." "Huwag ako ang subukin mo, Mr. Ramirez. Walang kasalanan ang apo ko. Kung sino man nag-utos sa inyo na huluhin siya at sirain ang reputasyon niya, hintayin niyo na lang hatol ng kapalaran." Matapang na nilahad ni Mr. Yuzon kanyang nais iparating sa mga pulis. Hindi niya uurungan ang mga ito. Anong halaga na lamang ng kanyang pera, kapangyarihan at impluwensya kung di niya magawang ipagtanggol si Katherine. Gagawin niya pa rin ang lahat para sa dalaga. Di na nakapagsalita pa ang lalaki saka ng dumiretso palabas ng palasyo. "Magpapatuloy pa rin tayo sa paghahanap," utos niya sa kanyang kasama sa team at mabilis na lumabas ng Yuzon compound. Kasalukuyang nag-iisip si Katherine kung saan sila paroroon gamit ang private plane na ito. Naalala niya kanina kung kahanda lahat sa kung paano siya itatakas sa mga pulis. Inihatid pa sila ng isa sa tauhan ng kanyang lolo sa mismong airport. Halos di siya makapaniwala. "Ilang minuto na lang, malapit na tayo!" Dinig niyang saad ni Gabriel sa kanila. Napatitig siya rito saglit at kaagad niya inalis ang paningin sa binata. Hanggang ngayon, masama pa rin ang loob niya rito. Parang napakabigat sa kanya na patawarin ito. "Ok ka lang ba?" tanong sa kanya ni Arianne na kagigising lang din. "Ayos lang ako." Isang tipid na sagot ang ginawad lamang ni Katherine sa kanyang pinsan. Wala talaga siya sa mood para makipagkwentuhan. Naghalo-halo na ang kanyang emosyon sa nangyari- fears, confusion, sadness and regrets. Napabuntong-hininga na lamang siya at tumayo sa kinauupuan. "Magbabanyo lang muna ako." Tumango lamang si Arianne saka tumitig na lang ng view sa katabi niyang bintana. "Saan ka pupunta?" tanong ni Gabriel nang makita itong naglalakad lamang mag-isa. Walang balak itong sagutin ng dalaga at pilit niya maglakad pa muli para magtungo sa CR. Hinarangan kaagad siya ni Gabriel dahilan upang magtitigan sila. "Ehem!" biglang singit na lamang ni Yael sa ganoong eksena. Napatitig sa kanya si Gabriel. "Paraanin mo na ako," sabi ni Katherine subalit ayaw pa rin siya tigilan ng binata. Kaya naman sila Arianne ay napatitig sa kanilang dalawa. "Saan ka nga kasi pupunta?" giit pang tanong ni Gabriel. "Pati ba naman pagpunta ko ng CR, kinukwestiyon mo? My goodness!" Sarkastikong pahayag ni Katherine sa kanyang personal bodyguard. "Wala kang sinabi na C.R ka pupunta. Tinatanong nga kita kanina kung saan ka pupunta?" Wala ng ginawa si Gabriel kundi ang magpakumbaba. Hindi na siya nakipagtalo pa sa dalaga dahil hahaba lamang kanilang diskusyon. Binigyan na niyang daraanan ito saka muling naupo sa dating pwesto subalit hindi naaalis ang tingin niya kay Katherine. "Naks, talagang inlababo ka na kay Ma'am Katherine," saad sa kanya ni Patricio na kumakain lamang ng paborito niyang sitsirya habang kasalo sina Charlie at Yael. Hindi ito kinibuan ni Gabriel at nanatiling tumitig sa bintana ng eroplano. Limang minuto na siyang nakadungaw doon ngunit napansin niyang wala pa si Katherine sa kinauupuan nito. Kaagad siyang napatayo sa kanyang pwesto. Hindi maiwasan ng dalaga ang maluha sa harapan ng salamin. Sobrang sakit na kasi ng kanyang nararamdaman. Tila guguho na ang kanyang mundo sa sitwasyon. Ramdam na ramdam niya ang muli pang pagsikip ng kanyang mundo. Dati may limitasyon lamang pagpunta niya sa mga lugar at ngayon, halos di na niya magagawa dahil hinahanap na siya ng mga pulis. Halos sira na ang kanyang reputasyon at kanyang kalayaan ay mas lalo pang lumiit. Napahinga nang malalim ang dalaga kasabay ang pagpunas ng kanyang luha. Mga ilang sandali ay binalak na rin niya lumabas ng C.R. Natigilan siya na naroon pala si Gabriel. "Ba't antagal mo?" tanong nito sa kanya. Walang gana niya itong tinalikuran. Napakagat ng labi ang binata sa cold treatment sa kanya ni Katherine. Napansin rin niya ang pamumula ng mukha nito na sa tingin niya ay galing sa pag-iyak. Bigla siya nakaramdam ng matinding pag-alala sa dalaga. Kahit nais man niyang hawakan ang mukha nito at i-comfort, di niya magagawa. Hanggang ngayon mainit pa rin ang dugo nito sa kanya. Pagkalipas ng isang oras ay malapit na sila sa isang isla na pag-aari rin ni Mr. Yuzon, ang isla Montereal. "Malapit na tayo." Anunsyo ni Gabriel sa mga kasamahan matapos niya magtungo sa kinaroroonan ng piloto. "Sa wakas!" sambit naman ni Yael na relax lamang na umuupo sa kanyang pwesto. Tahimik lamang si Katherine at wala man siyang kahit isang katiting na reaksyon. Pababa na rin ang eroplano sa isang maliit na isla hanggang sa natigil na ito sa pag-ikot. Mga ilang minuto ay binalak na ring lumabas nila Gabriel. Sinalubong sila ng isang lalaki na nagsisilbing caretaker ng bahay pati ng isla. Si Derick Cuneta. "Tuloy po kayo sa Isla Montereal," bungad niya. "Kaagad ipinaalam sa akin ni Sir Rodelio na ngayong araw ang dating niyo." Kasalukuyan na silang naglalakad patungo sa isang bahay na nakatayo mismo sa isla. Maliit lamang ito kumpara sa bahay na tinitirhan nila sa syudad. Gawa ito sa bricks kaya halata ring matibay ang pundasyon. Napatango lamang si Gabriel at patuloy lamang ang paghakbang ng kanyang mga paa. Ilang sandali ay narating na rin nila ang maliit na mansion at kaagad silang pumasok roon. Maraming mga lalaki rin ang nakapalibot sa loob upang magbantay. Kaagad din silang sinalubong ng isang babae na tila amazona at dalawang pang tila isa ring katiwala sa loob ng bahay. "Ako nga pala si Derick." Pagpapakilala ng binata sa kanyang sarili. "Siya naman si Kendra." Turo naman niya sa babae na may tadtad rin ng masel sa katawan. "Assistant caretaker nitong mansion." Napatitig saglit ang lalaki kay Gabriel dahil hindi niya inaasahang muli sila magkikita nito matapos ang isang taon. Dati silang magkasama sa isang team ng operation nila sa isang humab trafficking syndicate. "Nice to meet you all," mabilis na sambit ng babae sa kanila. "Kung may kailangan kayong tanong o may dapat ipagpaalam, pwede niyo ako lapitan." Halos tumango ang lahat pwera lamang kay Katherine. "Siya ba ang natatanging heiress ni Sir Yuzon?" pagtukoy nito kay Katherine. Si Alfred na ang mismong nakasagot, "Yes, Miss Kendra. Siya nga." Napangiti naman ang babae at tumitig kay Katherine na tila binabasa ang kabuuan nito. "Kamukha ni Sir, hehe." Ngumisi pa ito at ganoon rin ang iba. "Kung gusto niyo na rin magpahinga, magpasama na muna kayo kina Aling Feliciana at Mang Antonio, " singit naman kaagad ni Derick. Napansin rin siya kasing mukhang napagod sila Gabriel sa biyahe at lalo na ginawa nilang pagtakas. "Mataas ang security ng isla kaya madaling ma-detect ang outsider na papasok ng mansion. Kalat ang mga CCTV cameras dito sa loob at maging sa labas ng mansion. May mga cameras ring nakapalibot sa iba pang parte nitong isla." "Maganda kung gano'n." Pagsang-ayon ni Gabriel sa paliwanag nito sa kanila. "Aling Feliciana, maaari niyo na pong bang ihatid ang dalawang binibini natin sa kanilang silid?" utos ni Derick sa ginang. "Kayo po maaaring magpasama na rin kay Mang Antonio sa magiging kwarto niyo," wika naman sa kanila ni Kendra. Nang nakarating na sila Gabriel sa mismong silid ay nagkanya-kanya na silang higa sa mga kama. Lima lamang sila naroon dahil sa kabila pa ang iba pang lima rin nilang kasamahan. "Grabe, ganito pala kayaman ang magiging asawa ni Sir Gabriel oh." Pang-aasar nanaman ni Yael sa kanya. Napangisi lamang si Charlie na katabi lang din niya. "Mayroon akong girlfriend kaya itigil mo na pagli-link mo sa'min ni Miss Yuzon," tugon ni Gabriel sa kanyang kasamahan. "Sus! Kunwari ka pa diyan. Huwag mo ng i-deny. Obvious naman na patay na patay ka kay Ma'am Katherine." Mas lumakas ang tawanan ng tatlo sa pang-aasar pa ni Yael. "Akala mo di namin pansin kanina, tzk!" Huminga nang malalim si Gabriel bago magsalita. "Hindi ko kayo niloloko. Mayroon akong girlfriend. LDR kami." Depensa pa niya ulit sa mga kasama. "Weh?" saad naman ni Patrick. "Pero, ang tanong sino sa dalawa ang mas matimbang sa puso mo?" Matagal-tagal bago nakasagot si Gabriel. Sa ngayon, di pa niya alam ang kasagutan. Mayroon siyang mga bagay na kailangan isaalang-alang pa rin ay iyon ang respeto sa nararamdaman ng iba lalo na sa kababaihan. Nasaktan man niya damdamin ni Katherine sa pagtatago ng kanyang personal identity ngunit hindi naman niya sinadya iyon. Hindi niya alam na mabubunyag tungkol doon. Kasama sa pinag-training niya ang mga ganoong bagay- ang di pagbibigay ng konkretong impormasyon lalo na patungkol sa personal na dahilan at mga iba pang confidential na di maaaring ilahad kung di kailangan. "Di naman pwedeng dalawa di ba?" muli pang saad ni Yael sa kanya. "Kailangan mong magpakatotoo sa ngayon, Boss Gabriel." "Sorry, pero di ko pa rin talaga alam." Naguguluhang sagot ni Gabriel sa kasamahan. "Ok, basta kung nakapili ka na sabihin mo sa amin," bilin ulit sa kanya nito. Tinawanan lamang ito ni Gabriel dahil na nga sa kalituhan at sa kakulitan na rin ni Yael. Hindi mapakali si Melanie kalalakad ng pabalik-balik sa kanillang salas habang hinihintay ang report ng mga pulis. "Ano ba, Mama!" naiiritang saad sa kanya ni Avril. "Pati ako sa inyo nahihilo eh." "Tagal kasi ng mga pulis. Kanina pa tayo naghihintay pero hanggang wala pa silang pahayag tungkol sa nangyari." Bakas na bakas sa mukha ng ginang ang pagkainip sa paghihintay sa mga pulis. "Relax lang, Mama! Don't worry 'cause everything is in control." Pagpapakalma naman sa kanya ni Alicia. "Mabuti pa, maupo ka lang dito at magbasa ng magazine." Inalalayan nga niya itong makaupo. Lumipas pa ng isang oras ay hindi pa rin dumarating mga pulis. Nakataas nanaman ulit ang kilay ni Melanie. Umabot pa ng trenta minuto saka pa lamang tumunog ang door bell sa labas ng kanilang compound. Kaagad tumakbo ang kanilang katiwala palabas. Mga ilang sandali ay naroon na nga ang mga pulis dahilan upang tumayo ang tatlong mag-iina. Hinahanap ng mga ito si Katherine habang nagtitinginan naman ang mga pulis. Binati muna sila nito saka diretsang nilahad ang kanilang report. "Nakatakas po, si Miss Yuzon kaya di naman siya naubutan kanina sa operation." Di makapaniwala si Melanie sa kanyang narinig. "Paano nangyaring nakatakas? Di ba wala naman nakakaalam tungkol rito?" "Iyon nga po ang pinagtataka namin kung paano nila nalaman tungkol rito." Mahinahon pa rin pahayag ni Mr. Domingo na pinuno ng kanilang team. "Bwis*t naman oh! Akala ko mahuhuli niyo na ang bruha na 'yon." Sinigawan ni Avril ang mga ito at nagagalaiti sa galit. "Di man lang ba kayo nag-ingat para di makaabot sa mga 'yon ang impormasyon." Nagpakumbaba pa rin ang kapulisan. "Huwag kayo mag-alala, Ma'am mahahanap pa rin namin siya." "May alam ba kayo kung sino maaaring nagtuturo sa kanila tungkol sa inyong operasyon?" biglang singit naman ni Alicia. "Wala pa kaming nati-trace," tugon pa ng iba pang miyembro ng police team. "Letse naman 'yan. Ano na lang silbi ng pagiging pulis niyo kung di man magawan ng maayos? Parati din kayo tulog-tulog sa pansitan." Hindi pa rin mawala ang pagkairita ni Avril sa resulta ng operasyon. Halos di makapagsalita ang mga ito sa naging pahayag sa kanila ng dalaga. "Hindi pa naman tapos ang paghahanap kay Miss Yuzon. Gagawin namin ang lahat para mahuli siya," wika muli ni Mr. Domingo. "Siguraduhin niyo lang at huwag kayo babalik rito na di pa nahuhuli ang babae na 'yon." Bilin sa kanila ni Melanie. "Kung makita niyo man kung sino ang nagsusumbong sa kabila, iharap niyo sa akin at ako ang papatay." "Siya nga pala dapat 'yong matanda kasuhan din sa pagtatago nito sa kanyang apo?" singit nanaman muli ni Alicia. Nagtinginan muli ang mga kapulisan at huminga nang malalim. Malalagot din kasi sila kay Mr. Rodelio kapag ginawa niya 'yon lalo na kung tinapatan din nito ang halaga na binayad sa kanila ni Melanie. "Sa ngayon, wala pa kaming masasabi diyan," tugon ni Mr. Domingo. Halos di mapalagay ang isa sa kasamahan nito na hawak naman ni Mr. Rodelio. Malakas ang pagtibok ng kanyang puso sa takot. Mga ilang sandali ay pinilit niya maging kalmado muli. "I think you should put into jail that old man. Tinatago niya sa inyo ang apo nito, right? I knew mayroong kaso ang mga ganito," singit naman ni Alicia sa usapan. "Huwag po tayo masyadong magpapadalos-dalos. Mayroong batayan na dapat sundin na naayon aa batas." Hindi na alam ni Mr. Domingo kanyang sasabihin pa sa mga ito. Kailangan niya pa rin maging neutral upang magkabilang panig makakakuha siya ng pera. Tinaasan siya ng kilay ng mag-iina. "Sige, basta di kayo titigil sa paghahanap ng babaing 'yon. Huwag kayo babalik dito hangga't di niyo siya dinadala sa'kin, is that clear?" Tumango lamang ng tahimik ang mga pulis saka na ring lumabas sa malaking bahay matapos ang pagbibigay nila ng report sa mga Lhorin. "Saan na po ang punta natin, Sir?" tanong ng isa pang pulis na may edad na 25. "Hahanapin pa rin natin si Miss Yuzon." Buong tiwalang saad ni Mr. Domingo sa mga kasamahan kasabay ng pagsakay nila sa kotse. BIYERNES NG UMAGA. Kanina pang di napapakali si Katherine katitig sa kanyang cellphone. Napansin din ito ni Arianne sa kanya. "Uy, Kath! May problema ba?" "Kahapon pa ako naghahanap ng signal dito. Wala akong makita." Napailing si Arianne dahil tanging kanyang pinsan lamang ang wala alam tungkol roon sa pagkawala ng signal. "Dalawang network na ginamit ko at saang sulok nitong bahay ako naghahanap, walang signal pa rin." "Syempre isla kaya 'to. Malamang wala ka talagang makukuhang signal," pahayag na lamang ni Arianne. Gusto man niya ipaalam ang tungkol doon subalit hindi maaari. Ibinilin sa kanya nila Gabriel at ang caretaker nitong bahay na huwag ipaalam kay Katherine. Masyadong delikado iyon sa kanya. Maaaring 'yon ang magiging dahilan para mahuli sila. "Tsk! Paano ko matatanggap mga texts ni Denz sa'kin?" Reklamo pa ng dalaga habang nanatili pa ang mga mata nito sa cellphone. Maya't maya ay napansin iyon ng isang caretaker ng mansion na si Kendra. "Ano nangyayari dito?" Palit-palit kanyang tingin kina Katherine at Arianne. "Eh kasi..." Nag-aalinlangan ang dalaga kung siya na ang magpapaliwanag o hindi. Naunahan na siya kaagad ni Katherine. "Wala kasing signal na makita dito mula pa kahapon eh." Napatangu-tango lamang ang babae. Mga ilang segundo ay naroon na rin sila Gabriel pati mga kasamahan nito. "Wala ka talagang mahahagilap na signal dito. Tanging isang cellular site lamang mula sa kilala ni Sir Rodelio ang nandito," paliwanag ni Kendra. Hindi ito maintindihan ni Katherine. "Paano ko naman makakausap mga friends ko?" "Sorry, Miss Yuzon. Hindi ka namin papayagan maka-access ng anumang cellular connection dito. Masyado pong delikado sa inyo. Mas madali tayo matutunton ng kalaban kung gagamit kayo niyon." "Gumagamit din kami ng VPN para mas safe and secure pa rin ang paggamit ng internet," singit naman ni Derick sa usapan. "Fine. Naiintindihan ko," tugon ni Katherine. Ramdam pa rin niya ang frustrations na di maka-access ng internet. Nginitian niya lamang mga ito ng pilit. Napatitig siya kay Gabriel na seryoso pa rin ang itsura nito. Di niya maiwasan pa rin ang mainis sa binata. Alam niyang siya ang nag-utos nito. Wala namang iba na may mataas pang authority sa kanila rito kundi ang lalaki lamang. "I wanna go upstairs." Nagpaalam na lamang siya umakyat patungo sa kanyang silid. Muli siyang napabuntong-hininga dahil na rin sa boredom. May kumatok sa pinto at kaagad niya itong pinagbuksan. Halos di makapagsalita si Arianne dahil sa nagawa niyang pagsisinungaling sa pinsan. Ginawa lang niya 'yon para sa kanilang kaligtasan. "I really hate this life," naiinis na sabi ni Katherine. "Halos wala na'kong kalayaan sa buhay ko. Tapos 'yong career ko nasira. Malas ba ako, Rian?" "Hindi. Hindi ka malas, Kath." Nagpapahinahon naman sa kanya ng pinsan. "Sadyang isinilang ka sa ganitong klaseng buhay na gusto naman ng iba na matamasa." "Anong maganda sa ganitong buhay? Maraming pera, ari-arian, may malaking negosyo at bahay?" giit ni Katherine. "Napapalibutan ka ng mga bodyguards? Actually, mas gusto ko ng simpleng buhay na walang dapat ipangamba." "Naiintidihan kita, Kath pero balang araw mauunawaan mo rin kung bakit." Pagkatapos, nahiga si Arianne sa kama nito at tinulugan siya. Pagkalipas ng dalawang oras ay nanatili pa ring muklat mga mata ni Katherine. Hindi siya makatulog. Sa sobrang pagkainip niya ay naisipang lumabas ng silid at naisipang magpahangin muna sa labas. Tutungo na sana siya palabas ng malaking bahay nang may pumigil sa kanya. "Sorry, Ma'am bilin po sa'kin ni Sir Gabriel bawal daw kayo lumabas." Napatingin sa ere ang dalaga bilang reaksyon. Dumating si Kendra at napatitig sa kanilang dalawa ng tauhan. "Miss Kendra, gusto raw po kasi lumabas ni Ma'am Katherine pero ang sabi ko di pwede," pahayag ng isang lalaki na nagbabantay sa loob ng mansion. "Magpapahangin lang sana ako sa labas," wika rin ni Katherine. "Sige, hayaan niyo muna siya." Natigilan ang lalaki at napangiti naman ang dalaga. "Nababantayan naman siya ng iba pang tauhan sa labas at naka-monitor ang CCTV sa bawat anggulo ng mansion." "Sige po, Miss Kendra," magalang na tugon ng lalaki. Umalis siya sa pagkakaharang niya sa daraanan ni Katherine. Bago man dumiretso ang dalaga ay nagpasalamat siya sa babae. "Huwag ka lang lalayo, Ma'am Katherine kundi malalagot kami kay Sir Rodelio at kay Gabriel," paliwanag ng babae dahilan upang kumunot ang noo ng dalaga. Sinambit kasi nito ang lalaking may atraso sa kanya. "Bakit siya pa rin ba ang nasusunod sa lahat ng galawan dito sa isla?" tanong ni Katherine sa isipan. "Bakit masyado siyang strikto pagdating sa'kin, dahil ba sa makukuha niyang pera kay lolo pagkatapos? Tsk." Tumango lamang si Katherine bilang sagot saka naglakad palabas ng bahay. Naagaw ng kanyang atensyon ang isang maliit na kubo na naroon at mayroong swing. Naupo siya at dahan-dahan ginalaw ito. Mga ilang sandali pa ay bumilis ang t***k ng kanyang puso nang makita si Gabriel. Naglalakad palapit sa kanyang kinaroroonan. Di siya mapalagay dahilan upang kumapit ng todo sa mismong bakal. "Ba't gising ka pa?" bungad na tanong sa kanya. "Di ako makatulog." Maikli lamang ang naging kasagutan ng dalaga. "Parehas pala tayo." Napalingon saglit si Katherine sa binata. Halos di maalis ang titig ni Gabriel sa kanya kaya tila natutunaw na siya dahil sa kakaibang nararamdaman. Ngayon, tuluyan na ng inamin ng binata ang katotohanan sa sarili. Mahal na niya si Katherine at ang dalaga ay kanyang pinili. May balak rin siyang aminin sa girlfriend ang totoo kapag nakabalik na sa normal ang lahat. Mahirap pero kailangan lang talaga niya magpakatotoo sa nararamdaman. Nagdadalawang isip ang binata kung dapat na ba niyang kausapin si Katherine tungkol sa nagawa niya paglihim sa tunay na pagkatao. Nilakasan na lamang niya ang loob. Ito na ang tamang panahon para magkausap sila ng dalaga. Huminga siya nang malalim saka tumitig kay Katherine, "Pwede ba tayo mag-usap? Gusto sana kausapin ka tungkol sa...." Naudlot ang kanyang sasabihin nang bigla ng tumayo ang dalaga sa kinauupuan nito. "I have to go." Subalit, mahigpit na hinawakan ni Gabriel ang kamay ni Katherine at hinatak niya ito para makaupo ulit. Aksidenteng napatitig sila sa isa't isa. "Mag-uusap tayo!" saad ng binata habang nakatitig lamang siya sa mata ng dalaga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD