IT DOESN'T MATTER 01
Isang babae ang nakatayo sa sala at nakatingin sa mga litratong nakalagay sa picture frame. Ang mukha niya ay hindi mapinta, hindi maintindihan kung malungkot o masaya. Basta ang katawan niya ay daretso lamang at tanging mga mata lamang ang gumagalaw. Hinawakan niya ang isang picture frame at bumungad sa kanya ang isang napakagwapong lalaki at isang babae na sobrang cute.
Sa bawat pag-iisip niya ay napapangiti siya. Siya ang babae sa litrato at ang lalaking katabi niya ay ang nag-alaga sa kanya. Ngumuso siya at inilapag ng muli ang larawan. Tinungo niya ang kusina dahil ang ilang katulong sa loob ng bahay ay isinisigaw ang pangalan niya.
"Ingrid Lou!" sigaw ng isang katulong sa bahay at nakahain na ang mga pagkain na binili nila kanina.
Umupo si Ingrid at tahimik siyang kumain. Samantalang ang dalawang katulong na si Lucie at Mel ay nakamasid kay Ingrid. Silang dalawa ang nagbabantay at nag-aalaga sa dalaga. Habang ang ibang katulong sa bahay ay nag-aasikaso sa buong bahay. Ramdam nila ang pagiging malungkot ni Ingrid at halatang alam na nila ang dahilan nito. Wala kasi sa sarili si Ingrid at parang nilalaro lang niya ang pagkain.
"May problema ba?" tanong ng katulong nilang si Lucie at sumang-ayon naman ang isa na si Mel. Pero umiling lamang sa kanila si Ingrid at agad na inubos ang pagkain sa kanyang plato.
Tumayo si Ingrid at umakyat sa kanyang kwarto. Pagpasok pa lang niya ay hinanap niya ang kanyang mga gamit na dadalhin paalis. Kinuha niya ang maleta niya at isinilid lahat ng kanyang kailangan. Mayroon kasi siyang savings ng dahil sa pagtatrabaho niya sa isang pagawaan ng mga bestida. Kaya naman balak na niyang umalis dito at mangupahan.
Sa kanyang pag-aayos, ang mukha ni Ingrid ay hindi maipinta. Puno ng lungkot ang kanyang damdamin simula ng tumira siya rito. Nasasaktan siya at ayaw niyang makita ang taong nagbibigay sakit sa kanya. Hindi niya masisi ang sarili at hindi naman siguro niya kasalanan na mahulog sa taong ito.
Tipid na ngumiti si Ingrid at hinila niya ang isang maleta at mayroon pa siyang sukbit na bag sa kanyang likuran. Habang pababa siya ay napatingin sa kanya si Lucie at Mel. Gulat na gulat sila ng makita siyang may dalang maleta. Kaya agad nila itong nilapitan at tinulungan sa pagbaba ng gamit niya.
"I-Ingrid, bakit may dala kang maleta?" tanong ni Mel sa kanya at umiling lamang ang dalaga sa kanya.
Hindi alam ni Lucie at Mel ang gagawin at siguradong sila ang pagagalitan ng kanilang amo kapag umuwi ito. Hindi nila alam kung tatawagan ba nila ito o hahayaan na sila ang pagalitan. Samantalang ang ibang katulong ay pumasok sa loob ng bahay dahil tapos na nilang linisin ang garden sa labas.
Maging sila ay takang-taka ng makita si Ingrid. Parang kakaiba ang nararamdaman nila sa dalaga at may binabalak itong hindi maganda. Maging ang driver at hardinero nila ay napatingin sa dalaga. Naka-ayos kasi talaga ito at napakalaki ng dala.
"Mauna na ako, pakisabi na lang sa kanya ay hindi na ako uuwi," simpleng saad ni Ingrid at nanlaki ang mga mata nila. Hinarangan naman ng mga katulong ang pinto at hindi nila alam ang dahilan nito.
"S-sandali lang Ingrid, kami ang pagagalitan kapag gan'yan ang sinabi mo. Ano ba ang nangyari?" tanong ni Lucie at umiling lamang siya at nagtangkang pupunta sa pinto para buksan, pero nakaharang pa rin sila.
Bumuntong hininga si Ingrid at tinignan si Lucie, "Bubuksan ko ang pinto, pwede po ba kayong umalis d'yan, kasi nagmamadali na ako."
Bubuksan na sana ni Ingrid ang pinto, pero bumukas iyon bigla at bumungad sa kanya ang taong ayaw niyang makita. Seryoso lang ang mukha nito tulad ng palagi niyang nakikita sa araw-araw. Biglang nawala sa mood si Ingrid ng dahil sa kanyang nakita at nais na niyang umalis, pero siguradong mahihirapan siya ngayon at naabutan siya nito.
"Anong ibig sabihin nito, Ingrid?" tanong nito sa kanya. Lumunok si Ingrid at hindi niya pinansin ang sinabi nito at kinuha ang maleta at lalabas na sana, pero pinigilan siya nito.
"I'm asking you, h'wag mo hintayin na pagtaasan kita ng boses." Parang yelo ang boses nito ng banggitin niya ang mga kataga. Pero malakas na ang loob ni Ingrid at wala siyang pakielam kung pagtaasan man siya ng boses.
"Aalis na ako rito," simpleng ani ni Ingrid at tumaas ang kilay nito sa kanya at tumawa na parang talagang wala siyang pakielam sa nararamdaman niya.
"Lalayas ka? Saan ka naman titira?" pilosopong tanong nito sa kanya, kaya naman napahawak sa sintido si Ingrid at tinignan niya ito sa mata at hindi nagpakita ng kahit na anong emosyon.
"Sa boyfriend ko." Parang binuhusan silang lahat ng tubig na malamig ng dahil sa sinabi ni Ingrid. Habang ang isang kausap ni Ingrid ay namumula at kakaiba ang awra.
Galit na galit na ito ng dahil sa sinabi ng dalaga. Kaya naman pinaharangan niya ang pinto at umupo siya sa sofa, dahil alam niyang hindi naman basta makakalabas ng bahay ni Ingrid. Tinignan niya ito na may inis at kapag napapatingin siya sa maletang dala at mas lalong namumuo ang galit niya sa katawan.
"Pierce Key Fourth, I'm telling you. Alisin mo ang mga ito at aalis na ako," sabi ni Ingrid at nakatayo pa rin siya sa gitna ng kanilang sana at hinihintay na umalis ang mga katulong sa pinto.
Nagawang banggitin ni Ingrid ang buong pangalan ng taong ayaw na niyang makita. Gusto niyang umalis sa kadahilanan na makalimutan niya ang lalaki dahil hindi naman siya binibigyang pansin nito kahit na ano ang gawin niya.
Palibhasa ang tingin sa kanya ni Pierce ay isang hamak na bata lamang. Simula ng tumira sa Ingrid sa bahay ni Pierce, naging miserable ang buhay niya. Palagi niyang ipinapakita na mahal niya ito, pero hindi man lang siya nito pinapansin at puro na lang pag-aaral ang laging binabanggit nito sa kanya. Kaya naman naisipan niyang umalis na lang. Nagbabakasakali kasi siyang hanapin siya nito at baka ma-realize na mahal din siya.