"Saan mo gusto pumunta?" tanong ni Brix.
"Wala akong alam na restaurant. Ikaw na lang ang bahala." Ngumiti si Gaile at pinaandar na nito ang kotse.
Habang nasa sasakyan, hindi niya mapigilan ang mapatingin kay Brix. Sa nangyari sa unang pagkikita nila, sino bang mag-aakala na magiging mabait ito sa kaniya? Pero ang tanong, bakit ang bait-bait nito? Imposible namang magkagusto ang binata sa kaniya! Sino ba naman siya kumpara sa mga babaeng nakilala nito sa alta sosyedad?
"Hey! May dumi ba ko sa mukha? O baka napansin mong napakagwapo ng kasama mo?" Ngumiti ito nang pilyo kaya ibinaba niya ang kaniyang tingin, hindi niya mapigilan ang pamumula ng kaniyang mukha.
"Bakit ang tahimik mo? May problema ba?"
Hindi niya alam ang sasabihin. Sobrang bilis na ng pagtibok ng kaniyang puso. Nagulat si Gaile nang biglang tumigil ang kotse. Nasa harap sila ng jollibee.
"Jollibee?" Nakakunot ang noo niya habang nakatingin sa mascot ni Jollibee. May birthday party sa isang parte ng establisyemento.
"Yeah. Ayaw mo ba rito?"
"Paborito ko si jollibee," bahagya siyang ngumiti.
"Mabuti naman. Hindi ko alam kung saan mo gusto kaya dito na lang kita dinala. I hope you didn't mind?" Ngumiti ito na pang-commercial model ng toothpaste. Wala na! Hindi na siya makatingin sa binata. "Alam mo, para kang wala sa sarili. Kumain na lang tayo." Hinawakan nito ang kaniyang kamay nang pumasok sila sa loob. Maraming tao, halos walang bakante na mauupuan.
"Anong gusto mo?" abala si Gaile sa paglinga-linga para humanap ng puwesto. "Gaile..." muling tawag ng binata kaya lumingon siya rito. Isang pulgada lang ang pagitan ng kanilang mukha. Napatitig ang dalaga sa mga mata nito, para siyang nahi-hypnotize. "Anong gusto mong kainin?" Ang bango ng hininga nito, amoy mint.
"K-kung ano ang order mo, ganoon na rin ang sa akin." Umayos ng pagkakatayo ang dalaga, mukha kasi siyang tanga kanina. Nakapikit pa talaga siya habang inaamoy ang hininga ng binata!
"Okay, sige. Two one-pice chicken, 2 large coke, spaghetti, large fries at one choco crumble. Dine in." Binayaran nito ang pagkain nila at pumunta na sila sa upuan malapit sa bintana. "Okay na ba sa 'yo iyan o gusto mo pa?"
"Okay na ito, ang totoo marami na ito, baka hindi maubos." Halos hindi magkasya sa lamesa ang mga pagkain. Pakiramdam tuloy ni Gaile, bibitayin na siya bukas.
"Okay lang iyan. Mainam nga nang tumaba ka."
Nagsimula nang kumain ang dalawa. Inuna ni Gaile ang spaghetti, subo lang siya nang subo. Kanina pa kasi siya gutom. Nakita niya na nakatitig si Brix kaya nagdahan-dahan siya sa pagnguya.
Ngumiti ito sabay abot sa mga labi ng dalaga. May nakakalat na sauce sa gilid ng bibig niya at pinunasan nito iyon gamit ang daliri. Sinubo nito ang sauce sabay sabing "Yummy," at ngumiti na naman!
"Thanks..." Pinunasan ni Gaile ng tissue ang kaniyang bibig. Pakiramdam niya ay gusto niyang matunaw sa hiya!
"No problem. Kumain ka pa nang kumain," ganoon na nga lang ginawa niya, wala rin naman siyang maisip na sabihin.
"Pagkatapos natin kumain, may pupuntahan ka pa ba?" Tiningnan ni Brix si Gaile, bigla niyang nilunok ang kinakain kaya siya nabulunan. "Dahan-dahan, ito ang tissue." Ito na mismo ang nagpunas sa bibig niya. "Okay ka na ba?" puno ito ng pag-aalala.
"Ayos lang ako," alanganin siyang ngumiti rito. "Wala na akong pupuntahan. Bakit mo natanong?"
"Gusto mo bang pumunta sa Star City."
Napamulagat siya sa sinabi nito pero ngumiti pa rin pagkatapos. "Sige sama ako, pero hindi ba nakakahiya kasi matanda na tayo?"
"Okay lang iyan. I'm a kid at heart! Ganoon ka rin ba?"
"Medyo? Hindi kasi ako makatulog sa gabi 'pag hindi ko kayakap ang teddy bear na binigay ni Mama noong ika-pitong kaarawan ko."
"Ang cute mo siguro 'pag tulog." Nangalumbaba ito at tinitigan si Gaile sa mata. Para siyang napapaso kaya umiwas siya ng tingin at muling nag-umpisa sa pagsubo.
"Tara, kain na tayo ulit?" Hindi niya inalis ang tingin sa kinakain. Tumawa lang ito at kumain na rin ulit.
Pagkatapos nilang kumain, sumakay ulit sila sa kotse para pumunta ng Star City. Hindi mapigilan ni Gaile ang excitement. Unang beses pa lang niyang makakapunta roon. Pagkatapos ng pakikibaka nila sa traffic, nakarating na sila makalipas ang mahigit isang oras. Inihinto ni Brix ang kotse sa parking lot at inilalayan si Gaile na bumaba. Naglakad sila papunta sa ticket booth. Bumili ang binata ng ride-all-you-can ticket.
"Ayan nakabili na ako ng ticket. Saan mo gustong pumunta?" kinabahan siya dahil wala siyang alam sa lugar na iyon.
"Ikaw na ang mamili."
"Tara, doon tayo sa snow world." Hinawakan nito ang kamay niya habang naglalakad. Napapansin niyang maraming babae ang napapatingin kay Brix. Kunsabagay, ano pang hahanapin mo sa iba na wala sa binata? Si Brix ang masasabing ideal man ng kahit sino. Gwapo, matangkad, macho, mayaman, sweet, at hindi makatotohanan.
Pumila sila sa snow world. Binigyan sila ng asul na jacket upang panlaban sa lamig. Tinulungan pa siya ni Brix na isuot iyon. "Thanks."
Maya-maya lang ay binuksan na ang pinto para makapasok na sila sa loob. "Wow! Ang ganda rito...." Para talaga siyang nasa ibang bansa, may mga ice sculptures ng seven wonders of the world at mayroong malaking slide sa pinakagitna. 'Pag nagsasalita siya, may lumalabas na usok sa kaniyang bibig. Sobrang lamig sa loob. Pagala-gala ang mga mata niya kaya hindi niya napansin si Brix na kumuha ng nyebe sa gilid at ibinato sa kaniya. Sapul siya sa mukha!
Tumawa nang malakas si Brix. "Ayan kasi... Kung saan-saan ka nakatingin."
Kumuha rin si Gaile ng nyebe sa gilid at ibinato sa binata pero sa balikat lang ito tumama. Tumakbo si Brix at hinabol ng dalaga. "Hoy Brix, 'wag ka ngang tumakbo. Para tayong mga isip-bata na naghahabulan," sigaw niya. Hindi sumagot ang binata bagkus ay dinilaan lang siya ng loko. Tatakbo sana ulit siya para habulin ito nang bigla siyang nadulas. "Ay!..."
Kitang-kita ng dalaga kung paano lumapit nang mabilis si Brix at hinapit ang kaniyang beywang. Pakiramdam niya, tumigil ang ikot ng mundo. Nakatitig siya sa mga mata nito, nakatitig ito sa mga mata niya. Biglang bumaba ang tingin ni Brix sa mga labi niya. Hahalikan kaya siya nito? Unti-unti na nitong inilalapit ang mukha nito kaya napapikit ang dalaga nang biglang...
"Mama, tignan mo sila, o?" Napamulat si Gaile at nakita na nakatingin pala sa kanila ang ibang nandoon.
"Tara, sa iba naman tayo pumunta," aya ni Brix. Mabilis na tumalikod ang binata kaya naman hindi na nakita ni Gaile ang pamumula ng mukha nito.
Pumunta sila sa mga horror house at sumubok ng iba't-ibang rides, kumain ng mga paborito nilang pagkain. He loves pizza and she loves ice cream. Hindi na nila napansin ang pagdaan ng oras.
"Gabi na pala. Dapat siguro ay umuwi na tayo," paalala ni Gaile sa binata habang nakatingin sa suot niyang wrist watch.
"Oo nga, eight pm na pala. But before we go, pikit ka muna."
Kahit puno ng pagtataka, sinunod ni Gaile ang sinabi nito at pumikit. Parang sasabog sa kaba at excitement ang kaniyang puso. Makakamit na ba niya ang kaniyang first kiss?
"Open your eyes."
"T-teddy bear?" isang malaking puting teddy bear na may pulang laso sa leeg ang hawak ni Brix. Nasaan ang kiss?
"Do you like it?" abot tenga ang ngiti nito.
"Thank you sa gift, Brix. Pero paano at kailan mo ito binili?" ito ang teddy bear na tinitignan ni Gaile sa tindahan kanina.
"If there's a will, there's a way," sabay kindat nito sa kanya. "Tara, ihahatid na kita."
Tumango si Gaile at lumabas na sila ng theme park. Medyo malamig na kaya niyakap niya ang teddy bear na ibinigay ng binata. Noong nasa parking lot sila, binuksan ni Brix ang pinto sa passenger's side ng kotse at pinasakay siya. Para siyang prinsesa, laging pinagsisilbihan. Umikot ang binata at umupo na sa driver's seat.