Chapter 11

1425 Words
Mabilis na lumipas ang isang linggo. Hindi nakadalaw si Brix kina Gaile dahil marami siyang trabaho. Nang makahanap siya ng oras, kaagad siyang dumiretso sa bahay nila Gaile. Dumaan muna si Brix sa flower shop at bakeshop upang bumili ng isang bouquet ng pulang rosas at black forest cake. Pagkatapos ng isang oras na pagmamaneho, huminto siya sa harap ng bahay ng mga ito at tumawag sa gate. "Tao po?" Bitbit niya ang kaniyang mga pinamili upang ipanregalo sa mag-ina. Maya-maya, lumabas ang nanay ni Gaile. "O, Brix, napadalaw ka. Halika, pumasok ka muna." Pinapasok siya ng nanay ni Gaile sa gate. Nakasunod siya rito habang papasok sa loob ng bahay. "Upo ka muna rito sa sofa. Wala pa kasi si Gaile." Umupo naman siya at ipinatong ang dala niyang mga bulaklak sa tabi. "Salamat po. May binili po pala akong cake, pasensya na po kung matagal bago ako nakapunta rito." Ngumiti si Perla at kinuha ang kahon ng cake. Pumunta ito ng kusina. Pagbalik nito, meron na itong hawak na platito ng isang slice ng cake at orange juice. Inabot ni Perla iyon sa kaniya. "Magmiryenda ka muna, Brix." "Salamat po, pasensya na sa abala. Bakit po hindi rin kayo magmiryenda?" "Okay lang ako hijo, kumain kasi ako ng kakanin kanina. Pero tanong ko lang, alam ba ni Gaile na dadalaw ka ngayon?" Uminom muna si Brix ng juice bago sumagot. "Hindi niya po alam. Sorpresa po sana ang pagdalaw ko sa kaniya." "Ganoon ba. Sige, iwan muna kita rito. Maghahanda lang ako ng hapunan, maya-maya uuwi na rin si Gaile." "Salamat po." Umalis na si Perla at muling bumalik sa kusina. Matiyagang naghintay si Brix kay Gaile pero wala pa rin ito. Pagkatapos ng mahigit isang oras, nagpasya na siyang umuwi. Lumabas si Nanay Perla habang nagpupunas ng kamay. "Wala pa rin ba si Gaile?" tanong nito. "Wala pa rin po. Mauuna na po ako, babalik na lang ako bukas. Pakisabi na lang po sa kaniya na dumaan ako rito, sa inyo na po ang mga bulaklak." "Sige hijo, mag-ingat ka." Ngumiti si Brix at tumayo na. Lumabas siya at kinapa ang susi sa bulsa niya. Binuksan niya ang pinto ng kotse at sumakay na. "Nami-miss na kita Gaile...." Dahan-dahan niyang pinatakbo ang sasakyan habang iniisip ang babaeng minamahal. Nag-aalala siya dahil alas-otso na ng gabi pero wala pa ito sa bahay. * * * * "Kotse yata 'yon ni Brix." Nagtago si Gaile sa likod ng puno. Maya-maya, nakita niya si Brix na galing sa bahay nila. Pauwi na ang binata. Pinaandar nito ang kotse hanggang sa mawala na ito sa paningin niya. "Pumunta siya rito..." Unti-unting lumabas si Gaile sa pinagtataguan niya. Umaagos ang mga luha sa kaniyang mga mata. Kusang pumapatak, hindi niya mapigilan. Akala niya ay naubos na ang kaniyang mga luha pero nagkamali siya Ramdam niya pa rin ang sakit. Pero sa loob ng kaniyang puso, isang bagay ang hindi niya magawang kalimutan... Niloko at sinaktan lang siya ni Brix. "Tama na ang pag iyak, wala kang mapapala," sabi niya sa sarili. "I will be fine." Pinunasan ni Gaile ang kaniyang mga luha at pinilit na pinakalma ang sarili. Pumasok na siya sa bahay nila nang maramdamang ayos na siya. "Mama nandito na po ako," pilit siyang ngumiti. "O, anak, dumalaw dito si Brix. Hindi mo ba nakasalubong diyan sa labas?" "Hindi po Mama." Nagmano si Gaile pero hindi makatingin sa mga mata ng ina. "May problema ba kayo?" Nakatitig sa kaniya ang ina. "W-Wala po." Pero trinaydor siya ng kaniyang mga mata, bigla na lang siyang napaluha nang hindi sinasadya. "Wala raw pero umiiyak ka." Niyakap siya ng ina habang hinahaplos ang kaniyang likod. "Mama... Ang sakit-sakit..." Yumakap na rin siya sa ina dahil pakiramdam niya, nanghihina na siya. "Anong problema? Sabihin mo sa 'kin." Sa pagitan ng mga pagsinok at paghagulgol ni Gaile, ikinuwento niya sa ina ang lahat ng narinig niyang sinabi ni Brix. "Walang hiya naman pala ang lalaking iyon! Hinding-hindi na siya makakaapak sa pamamahay natin!" Hinigpitan ni Perla ang yakap sa anak. "Salamat po, Mama." Pinunasan ni Gaile ang mga luha sa kaniyang mga mata at pisngi. "Magpakatatag ka anak, malalampasan mo rin ang lahat ng ito. Punasan mo nga iyang sipon mo, tumutulo na." Hindi napigilan ni Gaile ang ngumiti. "Mama talaga..." "Tara, kumain na lang tayo," aya ni Perla. Magkaakbay ang mag-ina na pumunta sa kusina. * * * * Muling pumunta si Brix kina Gaile kinabukasan, gusto niyang makita at makausap ang dalaga. "Tao po?" Nakabukas ang mga ilaw pero nakasara ang pinto. "Tao po? Si Brix po ito, Aling Perla, puwede po bang pumasok?" May dala ulit na isang pumpon ng mga pulang rosas ang binata. Tumawag siya nang tumawag sa tarangkahan ng bahay ng mga ito pero walang lumalabas. Pagkatapos ng ilang minuto, lumabas si Perla sa bahay. Mukha itong seryoso kaya kinabahan si Brix. "Huwag ka nang pumunta rito Brix." Nawala ang ngiti sa kaniyang mga labi. "Bakit po? May nagawa po ba akong mali? Pakiusap, sabihin niyo naman po sa 'kin." Lalong nainis si Perla sa kaniyang sinabi. "Sinaktan mo ang damdamin ng anak ko pero nagtatanong ka pa kung saan ka nagkamali? Pinaglololoko mo ba ko?" Umalis si Perla sa harap ni Brix. "Huwag ka nang pupunta rito!" Pumasok na ulit ang matanda sa loob ng bahay at isinara nang malakas ang pinto. "Gaile.... Please.... I want to talk to you. Hindi ko alam ang sinasabi niyo. Please let me explain!" sigaw siya nang sigaw. Nakita niyang pinatay ang ilaw sa kuwarto sa itaas. "Hinding-hindi ako aalis dito hangga't hindi mo ako kinakausap!" Nanatili lang si Brix na nakatayo sa tapat ng gate. Lumipas ang isang oras, wala pa rin. Muling lumipas ang ikalawang oras ngunit kahit anino ni Gaile ay hindi makita ng binata. Biglang bumuhos ang ulan. Nanatili siyang nakatayo kahit masakit na ang kaniyang mga paa at binti. Sa ikatlong oras, nilalamig na ang buong katawan ni Brix. Napansin niya na lang na sumasabay ang kaniyang mga luha sa pagpatak ng ulan. Napayuko si Brix dahil sa kawalan ng pag-asa. Bago siya sumakay sa kotse, muli siyang sumulyap sa bintana pero wala siyang nakita. Pinaandar niya na ang kotse at umalis. Nanginginig na siya at masama ang pakiramdam pero nakauwi pa rin siya nang ligtas. "Hijo, anong nangyari sa 'yo?" sinalubong siya ng ina. "Nanay Tessing gumawa po kayo ng soup, nanginginig nang husto si Brix." Hinawakan ni Vera ang kaniyang noo. "Oh my God son, ang taas ng lagnat mo." Inakay siya ng kaniyang Mommy papunta sa kuwarto at kumuha ng pamalit na damit. "Change your clothes hijo at kukuha ako ng gamot sa medicine cabinet." Tumango na lang ang binata at sumunod. Pagkatapos niyang magbihis, humiga na siya sa kama. Saka naman dumating sila Tessing at Mommy niya. May dalang chicken soup at tubig si Tessing, lalagyan ng mga kapsula naman ang hawak ni Vera. "Nanay Tessing, ako na po ang bahala kay Brix. Matulog na kayo." "Opo Ma'am." Umupo sa gilid ng kama si Vera at pinahigop siya ng soup. "Anong nangyari anak? Bakit basang-basa ka?" Hinaplos ng ina ang kaniyang mukha. "Mom, bakit ganoon? Sabi ng Mama ni Gaile, sinaktan ko raw ang anak niya. Mom, alam niyong hindi ko kayang gawin iyon, 'di ba?" Inilapag ni Vera ang bowl ng soup sa side table at hinawakan ang kaniyang kamay. "Anak.... Sa tingin ko, narinig ni Gaile ang pinag-uusapan niyo ni Michelle doon sa hammock." Namutla ang binata sa mga sinabi nito. "Uminom ka muna ng gamot." "Thank you, Mom." Uminom naman si Brix pero parang wala siya sa sarili. Umalis si Vera, bumalik ito na may hawak na envelope. "Read this Brix." Ibinigay sa kaniya ni Vera ang isang envelope. "Para saan ito, Mom?" "Read it. It will answer all your questions."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD