Binuksan ni Brix ang envelope. Halos mapanganga siya sa nabasa. Nakatitig siya sa puting papel na hawak niya. It's a DNA result.
"Paternity test ni Tito Marco at Gaile?" Tumingin siya sa ina pero wala itong sinasabi. "And the result is 99.9999998 %..... Anong ibig sabihin nito Mom? Hindi ko maintindihan."
"Simula nang makita ko ang litrato ni Gaile sa resume niya, nagkaroon na ako ng kakaibang kutob. Kaya nang pumunta siya rito, gumawa ako ng paraan para magkaroon ng sample ng DNA ni Gaile."
"Ibig sabihin, magkapatid si Nhico at Gaile? But how? Matalik kong kaibigan si Nhico mula pa noong mga bata kami pero wala siyang nababanggit tungkol sa nawawalang kapatid."
"Hindi ko kayang sagutin ang mga tanong mo. Maybe you should talk to your Tito Marco and Tita Sarah about that." Tumango lang si Brix at hindi makapagsalita. He doesn't know what to say or think... "Brix.... Can I ask you a personal question?"
"Yes, Mom. You can ask anything." Ngunit ibinaling ni Vera ang tingin nito sa pinto, hindi nagsalita kaagad. "Nagbago na ang isip ko. May sakit ka pa. You should rest." Hinalikan siya ni Vera sa noo bago umalis kasama ang DNA result. Nakaramdam siya ng kaunting ginhawa dahil sa gamot. Ipinikit ng binata ang kaniyang mga mata para makatulog.
Pumunta si Brix sa bahay nila Gaile kinabukasan nang bumaba ang kaniyang lagnat. Hindi pa rin siya kinakausap ng mag-ina. Ilang araw ang lumipas, patuloy pa rin siya sa pagpunta sa mga ito hanggang sa natiyempuhan niyang pauwi na sila Perla at Gaile sa bahay ng mga ito.
"Anong ginagawa mo rito?" tanong agad ni Perla na nakakunot ang noo.
"Gusto ko lang po sana kayong makausap," magalang niyang sagot.
"Wala na tayong dapat pag-usapan." Tatalikod na sana si Gaile para pumasok sa gate pero hinawakan niya ang braso nito. "Bitawan mo ako." Hindi ito nakatingin sa kaniya pero ramdam ng binata ang galit sa pananalita nito.
"Pumunta lang kayo bukas ng Mama mo sa bahay. This will be the last time... Pagkatapos noon, lalayuan ko na kayo." Pagkasabi noon, tumingin ang dalaga sa kaniya nang masama. Inalis nito ang kamay ni Brix na nakahawak sa braso nito at pumasok na sa bahay.
Nasabi na niya ang kailangan niyang sabihin kaya umalis na siya. Kailangan pa niyang pumunta sa bahay nila Nhico. Gusto niyang magkaharap-harap ang mga ito bukas ng gabi.
* * * *
Umupo si Gaile sa sofa pagkapasok niya sa bahay. Nanginginig ang kaniyang mga tuhod at kalamnan sa simpleng paghawak ng binata sa kaniyang braso... Pakiramdam niya, may malakas na boltahe ang dumaloy sa kaniyang katawan. Sa tindi ng sakit na kaniyang naramdaman, hindi pa rin pala nawawala ang epekto ni Brix sa kaniya. Lumapit ang kaniyang ina at hinagod ng palad nito ang kaniyang likod.
"Hindi ko alam kung ano pa ba ang kailangan sa iyo ng lalaking 'yon. Pero isa lang ang alam ko, ayokong nakikita kang nasasaktan at umiiyak, anak."
"Salamat po sa suporta, Ma. Pero sa tingin ko, kailangan nating pumunta sa kanila bukas. Kailangan nang matapos ang lahat ng kalokohan niya."
"Sige, sasamahan kita bukas anak." Umiyak na naman si Gaile sa balikat ng kaniyang ina. Ito lang kasi ang nag-iisang niyang kakampi.
* * * *
Pumunta ang mag-ina sa bahay nila Brix. Kinakabahan si Gaile. Hindi niya alam ang gagawin, parang gusto niyang umatras pero pinisil ni Perla ang kamay niya na para bang sinasabi nito na kahit anong mangyari ay magiging maayos ang lahat. Lumakas ang loob niya. Pinagbuksan na sila ng gate ng guwardiya. Dinala sila ng katulong sa family room. Pumasok silang dalawa na magkahawak ang kamay.
Nagkukuwentuhan at nagtatawanan ang lahat pero tumigil ang mga ito nang makita silang mag-ina, parang nakakita ng multo ang mga ito. Pero ang pinakanakakuha ng atensyon ni Gaile ay ang lalaking kausap ni Brix. Kamukhang-kamukha niya ito! May pinong kirot siyang naramdaman sa kaniyang puso. Binasag ng Mommy ni Brix ang katahimikan.
"Gaile, please take a seat. Salamat po sa pagpunta niyo." Nakatingin kay Perla ang Mommy ni Brix. Samantalang si Perla, namumutla at ang lamig ng mga kamay. "Kaya namin kayo pinapunta ritong mag-ina ay para magtanong sa nanay mo."
"Anong ibig sabihin nito?" Nanginginig at naluluha ang babae na nakaupo sa couch. Yakap-yakap ito ng asawa nito.
"Please, calm down, Sarah," pakiusap ni Vera sa babae.
May ibinigay na brown envelope si Brix kay Gaile. Nakatingin ang lahat sa kaniya kaya binuksan niya iyon kahit nanginginig ang kaniyang mga kamay. Malabo ang nakikita niya... To her surprise, umiiyak pala siya. It was a DNA Result na nagsasabing isang Marco Santillan ang kaniyang ama. Pero bakit? Paano? Sino ang taong iyon? At sino ang mga bisita sa bahay nila Brix?
"A-anak... Pasensya ka na..." Bigla na lang umiyak si Perla. "S-sila ang mga totoo mong mga magulang."
Tila tumigil ang ikot ng mundo ni Gaile sa sinabi ng kinilalang ina. Umiiling-iling siya habang unti-unting lumalapit ang mag-asawa sa kaniya.
"Ma! Please... Ano po bang sinasabi niyo? 'Di ba, kayo ang Mama ko at patay na ang Tatay?"
Si Perla naman ang umiling. "Patawad anak... Nagsinungaling ako. Ang totoo, kinidnap ka ng tatay mo mula sa kanila. May sakit kasi ang nag-iisa naming anak na si Rachel, wala kaming pera na maipampapagamot sa kaniya kaya gumawa ng paraan si Ramon. Nakita niyang nanggaling ka sa mayamang pamilya kaya inisip niyang kidnapin ka at ipatubos sa halagang isang milyon. Pero nang kukunin na ni Ramon ang pera, nabaril siya ng isa sa mga pulis. Nalaman ko na lang ang lahat noong sinabi sa 'kin ng mga pulis. Natakot akong baka hulihin din nila ako kaya itinago kita." Halos hindi na ito makahinga dahil sa paghagulhol. "Gaile... Anak...Sana patawarin mo ako. Namatay si Rachel dahil hindi kami nakabili ng gamot. Inisip ko na lang na ikaw ang kapalit niya." Halos lumuhod si Perla sa harap niya. Wala siyang masabi.
"Matagal ka na naming hinahanap ng Daddy mo, anak. Ilang taon kaming naghanap sa 'yo." Umiiyak ang bisitang babae at hinawakan ang kamay niya.
"Halos mawala sa sarili ang Mommy Sarah mo noon kaya umalis kami papuntang America." Naiiyak na rin ang ang lalaki.
"Mommy... Daddy..." Niyakap ni Gaile ang totoo niyang mga magulang na parang walang katapusan. Unti-unti siyang kumalas sa pagkakayakap ng mga ito at humarap sa kinilala niyang ina. Hinawakan niya ito at pinatayo.
"Wala na po sa akin ang ginawa niyo Mama. Ang mahalaga ay inalagaan at pinalaki niyo ko nang maayos."
"Salamat, anak. Maraming salamat." Tinapik ni Sarah ang balikat ni Gaile.
"Anak, Gusto kong makilala ang twin brother mo, si Nhico." Nagkatinginan silang dalawa.
"I have no doubt Mom, she definitely looks like me." Lumapit si Nhico at niyakap siya. "I'm so happy to finally meet my long lost twin sister." Natawa siya sa sinabi nito at niyakap din ang kakambal.
"So... Pretty ka pala kapag naging babae ka, Sweety." Tawanan ang lahat sa sinabi ni Sofia.
Pakiramdam ni Gaile, siya na ang pinakamasayang tao sa mundo pero bigla niyang nakita si Brix na nakatingin sa kaniya. Lumabas ang lahat at pumunta sa komedor. Kailangan daw mag-celebrate. Naiwan sila ni Brix sa kuwarto.
"I'm so happy for you." Nakangiti ito habang naglalakad papalapit sa kaniya. Humakbang siya papalayo, huminto naman ito sa paglapit sa kaniya.
"Maraming salamat sa ginawa mo para sa akin at sa pamilya ko."
"Walang anuman---"
"Pero nakikiusap ako sa iyo, tuparin mo sana ang pangako mo." Hindi na niya pinatapos sa pagsasalita ang binata at umalis na kaagad.
Palabas na siya ng pinto nang muli itong magsalita. "Sandali..." Huminto siya sa paglakad pero hindi humarap sa binata. "Ito ba talaga ang gusto mo?"
"Oo." Iyon lang at iniwan niya na si Brix sa loob ng kuwartong iyon.