HUSTONG alas-dose ay nasa ibaba si Harley at niyaya siyang mananghalian sa canteen.
"Mauna ka na, Harley. Pinatatapos ni Keith ang compilation ng sick leave forms ng mga tao."
"Hindi pa rin naman ako nagugutom, eh." Hinila ng binata ang isang upuan at naupo roon. "Desiree naman. Huwag mo naman akong pahirapan. Ano pa ba ang gusto mong gawin ko?"
Isang nababagot na paghinga ang binitiwan niya. "Hindi kita pinahihirapan, Harley, kung marunong ka lang tumanggap ng sinasabi ko. Break na tayo simula noong araw na makita kita sa restaurant kasama si Nicole. At wala akong balak makipagbalikan sa iyo ulit," matigas niyang sagot.
"Bakit ganyan kang magsalita?" Tumaas ang tinig nito. "May ipinagmamalaki ka ba rito? Alam mo bang kaya kitang paalisin sa trabaho?"
Napatitig si Desiree sa lalaki. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niya ang tunay na kulay ng dating katipan. And was only too glad that she was now out of his life.
"Nasaktan bang masyado ang pride mo na malamang hindi ko gustong makipagbalikan sa iyo? Dahil ba sa hanggang sa mga sandaling ito ay kaya kong humarap sa iyo nang nakataas ang noo?"
Namula na nang husto ang binata sa galit. "s**t, Desiree! Pagsisisihan mo ang ginagawa mong ito."
"Nagsisisi na ako, Harley," she said in a false calm. "Pinagsisisihan kong naging boyfriend kita. You're nothing but an asshole!"
Nanlaki ang mga mata ng binata. At kung wala marahil ang dalawang empleyado sa purchasing ay baka kung ano na ang masamang salitang lumabas sa bibig nito.
"Hindi pa tayo tapos mag-usap, Desiree!"
Hindi pinagtuunan ng pansin ni Desiree ang sinabi ni Harley. Walang anumang nagpatatuloy ng trabaho hanggang sa makalimutan na rin ang pagkain.
Natapos ang maghapong iyon subalit hindi niya narinig si Lance. Ni hindi siya makapagtanong sa sekretarya nito kung ano ang ginagawa nito. At hanggang sa magalas-singko ay wala pa rin siyang natanggap na mensahe mula kay Lance. Minabuti niyang sumabay na lang kay Keith sa pagbaba.
Sa elevator ay nakasabay ng dalawa sina Harley at Nicole.
"Hi, Keith," bati ni Nicole. "Kailan ka manganganak?" tanong nito. Pagkuwa'y inilipat ang mga mata kay Desiree.
"Dalawang buwan na lang ang hihintayin ko. Si Desiree nga pala..." Ipinakilala siya ni Keith. "Siya ang magiging reliever ko."
"Oh, we've met," wika ni Nicole at binalingan si Desiree. "Noong nasa restaurant kayo at sa itaas ay nagkita rin kami sa opisina ni Lance, 'di ba?"
"Yes, of course," sagot ng dalaga.
"Bakit ka nga pala nasa itaas kahapon, Desiree? Ano ang sinadya mo kay Lance?" Usisa ni Nicole na biglang ikinailang ni Desiree. Hindi agad nakasagot.
"May gusto lang malarnan si Lance tungkol sa assignment ng mga tao sa bagong project, Nicole," agad na salo ni Keith. "I was so busy yesterday. Isa pa ay bahagi ng training ni Desiree iyon.."
"T-that's right," ani Desiree na nakahinga nang maluwag. "H-hello, Harley." sapilitang bati niya sa lalaki na ang sama ng mukha sa pagkakatingin sa kanya.
"Magkakilala ba kayo, Harley?" nagtatakang baling ni Nicole sa lalaki. Ikinawit ang braso sa braso nito.
Paismid na ngumiti ang binata. "Magkakilalang-magkakilala, Nicole. Dati naming boarder si Desiree."
"0w?" Tumaas ang mga kilay ni Nicole.
Pinaglipat-lipat ang paningin sa dalawa. "Why, that's interesting..."
Ipinagpasalamat ni Desiree ang paghinto ng elevator at ang pagbukas niyon. Hinayaan nila ni Keith na maunang lumabas ang dalawa.
"Bakit ganoon na lang ang tingin sa iyo ng ex mo'? Kung nakamamatay ang tingin nito ay kanina ka pa bumulagta sa sahig," komento ni Keith.
"Hindi ko na lang siya pinapansin, Keith."
"Ganoon na nga lang. Poor loser ang lalaking iyon. At saka ano pa ba naman ang ipinaghihimutok niya at ayun at nakita mo naman na parang linta kung makakapit sa braso niya si Nicole."
"Hayaan mo na nga ang lalaking iyon. Idadaan mo ba ako sa grocery?"
"Oo. Doon din naman ang daan ko pauwi sa amin." Binuksan nito ang kotse at pinapasok si Desiree at umikot sa driver seat pagkatapos.
"Dapat ay hindi ka na nagmamaneho sa kalagayan mo." ani Desiree nang nasa daan na sila.
"Kaya ko pa naman. Isa pa, next month aysimula na ng leave ko. Kapag nahirapan ka sa trabaho ay magpatulong ka kay Fauna."
"Madali lang naman ang trabaho. Kaya ko na iyon."
PAGKAGALING sa Unimart ay nag-taxi na si Desiree pauwi sa townhouse. Iniayos niya sa refrigerator ang kapirasong pinamili. Gusto niyang ma-shock sa presyo ng binili niyang isda sa loob ng grocery. Pero Wala siyang alam na palengke na malapit sa Greenhills.
Ganoon pa man ay nakadama ng kasiyahan ang dalaga. Sa kauna-unahang pagkakataon ay magluluto siya.
Nang maisalang niya ang lulutuin ay pumasok siya sa banyo at nagtimpla ng warm bath sa tub. Naglagay ng bubble soap na dinatnan na niya roon kasama ng ilan pang mga gamit pang-banyo na puro panlalaki. May bente minutos din marahil siyang nagbabad sa maligamgam na tubig bath tub bago umahon. She never thought that bathing could be so relaxing and enjoyable.
Hindi pa man ay nanghihinayang na siyang matatapos ang luxury na iyon sa sandaling bumalik sa Pilipinas may-ari ng unit.
Pedal pusher at maiksing kamiseta ang isinuot niya. Tinuyo ang mahabang buhok sa blower at nilagyan ng clamp paitaas, pagkatapos ay lumabas ng silid.
Napatili siya sa gulat nang paglabas niya ay siya namang pagsungaw ni Lance sa pinto sa sala-
"Nagulat na naman ba kita?" amused na tanong ng binata. Isinarang muli ang pinto. "P-paano kang nakapasok?" naitanong niya iyon bago pa niya nakita ang susing hawak nito.
Muling ipinasok ni Lance sa bulsa ng pantalon ang susi. Niluluwagan ang necktie habang humahakbang patungo sa sala.
Sinagot pa rin ni Lance ang tanong niya, stressing the obvious. "Darling, may sarili akong susi. Hmm... ang bango ng niluluto mong ulam." Sinulyapan nito ang nakasalang sa kalan. "Ano ang niluluto mo, Ginutom tuloy ako kaagad."
Hindi niya pinansin ang komento nito sa niluluto niya.
"B-bakit ka may sariling susi?" And again, she knew it was a stupid question.
Lumakad si Lance papalapit sa kanya. At bago pa siya nakahakbang paatras ay nahapit na siya nito sa beywang at nahagkan sa ibabaw ng tenga.
"I missed you today. Ang daming trabaho kanina. Dalawa ang meeting ko nitong hapon na," wika nito na tila ba ipinaliliwanag sa kanya kung bakit ni hindi siya nito natawagan sa intercom sa buong maghapon.
"Y-you don't have to explain. Naiintindihan ko naman na busy kang tao."
"Miss me?" His voice in a husky caress. His face above hers at nararamdaman niya ang paghaplos ng mainit na hininga nito sa mukha niya. And his eyes had that hunger look. Warmth and excitement flooded her.
She cleared her throat and smiled. Sinisikap na itago ang kakaibang damdamin sa tuwing nagkakalapit sila nang ganito.
Idinaan niya iyon sa biro at panunukso. "You can't know how much, Mr. Ordoñez," she teased.