-=m*******e's Point of View=-
Hindi na nga ako nagpatumpik-tumpik pa, kaya naman matapos ang klase namin ng araw na iyon ay sinimulan ko na ang pagmamanman kay Rick.
Alam ko kasing kung wala naman itong lakad ay madalas itong nanatili sa school ng late na, at mukhang hindi exempted ang araw na ito, dahil namataan ko itong pabalik sa kanyang temporary office.
"Ano bang ginagawa natin dito?" Narinig kong tanong ni Sandy sa akin.
Dapat ay kanina pa ito nakauwi, ngunit dahil sa pamimilit ko dito ay wala na itong nagawa kung hindi ang pumayag sa gusto ko, kahit na nga ba labag iyon sa kalooban niya.
Dapat lang niya akong suportahan, gayong sinuportahan ko ang relasyon, at pagmamahalan nila ni Brent, oras na para tulungan naman ako nito.
Kaya naman pagkatunog na pagkatunog pa lang ng bell para i-signal ang pagtatapos ng lahat ng klase ay dumiretso kami dito sa bakanteng lote kung saan namin naabutan si Rick.
Katulad ng dati ay madami pa ding mga babaeng estudyante ang pumupunta dito para landiin ang future boyfriend ko sana, huwag lang talaga sanang bakla ito dahil sobra akong masasaktan.
Wala naman akong problema sa kanila, iyon nga lang ay gustong-gusto ko si Rick, kaya naman sigurado akong madi-disappoint kung magkatotoo man ang naiisip kong iyon.
"Nandito tayo dahil gusto kong malaman kung totoo ba ang naiisip ko, huwag naman sana," hindi ko napigilan na mapatingin sa langit habang sinasambit ang mga iyon.
Mas lalo namang naguluhan si Sandy sa sinabi kong iyon, hindi ko kasi napagtapat sa kanya kaninang lunch break ang naisip, at ngayon nga ay kinakatakutan kong mangyari.
"Natatakot kasi na baka..." Hindi ko matuloy-tuloy ang gusto kong sabihi kay Sandy, kaya naman nagmuwestra na lang ako na parang nababali ang kamay.
"Huh?" Naguguluhan pa din nitong tanong, mukhang wala talaga itong alam maliban sa pag-aaral na kahit simpleng gesture ay hindi nito alam.
"Natatakot kasi ako na baka... beki siya," sinabi ko dito, ngunit dahil mahina ang pagkakasabi ko sa huling dalawang salita ay mukhang hindi pa din nito iyon narinig.
"Natatakot akong baka bakla si Rick!" Dahil sa inis, at frustration ko ay hindi ko na napigilan ang sarili kong isigaw dito ang kinatatakutan ko, mabuti na lang talaga, at walang ng ibang tao sa paligid kaya naman walang nakarinig sa sinabi kong iyon.
Agad ko naman napansin ang panglalaki ng mga mata ni Sandy nang marinig ang sinabi kong iyon, halata kasi na nagulat ito sa naiisip ko na sana lang ay huwag magkatotoo.
"Seryoso ka ba, Jane? Si Rick pa talaga? Eh lalaking-lalaki ang taong iyon," napapailing na sinabi ni Sandy.
Hindi ko naman napigilan na mapailing nang marinig ang sinabing iyon ni Sandy, maaring sa iba ay maniniwala ako kapag narinig ko iyon, pero hindi si Sandy.
Oo nga at matalino ito, walang duda doon, pero more on sa academics lang ito, ano bang malay nito patungkol sa mga lalaki, lalo na at unang boyfriend niya si Brent na kung hindi pa dahil sa akin ay baka hindi pa naging silang dalawa.
"Sandy... Sandy... Sandy," umiiling na sinabi ko.
Nagsalubong naman ang mga kilay ni Sandy sa ginawi kong iyon, bigla ko tuloy napansin na medyo makapal na naman pala ang kilay nito, at kailangan na naman naming magpunta sa mga salon para ayusin, at pantayin ang kilay nito.
"Anong ibig mong sabihin?" Hindi na napigilan ni Sandy na magtanong nang hindi agad ako nagpatuloy sa pagsasalita.
"No offence, Sandy. Alam naman natin na matalino ka talaga, pero ang totoo ay madami ka pang hindi alam, lalong-lalo na sa mga lalaki. Kung titingnan mo si Eduard, iisipin mo bang papatol siya sa kapwa niya lalaki?" Nananantiyang tanong ko dito.
Agad namang gumuhit ang realization sa reaksyon ng mukha nito nang marinig ang sinabi kong iyon, mukhang nakuha naman nito ang gusto kong sabihin kaya naman hindi na ako nag-abalang i-elaborate ang sinabi ko sa kanya.
Muli namang bumalik ang tingin ko sa nakasaradong pinto ni Rick, at ilang minuto pa ang nakalipas nang sa wakas ya lumabas na ito ng kuwarto, at kapansin-pansin din na dala na nito ang kanyang mga gamit na ang ibig sabihin ay uuwi na din ito.
Minabuti kong huwag magpakita dito, at palihim itong sundan, sa tuwing umuuwi kasi ito ay hindi ko alam kung baka meron pa itong dinadaanan, kaya naman naisipan kong sundan ito ngayon.
Mabuti na lang din talaga, at hindi na nagtanong pa si Sandy, at minabuti nitong sumakay sa sasakyan ko ng walang tanong-tanong, iniwan na lang din nito ang sariling sasakyan dahil nangako akong ihahatid ko ito sa kanila, at bukas naman ay susunduin na lang daw ito ng nobyo nitong si Brent para sabay na silang pumasok sa school.
Alam ko na din naman ang address ng bahay ni Rick, pero katulad nga ng nasabi ko noon ay hindi ko naman ito pupuntahan sa kanila, dahil may delikadesa pa naman ako, at hindi ako basta-basta dadalaw doon, unless kung siya mismo ang mag-iimbita sa akin doon.
Alam kong may bahay ito sa Quezon City, kaya naman hindi na ako nagtaka nang mapansing patungo ito sa isang subdivision sa Quezon City.
Halatang hindi basta-basta ang naturang subdivision, kaya nga hindi na ako nagtaka nang patigilin ako ng nagbabantay na security guard sa entrance ng subdivision.
"Good evening mga Ma'am, saan po tayo?" Nakangiting tanong ni Manong Guard sa akin.
Sinadya ko naman na ibaba ng todo ang salamin ng kotse ko, at isang matamis na ngiti ang gumuhit sa mapupula, at maninipis kong mga labi.
Lihim naman akong nagdiwang nang mapansin ko ang naging epekto ng pagpapaganda ko kay Manong Guard, lalo na nang mapansin ko ang paglunok nito sa laway nito.
"Kasama ko po kasi ang boyfriend ko, iyong lalaking nauna," sagot ko naman dito na nanatili pa din ang ngiti sa aking mga labi, at para mas maging kapani-paniwala ay sinabi ko pa ang pangalan ni Rick, at pinakita ko ang larawan namin nito.
"Ahh ganoon po ba? Pero bakit wala pong nabanggit si Sir na may kasama siya?" Nagtatakang tanong nito, napakamot pa nga ito sa ulo nito na nauubusan na ng buhok sa tuktok.
Bigla namang lumungkot ang itsura ko nang marinig iyon, pero ang totoo ay umaarte lang ako para mas maging kapani-paniwala ang sasabihin kong dahilan.
"Kasi po, Sir. Nagkatampuhan kami ni Rick, kaya naman gusto ko sana siyang sopresahin, kaya naman po pakiusap kuya, hayaan ninyo na akong sundan ang boyfriend ko para naman magkaayos kaming dalawa," malungkot na malungkot kong sinabi dito.
"Ahhh ganoon po ba? Sige po pumasok na kayo, at sana maging maayos ang relasyon ninyo ni Sir, bagay na bagay pa naman kayo," ang sinabi nito.
Lihim naman akong napaismid dahil mukhang hindi pa talaga pumapalya ang galing ko sa pag-arte, at muli akong nagpasalamat dito bago ko tuluyang sinarado ang salamin ng kotse ko.
Hindi naman nakaligtas sa paningin ko ang naging reaksyon ni Sandy sa nakita nitong performance ko, at kung paano ko napapayag si Manong Guard.
"Iba ka talaga, Jane," ang sinabi nito.
Hindi ko alam kung nang-iinsulto ba ito, o talagang hinangaan nito ang ginawa ko, ngunit hindi ko na masyado pa itong pinansin, at tinuon ko na lang ang atensyon ko sa pagmamaneho.
Ilang minuto din ang ginugol ko sa pakikipag-usap kay Manong Guard, at hindi ako sigurado kung makikita ko pa ang kotse ni Rick, mabuti naman, at saktong naabutan ko itong pinapasok ang kotse sa isang malaking bahay sa bandang kanan.
Hindi ko alam kung dapat ko bang ihinto ang kotse ko, at manmanan ito, o maglakas ako ng loob na lapitan ito mismo, ngunit bago pa man ako makapag-decide ay namalayan ko na lang na pinapaandar ko pa din ang kotse ko.
"Anong ginagawa mo?!" Nahihintatakutan na tanong ni Sandy nang walang ano-ano ay drinive ko ang kotse malapit na malapit sa hulihang bahagi ng kotse ni Rick, ngunit bago pa man tuluyang dumikit ang nguso ng kotse ko sa sasakyan nito ay agad ko iyong tinigil kasunod ng malakas na busina.
Nagmamadali naman akong bumaba sa kotse ko, at lumapit sa sasakyan ni Rick, kunwari ay hindi ko alam na sa kanya ang sasakyang iyon.
"I'm sorry... hindi ko kasi namalayan ang.... Rick?" Kunwari ay nabibigla kong tanong dito nang bumaba ito sa sasakyan.
Maski ito ay halata ang pagkagulat na makita ako sa lugar na iyon, at sa mismong oras pa na iyon kung kailan kakauwi lang ni Rick sa bahay nito.
"Jane? Anong ginagawa mo dito?" Naguguluhang tanong nito, at agad kong napansin ang pagdududa sa mga mata nito, kaya naman bago pa man ito magduda ay inunahan ko na ito.
"Hindi ko alam na dito ka pala nakatira! Ihahatid ko lang kasi si Sandy sa kanila," paliwanag ko dito, at para mas maging kapani-paniwala ay tinawag ko pa si Sandy para bumaba ng kotse.
"Hi," ang naiilang na sinabi ni Sandy, hindi nito alam ang sinabi kong dahilan kay Rick, kaya muli akong nagpatuloy sa pagsasalita.
"Rick, this is Sandy my bestfriend at school, and Sandy, this is Rick. Siya iyong guest speaker noong assembly meeting," kunwaring pagpapakilala ko sa dalawa, at mabuti na lang dahil walang sinabing kakaiba si Sandy.
"I'm really sorry, Rick. Hindi ko namalayan kasi ang kotse mo, nabangga ko ba siya?" Nag-aalalang tanong ko dito, sinadya ko pang lapitan ang likurang bahagi ng kotse nito para tignan iyon.
"Hindi mo naman ako nabangga kaya huwag kang mag-alala, at kung nabangga mo man ang kotse balewala sa akin iyon," ang nakangiti nitong sinabi.
Gusto ko pa sana itong makausap, pero alam ko naman na magtataka pa ito, kung sakaling hindi ko ihatid sa "kanila" si Sandy, kaya mabigat man ang loob ko ay kailangan ko ng magpaalam dito.
"Sige, Rick. Baka naiistorbo na kita, pumasok ka na sa loob," sagot ko dito.
"Sige, Jane. Mag-ingat ka sa pagmamaneho," sagot naman nito.
Ilang sandali lang ay muli na itong bumalik sa kotse nito, at nagpatuloy sa pagpasok sa sasakyan nito sa loob, imbes na bumalik sa kotse ko ay nanatili ako sa kinatatayuan kong iyon, at nang tuluyan na ngang makapasok ang kose ni Rick ay nagmamadali naman akong sumilip sa gate ng bahay nito.
"Draco!" Narinig kong sinabi ni Rick, halata sa boses nito ang labis na saya.
"Draco? Hindi ba pangalan ng lalaki iyon?" Sa loob-loob ko habang hinihintay ang tinawag nitong Draco, ngunit muntik ko ng mabatukan ang sarili ko nang sa wakas ay makita ko kung sino ang Draco na tinatawag nito, isa pala iyong siberian husky na aso.
Buong akala ko kasi ay may ka-live in ito na lalaki na ang pangalan ay Draco, ngunit kahit nalaman kong aso pala ang kasama nito ay hindi agad akong umalis, at sandali pa akong naghintay, ngunit sampung minuto na siguro akong nakasilip sa may gate ay wala na akong nakitang ibang tao doon.
Napansin ko naman na isang kotse lang ang naroon, kaya malamang sa malamang ay wala itong ibang kasama sa bahay.
"Satisfied?" Narinig kong tanong ni Sandy nang sa wakas ay bumalik na ako sa kotse ko, ngunit bigla akong napailing.
"No, hindi pa ako satisfied, hindi naman ibig sabihin na mag-isa lang siya sa bahay na iyan ay straight siya, malay mo naman hindi pa sila nagsasama ng boyfriend niya," matigas kong nasabi.
Pagkakataon naman ni Sandy na mapailing sa pinapakita kong tigas ng aking ulo, hindi na lang ako nagkomento pa, at nagpatuloy na ako sa paghahatid kay Sandy sa bahay nito na hindi dito sa subdvision kung saan nakatira si Rick.
Nangako ako sa sarili ko na hindi pa ako titigil, hanggang hindi ako nakakasigurado sa totoong pagkatao ni Rick, mahirap na at baka umaasa lang ako sa wala.
Madali lang kasi kung wala itong gusto sa akin, makakagawa naman ako ng mga bagay na magiging dahilan para magustuhan ako nito, pero mahirap kung sakaling mula sapul ay wala na pala akong pag-asa, dahil iba ang gusto nito, at hindi babae iyon.
May naisip na din akong sunod na gagawin ko, at binabalak ko naman na gawin iyon bukas na bukas, sakto kasi Friday kaya puwede akong mag-stay ng late.