CHAPTER 13: Rick Saavedra

1614 Words
-=m*******e's Point of View=- Hindi ko alam kung gaano na ba ako katagal nakatunganga, habang pinapanood ang masayang pag-uusap ng magkapatid, halatang-halata ko ang closeness, at pangungulila ng dalawa. Hindi pa din ako makapaniwala na ang lalaking pinapangarap ko na guwapo, matipuno, amoy mabango, at may magandang buhok ay kapatid pala ng lampa, nerd, talunan, at paborito kong laruan na si Kevin Saavedra. I mean, kung pagkukumparahin mo silang dalawa ay hindi mo mahahalata na magkapatid ang dalawa, naisip ko tuloy na hindi kaya ampon ang lampang si Kevin? Magandang lalaki naman si Richard, at maganda naman si Lizza, kaya nakakapagtaka na magkaroon sila ng ganitong anak na tulad ni Kevin. Si Rick, no doubt na anak ng mag-asawa ang guwapo kaya ng future boyfriend, at future husband ko, kaya hindi ninyo ako masisisi kung sakaling pagdudahan ko na anak din ng mag-asawang Saavedra ang talunan, at lampang bata na katulad ni Kevin. Ilang sandali pa ang nakalipas nang sa wakas ay maramdaman ni Rick na hindi lang sila ng kapatid nito ang tao sa bahay na iyon. Pakiramdam ko ang biglang lumundag ang puso ko nang mapatingin ito sa akin, sobrang pagpipigil ang ginawa ko para hindi nanghihinanag mapaupo sa sahig ng dahil sa magagadan nitong mga mata na napapalibutan ng mahahabang-pilikmata. Naisip ko ngang baka namumukhaan ako nito mula sa assembly sa school, baka naman naakit ito sa kagandahan ko, pero huwag naman sana nitong maalala ang nakakahiyang nangyari kanina, well, kasalanan naman iyon ng Mommy nito dahil inutusan ako ni Lizza na puntahan ang lampa, este si Kevin. "And you are?" Nagtatakang tanong nito sa akin. Aminado ako na na-disappoint ako dahil mukhang hindi ako nito natandaan mula kanina, pero ok lang iyon, dahil medyo malayo naman ang puwesto ko, at maraming estudyante kanina sa auditorium, pero nararamdaman kong matatandaan na ako nito. "I'm m*******e, but you can call me Jane. Ako ang babysitter ng cute mong kapatid," sagot ko. Hindi naman nakaligtas sa paningin ko ang paraan ng pagtingin sa akin ni Kevin na para bang nawi-weirduhan ito sa sinabi kong iyon, at dahil na din sa takot na mabuking ako ay palihim kong tinignan ito ng may pagbabanta nang sandaling malingat si Rick. "Oh hi! Ako nga pala si..." Magpapakilala sana ito, ngunit sa kalutangan ko ay naputol ko ito sa pagsasalita. "Rick Saavedra," wala sa sariling namutawi sa mga labi, ngunit nang makita ko ang pagkunot ng noo ni Rick nang dahil sa sinabi kong iyon ay nagmamadali naman akong nagpaliwanag dito. "Hindi ba nag-speech ka sa school namin," kinakabahan kong sinabi dito, at saka pa lang ako nakahinga ng maluwag nang makita ko ang realization sa mukha nito. "Right, student ka ba sa school na iyon?" Nakangiting tanong nito sa akin. "Oo, nandoon nga ako, at nakaka-inspire ang speech mo," pambobola ko dito, kahit na nga ba wala akong masyadong narinig sa mga sinabi nito, dahil nga nakatuon ang buong atensyon ko sa napakaguwapo nitong mukha kanina. "Mabuti naman, at nagustuhan mo ang speech ko, kinotrata na din ako ng school sa ipapatayong building sa east wing ng campus, kaya matagal mo pang titiisin ang itsura ko sa school ninyo," natatawang biro nito, na siyempre ay tinawanan ko din. Sabi nga nila, gusto ng isang lalaki na nasasakyan mo ang jokes nila, at dahil doon ay kailangan kong tumawa sa lahat ng mga jokes nito, kahit na nga ba ang halos sa kalahati sa mga jokes nito ay waley. Gusto ko pa sanang makakuwentuhan ito, ngunit ang buwisit na si Kevin, biglang naglambing sa kapatid nito, gusto daw nitong kumain ng kanin, at ulam. "Hindi ka pa ba kumakain?" Nakakunot-noong tanong nito. Kinabahan naman ako nang pinaglipat nito ang tingin mula sa akin, pabalik sa kanyang kapatid. Ayoko namang isipin na ginugutom ko si Kevin, at siguradong magiging bad-shot na ako dito, mabuti na lang, at nagpaliwanag si Kevin dito. "Kumain na kami, kaso ham and cheese sandwich lang," paliwanag ni Kevin. "Ahh... oo nga, hindi kasi ako marunong magluto, pero nagbabalak na akong matuto," mabilis kong sinabi dito. Mukha talagang kailangan ko ng matutong magluto, para naman mapaghanda ko ng makakain ang future boyriend ko, nang marinig nga iyon ni Rick ay nakangiti na nitong binuhat si Kevin papasok ng kusina. Pakiramdam ko ay hihimatayin ako sa kilig ng sinuot nito ang apron na nasa kusina, imbes kasi na mabawasan ang pagka-manliness nito ay para pa ngang nadagdagan ang appeal nito para sa akin. Ganito ang mga tunay na lalaki, hindi nangingiming magsuot ng apron dahil sa takot na baka matawag na kung ano-ano, para sa akin kasi ay kung tiwala ka sa kasarian mo ay hindi mo iisipin ang mga ganoong bagay. Mas lalo akong humanga nang makita kong marunong talagang magluto si Rick, mukhang hindi ko na nga kailangan matutong magluto, dahil siguradong hindi ako magugutom kung magkatuluyan kaming dalawa. "Matagal din kasi akong natira sa ibang bansa, at dahil wala naman akong ibang maasahan doon kung hindi ang sarili ko ay kailangan kong matutunan ang mga gawaing bagay, katulad nitong pagluluto," paliwanag nito nang mapansin nito ang humahangang tingin ko sa kanya. Agad namang kumalam ang sikmura ko nang maamoy ko ang nakakagutom, at mabangong beef steak nito, nasisigurado kong masarap ang niluluto nito. Habang hinihintay na maluto ang ulam ay nagsalang na din ito ng sinaing sa rice cooker. Excited na talaga akong matikman ang luto ni Rick. Sino ba naman ang mag-aakalang ang taong hinanahap ko ay siya pa mismong magpapakita sa akin, well technically, nagkataon lang na nasa bahay ako ng mga magulang nito nang magpunta ito, kaya hindi ko masasabing nagpakita ito sa akin, more on, tinadhana na magkita kami ngayon, which is much romantic, if I might add. Inabot din siguro ng mahigit thirty minutes nang sa wakas ay matapos na ito sa pagluluto, at para magpakitang gilas dito ay ako na mismo ang nag-ayos ng mga gagamitin namin sa mesa, ngunit sakto naman nang marinig namin ang pagbubukas ng pinto, kaya sabay-sabay kaming dumiretso sa sala. "Good evening po, Mr. and Mrs. Saavedra," magalang na bati ko sa mga ito, ngunit hindi sa akin nakatuon ang atensyon ng mga ito, kung hindi sa kakadating lang na anak ng mga ito. "Rick? Ikaw ba talaga yan?" Hindi makapaniwalang tanong ni Lizza habang masayang-masayang nakatingin sa binata. "In the flesh," nakangiting tugon naman ni Rick. Nang marinig iyon ay nagmamadaling pumasok ang mag-asawa, at mahigpit na niyakap ang kanilang panganay na anak. "Sana nagpasabi ka para nasundo ka namin sa airport," ang nakangiting tugon ni Richard sa aanak. "Eh di, hindi sana kayo na-suprise kung sinabi ko sa inyo ang pagbabalik ko," sagot naman ni Rick. Sandali pang nagkuwentuhan ang mga ito, habang si Kevin ay nagpabuhat sa kuya nito, habang pinapanood ang mga ito ay para bang nakikita ko na ang magiging pamilya ko. Kapag kasi nakasal na kami ni Rick ay magiging anak na din ako nila Richard, at Lizza, at dahil sa naisip kong iyon ay kailangan kong magpabango pa sa kanila. Alam ko naman na gustong-gusto nila ako, dahil sa magaling ako sa pagbabantay kay Kevin, pero hindi sapat iyon, dahil sa ngayon ang tingin lang nila sa akin ay isang babysitter lamang, kailangan nilang makita na future daughter-in-law din ako, at nababagay ako para sa kanilang panganay na si Rick. "Mabuti pang lumabas tayo para i-celebrate ang pagbabalik mo. Richard, magpa-book ka na kaya sa..." Ngunit hindi pa man natatapos ni Lizza ang sasabihin nito nang pinigilan naman ito ni Rick. "No need, Mom. Actually, kakatapos ko lang magluto ng hapunan, at sa tingin ko naman ay kasya sa ating apat iyon," ang sinabi ni Rick sa ina. Sandali akong napaisip nang mag-register sa akin ang sinabi nitong bilang, sinabi kasi nito ay para sa apat na tao. Apat na silang pamilya, ibig bang sabihin ay hindi ako kasama na sasabay sa pagkain nila? Sakto naman nang sa wakas ay mapansin ni Lizza na naroon pa ako, at kita ko ang pagkagulat sa mukha nito. "Sorry, Jane, kung nahuli kami ng uwi, may naging emergency pa kasi," paghingi ng paumanhin ni Lizza. "Oo nga, Jane. Don't worry, dadagdagan ko ang sahod mo," nakangiting pangako ni Richard naman. Hindi naman ako manhid para hindi maramdaman na pinapaalis na ako ng mag-asawa, at kahit mabigat sa loob ay napilitan na akong maglakad palabas ng pinto, ngunit bigla naman akong nabuhayan ng loob nang marinig ko ang pagtawag sa akin ni Rick. Agad umusbong ang pag-asa sa dibdib ko na aayain na muna ako nitong kumain bago ako umuwi, kaya naman puno ng pag-aasam akong tumingin dito. "Nice meeting you, Jame. Mag-ingat ka," nakangiting pahabol nito. "Nice meeting you too, Rick. Salamat," pilit na ngiting sagot ko dito. Pakiramdam ko ay mas lalo pa akong na-down, dahil umasa akong aayain ako nito, kaya naman nang makasakay na ako sa kotse ko ay inis na inis kong pinaghahampas ang manibela ng kotse ko. "Nakakainis talaga," hindi ko mapigilan masabi, kung hindi dahil kasi sa biglaang pag-uwi ng mag-asawang Saavedra ay baka nag-eenjoy na akong kasabay kumain kasama si Rick, at baka mas madami pa akong malaman mula dito, ngunit agad kong pinakalma ang sarili ko. "Relax, Jane," maaring disappointed ka ngayon, pero isipin mo naman, hindi mo na kailangan magpaka-detective para alamin kung paano, o saan mo maaring makita si Rick," pagpapalakas ko ng loob. Nang maisip nga iyon ay agad ng kumalma ang inis ko, at nang paandarin ko ang kotse ko ay malapad na ngiti na ang nakaguhit sa mapupula, at maninipis kong mga labi na hinding-hindi pa nahahalikan, dahil nirereserba ko ang first kiss ko sa aking future boyfriend na si Rick Saavedra.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD