-=m*******e's Point of View=-
Halos hindi ako nakatulog kagabi, sobra kasi akong excited para dumating ang araw na ito, kahit nga sa mga klase ko kahapon ay hindi ko nagawang makapag-concentrate dahil sa iniisip ko ang pagdating ng araw na ito.
Ngayong araw kasi ang unang date namin ni Rick, I mean pamamasyal namin sa Enchanted Kingdom. Ok fine! Saling-pusa ako sa pamamasyal ng magkapatid, pero balewala lang sa akin kahit magmukha ako ng saling-pusa, dahil ang mahalaga naman ay makakasama ko ang lalaking pinapangarap ko.
Nararamdaman ko na labis ko ng nauungusan si Rachelle, dahil sa pakikipaglapit kong ito kay Rick, at dadating din ang panahon na tuluyan na akong magugustuhan ni Rick.
Hindi pa ata sumisikat ang araw ay gising na ako ng umagang iyon, ito ang unang pagkakataon na kusa akong nagising ng ganitong kaaga, madalas kasi ay mahilig ako sa mga last minutes bago bumangon sa kama ko, pero ngayon ay naunahan ko pa ang alarm na sinet ko sa cellphone ko.
Matapos mag-inat-inat ay agad na akong dumiretso sa kusina para maghanda ng almusal ko, naghanda na din ako ng sandwiches na kakainin namin sa biyahe.
Naisip ko kasing mas personal kung magdadala ako ng pagkain kaysa bumili ako sa mga madadaanan naming mga fast-food chains, mas mabuti ng maisip ni Rick na responsable akong babae na iniisip din ang kalagayan ng iba, at para na din ipakita kay Rick na concern ako sa welfare, at health ng kapatid nitong si Kevin.
Mabuting habang maaga pa ay maisip nito na magiging mabuti akong ina ng magiging anak namin, at kung may isang bagay akong hinding-hindi ko gagawin ay ang pabayaan ang anak ko sa ibang tao.
Sisiguraduhin kong bibigyan ko ng importansya ang magiging mga anak namin, at hindi sila magagaya sa akin, at kay Kevin.
Nang ma-realize ko ang naiisip ko ay agad ko iyong winaksi sa aking isipin, hindi ko na kasi dapat pang iniisip ang bagay na iyon, lalo na at wala naman akong halaga sa kanila.
Imbes na patuloy na isipin ang bagay na iyon ay minabuti ko na lang na ipagpatuloy ang paggawa ko ng sandwiches, dalawang klase ng sandwich ang hinanda ko, meron akong chicken sandwich, at egg sandwich na sa tingin ko naman ay magugustuhan ni Rick, at ni Kevin.
Hindi na ako nag-abalang magkanaw pa ng maiinom, madami naman akong bottle juiced drink sa ref, kaya iyon na lang siguro ang dadalhin ko mamaya.
Matapos maghanda ng kakainin namin ay agad na akong bumalik sa kuwarto para naman ihanda ang mga dadalhin ko, pagkakataon ko na kasi ito para makita ako ni Rick ng hindi naka-uniform.
Oo nga at nagpapakita naman ako dito ng naka-civilian, pero iba pa din iyong matagal niya akong makikita na suot ang isang magandang damit na sigurado akong babagay sa akin.
Nang maisip nga iyon ay nagmamadali na akong namili ng mga susuotin ko sa pag-alis naming ito, tatlong set ang plano ko sanang gamitin ngayong araw na ito.
Unang ay simpleng puting shirt na titinernuhan ko ng maong na shorts, at sneakers, bagay kasi ang kasuotan na iyon lalo na at sobrang init ngayong mga araw na ito.
Matapos kong maihanda ang mga kakailanganin ko ay agad na akong pumasok sa banyo para maligo. Halos isang oras din akong naligo, at matapos ko ngang patuyuin ang katawan ko ay saka ko pa lang sinuot ang napili kong damit.
Minabuti kong huwag ng magsuot ng make-up, well maliban sa pulbos, at manipis na lipstick ay wala na akong ginamit pang iba, gusto ko kasing magmukhang maganda sa mga mata ni Rick na hindi nito nahahalata na nagpapaganda ako sa kanya.
Sandali kong pinasadahan ang itsura ko sa malaking salamin na nasa kuwarto ko, at nang makita ko nga ang reflection ko sas alamin ay isang ngiti ang nanilay sa aking mga labi.
Ang fresh kasi kong tignan na bagay din naman sa edad ko, hindi kasi ako katulad ng ibang babae diyan na pinipilit magmukhang matured, dahil para sa akin ay mas nagmumukha silang trying hard kumpara sa gusto nilang maging itsura nila.
Makailang ulit din siguro akong tumingin sa salamin bago ako nakontento sa nakikita ko, at nang matapos nga noon ay bumababa na ako sa sala para doon na lang hintayin ang mga ito.
Sajkto naman nang mag-ring ang cellphone ko, at mas lalo pa nga atang lumapad ang pagkakangiti kong iyon nang makita ko ang pangalan na nag-register sa screen ng phone ko.
"Hello?" Malambing kong sagot dito.
"Good morning, Jane. Malapit na kami sa inyo mga ten minutes na lang siguro," ang sinabi ni Rick sa kabilang linya.
"Ahhh sige, ready na ako, mag-ingat kayo," nakangiti kong sinabi dito.
Katulad nga ng sinabi nito ay inabot din ng halos sampung minuto nang makarinig ako ng sunod-sunod na pagbusina sa tapat ng bahay ko, at nang makita kong sila Rick ang mga iyon ay nagmamadali akong lumabas ng bahay habang dala-dala ko ang mga hinanda kong sandwiches, juices, at kung ano-ano pa.
Agad namang bumaba si Rick ng kotse para salubungin ako, at ganoon na lang ang pagkakatigalgal ko nang makita ko ang itsura nito.
Malayong-malayo kasi ang itsura nitong noong unang nakita ko ito, kahit na nga ba sa tuwing makikita ko sa school.
Simpleng puting polo-shirt lang, at khaki na three-fourts ang suot nito na tinernuhan nito ng kulay cream na sneakers, pero dahil sa kasimplehan ng suot nito ay mas lalo tuloy lumutang ang angking kaguwapuhan nito.
Pakiramdam ko ay ilang sandali lang ay tatalon na sa dibdib ko ang puso ko sa bilis ng pagtahip nito, ngunit mabuti na lang talaga, at na-control ko pa ang sarili ko, kung hindi ay baka napahiya na ako dito sa oras na malaman nitong gustong-gusto ko siya.
"Tulungan na kita," nakangiti nitong sinabi, at dahil sa ngiting iyon ay muntik na akong panghinaan ng mga tuhod.
Walang-wala kasi ang mga toothpaste model sa pantay-pantay, at mapuputi nitong mga ngipin, feeling ko nga ay drawing lang ang mga iyon sa sobrang kaputian ng mga ito.
"Salamat," nakangiti ko ding sagot dito.
Matapos ko ngang maiabot ang mga gamit ko dito, maliban na lang sa maliit na backpack na suot ko ay dumiretso na ito sa likod sasakyan, at doon nito nilagay ang mga gamit ko.
Nakangiti pa ako ng naglakad ako patungong passenger seat, ngunit biglang nabura ang mga ngiti kong iyon nang makita kong may iba ng nakaupo sa puwestong iyon.
Kitang-kita ko naman ang takot sa mukha ni Kevin nang mabungaran ako nito ng buksan ko ang pinto sa passenger seat side kung saan ito nakaupo.
Titignan ko na sana ito ng masama, ngunit sakto naman nang bumalik na si Rick sa driver seat, at sakto naman na napatingin ito sa akin.
"Sorry, Jane, gusto ko sanang katabi ang kapatid ko," nakangiti pa din nitong sinabi, at paano ko ba naman mahihindian ito kung ganito ito makangiti sa akin.
Mabigat man sa loob ay sinarili ko na lang ang bagay na iyon, at agad na akong dumiretso sa likurang bahagi. Alam ko naman na saling-pusa lang naman talaga ako sa lakad nilang ito, pero umaasa talaga ako na dahil sa araw na ito ay mas lalong mapapalapit ako kay Rick.
Mabuti na lang talaga, at tahimik lang si Kevin, dahil kahit paano ay nakakapag-usap kami ni Rick, madami akong nalaman patungkol dito lalo na sa pagtira nito sa America.
"Kumusta naman ang buhay sa US?" Tanong ko dito.
"Ok naman din, kaso nga lang hindi ganoon kadali ang buhay sa US, madami akong adjustment na ginawa, at isa na nga doon ang pagiging independent ko," natatawa nitong sinabi na patuloy na nakatingin sa pagmamaneho.
Hindi ko naman mapigilan na ma-imagine ang pamumuhay nito sa US, naiisip ko kasi kung paano itong namuhay habang nandoon ito noon.
Ito ang nagluluto ng para sa sarili niya, naglalaba, naglilinis ng bahay, at kung ano-ano pang mga gawaing bahay na hindi ko ma-imagine na ginagawa nito, ngunit dahil doon ay mas lalo akong napapahanga ni Rick.
Nararamdaman ko kasi talaga ang pagiging responsable nito sa buhay, at naniniwala akong madadala din ni Rick ang bagay na iyon sa oras na mag-asawa na ito, at sisiguraduhin kong ako iyon.
Siguro nga ay kabaliwan na sa parte ko na isipin agad na siya ang makakatuluyan ko. Ano nga bang alam ko sa pakikipagrelasyon, eh wala naman akong naging boyfriend kahit noon, pero sabihin na natin na advance akong mag-isip, hindi ako tulad ng iba na ang nasa isip lang ay ang magka-boyfriend lang.
Kung magkaka-boyfriend kasi ay mas gugustuhin ko na, na forever na ito, siguro nga ay masyado akong optimistic ba ang tawag doon, or dellusional, pero iyon talaga ang gusto kong mangyari kung sakali.
Nagpatuloy ang pagkukuwentuhan namin, hanggang sa mapag-usapan na namin ang personal nitong buhay, especially patungkol sa relasyon nito na pasimple kong tinanong.
"Paano ngayon yan? Eh di, long distance relationship kayo ngayon ng girlfriend mo?" Kunwaring nanunuksong tanong ko dito.
Kita ko naman ang pag-iling na ginawa nito na isa lang ang ibig sabihin, gusto ko ding purihin ang sarili ko dahil ang smooth ng transition ng question ko dito na hindi nito mahahalata na nag-iimbestiga na ako.
"Nagka-girlfriend ako sa US, kaso hindi din nagtagal, dahil masyado akong naging abala sa trabaho ko," tila balewala nitong sagot.
"Sayang naman kung ganoon," kunwari ay nanghihinayang kong sinabi dito, ngunit ang totoo ay halos tumatalon na ang puso ko sa labis na saya, dahil ibig sabihin ay malaya kaming maging kami kung nagkataon, at katulad ng inaasahan ko din naman ay tinanong din ako nito patungkol sa personal kong buhay.
"Well, ganoon talaga, ikaw ba? Hindi ba magagalit ang boyfriend mo sa pagsama mo sa amin ni Kevin?" Tanong nito, sandali nitong tinignan ang kapatid, at saka pa lang namin nalaman na nakatulog na pala ito.
"Naku! Wala akong boyfriend," sagot ko naman dito.
Sandali kong pinakiramdaman kung may ibang dahilan ang pagtatanong nito, ngunit nadismaya lang ako dahil mukhang wala naman itong ibang dahilan sa pagtatanong nito.
"Pero, nagkaroon ka na ng boyfriend?" Curious na tanong nito, and this time ay may na-detect akong interes sa boses nito, o baka masyado lang akong nag-iisip isip at talaga lang na curious lang ito.
"Wala pa, gusto ko kasi ay kung sino ang unang boyfriend ko ay siya na din mismo," sagot ko naman dito na patuloy pa din na palihim na tinitignan nito, kaya naman ganoon na lang ang pagtahip ng dibdib ko ng bigla itong tumingin sa direksyon ko, at dahil sa ginawa nito ay sandaling nagtama ang aming mga mata ni Rick.
Ako na mismo ang unang nag-iwas ng tingin dito, at kahit hindi ko tignan ang sarili ko sa salamin ay siguradong-sigurado ako na namumula ang mukha ko ng dahil sa pagkakahuli nito sa akin na sa kanya ako nakatingin.
"Ok din yan, mukhang ibang-iba ka talaga sa mga kaedadan mo, mas matured kang mag-isip sa kanila," tumatango nitong sinabi na muling binalik ang atensyon sa kalsada.
Napangiti naman ako sa naging papuri nito sa akin, iyon din mismo kasi ang gusto kong makita nito, alam ko kasing di hamak na mas bata ako sa kanya, kaya naman gusto kong iparamdam sa kanya na kahit mas bata ako sa kanya ay hindi naman alangan kami dahil sa pag-iisip ko.
Kalahating oras pa ang nakalipas nang magising si Kevin, at ang unang tinanong nito ay kung nandoon na ba daw kami, ngunit nang malaman nitong malayo-layo pa kami ay naghanap ito ng makakain.
"Don't worry, bili na lang tayo ng pagkain sa madadaanan nating restaurant," nakangiting sinabi ni Rick sa kapatid.
Pagkakataon ko naman iyon para ipaalam sa mga ito ang tungkol sa hinanda kong sandwiches, at juice.
"Baka malayo pa iyon, mabuti na lang may hinanda akong sandwiches," pagsabat ko naman sa pag-uusap ng mga ito.
Dali-dali nga akong dumukwang sa bandang likuran ko para kuhanin ang paper bag na naglalaman ng mga hinanda kong sandwiches.
"Chicken sandwich, o egg sandwich?" Tanong ko kay Kevin.
"Egg sandwich," timid naman nitong sagot, at nang marinig nga iyon ay inabot ko na dito ang naturang sandwich, inabutan ko na din ito ng orange juice para panulak nito.
Sandali ko din naisip na huwag ko kaya itong bigyan ng inumin, baka kung sakaling mabilaukan ito ay magkaroon ako ng pagkakataon para batukan ito, medyo nangangati na din kasi ang kamay ko, pero siyempre hindi nangyari iyon.
"Ikaw, Rick, kumain ka na din, baka nagugutom ka na?" Baling ko naman dito.
"Sige, chicken sandwich naman sa akin," nakangiting sagot nito.
Agad ko namang inabot dito ang hiniling nito, at katulad ni Kevin ay inabutan ko na din ito ng bote ng juice, at dahil nagugutom na din naman ako ay nagpasya na din akong kumain.
Natuwa naman ako dahil mukhang nagustuhan nila ang mga hinanda ko, alam kong basic ang mga iyon, pero ang mahalaga ay nag-effort ako.
"Ayan, Kevin. Tignan mo itsura mo," naiiling kong sinabi nang mapansin kong may mga mayonaise sa gilig ng bibig nito.
Awtomatikong kumilos ang mga kamay ko, at kumuha ng tissue mula sa paper bag na dala ko, at matapos nga noon ay marahan kong pinunasan ang mukha ni Kevin.
Maski ako ay nagulat sa kinilos kong iyon, at nang tignan ko si Kevin ay mukhang nagulat din ito sa ginawi kong iyon, dahil ang huling beses na ginawa ko iyon ay nang dalhin ko ito sa Enchanted Kingdom noong birthday nito.
Naguguluhan ako sa kinilos kong iyon, ngunit naisip ko na lang na pabor din iyon sa akin, dahil nakikita ni Rick ang pagiging maalagain ko.
Hindi na din kami dumaan sa mga fast-food, kaya naman madali na din kaming nakarating sa destinasyon namin. Ilang buwan na din nang makarating kami ni Kevin, pero aaminin ko ay na-enjoy ko ang pamamasyal namin noong araw na iyon.
Nang makababa sa sasakyan ay pumila na si Rick para bumili ng ticket naming tatlo, kaya naman naiwan kaming dalawa ni Kevin.
For some reason ay wala akong nararamdaman ngayon na urge na batukan ito, siguro ay masyado akong good mood kaya papalampansin ko muna ang pagkakataon na batukan ito, at maliban pa doon ay delikado din baka kasi maaktuhan ako ni Rick na sinasaktan ang kapatid nito.
"I have the tickets!" Masayang sinabi ni Rick, at matapos nga noon ay tinulungan kami nito na isuot ang mga iyon.
Akma ko sanang bubuhatin ang paper bag na naglalaman ng mga sandwiches na dala ko, ngunit bigla akong pinigilan ni Rick sa pagtataka ko.
"Bawal daw magpasok ng pagkain sa loob," sagot ni Rick nang mapansin nito marahil ang pagtatanong sa mga mata ko.
Actually, nawala talaga sa isip ko ang bagay na iyon, ngunit hindi ako pinanghinaan ng loob.
"Don't worry ako ang bahala," nakangiting sinabi ko dito.
Curious naman nitong tinignan ang ginagawa ko, at ganoon na lang ang pagkagulat nito nang ilabas ko ang mga gamit sa loob ng isang bag ko, at mula doon ay nilagay ko ang ilang piraso ng sandwich na ginawa ko, at sinigurado kong natatakpan maigi iyon ng mga gamit ko.
"Hindi kaya tayo mahuli?" Nag-aalala, ngunt tila excited na tanong ni Rick.
"Hindi yan! Tara na?" Nakangiting tanong ko dito, at matapos nga noon ay sabay-sabay na kaming naglakad papunta sa entrance.
Sakto naman na lalaki ang nagbabantay doon, at para matuliro ito ay binigya ko ito ng isang ubod-tamis na ngiti, at gaya nang inaasahan ko ay hindi nito masyadong chineck ang bag ko, kaya malaya naming naipasok ang mga sandwich na dala ko.
Hindi ko na masyadong pinansin ang mga dala kong juice, dahil puwede naman kaming bumili, ang mahalaga lang ay ang mga sandwiches dahil pinaghirapan kong gawin ang mga iyon.
Hindi man magsalita si Rick ay alam kong napahanga ko ito sa ginawa kong iyon, hindi naman kasi mahirap sa akin ang gawin ang bagay na iyon.
Sanay na ako sa mga puwede kong gawin para makuha ko ang gusto ko, isa na nga lang ang gusto ko na mukhang kailangan kong mag-effort, at iyon ay walang iba kung hindi ang guwapong binata na nakatutok sa nakakabata nitong kapatid.
Hindi ko na din masyadong pinansin kung sakaling na kay Kevin ang atensyon ni Rick, masaya na din kasi ako na nakasama ako ng mga ito.
Kung saan-saang rides ang sinakyan namin, siyempre kung anong gusto ni Kevin ay doon kami. Ok lang din naman sa akin iyon.
Kung titignan nga ay para kaming isang masayang pamilya, ako ang Mommy, at si Rick naman ang Daddy, at sa kasamaang palad ay anak namin ang lampa, at nerd na si Kevin.
Nang matapos naming sumakay sa Flying Fiesta ay nag-aya naman si Kevin na kumain ng spaghetti na sgad pinagbigyan ni Rick, natuwa naman ako dahil kahit may ibang pagkain ay nagawa pa ding humingi ni Rick ng sandwich na ginawa ko.
Mukhang na-appreciate naman nito ang hinanda kong iyon.
"Wait lang cr lang muna ako," ang sinabi ko sa mga ito nang makahanap na kami ng puwestong makakainan, at matapos nga noon ay dumiretso na ako sa pinakamalapit na cr sa puwesto namin.
Maaga pa naman kaya hindi pa gaanong kadaming tao sa lugar na iyon, at ilang sandali nga lang ay nakabalik na din ako sa puwesto namin kung saan masaya naming pinagsasaluhan ang pagkain.
Nang matapos kumain ay sandali muna kaming nagpahinga para magpababa ng kinain, dala marahil ng pagod, at kabusugan ay nakatulog si Kevin sa upuan nito.
"Maraming salamat, Jane," bigla-bigla nitong sinabi sa akin na labis kong pinagtaka.
"Salamat saan?" Nagtatakang tanong ko dito.
"Basta," makahulugan nitong sinabi na pinagkibit-balikat ko na lamang.
Naisip ko kasing baka nagpapasalamat ito sa mga sandwiches na hinanda ko, at naisip ko ngang kung dahil doon ay thankful na ito ay sisiguraduhin ko pang gumawa ng mga bagay na ikakasiya nito.
Mahigit isang oras din kami sa upuan na iyon, hanggang sa wakas ay magising si Kevin, at matapos nga nitong umionom ng tubig ay muli na naming pinagpapatuloy ang pamamasyal sa buong Enchanted Kingdom.
Gusto ko nga sanang sumakay ng mga extreme rides, ngunit ayaw naman ni Kevin, at ayoko naman na mag-isa lang akong sasakay doon.
Pinangako ko na lamang sa sarili ko na sa oras na maging kami talaga ni Rick ay muli ko siyang aayin sa lugar na ito, but this time, kaming dalawa na lamang para naman mas ma-enjoy namin ang iba pang mga rides sa lugar na ito.
Halatang tuwang-tuwa si Kevin sa pamamasyal naming iyon, hanggang sa dumating na ang oras kung saan mapapanood na sa kalangitan ang fireworks na hinahanda ng lugar na iyon sa pagtatapos ng araw na iyon.
Nang matapos ang fireworks ay saka pa lang kami nagpasyang umalis, at muli ay nakatulog na naman si Kevin, ngunit makikita ang labis na saya sa mukha nito.
Hindi ko alam kung bakit, bigla akong nakaramdam ng parng may mainit na kamay ang humipo sa puso ko nang makita ang saya sa mukha nito, ngunit agad ko iyong inalis sa isip ko.
Akma akong sasakay sa likuran nang pigilan ako ni Rick.
"Mas mabuting sa harap ka na Jane, si Kevin na lang sa likod para naman makahiga siya," suhestiyon ni Rick na labis na nagpagalak sa puso ko.
Hindi na ako tumanggi, at agad na akong sumakay sa passenger seat, habang si Rick naman ay binuksan ang pinto sa likod at maingat na hiniga si Kevin doon.
"Mukhang masaya si Kevin," nakangiting sinabi ko kay Rick nang pinaandar na nito ang kotse.
"Oo, alam ko naman na nalulungkot siya dahil madalas ay wala ang mga parents namin, mas lalo nga siyang nalungkot nang nalayo ako sa kanya," paliwanag ni Rick.
Bigla tuloy akong na-curious kung pareho ba sila ng pinagdaanan nito, kaya hindi ko napigilan mag-usisa dito.
"Kahit noon ba ay busy na masyado ang mga magulang ninyo?" Tanong ko.
"Noong ako pa lang ang anak nila ay hindi pa sila gaanong ka-busy, araw-araw kaming sabay-sabay na kumakain ng hapunan, dahil nakakauwi naman sila ng maaga, itong pinanganak lang si Kevin na masyado silang naging busy, alam mo na, habang nagiging successful ang isang tao ay mas lalo naman silang nagiging busy," sagot ni Rick.
Minabuti kong huwag na lang magkomento doon, dahil sang-ayon ako sa sinabi nito. Oo nga at nagiging successful ang mga magulang sa kani-kanilang mga trabaho, at negosyon, pero hindi pa din nila dapat hinahayaan na maubos ang oras nila sa kanilang mga career.
Pinili kong ibahin ang pinag-uusapan namin, at nagpatuloy iyon hanggang sa makarating na kami sa bahay ko.
"Maraming salamat talaga, Jane. Hindi mo lang alam kung gaano ako ka-thankful sa iyo," makahulugan na naman nitong sinabi.
"Naku, huwag kang masyadong mag-thank you sa akin, para lang naman sandwich ang mga hinanda ko," natatawang sagot ko dito, dahil naisip kong nagpapasalamat pa din ito sa hinanda kong sandwich, at para naman mas matuwa ito ay pinabaon ko na sa kanya ang mga natira namin, at matapos magpasalamat dito ay agad na akong bumaba ng kotse.
Hindi muna ako pumasok sa loob, hanggang hindi nawawala sa paningin ko ang sasakyan nito.
Ilang sandali pa ang nakalipas hanggang sa mawala na sa paningin ko ang kotse ni Rick, at saka pa lang akong pumasok sa loob.
Sandali muna akong nagpahinga, at matapos noon ay naligo na din ako, at nagpalit ng pambahay, hanggang sa makahiga na ako sa kama ay hindi pa din nawawala ang ngiti sa mga labi ko sa sayang nararamdaman ko sa pagkakasama ko kay Rick, umaasa talaga ako na mas mapapalapit ito sa akin, at sana ay magustuhan din ako nito.
Hanggang sa makatulog ay si Rick pa din ang nasa isipan ko.