Chapter Ten
SANYA
"DITO na ba iyon?" maya maya ay tanong niya saka itinigil ang side car sa tabi.
In-on ko ang hawak kong flashlight saka nilibot ng tingin ang paligid.
"Oo, dito," kako saka bumaba na rin ako.
Nagsimula na akong tahakin ang makitid na daan sa gitna ng palayan.
Ngunit nakailang hakbang pa lamang ako nang biglang maramdaman ko ang pagdampi ng isang nakakadiring palaka sa aking paa.
"Mamaaaa! Dios ko, wahhh! Layas! Ayaw ko sa'yo!" sigaw ko sa palakang mabulutong ang katawan.
Dahil sa takot at pandidiri ko ay nakahawak na pala ako sa matigas na braso ni Mon, na ngayon ay humahagalpak na sa tawa.
"Pucha, takot ka diyan? Eh ang laki-laki mo kumpara sa palakang 'yan,"
"Gago! Mabulutong nga 'yong katawan eh!" sigaw ko sa kanya at muli akong napahiyaw dahil naramdaman ko muli na may tumalon na palaka sa paa ko.
Kaya ang ending ay pareho kaming natumba sa palayan.
"Pucha, pareho na tayong basa,"
"Eh bwisit naman kasi 'yang mga palaka eh. Sana hindi na lang ako sumama," reklamo ko.
Maginaw pa naman kaya mabilis akong bumangon dahil naririnig ko pa ang sabay-sabay na pag "kokak" ng mga palaka. Nakakadiri. Nakakapanindig balahibo.
Eversince, I hate frogs. Their wicked voice and awful look horrifies me.
"Mama, ayoko na rito," iyong takot na takot ako at hindi ko na alam ang gagawin ko kundi umiyak na lang dahil kahit saan naman ako magpunta ay may palaka.
"Tsk," mabilis na lumapit si Mon saka ako tinalikuran at yumuko.
"Sakay na," dagdag niya pa.
"To-totoo?" nabuhayan ako ng loob.
Kahit nakakahiya ay gagawin ko dahil mamamatay ako sa takot kung patuloy akong guguluhin ng mga palaka.
Tumataas pa ang balahibo ko sa tuwing nararamdaman ko ang pagdampi ng balat nila sa balat ko.
Mabilis akong sumakay sa likod niya at pinulupot ko ang braso ko sa leeg niya sa takot na mahulog ako.
Tahimik lang siya.
"Ang gaan mo. Malnourished ka yata eh. Kumain ka nga nang marami," sadyang sexy lang ako.
Hindi niya ma-appreciate ang pagiging slim ko. Pero proud ako dahil may laman naman ang puwit ko, hinaharap lang ang wala.
Hindi na lang ako umimik. Hindi mawala sa isipan ko 'yong imahe ng mga tumatalon na palaka.
Tila nabunutan ako ng tinik sa leeg nang makarating kami sa kubo.
Binaba niya ako sa upuan, "salamat."
"Ayos lang, basta ikaw," wow naman, hindi yata niya ako inasar.
"Eh paano na, basa tayo oh?" medyo giniginaw na rin ako.
"Ayos lang sa akin. Ikaw, tanggalin mo na 'yang basang damit mo. Baka magkasakit ka," napataas ang isang kilay ko sa sinabi niya.
Narinig ko siyang tumawa, "Kung ano-ano na naman kasi ang iniisip mo."
"Kung gano'n ay ano ang ibig mong sabihin? Bakit naman sana ako maghuhubad? What if makita mo 'yong ano ko?"
"Napaka manyak ng isipan mo, Sanya. Maghubad ka na dahil may iniwan akong t-shirt dito kanina bago tayo umuwi,"
"Ahh okay. Sorry naman. Malay ko ba kung may binabalak ka pala sa akin,"
"Tsk, saka pa iyon," rinig kong bulalas niya.
"Anong saka pa?"
"Wala," tumayo siya at nilapitan ang damit na nakasabit sa dingding saka hinagis sa akin iyon, "Isuot mo na 'yan. Huwag kang mag-alala, malinis yan. Pawis ko lang naman ang mayroon diyan at alam kong gustong gusto mo namang amuyin,"
"Confident," sagot ko na lang. Pero totoo naman 'yong sinabi niya. Of all scents, his' is my favorite, arghhh. Adik na ba ako?
No, ayokong matokhang. Hindi naman siguro kasalanan ang maadik sa amoy ng isang tao eh.
Hindi ko pala dala ang cellphone ko. Mabuti na lang, kung hindi ay nabasa rin sana iyon.
Naisuot ko na rin ang shirt na binigay ni Mon. He's really gentleman. Pero ubod ng suplado.
Sa pagkakaalam ko ay friendly siya, but he's acting strange. May posibilidad kaya na… nagseselos siya dahil kay kuya Reese at Joey? Shet, masyado yata akong ilusyonada.
Sa pagkakatanda ko ay ako ang dapat magsungit dahil masyado siyang malapit sa mga babae, gayong pinaparamdam niya sa akin na he likes me too.
Does he?
Maingay pa rin ang umaandar na makina ni papa. Mabuti na iyon upang hindi masyadong awkward ang makasama siya sa isang madilim na lugar.
Maya-maya pa ay naisipan kong putulin ang katahimikan sa aming pagitan.
"Ah Mon, bakit sobrang masunurin mo yata kay papa?" kunwari ay natatawa ako.
"Wala lang, parang gusto ko lang... Ibig kong sabihin ay gustong gusto ko 'yong pakiramdam na nakakatulong ako,"
"Wow, sana all,"
"Totoo iyon, Sanya. Siguro ay nami-miss ko lang din si tatay," natahimik siya ng ilang sandali.
"Bakit? Nasaan ba ang tatay mo? Nagtrabaho ba sa malayo? O baka pumanaw na? Sorry sa word hah?" ako.
"Hindi. Wala sa sinabi mo ang dahilan. S-si tatay ay nakulong, ilang taon na rin siyang nagdurusa sa kulungan, gayong wala naman siyang kasalanan," napakalamig ng boses niya ngayon.
Tila ba nangangailangan ng kalinga at init upang maibsan ang kanyang kalungkutan.
Gusto kong sabihin na tumigil na lang siya kung hindi niya pa kayang ikwento ang tungkol sa personal na isyung iyon, ngunit pakiramdam ko ay matagal na siyang nagdaramdam.
Kaya hindi na lamang ako nagsalita o nagkumento dahil sa tingin ko ay iyon ang kailangan niya sa ngayon.
"Alam mo, Sanya, ang sabi nila ay spoiled ang bunso... Iyong nakukuha ang gusto. Ngunit ako, heto... bunso pero tumigil ako sa pag-aaral para lang matustusan ang pangangailangan namin ni nanay,
Ayaw kong magdusa si nanay para lang makamit ko ang ninanais ko. Kaya nagsakripisyo ako. Ang mga kapatid ko naman ay may kanya-kanya ng pamilya. Ayaw ko namang umasa sa kanila,"
Maswerte pala kami ni Sally kung gano'n. Oo nga't working student ako ngunit hindi naman ako sobrang nahihirapan dahil kung kulang man ang allowance ko, nariyan naman sila mama para saluhin ang dapat nilang saluhin bilang mga magulang.
Bahagya akong nakaramdam ng awa sa kanya. Friendly siyang tao at masayahin. Iyon ang pagkakakilala ko sa kanya.
Ngunit nagkukubli pala ang sakit na nadarama niya sa kanyang mga mata.
"Ano bang inaasam asam mo sa buhay?" malumanay kong tanong. Ayaw kong sirain ang pagkakataon na ito para makilala ko siya nang lubusan.
"Ako? Bata pa lang ako ay mahilig na ako sa larong baril-barilan. Noon pa man ay pinangarap ko ng maging isang pulis. Iyong pulis na may prinsipyo at paninindigan," natahimik siya at muling nagsalita.
"Iyong pulis na magbibigay kapayapaan, hindi iyong lalong pahihirapan ang mga mahihirap... Hindi iyong pulis na maniniwala sa kasinungalingan at masisilaw sa kayamanan, kaya sa huli'y tungkulin nila ay napapabayaan,"
May pinaghuhugutan nga siya. Siguro ay iyong nangyari sa tatay niya kaya gano'n na lang kalalim ang hugot niya sa buhay.
This is him. Isang Mon-mon na pinapakita ang kanyang kahinaan sa akin.
Malamig ang gabi ngunit mas malamig ang mga mata niya.
Bumaling siya sa akin.
"Ikaw, bakit ang sungit mo sa akin? Kung hindi pa kita aasarin ay hindi mo pa ako papansinin. Ayaw mo ba sa akin?"
Natahimik ako. Gusto kong magbiro upang mawala ang pagiging awkward ng sitwasyon ngunit baka hindi niya iyon masakyan.
"Okay lang kung hindi mo sagutin iyong tanong," bahagya siyang natawa.
"Sabagay, sino ba naman ako para maghabol pa sa'yo. Alam mo naman sigurong gusto kita. Pero sa dami ng manliligaw mo ay talo nga ako,"
Magsasalita pa sana ako ngunit tumayo na siya, "Papatayin ko na 'yong makina. Mag-aalas dyes na pala."
Tumigil siya sa paglalakad at nagsalita nang hindi man lang ako binalingan ng tingin.
"Oo nga pala, huwag kang maawa sa akin, Sanya. Ayaw kong kinakaawaan ako," at humirit pa ng hugot.
Pinanood ko na lang ang likod niyang lamunin ng dilim palapit sa maingay na makina.
Maya-maya pa ay may narinig ako daing, "Pucha, arayyy. Pambihira naman oh,"
Mabilis kong kinuha ang flashlight saka nilapitan si Mon na ngayon ay nakasubsob ang mukha sa makitid na daanan. Ayan, nagdrama pa kasi, natapilok tuloy.
Natatawa akong nilapitan siya, "May pa walk out pang nalalaman, wala naman palang dalang flashlight."
"Tsk,"
UMUWI kami sa bahay nang tahimik. Nag-flashback na naman ang isipan ko doon sa sinabi niya kanina tungkol sa mga hinaing at hugot niya sa buhay.
Napaka swerte ng magiging asawa niya. May prinsipyo at pangarap sa buhay si Mon.
Saludo ako sa kanya.
Ang pagiging humble niya at kabaitan ay sapat na para saluduhan.
I just feel like proud of him. I don't know. Basta pakiramdam ko ay makakamtan niya rin ang mga pangarap niya sa buhay balang araw. Parehong-pareho kami.
Fourth year college na ako at kaunti na lang ay magkakaroon na ako ng diploma at degree.
Ngunit wala kaming pinagkaiba ni Mon, pareho kaming determinadong makapagtapos sa pag-aaral.
Iyon ang mahalaga, basta magtiwala ka, makakamit mo ang gusto mo sa buhay. Basta't samahan lang ng dasal at pagpapakumbaba.
PAGKAUWI namin ay tulog na sila mama at papa.
Si Sally ang napag-utusang hintayin kaming umuwi ni Mon.
"Ahh kuya, sabi ni papa ay iuwi mo na lang daw muna iyong motor kaysa maglakad ka," si Sally.
"Oo nga eh, lalo na't gabi na," sabad ko.
"Pero kung gusto mo, dito ka na lang matulog kuya," nakangiting saad ni Sally kaya medyo naalibadbaran ako.
Iba kasi 'yong dating sa akin. Parang nakikipagharutan.
"Bawal siyang matulog dito, Sally,"
"O siya, uuwi na ako. Gabi na rin," saad naman ni Mon at lumabas na saka pinaandar ang motor ni papa.
KINAUMAGAHAN, alas syete na ako nagising. Usually ay alas kwatro o alas singko ako nagigising dahil nag-aaral muna ako at nang makapaghanda papasok sa school.
Pero dahil Sunday ngayon, ayos lang kahit anong oras ako magising. Iyon nga lang, kailangang hindi lalagpas sa alas siyete y media dahil raratratin talaga kami ni mama.
The best rapper in the world eh.
Bumangon na rin ako para magkape at sakto namang nasa hapag na silang lahat. Umupo na rin ako para mag-almusal.
Tinanong ni papa kung anong oras kaming umuwi ni Mon at kung napuno ba ng tubig ang palayan.
Sinagot ko naman siya at nagpatuloy sa pagkain ng almusal.
"Oo nga pala Sanya, pakibigay kay Sabel iyong mga gulay sa basket," tinuro niya ang basket na may bulaklak ng kalabasa at mga sitaw.
"Sakto ibigay mo na rin mamaya itong pera kay Mon. Hindi naman pwedeng libre ang mga pagod niya sa palayan gayong napakasipag ng batang iyon," sabad ni papa.
Pumayag naman ako dahil hindi naman ako abala ngayong araw. Saka mamayang tanghali ko sisimulan ang pagbabasa ng notes ko.
Pagkatapos naming kumain ay naligo na ako dahil nahihiya naman akong magpakita kay Mon na amoy kama pa.
Malay ko ba kung may muta pala ako, edi ibu-bully na naman niya ako.
Sinuot ko ang plain v-neck shirt ko at ang shorts ko na hindi naman sobrang iksi. Iyong sakto lang.
Nagpulbo rin ako at naglagay pa ng kaunting liptint sa labi upang hindi naman magmukhang pale ang labi ko.
Bago ako lumabas ay inabot sa akin ni papa ang 500 pesos na ibibigay ko raw kay Mon at kinuha ko na rin ang basket na may mga gulay.
Sa kanang kamay ko ay hawak-hawak ko ang payong dahil masakit na sa balat ang sinang ng araw.
Maglalakad lang kasi ako dahil medyo malapit lang naman ang bahay nila Mon-mon
"Anak hah, iwas iwas sa mga lalaking gustong pumorma sa'yo. Kung gusto ka nilang ligawan ay sabihin mong kami muna ang ligawan nila," si mama.
"Opo ma, opo. Hindi naman ako nagpapaligaw sa kanto eh,"
"O siya, basta't bawal muna 'yang ligaw ligaw na 'yan,"
"Opo mama. Sige na po, gagayak na ako," paalam ko saka tinahak na ang daan papunta kila Mon.
May mga lilim naman sa kalsada ngunit sa kantong papasok kila Mon ay mga kabahayan na doon.
Napakunot ang noo ko nang makarinig ako ng sipol.
"Wow chicks,"
Sinamaan ko ng tingin ang lalaking nakaupo sa tabi ng kalsada habang humihithit ng yosi.
Mukhang menor de edad pa ito. Payat at kulot ang kanyang buhok.
Matapang ko siyang hinarap. Mabuti na lang at mag isa siya.
"Unang una sa lahat, hindi ako manok para tawagin mong chicks. Tao ako. Tao. Pangalawa, bata ka pa, kapag ni-report kita sa pulis dahil sa paglabag mo sa anti-bastos law ay sigurado akong kukunin ka ng DSWD. At higit sa lahat, kita mo ang bahay na 'yan?" tinuro ko ang bahay ni Mon.
Mukhang pa cool kid pa ang lalaki.
"Nobyo ko ang lalaking nakatira diyan. Nobyo ko si Ramon Malaya. Malaki ang pangangatawan no'n kaya sigurado akong kapag tinawag mo pa akong chicks sa susunod na mapadaan ako rito ay bali bali ang buto mo dahil isusumbong kita. Naiintindihan mo?"
Nawala ang inis ko nang makita ang takot sa mukha ng lalaki.
Gusto kong matawa nang kusa itong kumaripas ng takbo. Marahil ay natakot sa aking sinabi.
Naks, kinatatakutan pala ang boyfriend ko. Gano'n na ba ako kaganda para paniwalaan niyang jowa ko si Mon?
Gosh, self-proclaimed girlfriend na pala ako ngayon. Though, I like it.
Mon and I together sounds good.
Ngunit biro lang iyon. Bawal pa, bawal.
End of chapter 10.