HALOS mabaliw si Aiden sa kakatawag kay Apple pero hindi nito sinasagot ng dalaga. Noong una ay pinapatay nito ang tawag niya pero kalaunan ay nakapatay na talaga ang cell phone nito dahilan para hindi na niya ito ma-contact. Napasabunot siya sa sariling buhok habang nakaupo sa kama. Hindi niya alam kung saan ito pumunta. Gabi na at hanggang ngayon ay hindi pa din ito nakakauwi. Sinundan niya ito kanina sa paglabas ng kompanya niya pero hindi na niya ito naabutan kaya naman agad siyang umuwi para makausap ang dalaga at para makapagpaliwanag dito. Pero sa pag-uwi niya ay malalaman niya na lang na hindi pa pala ito umuuwi hanggang sa maggabi na nga. Nag-aalala na siya para dito. Hinanap na niya ito pati na din sa mga bar dahil baka naglalasing na naman ito pero hindi niya ito nakita doon.

