Maingat akong naglalakad habang nakasunod kay Sam. Pumasok lang siya basta sa isang malaking mall. Pero sa totoo lang nanliliit ako sa sarili ko habang pinapasadahan ng tingin ang bawat masasalubong naming ilang mayayamang tao.
Ilan sa mga ito ay nagkikislapan pa ang mga alahas na suot. May iba namang may kasunod pang katulong na siyang nagdadala ng mga gamit na pinamili sa loob. Pero ang mas nakakuha ng buo kong atensyon sa isang malaking flat screen monitor na nasa gitna.
Sa unang pagkakataon ngayon lang ako nakakita ng ganitong klaseng lugar, maski ang sahig ay purong tiles.
Habang naglalakad sa sobrang kintab na sahig tila nanghihinayang akong magasgasan ang tiles na sahig, kaya't dahan-dahan lang akong naglalakad, umiiwas gumawa ng kahit anong ingay o makakuha ng atensyon sa ibang nandito.
Saka ko lang ipinagsawalangbahala iyon ng mapansing malayo na si Sam sa akin. "Ano‘ng ginagawa natin dito?" nagtatakang tanong ko.
Kung ikukumpara sa mga tao rito ay tila nasa loob ako nang isang palasyo. Samantalang nakasuot lamang ako ng uniporme tulad ni Sam, mabuti pa si Sam nadadala ang sariling kabilang sa mga mayayaman ‘di tulad kong mukhang basahan kahit ano pang gawin ko.
"Maglilibang muna," nakangiting sabi niya.
"Dapat sa park na lang," katwiran ko.
"Saka na tayo magpunta ng parke kapag um-okay ka na."
Pumasok kami sa isang kuwartong transparent ang dingding kaya't kita sa labas ang ilang staff marahil ng lugar habang abala sa bawat ginagawa.
Isa itong beauty salon. Humarap sa akin si Sam at sandaling pinagkatitigan ako. Napataas tuloy ako ng isang kilay.
Natawa naman siya sa reaksyon ko. "Aw. That's cute." Napapiksi ako ng basta niyang hinawakan ang buhok ko. "You need a new haircut."
Balot ng pagtataka ay sinundan ko siya ng tingin nang lapitan niya ang babaeng nakatayo sa hindi kalayuan.
"Ha? Bakit naman?" curious kong tanong nang sinundan ko siya. Marami namang nagsasabing maganda ang mahaba't bagsak kong buhok.
"You have to at least enjoy what other women do. Hindi mo kailangan mag-alala. Ako ang bahala sa lahat ng babayaran natin ngayong araw."
"Hindi kita maintindihan Sam?" Napaatras ako bigla habang pilit iniintindi ang sinabi niya.
"Alam kong gusto mo si Ulrich."
Natigilan ako nang muling marinig ang pangalan ni Ulrich, kanina lang gusto kong isumpa ang sino mang magbabanggit ng pangalang iyon sa harap ko.
Napabaling ako sa ibang direksyon pilit iniiwas ang mga mata ko kay Sam. "I thought you will deny it. I'm glad you don't. Gusto lang kitang tulungan. Alam kong marami kang iniisip ngayon, but you still deserve to rest."
Tumalikod ako at nakaka-isang hakbang pa lang ang nagagawa ko pero naramdaman kong pinigilan ako ni Sam. "Frexa, please. Let me help you."
Nilingon ko siya at agad tumambad ang mga nangungusap niyang mga mata.
"Hindi ko naman sinabing tulungan mo ko," bakas ang iritasyon sa boses ko.
"B-but." Tiningnan ko siya ng masama.
"Hindi ko alam ang dapat isipin tungkol sa 'yo, Sam. Pero salamat dahil kahit papaano ay nakalimutan ko sandali ang tipaklong mong pinsan. Pero sana naman hindi ka gagawa ng kahit anong bagay para lang magustuhan niya ko."
Umiling-iling siya na ipinagtaka ko. "Hindi iyon ang ibig kong sabihin, huwag ka sanang ma-offend. I'm sorry."
Kapwa kami natigilan ng may magandang boses na pumailanlang sa buong lugar.
"Samuel!" Sabay kaming dalawa na napatingin sa babaeng patakbong patungo sa direksyon namin.
Sa totoo lang lubhang mapanganib ang pagtakbo nito dahil nakasuot pala ito ng two inches na high heels at madulas maging ang sahig. "How have you been Samuel?!" nakangiting bungad nito. Nangingislap maging ang mga mata nito nang tuluyang nakalapit sa amin.
Animo'y may isang anghel ang bumaba mula sa kalangitan para lang lapitan kami. Kahit sino ay hindi magsasawang pagmasdan ang napakainosenteng mukha niya.
"Lian?" tanong ni Sam na kunot ang noo. "Is that already you?!" gilalas ni Sam kalaunan.
Lian? Sandaling natahimik ako at tinigtigan ang bagong babae.
"Yes, I am! Matagal-tagal din akong hindi nakabalik dito sa San Agustin!" wika ng babaeng nagngangalang Lian. Naaalala ko na siya iyong nakabangga sa 'kin sa hallway.
Napabaling ito sa akin at tila kinikilala ako. "Wait, I think I already saw you before!" nakangiting bulalas niya. Maging ang boses niya ay napakaganda, nakahahalinang tila musika sa pandinig. "You're the girl in Saint Anna Academy, right?" pagkaraa'y tanong niya.
Marahang tumango ako. "Oo."
Nangingislap ang mga mata niya. Para siyang tunay na anghel na bumaba sa lupa. "Kumusta ka na? May masakit ba sa 'yo?" agad napalitan ng pag-aalala ang magandang mukha niya.
"Wala naman po."
Mahinang tinapik niya ang balikat ko at tumawang animo'y napasaya ko ang isang anghel. "Huwag mo naman akong i-po, feeling ko tumatanda na ‘ko." Binuntutan pa niya 'yon ng malutong na halakhak na hindi nakaka-offend. Maganda kasi 'yon sa pandinig.
"Do you know her Lian?" sabat ni Sam.
Tumango naman ang una. "Yeah. I've met her in Saint Anna." Hindi maalis-alis ang mga ngiti sa labi ni Lian. Napakapayapang pagmasdan ang bawat ngiti at pagtawa niya.
"Gano'n ba. Ano nga pala ang ginagawa mo rito?" tanong ni Sam kay Lian.
"Well, nagkita na nga pala kami ni Ulrich last week. He asked me if I can buy him new pair of sports’ shoes."
Huminto ang lahat ng bagay sa paggalaw at natuon ang buong atensyon ko sa kaharap. Lian Moore.
***
Naaalala ko na siya dahil hindi sinasadyang napanood ko sa telebisyon ang pagbibigay award pagkatapos siyang mapili sa isang prestihiyosong play sa France noong nakaraang taon. Hindi naman kagulat-gulat kung magkamit din siya ng ilang karangalan bilang pinakamagandang babae sa mundo.
Sa hula ko ay mga nasa dalawangpu o higit pa ang edad niya, pero hindi gaanong halata dahil mukha siyang bata. Malalantik niyang mga pilikmata na talagang natural, maging ang hugis ng mukha, she has this perfect sculptured face. Walang kahit anong maipipintas kay Lian, siguro ang pagiging mabait at friendly niya sa kahit sino.
"Anyway, where do you live Frexaline?" tanong niya nasa kabilang upuan siya at abalang isinasaayos ang gusto niyang hairstyle ng dalawang hairstylist sa likod niya.
Tulad niya ay mayroon ding nag-aayos sa akin. "Malapit sa bayan," nahihiya kong sagot.
"Puwede bang bumisita ro'n para naman makapamasyal ako?" tanong niya ulit at muling tumawa.
Bahagyang nagulat ako dahil wala ni ano mang panlalait o pagmamaliit na nagmula sa kanya.
"Alam mo ba noong nandito pa ako nakatira bago lumipat sina Mommy sa Amerika, madalas ako mismo ang namamalengke kahit palagi rin akong napapagalitan ng Yaya Meding ko noon. Ginagabi ako kapag namamalengke at saka puro mali raw 'yong pinapamili ko kaya nag-aaksaya lang daw ako ng pera. ‘Tapos sabi pa nga niya baka raw maligaw ako, eh samantalang maliit lamang ang San Agustin sa Manila. Nagtataka nga ako kung bakit ‘di pa sanay si Yaya Meding kapag ako mismo ang namamalengke ay nakauuwi rin naman ako," mahabang kuwento niya hindi pa rin matigil sa katatawa.
Muntik pang magkamali ang isa sa mga hairstylist sa likod niya sa pagkilos niya. "It's all right. Kahit kalbuhin n‘yo pa ‘ko okay lang, malikot naman talaga ako," assurance niya sa dalawa.
Nabibilib na talaga ako sa taong kinakausap, kung magkakaroon ng bagong Santa isa-suggest kong maisama si Lian sa mga 'yon. Patuloy lang siya sa pagkukuwento ngunit hindi ko na nagawa pang makinig dahil... batid kong may ugnayan sila ni Ulrich.
Sandaling napatingin ako sa kanya pero agad ding ibinalik ang atensyon sa binabasa kong magazine. Napahawak ako ro'n nang mahigpit. Ang mismong front page niyon ay litrato ni Lian habang kasama si Ulrich. Latest lang ang published na magazine dahil sa tatak.
"Matagal na ba kayong magkakilala ni Ulrich, Lian?" nahihiya kong tanong.
"We're living in the same house when we're in San Francisco. Do you perhaps know him too?" aniya.
"Oo, magkaklase kami," tugon ko kahit hindi siya nililingon.
Nabasa ko ang ilang nakasulat sa loob ng magazine kaya't hindi maitatangging may namamagitan sa kanila ni Ulrich. Kanina pa talaga ako hindi makatatagal kung hindi lang umalis si Sam dahil nasa spa section ito na para lang sa mga lalaki.
Ayoko namang umuwi dahil paniguradong sermon ang aabutin ko kay Nanay. Masakit man kasama ang taong unti-unti na dinudurog ang puso ko sa reyalisasyon ay wala akong ibang magawa kundi magtiis at isiping simula mamaya kailangan ko ng isaksak sa utak kong imposible para sa akin magustuhan ng tulad ni Ulrich, dahil isa lang naman akong hamak na nagtitinda sa palengke ng gulay, mahirap at mukhang basahan.
Nakaramdam muli ako ng munting kirot sa puso ngunit pinilit ko na lang ipagsawalangbahala. Alam kong makalilimot din ako. Alam kong matatagalan dahil nitong mga ilang araw naging si Ulrich ang dahilan upang maibsan ang ilan sa mga problema ko, pero ano pa ba ang magagawa ko kung nandito na si Lian na para talaga sa kanya.
Muling napunta sa hawak kong magazine ang mga mata ko. Ibang-iba talaga si Ulrich sa magazine kaysa sa personal. Mas gwapo kasi siyang tingnan kapag nakangiti.
Pagkatapos na maayos ang buhok ni Lian ay nagpaalam na rin siya at agad umalis dahil may gagawin pa raw itong ilang importanteng bagay. Naiwan ako sa upuan ko.
"Ang swerte mo naman kilala mo pala si Miss Lian!" narinig kong wika ng isang hairstylist sa likod ko. Napansin kong patapos na rin siya sa akin. "‘Tapos na po Ma'am," aniya.
"Salamat po."